Serenity
Kinaumagahan ay maganda ang aking gising. Napangiti ako at tinignan ang aking orasan at nakitang alas-sais pa lang ng umaga. Tumayo ako at binuksan ko ang aking kurtina. Maganda ang aking pakiramdam ngayon.
Nagluluto ako ng umagahan nang nakita kong tumatawag ang aking ina. Agad ko itong sinagot at inipit ang aking telepono sa aking leeg at tenga habang nagluluto. Kinamusta niya ako habang hinahalo ko ang scrambled egg na aking linuluto.
"Kumusta ka na anak? Nami-miss ka na namin. Kumusta ang bagong apartment mo? May mga kapit-bahay ka ba anak? Ano'ng almusal mo ngayon?" sunud-sunod na tanong ng aking ina.
Napangiti naman ako. "Ayos lang ako Mama. Wala ho kayong dapat ipagalala. Lalabas po ako ngayon para bumili ng groceries. Bukas ho maghahanap na ho ako ng bagong trabaho."
Nagbilin pa ang aking ina at napapangiti dahil naririnig ko ang boses ng aking ama. Alam ko na kahit hindi niya ako kausapin ay alam kong nag-aalala siya. Pinakumusta ko ang aking ama sa aking ina. Pinatay ko na ang tawag at nagsimula nang kumain.
Nang matapos ay naligo na ako at naghanda na para lumabas. Habang sinususihan ko ang aking pinto ay nakita kong nakalabas ang basura ng aking doctor na kapit-bahay. Gusto ko siyang katukin na mangangamoy ito rito pero pinigilan ko na lang ang aking sarili.
Tumalikod na ako at pumanhik sa baba at naghintay na ng taxi papunta sa supermarket para mamili ng aking mga kailangan. Pagdating ko sa grocery store ay binili ko na lahat ng kailangan ko para minsanan na lang ang aking pagpunta rito sa store. Nang makuha ko na lahat ng kailangan ko ay punong-puno ang cart ko ng mga bilihin.
Naparami yata ako ng kinuha. Mas mabuti pa siguro kung kunin ko na lang ang aking sasakyan sa kanila mama para hindi na ako maghihintay ng taxi sa susunod. Nang makabayad ay pumila na ako ng taxi dahil marami akong dala. Nakakuha naman ako ng taxi agad at sinabi ang aking address sa mamang driver.
Pagdating ko sa aking apartment ay isa-isa kong binuhat ang walong paper bag na aking dala. Nang makuha ko ang huling paper bag ay sinusihan ko ang aking pinto nang makarinig ako ng boses sa aking kaliwa.
"Do you need help?" Napasinghap pa ako sa gulat.
Paglingon ko ay muntik ko nang mabitawan ang aking dala. Isang lalaki na sobrang gwapo ang aking nakita. Oo sobra dahil para siyang hollywood star.
May pagka-kayumanggi ang kanyang buhok, puti ang kanyang balat, matangos na ilong, kayumanggi at bilogang mga mata, mahahabang pilik-mata, makapal na kilay, katamtamang kapal ng labi, at may kunting balbas sa kanyang mukha.
Nakaupo siya sa bukana ng kanyang pintuan at basa ng pawis habang umiinom ng tubig. Hindi ko namalayan na matagal na pala akong nakatitig sa kanya. Napakurap-kurap ako nang tumayo siya at nakita ko ang hapit niyang blouse. Pansin ang matipuno niyang katawan at matangkad din ito.
"Uhm, salamat pero hindi na kailangan. Kaya ko na ito." Bumalik ako sa pagsususi ng aking pinto.
Nang mabuksan ko ay dali-dali kong ipinasok ang aking mga pinamili sa loob at saka sinara ang aking pinto. Nang makapasok ay huminga ako ng malalim at pinakiramdaman ang aking dibdib. Hindi na. Hindi ako pwedeng magpaloko ulit.
Tama na ang tatlong beses na nasawi ako sa pag-ibig. Sinimulan kong iayos ang aking mga pinamili at pilit kong iwinaksi sa aking isipan ang gwapong lalaki na aking nakita. Siya iyong lalaki na sinasabi ng pinsan ni Janice na isang doctor.
Bakit kaya siya nag-doctor? Mas bagay niya sana ang pagiging modelo o artista dahil matangkad naman ito at gwapo pa. Nang maiayos ko ang aking mga pinamili ay biglang may nag-doorbell sa aking pintuan.
Sumilip ako sa peephole ng aking pinto at nagtaka ako na naroon ang gwapong lalaki na aking nakita kani-kanina lang. Ano naman kaya ang kailangan niya? Muli itong nag-doorbell at pinihit ko ang busol ng pinto sabay binuksan ito.
"May kailangan ka ba?" medyo inis kong tanong.
"You dropped something." Namula ako nang makita kong hawak niya ang binili kong lactacyd.
