“MAGKWENTO ka na!” Pabagsak na ipinatong ni Almira ang mga libro nito sa ibabaw ng mesa. Pagkatapos ng klase nila ay nagyaya ito sa paborito nilang tambayan. Cofee shop iyon sa umaga, bar naman sa gabi.
“Eh, bakit dito?” Nasa second floor sila ng shop. Iilan lang ang mga taong nag-i-stay sa lugar na iyon kapag bukas na ang bar. Karamihan sa mga nag-i-inuman doon ay ‘yung mga taong ayaw sa maingay.
“Dahil nai-stress ako, ” nakabusangot na sagot nito. “Nakaka-stress na sa academics, nai-stress pa ako sa kaibigan ko!”
“Hoy! Bakit ako? Wala akong ginagawa, ha!”
“Ayun na nga, best! Wala kang ginagawa. Basta ka na lang pumapayag na saktan-saktan ng ate mo! Try mo kayang lumaban, ‘di ba?”
“Umiiwas lang ako sa gulo. Kilala mo naman si Ate, ‘di ba? Kapag lumaban ako, mas lalong hindi niya ako titigilan.”
“Tsk! Ewan ko ba kung bakit wala sa mental ‘yang ate mo. Dinaig pa niya ang mga may saltik!”
“Pagpasensiyahan mo na lang.”
“Oh, ‘yung tsismis na kabit ka? Na sumama ka sa matandang lalaking may asawa na? Ano ‘yun? Anong drama na naman ng ate mo?”
“Okay, ganito kasi ‘yun. Iyong sinasabi ni Ate na pinalayas ako, hindi ‘yun totoo. I actually runaway from home, best.”
Nanlaki ang mga mata ni Almira at sumenyas sa mga daliri na magpatuloy siya sa pagkwento.
“Nung minsan kasing umuwi ako, nakita ko ‘yung piggy bank ko na wala ng laman. Nung tinanong ko si Mama kung sino ang kumuha, ayon, nagalit sa’kin, pinagsasampal ako, pinagtatadyakan at binasag niya yung mga bote ng alak sa katawan ko.” Nag-umpisang mamuo ang mga luha sa mga mata niya.
“Sobrang sama ng loob ko. Higit pa sa pisikal na sakit yung sakit na nararamdaman ng puso ko. Pera ko ‘yon, eh! Pinag-ipunan ko. Tapos bigla na lang mawawala. Nung hindi ko na kinaya, tumakbo ako palabas ng compound. Hindi ko alam kung ano pang mga nangyari basta paggising ko, nasa oospital na ako.”
“Oh, my God! Best, hindi ko alam. Hindi ko alam na gan’on pala ang nangyari sa’yo. I’m sorry, best.”
“Tatlong-araw ako sa ospital. Nung ma-discharge ako, nalaman ko na lang na kasal na ako.”
“Teka! Tama ba ‘yong narinig ko? Kasal? As in marriage?” paglilinaw ni Almira. Nang tumango siya ay nalalaglag ang panga nito. Ilang beses nagbukas-sara ang bibig nito.
“Pineapple juice lang ang iniinom ko, pero parang bigla akong nalasing sa mga kwento mo. Una, ninakawan ka, tapos binugbog, na-ospital. Tapos ngayon sasabihin mo sa’kin na kasal ka na? Aba, matinde!”
“Seryoso ako.”
Tinitigan lang siya ni Almira at pagkatapos ay tumawag ng waiter para um-order ng alak. Sinubukan niyang pigilan ito ngunit talagang desidido itong magpakalasing.
“So, my bestfriend’s married. Paano nangyari ‘yon? Kanino? Sinong napangasawa mo? Anong klaseng tao siya? Pinilit ka ba niya? Pinagsamantalahan ka ba? Ano? Bakit ka niya pinakasalan?” sunud-sunod na tanong ni Almira. Pagkalapag ng alak ay agad na nilagok nito iyon.
“Best, kalma. Hindi siya masamang tao. Hindi niya ako pinilit, hindi niya ako pinagsamantalahan. Thankful pa nga ako sa kanya kasi siya ang nagligtas sa’kin. Though hindi ko pa talaga alam kung bakit niya ako pinakasalan. Kahit bago lang kaming magkakilala, alam ko na mabuting tao siya. Nararamdaman ko iyon.”
“Pero, best, sa pelikula lang ‘yong mga instant kasal na ‘yan! Sigurado ka ba na hindi ka lang ginagamit ng taong ‘yan?”
“Hindi ko alam. Basta ang alam ko lang, kasal kami.”
