PAGPASOK pa lamang ni Aya sa HRM Building ay kanya-kanyang bulungan na ang mga estudyante habang nakatingin sa kanya.
Maliit lamang ang populasyon ng mga kumukuha ng kursong HRM sa Unibersidad na pinapasukan niya kaya halos magkakakilala lang sila.
“So cheap! Makikikabit na lang, sa matanda pa.”
“Baka naman sobrang yaman nung matanda? Alam mo na, instant yaman.”
“The slut is here.”
“Akala mo kung sinong tahimik, malandi naman pala!”
Iilan lang ang mga iyon sa mga naririnig ni Aya sa kanyang paligid. Ayaw na sana niyang pansinin iyon ngunit hindi niya maiwasan dahil habang palapit siya ay lalong lumalakas ang bulungan.
“Ang kapal naman ng mukha niyang magpakita pa rito. Hindi na niya binigyan ng kahihiyan ang sarili.”
Napatingin siya sa dalawang babaeng nag-uusap sa gilid ng corridor. Napakunot ang noo niya nang sumama ang tingin ng dalawa sa kanya.
Nagpatuloy na lang sa paglalakad si Aya at napapaisip kung ano na naman ba ang bagong tsismis sa department nila.
Bago dumeretso sa classroom, sumaglit muna si Aya sa Dean’s office para papirmahan ang excuse letter at ipakita rito ang medical certificate niya.
Dalawang linggo rin siyang hindi nakapasok dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay niya.
Nang makausap na niya ang Dean at naikwento ang mga nangyari sa kanya ay saka pa lamang siya nakahinga nang maluwag. Sa dalawang linggong pagliban niya sa klase ay abot-abot ang kaba niya dahil baka ma-FA siya sa mga ibang subjects niya. Mabuti na lang at pinagbigyan siya ng Dean na makahabol sa mga lessons na na-missed niya.
Nasa ika-apat na taon na siya sa kursong HRM, scholar siya kaya naman pinanghihinayangan niya kung hindi na niya maipapagpapatuloy pa ang pag-aaral. Lalo pa’t isang semester na lang ay makakapagtapos na siya.
Nasa hallway na si Aya patungo sa locker niya nang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Paglingon niya ay nakangiting mukha ni Almira ang sumalubong sa kanya.
Si Almira Jacinto ang nag-iisang kaibigan niya. Nagkakilala sila nang ipagtanggol siya nito kay Patrice. Ang ate niya na wala ng ibang ginawa kundi ang awayin siya.
“Bestfriend! Na-miss kita!” hiyaw ni Almira at niyakap siya nang mahigpit.
“Na-miss din kita.” Yumakap siya pabalik sa kaibigan. Nagkatawanan pa sila nang ma-realize na nasa gitna sila ng hallway at pinagtitinginan na sila ng ilang estudyante.
Marahang hinila niya ito sa tapat ng locker niya at doon sila nagkamustahan.
“Grabe, best! Akala ko talaga hindi ka na papasok, ” nanghahaba ang mga ngusong saad ni Almira.
Kinuha niya lang ang ilang mga libro at niyaya na niya si Almira na pumunta sa classroom nila.
“Uy! Ano na? Kwento naman diyan,” pag-uungot ng kaibigan habang naglalakad sila.
“Mamaya na.”
“Ngayon na! Buti nakapasok ka pa?” pangungulit pa rin ni Almira.
“Ayun nga, akala ko rin hindi na ako makakapasok, pero may tumulong kasi sa’kin.”
“Sino? Saan mo nakilala? Paano ka niya tinulungan? Teka, ano ba kasi talaga ang nangyari sa’yo?” sunud-sunod na tanong ni Almira.
“Sandali lang. Hinay-hinay lang sa pagtatanong. Sasagutin ko lahat ‘yan mamaya, okay? Sa ngayon, tara na muna sa classroom dahil baka ma-late pa tayo.”
Lalong nanghaba ang nguso ni Almira. “Nakakainis ka naman, eh!”
“Tara na kasi. Mamaya na ‘yan.” Hinila niya ang braso ni Almira dahil huminto ito sa paglalakad at mukhang wala itong balak na magpatuloy.
“Naiinis kasi ako, best! Alam mo ba kung anong ginawa ng ate mo, ha? Ipinagkalat niyang pinalayas ka sa inyo dahil may karumaldumal kang ginawa. At alam mo ba kung gaano kasakit sa’kin na hindi ka man lang maipagtanggol kasi kahit ako hindi ko alam kung anong nangyayari sa’yo?”
“Best, sorry na. Promise, magkukwento ako sa’yo mamaya,” sagot niya. Hindi niya maiwasang malungkot dahil sa sinabi nito.