Agad ko itong inagaw sa kanya at ngumisi pa siya nang makita niya ang reaksyon ko. Napasimangot ako at kunot-noong napatingin sa kanya.
"I guess you are the new tenant in this room. Nice to meet you. I'm Ryker." Lahad niya ng kanyang kamay.
Nag-alangan pa akong tanggapin ang kamay niya.
"Hindi naman ako nangangagat." Ngumiti siya at nakita ko ang pantay-pantay niyang ngipin.
Nakipag-hand shake ako sa kanya pero saglit lang at binawi ko rin agad ang aking kamay nang makaramdam ako ng kunting kuryente galing dito.
"Hindi mo ba sasabihin sa akin ang pangalan mo?" tanong niya.
"S-Serenity," nahihiya kong sagot.
"Serenity? What a beautiful name." Ngumiti siya ulit.
Alam na alam ko na ang mga estilo ng katulad niyang paasa. Porke gwapo sila ay ginagawa nilang laruan ang bawat babae na makikilala nila. Alam ko dahil ganyan na ganyan ang mga dati kong nobyo. Kailangan kong umiwas bago pa ako tuluyang mahulog ulit at maloko. Hinding-hindi ko bibiguin ang mga magulang ko sa pangako ko sa kanila.
"Pasensya na pero marami pa kasi akong gagawin." Isasara ko na sana ang aking pinto.
"Serenity, right? Are you free tomorrow?" Agad akong umiling.
"Hindi. May lakad ako bukas kasama ang n-nobyo ko." Sinarahan ko na siya at hindi ko na siya hinintay pang magsalita.
Napapikit ako ng mariin dahil sa kasinungalingang sinabi ko. Nobyo raw. Matagal ka nang walang nobyo Serenity. Ano ba itong sinasabi ko?
Nang maisara ko ang aking pinto ay naisipan kong sumilip sa aking peephole at laking gulat ko na nakatayo pa rin siya roon. Nakarinig ako ulit ng isa pang doorbell pero hindi ko na siya pinagbuksan. Kaso ang lalaking ito ayaw akong tigilan at ginawang laruan ang aking doorbell. Naiinis kong binuksan ang aking pinto.
"Ano bang problema mo?!" galit kong tanong sa kanya.
"You look beautiful when you're mad." Sasarahan ko na sana siya ulit nang iharang niya ang kanyang paa. "Aray!"
Bigla naman akong napatingin sa kanya nang namimilipit na siya sa sakit dahil sa pagsara ko ng pinto.
"Hala! P-Pasensiya ka na. Ayos ka lang ba?" pag-aalalang tanong ko sa kanya.
Tinaas niya ang naipit niyang paa at hindi ito maitapak nang mabuti.
"Bakit ba naman kasi hinarang mo iyong paa mo? Isa pa bakit ba kasi ang kulit mo? Ayaw na nga kitang pansinin eh." Napakamot pa ako sa aking ulo.
"Masakit ang paa ko. Hindi mo man lang ba ako papapasukin?" Ngumiti siya. "Gusto ko lang naman makipagkaibigan sa iyo. Bawal ba? Matagal na kasi akong walang kapit-bahay kaya natutuwa lang ako na nakilala kita. Kaso hindi ko naman alam na masungit ka pala." Inikotan ko siya ng aking mga mata.
Mas lalong lumawak ang kanyang ngiti at para pa siyang nang-aasar. Sa inis ko ay sinarahan ko siya ulit ng pinto. Akala ko ay magdo-doorbell siya ulit pero laking tuwa ko na hindi na niya ito inulit pa.
Sumapit ang gabi at katatapos ko lang maligo nang may nakita akong sulat sa aking pinto. Pinulot ko ito at nakita ko na ang gulo ng sulat. Mukhang sulat ng tinatamad na tao. Binasa ko ito.
Hi ulit miss sungit,
Pasensya ka na kung nainis ka kanina. Wala naman akong balak na inisin ka. Gusto ko lang talagang makipagkaibigan sa iyo. By the way, welcome to the neighborhood Miss Serenity. Bagay na bagay sa iyo ang pangalan mo. It's beautiful like you. -Ryker-
Hindi ko alam kung bakit pero napangiti ako sa aking nabasa. Hindi ko itatanggi na nakaramdam ako ng kilig sa sulat na aking natanggap. Nakagat ko ang aking ibabang labi at inulit na basahin ang simpleng liham.
Nang gabi rin na iyon ay kinikilig akong humiga sa aking kama. Pero kailangan ko pa ring iwasan ang lalaking iyon dahil kung hindi ay baka mahulog nanaman ako sa kanya. Kailangan kong protektahan ang aking puso sa pagkakataon na ito. Ipinikit ko ang aking mga mata at natulog.
Gusto kong umiwas sa binata pero may parte na gusto ko siya ulit makita. Sana lang talaga ay makayanan ko ang pag-iwas na mahalin ang isang tulad niya. Sawa na kasi akong masaktan kaya sana naman puso makisama ka.