“Argh!” Ipinatong ni Almira ang noo sa mesa. “Mala-pelikula talaga ang buhay mo, Aya! Pang-blockbuster!”
“Minsan, gusto ko nang sukuan ang buhay. Pero sa t’wing pasuko na ako, laging may dumarating na munting pag-asa. Mahal pa rin talaga ako ng Panginoon. Bukod sa sinabi ni Kurt na gusto niya akong protektahan mula sa mga magulang ko, hindi ko na alam kung anong plano niya sa’kin. Siguro sa ngayon, go with the flow muna ako. Nakakapagod na din kasing mag-isip,” pagpapatuloy niya at nilagok ang alak sa kanyang harapan.
“Kurt? Tunog gwapo! Let’s party, best! I-celebrate natin ang kasal mo!” Tumayo si Almira at hinatak siya nito patayo.
Malakas na tugtog at maharot na mga ilaw ang sumalubong sa kanila nang makababa sila sa bar. Agad siyang hinila ni Almira sa gitna ng dancefloor.
Walang pinalampas na sandali ang kaibigan. Nakiindak ito sa mga taong nagsasayaw sa gitna ng dancefloor.
“Let’s dance. Wuhoooo!”
Napapailing na lamang siya habang pinapanood nag kaibigan. Pinipilit nito na sumayaw rin siya ngunit nanatili siyang nakatayo hindi kalayuan sa kaibigan.
Hindi nagtagal ay nakaramdam siya nang pangangawit sa pagtayo, Pabalik na siya sa kiinauupuan nang biglang may humawak sa palapulsuan niya.
Paglingon niya’y hindi niya inaasahan ang taong sumalubong sa kanya.
“K-Kurt!” bulalas niya.
Madilim ang mukha nito at walang sabi-sabing hinila siya palabas ng bar.
“Kurt, hindi ko pwedeng iwan ang kaibigan ko.” Buong lakas na binaklas niya ang pagkakahawak nito sa kanya.
“Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala sa’yo, Aya! Ano’ng silbi ng cellphone mo kung hindi mo naman sasagutin ang mga tawag ko?!” bulyaw nito.
“I’m sorry. Naka-silent kasi ang cellphone na ibinigay mo.”
Humugot nang malalim na hininga si Kurt at muli siyang hinawakan sa palapulsuan. “Let’s go home. Ipapahatid ko ang kaibigan mo,” sabi nito at hinila na siya nang tuluyan palabas ng bar.
Inalalayan siya ni Kurt sa pagsakay sa sasakyan nito ngunit hindi niya inaasahan na pagbabagsakan siya nito ng pinto.
Napakagat-labi na lamang siya sa ginawa nito. Habang pauwi, walang umiimik sa kanila. Seryoso ang tingin ni Kurt sa daan at mababakas sa mga kamay nito ang mahigpit na pagkakahawak sa manibela.
Pagdating nila sa condo ay dumeretso na agad si Kurt sa itaas. Ni hindi na nito binati si Manang Fe na nag-aalalang sumalubong sa kanila.
“Anong nangyari sa’yo, anak? Maayos ka ba?” puno ng pag-aalalang tanong ni Manang Fe sa kanya.
“Opo. Maayos ho ako, Manang. Pasensiya na po at pinag-alala ko kayo.”
“Alalang-alala sa’yo ang asawa mo. Sige na, sundan mo na siya sa itaas.”
Pumanhik si Aya at pumasok sa sariling kwarto. Kahit na halos tatlong linggo na silang magkasama sa iisang bubong ni Kurt at mag-asawa na ay hindi sila nagsasama sa isang kwarto.
Habang naliligo, iniisip ni Aya kung paano niya kakausapin si Kurt. Gusto niyang humingi ng paumanhin at magpaliwanag sa asawa ngunit hindi niya alam kung paano uumpisahan.
Pagkatapos niyang maligo at magbihis ng pantulog, lumabas siya ng kwarto at nagpunta sa kwarto ni Kurt. Nang nasa tapat na siya ng kwarto nito, ilang beses siyang huminga nang malalim para humugot ng lakas ng loob.
Tatlong beses siyang kumatok sa pinto. Naghintay siya ng ilang segundo pero hindi siya nito pinagbuksan. Kumatok pa siya nang ilang beses pero hindi pa rin nito binuksan ang pinto.
‘Galit pa yata.’
Napagpasyahan niya na bumalik na lamang sa sariling kwarto.
She was halfway through her own room nang makarinig siya ng pagbukas ng pinto. Napahinto siya sa paglalakad at napatiingin sa kwarto ni Kurt.
