Kabanata 9
"Ano naman na kurso iyon?"
"Bookkeeping."
"Oh, nakatapos ka naman pala ng ganyan, bakit hindi ka sa ibang trabaho nag-apply?"
"Walang suwerte kasi saka kung anong bakante, iyon na! Mamimili pa ba ako Merna? Sa hirap ng buhay ngayon. Okay na ako sa kahit anong trabaho basta marangal lang."
"Sabagay, may point ka naman doon. Kaysa sa maging choosy tayo, tanggapin na lang natin kung anong grasya ang dumating sa atin, 'di ba?"
"Mismo!"
Tinapos na nila ang kanilang kinakain.
"Wala na ba tayong ibang gagawin? May isang oras pa kasi tayo."
"Manguha ng basura saka sa comfort room."
"Okay."
Tumayo na silang dalawa at agad na bumalik sa kanilang trabaho.
NANG hapon na at oras na nang uwian. Nagpaalam na siya kay Merna at sa iba pang kasama niya na naabutan niya sa locker room. NANG papalabas na siya ay nagkasalubong pa silang dalawa ni Vina. Nag-iwas siya ng tingin dito at bahagyang lumihis ng daan. Ayaw niya na kasi ng gulo at ayaw niya ring makausap si Vina dahil baka kung ano pa ang masabi niya. Kung hindi niya lang talaga mahal ang trabaho niya at kung hindi niya ito kailangan ay talagang papatulan niya ito. Pero nakatatak na sa utak at puso niya na may pinapaaral pa siyang kapatid. Kailangan niyang magtiis at makisama kahit hindi maganda ang ugali nito.
She feel very disappointed. Ang akala niya talaga ay mabait ito pero may kasabihan nga, maraming namamatay sa maling akala.
"Lucia," tawag ni Vina sa kanya. Napahinto siya sa paghakbang at nilingon ito. Nasa labas na sila ng building. Blangkong ekspresyon sa mukha ang ibinigay niya rito. Lumapit ito sa kanya.
"Mag-so-sorry sana ako pero mukhang hindi mo naman deserve."
"Pareho pala tayo ng iniisip." Mukha naman itong nagulat dahil sa pagsagot niyang iyon.
"So? The lion was hiding in her den," nakataas kilay nitong wika.
Hindi niya ito sinagot at tinalikuran niya na ito pero mabilis siya nitong hinila sa kanyang braso. Mabilis din naman niyang inalis ang kamay nitong nakahawak sa kanya.
"Lumalaban ka na, ha!?"
"Alam mo Vina, gustong-gusto na kitang sapakin pero nasa trabaho tayo kanina at ayaw ko mawalan ng trabaho kaya pinagtitiisan ko na lang iyang ugali mo. Pero sa susunod na may gawin ka ulit sa akin, hindi na ako magtitimpi! Saksak mo sa kukute mo iyan! Hindi mo ako kilala kaya huwag mo akong kinakanti!" matigas niyang ani. Nagulat naman si Vina at napaatras ng bahagya. Inismiran niya ito at tinalikuran na.
Akala niya siguro magpapakawawa siya rito. Pinalaki siyang hindi duwag ng mga magulang niya pero mas pinalaki siyang may respeto pa rin sa kapwa. Kaya kahit minsan ay agrabyado siya ay hinahayaan niya na lang dahil ayaw din naman niyang makasakit. Pero kapag sobra na at nasa lugar naman siya para lumaban ay gagawin niya, maipagtanggol niya lang ang sarili.
Lumakad na siya at naghanap na ng masasakyan nang bigla siyang makatanggap ng tawag mula sa same number na tumawag sa kanya kagabi. Huminga siya ng malalim at sinagot ito.
"Lucia! Ano ba! Nagpalit ka ba ng number? Bakit hindi kita makontak!" galit na sabi agad ni Jun sa kanya sa kabilang linya.
"Jun, puwede ba? Tantanan mo na ako, please lang!? Marami ka namang babaeng makikita riyan na puwede mong ipalit sa akin. Iyong mas sexy sa akin. Iyong mas malaki ang dibdib. Huwag na ako, maawa ka naman sa sarili mo!"
"Ang arte mo naman Lucia! Iyan lang ba ikinagagalit mo kaya ka nakipaghiwalay sa akin? Ang babaw naman!" Mahigpit niyang hinawakan ang kanyang cellphone. Gigil na gigil ang kanyang nararamdaman.
