Hapon na nang magising si Serenity. Late na siyang nakatulog kagabi dahil sa kwentuhan nilang dalawa ni Ryker. Mukhang okay namang kausap ang binata. Siguro ay natural lang talaga itong bolero at palabiro pero naisip niya na kailangan niya pa ring panatilihin ang kanyang distansiya sa kanya. Mahirap na kasi ang masaktan ulit.
Tumayo siya mula sa kanyang kama at nag-inat inat saka humikab. Tinignan niya ang kanyang cellphone pero wala namang tumawag o nag-text dito. Natutuwa siya na may trabaho na siya pero naisip niya kung tama lang ba ang kanyang desisyon na tanggapin ang alok ni Ryker?
Ipinagsawalang bahala niya ito dahil kailangan niya na talaga ng trabaho ngayon. Baka mamaya ay paalisin pa siya rito sa apartment oras na hindi makapagbayad ng renta. Dumiretso siya sa kanyang banyo at naghilamos at nagmumog.
Pagkatapos ay dumiretso na siya ng kusina upang magluto dahil nagugutom na siya. Hinuhugasan niya iyong gagamitin niyang palayok nang may mag-doorbell sa kanyang pinto. Agad naman niyang sinilip ito sa peephole at nagtaka kung sino ang nandito ng gano'n kaaga.
Wala siyang nakita kaya naisip niya ay baka may nagbibiro lang sa kanya. Akmang babalik na siya sa kusina nang may mag-doorbell ulit. Sa pagkakataong ito ay binuksan niya ang pinto at hindi man lang tinignan sa peephole kung sino ito. Napasinghap si Serenity nang makita sa pintuan ang lalaking kanyang iniiwasan.
"Aaron," nanginginig na sambit niya sa kanyang pangalan. "A-Ano'ng ginagawa mo rito? Paano mo ako nahanap?"
Hindi alam ni Serenity kung paanong nahanap siya ni Aaron gayong pilit na niyang iniiwasan ang binata. Kita ang lungkot at pagod sa mukha ni Aaron na parang ilang araw na itong walang tulog.
"Serenity," sambit niya sa pangalan ng dalaga na may namamaos na boses. "Please naman kausapin mo ako."
"Wala na tayong dapat pag-usapan pa Aaron. Ano pa ba ang hindi mo naiintindihan doon sa sinabi ko na ayaw ko nang magkabalikan pa tayo?" Rinig ang takot at inis sa boses ni Serenity dahil sa lalaking nasa harapan niya ngayon.
Nakita niyang biglang tumalim ang tingin ni Aaron sa kanya. Bigla siyang nakaramdam ng takot na baka kung ano ang gawin nito sa kanya. Kaya naman sinubukan niyang paalisin ang lalaki sa malumanay na paraan kasabay nito ang dahan-dahang pagsara ng pinto.
"Aaron, p-pwede naman tayong mag-usap sa susunod. Mag-set na lang tayo ng oras at lugar." Pangungumbinsi niya sa binata para lang umalis na ito.
Nakita niyang mas lalong gumatla ang kunot sa noo ni Aaron dahilan para mas lalo siyang kabahan.
"Hindi!" sigaw nito na ikinagulat ni Serenity. "Palagi ka na lang iwas sa akin simula nang makita mo ako. Hindi na ako papayag na mawawala ka pa!"
Sa takot ay agad na isinara ni Serenity ang kanyang pinto pero mabilis si Aaron at agad niyang naiharang ang kanyang paa at kamay dito. Pilit na itinutulak ni Serenity ang pinto pero mas malakas sa kanya si Aaron dahilan para tuluyang itulak ni Aaron ang pinto at nakapasok ito. Agad namang napaupo si Serenity sa sahig at natabig niya bigla ang maliit na kabinet na gumawa ng ingay.
"Aaron, p-pakiusap umalis ka na!" sigaw niya sa binata.
Parang wala na sa tamang hwisyo si Aaron dahil kitang-kita niya ang nanlilisik na mga mata nito.
"Akin ka Serenity! Babalik ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo!" Agad siyang sinunggaban ni Aaron at hinawakan sa magkabilang kamay at pilit na hinahalikan.
Iniiwas ni Serenity ang kanyang mukha habang nagpupumiglas sa hawak ni Aaron.