Napasinghap siya nang makita si Kurt na nakatayo sa tapat ng kwarto nito.
"Come on," sabi nito at muling pumasok sa kwarto.
Nagdalawang-isip pa siya dahil muling binundol ng kaba ang dibdib niya. Pero naisip niya na pagkakataon na niya iyon para makapag-sorry dito kaya sumunod na lamang siya kay Kurt.
Pagpasok ni Aya sa kwarto ni Kurt, mabilis na inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng kwarto nito. It's her first time in his room! Madalas kasi silang mag-usap sa mini-office, sa sala, sa dining room o kaya naman ay sa kwarto niya.
Napansin niyang puro dark colors ang lahat ng gamit nito maging ang mga dingding at kurtina.
"Talk."
Muntik na siyang mapatalon nang biglang magsalita si Kurt. Muling bumalik ang kaba sa dibdib niya.
Naramdaman pa niya ang panginginig ng mga kamay.
"I'm waiting." Bakas ang pagkainip sa boses ni Kurt nang muli itong magsalita.
Dahil sa sobrang kaba, hindi na niya napigilan ang pagtulo ng mga luha.
Agad naman siyang yumuko at pinunasan ang mga iyon.
"f**k!" mura ni Kurt. Umangat ang ulo niya dahil sa takot, pero laking gulat niya nang salubungin siya nito ng yakap. Lalo namang bumuhos ang mga luha niya sa ginawa nito.
Ang akala ni Aya ay na-master na niya ang pagtatago ng emosyon. Pero kapag si Kurt ang kaharap niya, nagagawa nitong ilabas ang mga pinakatatago niyang emosyon. Nagagawa siya nitong patawanin, inisin at paiyakin sa mga simpleng bagay na ginagawa nito sa kanya.
"S-Sorry. S-Sorry n-na." humihikbing usal niya.
Hinawakan ni Kurt ang mukha niya. "Don't do that again, okay? Kung gusto
mong lumabas with your friends, let me know. Hindi naman kita pagbabawalan. You just don't know how terrified I am nang sabihin ni Manang na hindi ka pa umuuwi. Don't do that again to me, Sweetheart," malambing na saad nito.
Malambot na ang expression ng mukha nito, hindi na katulad kanina na parang dragon ito na nakahanda nang manglapa.
"I’m sorry. Nasanay kasi ako na walang pakialam sa’kin ang mga kasama ko sa bahay. I’m sorry kung pinag-alala ko kayo ni Manang. Hindi ko sinasadya, Kurt," nahihiyang usal niya.
"Shh. It’s okay, Sweetheart. Iba na ang mga kasama mo, okay? Lagi mong tatandaan na laging may naghihintay sa pag-uwi mo. May mga taong nag-aalala sa’yo.”
“Thank you, Kurt. Sorry talaga.”
”Sorry din sa mga naging actions ko kanina. I was just damn worried."
Tumango lang siya at muling yumakap kay Kurt. Agad naman siyang ginantihan nito nang mas mahigpit na yakap.
“God, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag may nangyaring masama sa’yo, Sweetheart. Simula ngayon, gusto ko lagi ka lang nasa malapit ko. Stay here with me, Sweetheart. Payapain mo ang kalooban ko.”
“P-Paano …”
“Kiss me.”
“Huh? O-Okay.” Mabilis na hinalikan niya si Kurt sa gilid ng labi nito.
Umangat ang gilid ng labi ni Kurt. “That’s not a proper kiss, Sweetheart.”
Sinakop ni Kurt ang mga labi niya. Nagulat siya ginawa nito kaya hindi agad siya nakakilos. Ngunit nang magtagal ay kusang kumilos ang mga labi niya at ginantihan ang halik nito. Hindi siya marunong humalik, ngunit paunti-unti ay nakakasunod siya sa paggalaw ng mga labi nito.
Ipinalibot ni Kurt ang mga braso niya sa leeg nito pagkatapos ay mas hinapit siya nito palapit. Ang isang kamay nito ay marahang humahaplos sa kanyang balakang. At dahil manipis ang kanyang suot ay damang-dama niya ang init na nagmumula sa palad nito.
Gustong magprotesta ni Aya nang putulin ni Kurt ang halik, ngunit nang magtagpo ang mga mata nila at nila at mabasa ang ipinapahiwatig nb mga mata nito ay nagtayuan ang mga balahibo niya.
“I want you, Aya,” sabi nito at siniil siya nang mas malalim na halik.