"Una sa lahat Jun, may amnesia ka ba? O sadyang binagok mo iyang ulo mo para kunwaring nakalimot ka sa totoong dahilan kung bakit tayo naghiwalay. Pangalawa, lakas ng apog mo! Pangatlo, maghanap ka ng ibang maloloko mo! Pang-apat, hindi ka kaguwapuhan para magyabang sa akin! At panglima! Isaksak mo sa baga mo iyang hanging dala mo sa ulo! Manloloko! Bye!"
Pinatay niya agad ang tawag nito at muli ay inilagay niya sa block list ang number. Gigil na gigil tuloy niyang kinalikot ang kanyang cellphone. Kung malapit lang ito'y baka nasuntok niya na o baka nasampal dahil sa kakapalan ng mukha nito.
"So brave," biglang wika ng lalaki na nasa kanyang likuran. Natigilan naman siya at napalingon sa kanyang likuran. Sakto namang humakbang ito kaya diretso ang mukha niya sa matigas nitong dibdib.
"Anak ka ng butete!" bulalas niya at nasapo ang kanyang ilong at noo.
Nang tingalain niya ito ay nagulat pa siya at napaatras. Bigla naman siyang hinila nito dahil konti na lang ay matutumba na siya sa kalsada. Marami pa naman ang mga dumadaang sasakyan. Baka masagi siya o 'di kaya ay makaladkad.
"What an idiot behavior," he says, squinting his eyes while looking at her. Wala sa sarili tuloy siyang napanganga at pagkatapos niyon ay napalunok din naman agad. Inismiran lamang siya nito at hinila muli para mailayo siya rito ng ilang inches.
"Ikaw na naman!?" bulalas niya nang mamukhaan niya ang lalaki. Sa totoo lang ay sobrang guwapo nito. Perfect na perfect ang mukha. Parang anghel na hinulog mula sa lupa pero may sa pagkademonyo yata ugali nito dahil sa ang bastos ng bibig.
"Hoy! Paalala ko lang sa iyo, hindi ako tanga!" wika niya nang makabalik siya sa kanyang katinuan.
"Whatever!" matabang na sagot nito at tumawid na sa kabilang kalsada. Sumakay na ito sa big bike nito at pinaharurot paalis.
"Baliw din ang isang iyon," kumento niya pa sa kawalan.
Nailing na lamang siya at naghanap na ng masasakyan. Mabuti na lang talaga at may huminto agad. Muli namang nag-ring ang kanyang cellphone at galing na naman sa ibang unknown registered number.
Wala sa sarili niya pa itong sinagot dahil sa pag-aalala niyang baka importante ang tawag.
"Hello?" panimula siya.
"Lucia, ano ba! Huwag mo nga akong pinapatayan ng cellphone!"
Nakuyom niya ang kanyang mga kamao habang nakagat ang ibaba niyang labi.
"Ano ba Jun! Tigilan mo na ako!"
"Hindi kita titigilan hangga't hindi ka nagpapakita sa akin!"
"Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo na ayaw na kitang makita!"
"Wala akong pakialam! Gusto kitang makita!"
"Ewan ko sa iyo Jun! Itulog mo na lang iyan, baka sakaling gumaan ang pakiramdam mo at magising ka sa katotohanan na wala nang tayo. At kailanman ay hindi na magiging tayo!" aniya at agad na pinatay ang tawag nito.
Huminga siya ng malalalim at itinago na ang cellphone niya.
NANG makauwi siya ng bahay ay nakasalubong naman niya si Berta.
"Magandang gabi, Lucia," bati nito sa kanya.
"Magandang gabi rin sa iyo Berta."
"Siya nga pala, may lalaking naghahanap sa iyo noong isang araw."
Natigilan naman siya. Mahigpit siyang kumapit sa sling ng kanyang bag na dala.
"Ano raw sabi?" medyo kinakabahan niyang tanong.
"Nagpapautang lang ng mga rebulto."
"Ha? Pero bakit ako kilala? Bagong salta lang ako rito Berta at alam mo namang galing ako sa malayong probinsya."
"Kaya nga eh. Ako nga rin nagtataka."
"Ano ba sinabi mo?"
"Nako wala ako sinabi na may kilala akong Lucia. Sinabi ko na wala kasi nagduda rin naman ako."
Nakahinga naman siya ng maluwag.