"Tulong! Tulong!" sigaw niya at agad na tinakpan ni Aaron ang kanyang bibig.
Sa kapitbahay naman niyang si Ryker ay tahimik na natutulog ang binata nang makarinig siya ng kalabog sa kabilang kwarto. Medyo inaantok pa siyang gumising dahil late na siyang natulog kagabi. Habang nagmumumog siya ay parang may mga naririnig siyang komosyon sa kabila pero mahina lamang ito.
Kaya naman tumahimik siya at pinakinggan ng mabuti kung may ingay ba siyang naririnig sa kabila. Maya-maya ay parang may sumisigaw ng tulong sa kwarto ni Serenity. Napalunok siya na maaaring may sunog na sa kabilang kwarto kaya naman mabilis ang kanyang mga galaw na lumabas ng kanyang apartment at agad na pumunta sa kabila.
Kinatok niya ang pinto nito at pinihit ang busol ng pinto nang makitang bukas naman ito. Agad niyang tinulak ang pinto at laking gulat na lang niya nang makita na may nakakubabaw na lalaki kay Serenity.
"Tulong!" muling sigaw ni Serenity.
Halos magngitngit sa galit si Ryker sa nakita kaya dali-dali niyang hinila ang lalaking gustong gahasain ang dalaga. Mas matangkad ng kunti sa kanya ang lalaki pero nagawa niyang ibalibag ito palayo kay Serenity. Tinulungan niyang makatayo ang dalaga nang naramdaman niya na may sumipa sa kanyang tagiliran dahilan para matumba siya.
"Sino kang hayop ka?" galit na sigaw ni Aaron kay Ryker.
"I should be asking you the same thing!" Pilit na tumatayo ito pero masakit ang pagkakasipa ng lalaki sa kanya.
"Ito ba! Ito ba ang pinalit mo sa akin?! Ha? Serenity?!" Akmang lalapit sana ang lalaki kay Serenity ay muling tumayo si Ryker at binigyan ng sipa ang lalaki sa tyan.
Sa galit ay mabilis niyang binigyan ng ilang suntok ang lalaki sa tyan at mukha hanggang sa mawalan ito ng malay. Nang makita na nanghihina na ito ay agad niyang dinaluhan ang dalaga at tinulungang makatayo ito. Kitang-kita ang panginginig nito kaya naman binuhat niya ito papunta sa sofa at agad na nagtawag ng pulis upang ipahuli ang lalaki.
Mabuti na lang at malapit lang ang stasyon ng pulis kaya mabilis na nakarating sa gusali ang ilang pulis. Hinuli nila ang lalaki na nagngangalang Aaron Davis.
"I would like to file charges against that man. Magfa-file na rin kami ng restraining order sa kanya," sabi niya sa mga pulis na humuli sa lalaki.
"Yes, sir. Kukuhanan na rin namin kayo agad ng statement para mapatawan na rin po siya agad ng kaso ng attempted rape." Tumingin si Ryker kay Serenity at nakita niya na mukhang hindi ito magsasalita dahil sa takot.
Agad naman siyang tumango at agad na sinabi sa pulis lahat ng nangyari. Pagkatapos silang mag-usap ng pulis ay umalis na ang mga ito upang dalhin sa prisinto si Aaron. Dinaluhan niya ang umiiyak na dalaga nang bigla na lang yumakap sa kanya ito at humagulgol.
Yinakap niya ang dalaga at hinayaang umiyak ito sa kanyang mga bisig. Ilang oras din silang nanatili sa gano'ng posisyon nang bigla na lang pumasok sa apartment ang isang babae at kita ang takot sa kanyang mga mata.
"Serenity!" umangat ang mukha nila sa babaeng nagtawag sa kanyang pangalan at agad na tinakbo siya ni Serenity. "I heard what happened from my cousin. May tumawag kasing mga pulis sa kanya at nagkataon na kasama ko siya. My god, what the hell happened to you?"
Nakita naman ni Janice na kasama ni Serenity ang doctor na kapitbahay niya.
"Ikaw ba ang tumulong sa kanya? Maraming salamat." Tumango naman si Ryker. Agad namang napatingin si Janice kay Serenity. "Your parents should know this."
Kita ang kaba at takot sa mga mata ni Serenity pagkabanggit ng kanyang mga magulang. Alam kasi ni Serenity na oras na nalaman ito ng kanyang mga magulang ay papauwiin siya sa kanila.
