Kabanata 12
"KUYA paki sundan na lang po no'ng guwardiya."
"Sige po ma'am."
Sinundan nga nila ito hanggang sa mahinto sa ikatlong block.
Ibinaba niya ang bintana ng sasakyan.
"Kuya, saang bahay po ba?"
"Iyan ma'am, iyang parang mansyon po."
"Mansyon!?" bulalas naman niya at nang huminto ang taxi na sinasakyan niya ay agad din naman siyang nalula sa kanyang nakita.
"Mansyon nga!" bulong niya sa sarili.
"Ma'am, alis na po ako," sabi ng guwardiya.
"Ay sige po! Salamat po!" paalam niya.
"Ma'am? Aalis na rin po ba ako?" tanong sa kanyang ng driver.
"Nako Kuya, hintayin niyo na lang po ako. Hayaan niyo lang na pumatak iyang metro. Sandali lang din naman kasi ako sa loob."
"Sige po ma'am."
Napangiti siya at agad din naman na nag-doorbell. Bahagya pa niyang inayos ang kanyang sarili. Hindi pa naman nasabi sa kanya ni Berta kung anong pangalan niyong Mayordoma.
Bumukas naman ang pinto at agad ang guwardiya ang sumalubong sa kanya.
"Good morning po Kuya. Ahm, paano ko ba ito ipapaliwanag? Kilala niyo po ba si Berta? Ako po sana papalit muna sa trabaho niya ngayong araw. Kasi may importante po kasi siyang ginagawa ngayon eh," paliwanag niya pa pero sa loob-loob niya. Huwag sana siyang mapagbintangan na scammer at baka mapalayas siya.
"Ikaw ba si Lucia?"
"Ay oho!" agad na sagot niya. Nakahinga naman siya ng maluwag dahil doon.
"Tumawag na siya sa akin kanina lang. Halika sa loob."
"Sige po, salamat."
Pumasok na siya sa loob at sa totoo lang ay sobrang nabusog ang mga mata niya dahil sa nakikita niya. Sobrang laki kasi ng bahay at sobrang gara rin ng mga gamit.
Dinala naman siya ng guard sa likod ng bahay at agad na tumambad sa kanya ang malaking pool area. Sa kabilang side naman ay ang malawak na garden.
"Ganda," bulong niyang muli sa sarili lalo pa't punong-puno sa bulaklak ang garden.
"Ma'am, dito na po muna kayo. Tawagin ko lang si Ma'am Delaila," sabi ng guard sa kanya.
"Sige po."
Umalis din naman ang guwardiya habang siya naman ay naiwan sa pool at nagliliwaliw ang mga mata sa paligid. Para kasi siyang nasa ibang bansa. Ganitong-ganito kasi ang nakikita niya sa mga movies na napapanood niya. At hindi niya inaakalang makakatuntong siya sa ganitong klaseng bahay.
"Hello? Are you Lucia, dear?"
Napalingon siya sa kanyang likuran.
"Yes po ma'am. Good morning po!" masiglang bati niya.
"Good morning. Ikaw ba talaga si Lucia?"
"Ay opo ma'am." Agad naman siyang naglabas ng identification card. Tiningnan nito ito at ibinalik din naman agad sa kanya.
"Now, I trust you. Since Berta called that she's unavailable today due to some important matters, you'll be replacing her to do her job for today."
"Yes ma'am."
"Okay." May tiningnan naman ito sa loob ng bag.
"Did Berta oriented you about this job?"
"Not yet ma'am. Nagmamadali ho kasi siya," sagot niya na lamang.
"Alright! This is what you gonna do. But everything's on the list but when you think it's necessary, of course you should buy it. Alam mo naman tayong mga babae. Alam na alam natin kung anong kailangan sa loob ng pamamahay natin. And of course, after you buy what is needed. You have to be careful organizing those items. Am I clear?"
"Yes ma'am."
Kumuha ito ng papel na naglalaman ng isang address at mga listahan ng mga bibilhin. Ibinigay din sa kanya ang isang susi.
"That's the spare key so if anything is missing. I'm gonna find you and Berta and make you pay for it! Understand?"
Kinabahan naman siya dahil doon.