"Akala ko talaga sinabi mo."
"Hindi 'no! Baka kung ano pa gawin ng lalaking iyon kapag nalaman niyang may Lucia na nakatira rito."
"Salamat naman Kung ganoon. Namukhaan mo ba ang lalaki?"
"Hindi e. Balot na balot kasi siya at hindi ko makita ang mukha. Pero matangkad siya saka medyo payat."
Namilog naman ang kanyang mga mata. Bigla tuloy siyang nagduda.
"Huwag ka na mag-alala Lucia. Hindi ko naman sinabi sa kanya saka bago ka lang din naman dito. Sigurado naman ako na kapag nagtanong iyon sa iba, walang maituturo dahil nga sa bago ka lang umuupa rito."
"Baka si Aling Salya ang mapagtanungan kung sakaling bumalik ang lalaking iyon," nag-aalala niyang wika.
"Sabihan ko na lang si Aling Salya na huwag magsabi na may renter siyang Lucia. Total sa kanya ako pupunta ngayon dahil magbabayad na ako sa huling upa namin ni Dhea dito."
"Salamat Berta ha, pero teka, lilipat na kayo ng ibang lugar?"
"Oo Lucia. Lilipat na kami sa Bajada. Malapit kasi doon ang trabaho naming dalawa."
"Puwede ba akong sumama?"
"Ha? Lilipat ka rin?"
"Doon din ako malapit na nagtatrabaho e."
"Sige, itatanong ko kay Aling Salya kung may bakante pa roon." Kumunot naman ang kanyang noo.
"Bakit sa kanya ka magtatanong?"
"Siya rin kasi may-ari niyon pero iyong anak niyang si Kora ang nagma-manage.
"Pasabay naman ako, oh? Hindi ako kampante na maiiwan akong mag-isa rito lalo na kung may umaaligid na naghahanap sa akin."
"Sige Lucia. Akong bahala. Sabihan kita agad para makapag-impake ka."
"Okay! Salamat!"
Nagpaalam na si Berta habang siya naman ay pumasok na sa bahay niyang maliit.
Agad siyang uminom ng tubig. Bigla siya ulit kinabahan at duda niyang baka si Jun ang naghahanap sa kanya. Baka nga natunton na siya nito. Laglag ang kanyang mga balikat na umupo sa dulo ng kama. Napapadasal siya na huwag naman sana.
Tumayo na siya at nagpalit na ng damit. Pagkatapos ay nagluto na siya ng kanyang hapunan.
HABANG kumakain ay kinuha niya ang kanyang cellphone sa kanyang bag. Hindi pa rin kasi mawala sa isip niya ang sinabi ni Berta. Gusto niyang tumawag sa kanyang ina dahil gusto niyang kumpirmahin kung may nalaman ba si Jun tungkol sa pag-alis niya sa kanilang lugar.
Naka-ilang dial pa bago may sumagot sa tawag niya at si Meryl ang nakasagot sa kabilang linya.
"Ate Lucia! Napatawag ka?"
"Pasensiya ka na Meryl kung ginabi na ako sa pagtawag. Ang inay at itay? Kumusta sila?"
"Natutulog na po ate saka maayos kami rito."
"Ikaw? Kumusta pag-aaral mo?"
"Mabuti naman ate. Ikaw diyan?"
"Ayos lang din. Siya nga pala, lagi pa rin bang nagpupunta si Jun diyan sa atin?"
"Oo ate. Lagi ka pa ring hinahanap."
"May ideya na ba siyang matagal na akong wala riyan sa atin?"
Natahimik naman ang kabilang linya.
"Ate, kasi ano..."
Napatigil naman siya sa pagkain.
"Meryl, bakit?"
"Pinilit kasi ako ni Kuya Jun ate. Wala akong nagawa kasi pinagbantaan niya akong papatayin."
"Ano!?"
"Sorry ate kung nasabi ko. Saka huwag kang mag-alala. Alam ito nila nanay, saka napa-blotter na rin namin siya sa presinto."
Nasapo niya ang kanyang noo. Hindi niya inakalang mauuwi sa ganito ang pag-iwas niya kay Jun.
"Sigurado ka ba talagang okay ka lang?" nag-aalala niyang tanong.
"Oo ate. Okay lang ako. Saka huwag ka na mag-alala sa amin. Maayos kami. Ang inaalala ni Nanay ay baka puntahan ka riyan ni Kuya Jun."