"No." Agad siyang umiling at napalayo kay Janice. "Janice hindi pwedeng malaman ito ng aking mga magulang lalong-lalo na si Papa."
"Pero..."
"Pakiusap Janice." Natahimik si Janice at agad na umiwas ng tingin kay Serenity. "Janice?" pukaw niya sa kaibigan. "Please tell me you didn't talk to my parents?"
Nakita ni Serenity na guilty ang kaibigan.
"Sorry Serenity. Nang malaman ko kasi ang nangyari sa iyo ay nag-panic ako kaya agad kong tinawagan ang mga magulang mo. Sigurado ako papunta na sila ngayon dito." Napalunok si Serenity sa sinabi ng kaibigan.
"Bakit mo naman gagawin iyon?" medyo inis na tanong ni Serenity sa kaibigan.
"Because I was scared for you. Masisisi mo ba ako bilang kaibigan mo kung humingi ako ng tulong sa mga magulang mo? Ilang beses mo na kasing pinahamak ang sarili mo at tignan mo ang nangyari." Kumunot ang noo ni Ryker sa sinabi ng kaibigan.
"Sinisisi mo ba ako sa nangyari sa akin ngayon?" Tumaas na ang boses ni Serenity.
"Hindi naman sa gano'n-"
"Serenity!" Napatingin silang tatlo sa isang matandang lalaki at marahil ay ama ito ni Serenity na kapapasok lang at masama na ang timpla ng mukha niya. Kasunod nito ang kanyang ina na nag-aalala.
"Papa..."
"I've heard what happened! Siya ba? Siya ba ang nagtangka sa iyo?" galit na tanong ng ama niya.
Hindi pa lang nakasasagot si Serenity ay agad sinugod ng ama niya ang lalaking kanina pa tahimik at binigyan ng suntok sa mukha si Ryker. Agad naman na pinigilan nina Serenity at Olivia ang ginawang iyon ng kanyang ama.
"Papa!" pigil ni Serenity at pilit hinihila ang ama niya palayo.
"Ernesto!" sita naman ng kanyang ina.
"Ikaw!" Turo niya kay Serenity. "Una pa lang hindi na ako pabor sa pag-alis mo mula sa bahay dahil alam kong ganito ang mangyayari! Tignan mo at pinagtangkaan ka agad dahil naging marupok ka nanaman Serenity!" Nagsimulang maiyak si Serenity sa mga paratang ng kanyang ama. "Kailan ka ba matututo ha?!"
"Sir..." singit ni Ryker na may dugo sa gilid ng kanyang labi.
"At ikaw! Panagutan mo ang ginawa mo sa anak ko!" sigaw niya sa binata. "Pakasalan mo siya kundi sisirain ko ang pangalan mo!"
Napasinghap silang lahat sa sinabi ng ama at agad na napatingin si Serenity kay Ryker na tahimik lang.
"Ernesto! Maghunusdili ka naman sa pagdedesisyon mo." Pigil ng ina ni Serenity sa ama nito.
Agad na hinila ni Ernesto ang kanyang braso na hawak ni Olivia at masamang napatingin dito.
"Ano? Kukunsintihin mo nanaman ba ang anak mo?" Turo niya kay Serenity. "Kung masasaktan nanaman siya dahil sa isang lalaki ay uunahan ko na siya. Sa pagkakataong ito hindi na ako papayag na sisirain niya nanaman ang buhay niya!"
"Pero Papa, mali ho kayo ng akala! H-Hindi naman ho siya ang nagtangka sa akin e." Paliwanag ni Serenity sa kanyang ama.
"Huwag mo nang bilugin ang ulo ko Serenity. Kaaalis mo pa lang pero may na-magnet ka nanaman agad na disgrasya. Hindi ako papayag na sa pagkakataong ito ay sirain mo nanaman ang buhay mo!" sigaw ng ama nito kay Serenity.
"P-Pero..."
Hindi na natuloy ni Serenity ang sasabihin nang marinig nilang magsalita si Ryker.
"Makakaasa ho kayo. Pananagutan ko ho ang anak niyo." Napamaang si Serenity sa sinabi ni Ryker at hindi makapaniwalang pumayag ito sa sinabi ng ama kahit mali naman ang akala nito.