"Opo ma'am," mahina niyang sagot.
Pagkatapos niyon ay naglabas naman ito ng isang bundle ng pera. Nanlaki ang kanyang mga mata. First time niyang makakita ng ganoon karami.
"Here, take it!"
Ibinigay sa kanya ang isang bundle ng pera. Pagkatapos ay binigyan siya ulit ng isa pang sobre.
"That's your salary for today. And another thing, here's my contact number. Call me when you needed help of something that is urgent," anito at ibinigay sa kanya ang calling card nito.
"Ma'am? Paano po kayo nakakasiguro na hindi ko po itatakas itong pera?" bigla niyang tanong. Nagulat naman ito sa tanong niya.
"Ay sorry po," agad na sabi niya at tinakpan ang bibig saka marahang pinukpok ang ulo dahil sa sobrang hiya.
Bigla naman itong tumawa ng malakas.
"You know what Lucia? I like you! Well, It is very easy to read you. You won't run for it," nakangiti nitong wika.
"Go on! Time is gold!" taboy nito sa kanya.
"Thank you po ma'am!"
Kumaway lamang ito sa kanya saka pumasok na sa loob. Siya naman ay agad din na tinungo ang labasan at nang makita siya ng guwardiya ay agad din naman siyang pinagbuksan nito ng gate.
"Thank you Kuya!" aniya at agad din naman na siyang sumakay sa taxi.
"Kuya, balik po tayo ng SM Ecoland, kung puwede?"
"Sige po ma'am."
Umandar na ang taxi at habang papaalis sila ay inusisa naman niya ang laman ng sobre. Namilog ang kanyang mga mata dahil maraming papel ang nasa loob. Nate-tempt siyang magbilang pero dahil sa naiilang siya lalo pa't nasa loob siya ng taksi ay pinigilan niya ang sarili. Doon na lamang niya ito sa mall uusisahin.
NANG makabalik sila ng SM Ecoland at agad din naman siyang nagbayad sa taxi gamit ang perang bigay sa kanya. Nang nasa loob na siya ng mall ay agad niyang tinungo ang banyo. Pumasok siya sa isang cubicle at doon ay binilang niya ang isang bundle na bigay sa kanya ni Ma'am Delaila.
"Oh my God!" bulalas niya nang matapos siyang magbilang. Tumatagingting na fifty thousand pesos lang naman ang hawak niya ngayon. Kasama na sa bilang iyong naging pamasahe niya sa taxi na inabot din ng sobra five hundred pesos.
Lumipad ang mga palad niya sa kanyang bibig. Baka kasi kung ano na naman ang masabi niya. Huminga siya ng malalim.
"Kalma lang Lucia! Alam kong first time mo pero kumalma ka!" bulong niya sa sarili.
Sunod naman niyang inusisa ay ang laman ng envelope. Binilang niya ito at muntik na siyang mahulog sa kubetang inuupuan niya.
"Ten thousand peso!?" halos walang boses niya nang wika sa sarili.
Hindi pa siya nakuntento dahil talagang inilabas niya ito sa sobre at binilang ulit. Nalula siyang lalo dahil talagang ten thousand pesos ang laman ng sobre. Bigla tuloy siyang napa-sign of the cross dahil sa sobrang kaba, excited, at tuwa na nararamdaman niya.
Itinago niya na ang pera at hinanap niya ang kanyang cellphone. Tinawagan niya si Berta.
"Hello, Lucia?" agad na sagot nito.
"Berta! Diyos ko mahabaging langit! Ano bang klaseng trabaho itong ibinigay mo sa akin!? Hindi kaya ma-holdap ako nito?"
Natawa naman ng malakas si Berta sa kabilang linya.
"Nako, ganyan talaga sila. Sobrang galante."
"Obvious din naman. Sa laki ba naman ng bahay eh! Pero iyon talaga ang sahod mo? Na sahod ko ngayon?"
"Oo, 'yan talaga pero sa isang buwan ko lang naman ginagawa iyan. Minsan dalawang beses pero madalas talaga, sa isang buwan lang."
"Ganoon ba? Hindi ka ba nanghihinayang dito sa pera?"