Siguradong masayang-masaya ang Ate Patrice niya dahil wala na siya sa poder ng mga ito.
“Saan ka nakatira ngayon?” pagtatanong uli ni Almira.
“I’ll tell you the whole story later, best. I promise.” Itinaas pa niya ang kanang kamay para tumigil na sa pagtatanong si Almira.
Humugot lang nang malalim na hininga si Almira at tahimik silang nagpatuloy sa paglalakad.
Batid ni Aya na nagtatampo na sa kanya si Almira. Ikukwento naman talaga niya lahat dito ang mga nangyayari sa buhay niya. Ayaw niyang maglihim sa nag-iisang kaibigan. Sa mga nangyayari ngayon sa kanya, si Almira lamang ang mapagkakatiwalaan niya.
Hindi mapigilang mapangiti ni Aya nang tuluyan na siyang makapasok sa loob ng classroom. Nasasabik na siyang makapag-aral uli. Matagal-tagal din ang dalawang linggong pagliban niya sa klase.
Pinunasan niya ang upuan gamit ang tissue at akma nang uupo nang may bumunggo sa kanya.
"A-Ate Patrice," mahinang usal niya nang makilala ang babae sa kanyang likuran.
"Tumabi ka nga sa daanan! Pakalat-kalat ka!" bulyaw nito sa kanya.
Nagtawanan naman ang mga kaklase nila. Imbes na patulan ay hinayaan na lamang niya ito. Sanay naman na siya sa ganoong pagtrato ng nakatatandang kapatid sa kanya.
Ipagtatanggol pa sana siya ni Almira pero mabilis na napigilan niya ang kaibigan. Masama na ang tingin ni Almira sa Ate Patrice niya at alam niyang hindi nito uurungan ang kapatid niya.
"A-Aray, Ate! Nasasaktan ako!" Napahiyaw na lang si Aya nang sabunutan siya ng ate niya. Hindi niya inaasahan na gagawin nito iyon sa kanya kaya hindi agad siya nakaiwas.
Nag-umpisa nang magsigawan ang mga kaklase nila. Hindi para umawat, kundi para pagpustuhan kung makakalaban ba siya sa ate niya.
"Huwag mo akong tatalikuran, malandi ka!" bulyaw ng Ate Patrice niya sa kanya. Nakita niya ang pagtayo ni Almira ngunit naging maagap ang mga kaibigan ng ate niya at hinarangan ito.
"Baliw ka! Bitawan mo si Aya! Ikaw ang malandi!" Nagwala na si Almira pero hindi pa rin pinapakawalan ng ate niya ang kanyang buhok.
"Huwag na huwag mo akong tatawaging ate dahil hindi kita kapatid! Wala akong kapatid na kabit!" bulyaw nito sa tapat ng tainga niya pagkatapos ay pabagsak siyang binitawan.
Muntik na siyang mawalan ng balanse. Mabuti na lang, mabilis siyang nadaluhan ni Almira.
“Lumalabas na ang totoong pagkatao mo! Akala mo hindi ko alam, ‘no? Sinabi sa’kin ng MAMA KO na sumama ka sa matandang lalaking may asawa na." Mas diniinan pa nito ang pagsasabi ng 'mama ko' na parang sinasabi nito na ito lang ang anak ng mama nila.
"Hindi ‘yan totoo!"
"Huwag mo nang i-deny! Malandi ka talaga!"
Hindi na siya nakapagsalita.
Nag-umpisa nang magbulungan ang mga kaklase nila at iba't-ibang masasakit na salita na ang naririnig niya mula sa mga ito.
"Hoy! Nababaliw ka na ba at hindi mo na alam ang mga lumalabas sa marumi mong bibig?! Hindi malandi ang kaibigan ko! Huwag mo siyang itulad sayo! Gago!" Susugod na sana si Almira pero agad niya itong pinigilan. Ayaw niyang madamay pa ito sa problema niya sa kapatid.
"Anong kaguluhan ito?" Kanya-kanyang pulasan ang mga kaklase nila dahil sa pagdating ng pinaka-terror na Professor nila.
"We're not yet done, slut!" pahabol ng Ate Patrice niya bago pumunta sa pwesto nito.
Kinakausap pa siya ni Almira ngunit tanging tango na lang ang naisagot niya.
What the hell just happened? Nanghihinang napaupo na lamang siya sa upuan.
Pumatol daw siya sa matanda? Naalala niya ang mga narinig na usap-usapan kanina.
So, all along ay siya pala ang pinag-uusapan ng mga ito?
Nagsimula nang magturo ang Professor nila pero hindi siya makapag-focus sa kung anong sinasabi nito. Iniisip parin niya ang sinabi ng Ate Patrice niya. Nagngingitngit ang kalooban niya sa mga maling balita na ipinagkalat nito.