Serenity
Nasa salas ako ngayon kasama ang aking pamilya. Sinabi ko sa kanila na gusto ko silang makausap. Nakaupo sila sa sofa na aking katapat.
"Iha ano ba'ng sasabihin mo sa amin?" tanong ng aking ina.
Ngumiti ako bago nagsalita, "Ma, Pa gusto ko po sanang manirahan ng mag-isa sa isang apartment. Gusto ko pong hanapin ang sarili ko."
Kumunot ang noo ng aking ama at mataman itong tumitig sa akin.
"Serenity--" umpisa ng aking ina pero naputol ang kanyang sasabihin nang sumigaw ang aking ama.
"Nababaliw ka na ba?! Ikaw? Titira sa isang apartment at walang magbabantay sa iyo? Ano ba'ng pumapasok diyan sa kukote mo at gusto mong umalis dito sa bahay?" galit na tanong ng aking ama.
"Pa gusto ko lang naman po sanang lumayo saglit. Alam ko ho na puro problema ho ang binibigay ko sa inyo pero pangako ko ho sa inyo sa pagkakataong ito hindi ko na ho uulitin," sagot ko.
Umiling ang aking ama at napabuntong-hininga ang aking ina.
"Sa tingin mo naman ay papayagan kita? Hindi! Hindi ka aalis sa bahay na ito!" Tumayo ang aking ama at akmang aalis ng pigilan ito ng aking ina.
"Ernesto hindi naman sa umaayon ako sa gusto ni Serenity, pero baka ito ang magandang paraan para makapag-isip siya." Iwinaksi ng aking ama ang hawak ng aking ina sa kanya.
"Isa ka pa Olivia! Kinukunsinti mo kasi lagi iyang anak mo kaya hindi na natututo! Ilang beses na ba siyang nagpakatanga dahil lang sa lalaki?! Tatlo na!" Napatungo ako nang galit na tumingin sa akin ang aking ama. "Oras na umalis siya rito hindi natin alam baka magpakatanga nanaman siya!"
Naluluha akong sumagot, "Pa pangako ko po sa inyo na hindi na ho mauulit. Sa tingin ko naman ho natutunan ko na ho ang leksyon ko. Gusto ko lang talagang umalis para sana masanay ako na tumayo sa aking sariling mga paa. Hindi ko naman ho kayo iiwan. Bibisita pa rin naman ho ako." Nanatili lang tahimik ang aking ama.
Kaya naman lumuhod na ako sa kanyang harapan habang umiiyak. Linapitan naman ako ng aking ina at yinakap sabay baling sa aking ama.
"Ernesto..." sumamo ng aking ina.
Padaskol itong umalis pero bago pa ito lumayo ay nagsalita siya.
"Bahala kang gawin ang gusto mo Serenity! Pero ito ang tatandaan mo oras na mangyari ulit ang mga ginawa mo kalimutan mo na kami ng mga magulang mo." Tuluyan na itong lumakad palayo.
Yinakap naman ako ng aking ina. Humagulgol lang ako at inalo niya ako. Nang mahimasmasan ako ay nag-impake na ako ng aking mga gamit. May ipon pa naman ako at may allowance ring binibigay sa akin si mama. Iyon na muna ang gagamitin ko sa aking mga gastusin habang naghahanap ako ng matitirhan.
Lumabas ako ng aking kwarto at pumanhik sa baba. Nakita ko ang aking ina pero hindi ko nakita ang aking ama. Siguro ay nagtatampo pa siya sa sinabi ko. Lumapit ako sa aking ina at malungkot itong ngumiti sa akin.
"Nakuha mo na ba lahat ng mga gamit mo?" Tumango ako bilang sagot. "Kapag may kailangan ka magsabi ka lang ha? Palagi mo akong iu-update ha?"
"Opo." Napatingin ako sa study room ng aking ama.
"Hayaan mo na ang Papa mo. Hindi ka rin naman niya matitiis. Ako na ang bahalang magsabi sa kanya." Hinaplos niya ang aking pisngi at naluha ako.
Yinakap ko ng mahigpit ang aking ina. Kumalas ako sa yakap niya saka hinila ang aking trolly bag palabas ng bahay. Bago ako tuluyang lumabas ay lumingon ako at nakita ko ang aking ina na umiiyak habang kumakaway sa akin.
Lumabas na ako ng aming gate. Paglabas ko ay tinawagan ko agad ang kaibigan kong si Janice. Noong sinabi ko kasi sa kanya na gusto kong mamuhay mag-isa ay may rineto siya sa aking apartment ng pinsan niya. Bukod sa maganda raw ito ay safe at mura lang ito. Marami raw gustomg kumuha rito pero pina-reserve na niya ito.
Tumapat ako sa waiting shed para hintayin siya. Maya-maya ay nakita ko na mula sa malayo ang kanyang black na Nissan na kotse. Kumaway ako para makita niya ako. Nang makarating siya ay tumigil siya sa aking harapan at binuksan ko ang pinto ng kanyang kotse.
Tinahak naman namin ang daan papunta sa apartment na kanyang sinasabi.