"Nako, Lucia! Ayos lang ako. Saka nakatanggap na ako ng bunos noong nakaraang linggo. Sobra pa riyan sa sahod na natanggap mo. Saka alam ko namang gipit ka ngayon dahil kasisimula mo pa lang sa trabaho mo. Deserve mo iyan. Okay na kami ni Dhea sa masarap na dinner kung may balak kang manlibre?"
"Sus! Iyon lang pala eh! Promise pag-uwi ko. Bibili ako ng masarap na pagkain mamaya."
"Okay! Ingat ka ha. Tawagan mo lang ako kapag may kailangan ka."
"Sige Berta, kita na lang tayo mamaya."
"Sige! Bye!"
Pareho silang nagbaba ng cellphone. Pagkatapos niyon ay tumayo na siya at kunwaring nag-flush ng inidoro. Pagkatapos ay lumabas din naman siya agad at nagtungo na sa grocery. Tiningnan niya ang listahan at sobrang dami nga nang pinabibili ni Ma'am Delaila. Tama rin si Berta, mukhang good for one month nga ang supplies na bibilhin niya dahil puro tig-isang karton ang nakalista sa papel.
Nagsimula na siyang mag-grocery. Inabot din siya ng dalawang oras sa pag-iikot at dalawang cart na ang napuno niya. Iniwan niya malapit sa counter ang dalawa niyang cart at nagbilin sa cashier na may kukunin pa siyang iba. Pagkatapos niyon ay kumuha na naman siya ng isang empty cart. Muli siyang nag-ikot dahil may limang item pa siyang kulang. Habang naghahanap ay sobrang saya ng pakiramdam niya. Ang saya pala talaga kapag bumibili na walang iniisip kung magkano ang aabutin. Ang sarap lang sa pakiramdam at nakakawala iyon ng stress sa kanya. Lalo na ngayon na first time niyang gawin ang mga ito.
Nang mahanap niya ang ibang kulang na item ay nag-ikot pa siya at naghanap ng mga bagay na sa tingin niya ay sobrang essential.
Nang pakiramdam niya ay okay na lahat ay agad din naman siyang pumila sa cashier. Nagsimula nang ipa-punch ang mga item habang siya naman ay nakatingin lamang sa monitor. Nanlalaki yata ang mga mata niya dahil isang cart pa lang, halos ten thousand pesos na ang inabot. Hanggang sa matapos na ma-punch ang lahat.
"Thirty five thousand and six hundred fifty eight point eighty cents po ma'am. May loyalty card po ba kayo?"
"Wala po eh, paano po ba mag-apply? Sayang naman ang points."
"Gusto niyo po ba mag-avail ma'am? Libre po iyon dahil nag-reach po kayo sa amount purchase."
"Talaga ba? Sige!" natutuwa naman niyang sabi at agad na naglabas ng kanyang identification card. Saglit naman na nagpaalam ang cashier sa kanya at nang magbalik ito ay may dala na itong card.
Pagkatapos niyon ay ni-record na doon kung ilang points makukuha niya. Kumuha na rin siya ng pera sa bag at nagbayad na. Pagkatapos ay nagpatulong na siya sa mga staff na ihatid ang mga pinamili niya sa labas. Pagkatapos ay naghanap agad siya ng taxi na masasakyan.
Nang makakita siya ay agad niya itong kinausap tungkol sa address ng condominium. Nang alam nito ang lugar at agad din naman siyang nagpatulong sa mga pinamili niya. At dahil nga sa dami ay napuno agad ang likod ng sasakyan kaya iyong iba ay sa backseat na lang inilagay. Sa tabi na siya ng driver umupo.
"May negosyo po kayo ma'am?" tanong pa ng driver. Marahil ay nagtataka ito kung bakit sobrang dami niyang binili.
"Nako Kuya, napag-utusan lang ako ng amo ko. Pang isang buwan na po yata niyang supplies iyan," paliwanag niya.
"Iba talaga kapag mayaman, ano?"
"Sinabi niyo pa."
Pagkatapos niyon ay hindi naman na nagtanong pa ang driver at pinasibad na ito papunta sa kanyang destinasyon.