PROLOGUE
“Ahh! Ayoko, ayokong sumama sa inyo!” Humagulgol sa pag-iyak ang dalaga at nagsisisigaw. Hindi malaman ng mga nurses kung paano pipigilan ang pagwawala nito.
Kasalukuyang ginagamot ang mga sugat at pasa nito sa katawan nang dumating ang mga nagpakilalang magulang ng dalaga. Pagkakita nito sa mga magulang ay natakot at nag-iiyak na ito.
“Tumahimik ka, babae! Nakakahiya ka! Tumayo ka riyan at iuuwi na kita sa ayaw at sa gusto mo,” bulyaw ng lalaking nagpakilalang ama ng dalaga.
“Sir, hindi pa po tapos magamot ang anak niyo,” sabi ng nurse na hindi malaman kung paano pipigilan ang lalaking galit na galit.
“Hayaan niyo siyang mamatay,” sabad ng babaeng nagpapakilalang ina ng dalaga, “wala rin naming kwenta ang babaeng ‘yan!”
“Hindi po talaga pwede, Sir, Ma’am. Kailangan po nating hintayin ang nag-admit sa kanya rito. Kung ayaw niyo pong umalis ay mapipilitan kaming tumawag ng security,” paliwanag ng isa pang nurse habang himahagod ang buhok ng dalaga na iyak pa rin nang iyak.
Sabay-sabay na napatingin ang mga tao sa pinto ng silid nang pabalabag iyong bumukas at pumasok ang binatang nagdala sa dalaga sa ospital.
“What’s happening here?” naguguluhang tanong nito. Nasa hallway pa lang ito ay dinig na dinig na nito ang sigawan kaya nagmamadali itong pumasok sa silid ng dalaga.
Dumiretso ito sa dalaga at agad na niyakap ito nang mahigpit.
“Hush, Sweetheart. I won’t let them hurt you again,” bulong nito sa dalaga habang hinahalik-halikan ang buhok nito.
“Ah, Sir, gusto na po nilang ilabas si Ma’am, eh, hindi pa po kami tapos na gamutin siya,” paliwanag ng nurse sa binata.
Sumenyas ang binata sa mga nurses at nakakaunawang lumabas ang mga ito.
“At sino kang pakialamero ka?” galit na tanong ng ama ng dalaga sa binata. “Wala kang karapatang makialam sa kung anumang gusto kong gawin sa anak ko. Ako ang ama niya at ako ang magdedesisyon dito!”
Tumingin ang binata sa mga mata ng lalaki at nag-uuyam na nagsalita, “Anak? Nagagawa mo pa talaga siyang tawaging anak pagkatapos n'yong gawin sa kanya ito?”
“Aba’t gago ka, ha?!” galit na bulyaw ng ama ng dalaga. Akmang susuntukin nito ang binata ngunit sumigaw ang dalaga.
“Huwag! Huwag niyo po siyang sasaktan, Papa!” Nabitin sa ere ang kamao ng lalaki.
“Malandi ka talagang babae ka! Saang bar mo ba nakilala ang lalaking ‘yan, ha?” tanong ng ina ng dalaga na kanina pa sinusuri ang binata. “Hindi kayo bagay. Ang mga lalaking katulad niya ay nababagay sa Patrice ko,” nag-uuyam na dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang panganay na anak nito.
Muling hinila ng lalaki ang dalaga ngunit mabilis iyong napigilan ng galit na ngayong binata.
“Wala kang karapat—“
“I have all the rights in the world because she is my wife!”