"Ano'ng sabi ng mga magulang mo tungkol sa desisyon mo?" tanong niya.
"Ayos lang kay mama pero ayaw ni Papa," malungkot kong sagot.
Narinig ko siyang bumuntong-hininga. "Ikaw naman kasi. Hindi ko alam kung ano'ng pumasok diyan sa kukote mo at gusto mong humiwalay sa kanila bigla. I'm not judging you girl. Pero alam mo naman na may suicidal attempt ka." Ngumuso ako. "Hindi rin ako pabor sa desisyon mo pero kung may kailangan ka tumawag ka lang."
Ngumiti ako sa kanya. "Salamat."
Ilang minuto pang pagmamaneho ay nakarating na kami sa nasabing gusali ng aking bagong apartment. Ipinarada ni Janice ang kanyang sasakyan at lumabas ako para pagmasdan ang kabuuan ng gusali.
Malinis naman ito at sobrang tahimik. May sampung palapag ito at may tatlong kwarto kada palapag. Kulay asul ang pintura ng buong gusali. Mukha itong hotel kaysa apartment. Nakapagtataka na mura lang ang renta rito.
Pumasok na kami ni Janice sa nasabing gusali at agad naman kaming sinalubong ng pinsan ni Janice. Hindi ko alam na isa pala itong babae na na-trap sa katawan ng lalaki.
"Sis!" sigaw niya nang sinalubong niya kami. "Ito na ba iyong sinasabi mong kaibigan mo?" Turo niya sa akin sabay lahad ng kanyang kamay sa akin.
Agad ko naman itong tinanggap at pinakilala ang aking sarili. Yinaya niya kami para ipakita ang aking apartment. Sa ika-walong palapag ako at sa gitnang kwarto.
"Ito na ang kwarto mo sis." Binuksan niya ang pinto at sinilip ko ang loob.
Humanga ako sa ganda at linis ng kwarto. Tiles ang sahig at sobrang luwang nito pero tama lang sa isang tao. Unang bubungad ang living room kung saan may sofa at TV na. May dalawang kwarto ito sa kanan kung saan nandoon ang kwarto at iyong isa ay banyo. Sa kaliwa ko naman ay ang kitchen at hapag kainan.
Lumakad ako sa halos ka-size ko na bintana at hinawi ang kurtina. Napamangha ako sa tanawin. Binuksan ko ang bintana at may balkonahe ito kung saan pwede akong magsabit ng aking mga labada at tumambay kung gusto ko.
Sariwa rin ang hangin at kita ko ang kubuuan ng siyudad. Ang ganda sigurong tumambay dito kapag gabi. Tinignan ko ang kanan at nakita ko na pamilya ang nakatira rito dahil nakita ko na may nakasampay na mga damit ng bata. Sa kaliwa ko ay nakakita ako ng doctor's coat.
Narinig ko sa aking likuran ang pinsan ni Janice.
"Ay oo sis! Iyong kapitbahay mo pala ay isang doctor. Siguro ay tulog pa iyon dahil panggabi ang shift nito. Minsan ko na siyang nakita at masasabi kong ang yummy niya." Tumili ito na ikinatawa ko.
"Hoy bakla! Kaya siguro gustong-gusto mong tumatambay dito kapag gabi dahil diyan sa doctor na iyan noh?" sita sa kanya ni Janice.
"E ano naman ngayon? Single pa naman ang doctor na iyan at super pogi!" Tinapik niya ang aking balikat. "Naku kapag nakita mo siya laglag ang panty at matress mo."
"Lunayas ka na nga rito!" sigaw ni Janice.
"Hoy! Apartment ko ito kaya wala kang karapatang utusan ako. Hmp!" nagdadabog itong lumakad paalis.
Tumabi naman sa akin si Janice at tumingin sa kaliwang kapitbahay ko sabay tumingin sa akin.
"Bakit ganyan ka makatingin?" takang tanong ko.
Pinaningkitan niya ako ng kanyang mga mata. "Naku Serenity ha? Kapag nalaman ko lang na papatol ka sa doctor na iyan kukurutin talaga kita sa singit. Sinasabi ko sa iyo. Pigilan mo iyang puso mo ha? Ihuhulog kita rito."
Inikutan ko siya ng aking mga mata. "Janice may pangako ako sa mga magulang ko at tutuparin ko iyon. Isa pa natuto na ako. Ayoko nang maulit iyong dati. Gusto ko namang pahalagahan iyong sarili ko."
Tinaasan niya ako ng kilay. "Talaga lang ha? Totohanin mo iyan Serenity. Kapag ikaw na-in love nanaman ha?"
"Pipingutin mo iyong singit ko?" Inikotan niya ako ng kanyang mga mata at natawa naman ako.
"O ano maiwan na kita rito ha? Bibisitahin na lang kita kapag day off ko ulit. Magpakabait ka ha?" Tumango ako habang hinatid ko siya sa pinto.
"Yes po. Ingat." Nagbeso-beso kami at isinara ko na ang pinto.
Sumandal ako sa pinto at umikot-ikot sa aking bagong tirahan. Para akong batang nakawala at nahiga sa sofa. Ano kaya ang naghihintay sa akin?