Kabanata 10
"Huwag din kayong mag-alala sa akin. Lilipat din ako sa bago kong uupahang kuwarto. Basta kapag may nangyari, tumawag kayo agad ha?"
"Opo ate."
"Sige, ingat kayo."
"Kayo din po."
"Okay."
Pinatay niya na ang kanyang tawag. Tinapos niya na ang kanyang kinakain at nagsimula na siyang mag-impake sa iba niyang mga gamit.
Gusto niyang makalipat kaagad kahit pa walang bakante sa bagong uupahan nila Dhea ay maghahanap siya ng ibang lugar. Ayaw niyang magkita sila ni Jun dahil mahihirapan lamang siya na itaboy ito.
Nang matapos siya sa pagbabalot sa iba niyang mga gamit ay napatingin siya sa kalendaryong nakasabit sa pader.
Bukas na pala ang kanyang unang day off. Pabor iyon sa kanya dahil maghahanap siya ng ibang malilipatan. Mabuti na iyong may reserba siya nang sa ganoon hindi siya mapag-iwanan dito lalo na't wala siyang ibang kakilala maliban na lang kina Dhea at Berta.
Pagkatapos niyang mag-ayos ay natulog na rin siya ng maaga.
KINABUKASAN ay binulabog nang sunod-sunod na katok ang pinto ng kanyang kuwarto. Antok na antok pa ang pakiramdam niya pero napilitan na lamang siyang bumangon.
Lumapit siya sa pinto at binuksan ito.
"Lucia, may naghahanap na naman sa iyo. Nasa tindahan siya," wika ni Berta. Bigla yata siyang nahimasmasan at agad nawala ang antok niya.
"Iyon pa rin ba? Nakita mo ba ang mukha?"
"Iyon pa rin pero hindi ko nakita ang mukha."
"Teka, sandali, kunin ko lang jacket ko. Saang tindahan ba iyan?"
"Sasamahan kita. Bilisan mo."
Agad din naman siyang kumilos at kinuha ang kanyang jacket. Pagkatapos niyon ay tinungo na nila ni Berta ang tindahan na tinutukoy nito.
Nasa may kanto pa sila ng eskinita at malayo pa ay kilala niya na kung sino ang lalaking naghahanap sa kanya.
"Anak ka ng tipaklong! Si Jun 'yan!" bulong niya kay Berta at hinila ito pabalik kina Aling Salya.
"Sinong Jun?" taka namang tanong ni Berta.
"Ex-boyfriend ko sa probinsya na hindi maka-move on sa akin. Kapal ng mukha! Siya na nga itong nanloko, siya pa itong habol nang habol."
"Ano!? 'Di ba malayo iyong sa inyo? Paano ka niya natagpuan dito?"
"Nako, Berta, mahabang storya! Halika na!"
Hinila niya na si Berta at nang makauwi ay nagtataka pa si Dhea kung bakit parang nagmamadali silang dalawa.
"May bakante na ba?" agad na tanong niya kay Dhea.
"Saan? Sa uupahan? Oo, mayroon pa isa. Katabi rin sa kuwarto namin ni Berta. Sabi ni Aling Salya, puwede na tayo lumipat doon anumang araw."
"Good! Gusto ko ngayon nang araw mismo!" sagot niya at agad na nag-impake. Alam niyang nagtataka si Dhea kaya naman ay nagpakamarites na itong si Berta at ito na ang nagsabi kung bakit nagkukumahog siyang makaalis sa lugar na ito.
"Teka, pupunta lang ako kay Aling Salya. Sasabihan ko siya," sabi naman ni Dhea.
Napatigil naman siya sa pag-iimpake.
"Teka lang, sandali! Hindi ba ako mapapansin paglabas ko riyan?"
Kumikit-balikat naman si Dhea.
"Paano kaya kung kami na lang magdala ng iba mong mga gamit? Total naman iisang paupahan lang naman ang lilipatan natin. Dalhin mo na lang iyong sa tingin mo ay kaya mong dalhin. Ano sa tingin mo Dhea?" suggest ni Berta.
"Parang ganoon na nga Lucia. Para naman hindi ka mapansin ng lalaking iyon. Baka kasi nakamasid lang iyan sa labas at naghihintay na matsempuhan ka," wika naman ni Dhea.
Sa sobrang saya at pasasalamat niya ay niyakap niya ang dalawa.
"Kontakin ko na lang kayo mamaya, ha?"
"Walang problema," sagot naman ni Berta.
"Salamat talaga! Hulog kayo ng langit!" aniya pa.
Natawa lamang ang mga ito sa kanyang naging reaksyon.
Pagkatapos nilang mag-usap na tatlo ay tinulungan na siya ng mga ito na ilipat ang mga gamit niya sa kabilang kuwarto. Pagkatapos niyon ay nagpaalam na siya na aalis.
Kinuha niya ang kanyang bag pack at agad din naman na binalot ang kanyang ulo ng malaking shawl dahil nag-aalala talaga siya na baka mahuli siya ni Jun.
Habang papaalis ay panay din naman ang tingin niya sa kanyang paligid.
Lintik tong si Jun. Nagmukha tuloy siyang parang maraming utang na tinatakasan.
Nang makalayo na siya ay nakahinga na rin siya ng maayos. Tinanggal niya ang suot niyang balabal sa ulo at naghanap na ng taxi na masasakyan.
"Lucia!"
Namilog ang kanyang mga mata. Kilala niya kung sino ang tumawag sa kanya. Si Jun!
Nakuyom niya ang kanyang mga kamao at wala siyang lingon-lingon.
"Lucia? Ikaw ba iyan, ha?" muling tawag ni Jun sa kanya. Sakto namang dumaan iyong lalaking may malaking motor sa kanyang harapan. Nasakto pang nag-red light ang traffic light kaya huminto ito agad malapit sa pedestrian. Mabilis siyang lumakad palapit sa lalaki. Hindi kasi siya puwedeng magkamali dahil kilalang-kilala niya ang motor nito. May design kasi itong bungo sa likod ng plate number ng motor nito.
Dali-dali siyang naglakad hanggang sa nasa harapan na siya ng lalaki.
"Lucia! Ikaw nga! Teka lang!" habol sa kanya ni Jun.
"Anak ka ng pares!" bulalas niya.
Nag-angat naman ng salamin sa helmet ang lalaki at gaya nga ng hula niya'y ito nga ang lalaki. Mabilis niyang kinuha ang isang helmet nito ay isinuot.
"What are you doing!?"
"May naghahabol sa akin! Wala akong choice!" sagot niya at agad na umangkas sa likod ng motor.
Nang mag-go ang traffic light ay agad din namang pinatakbo ng lalaki ang kanyang motor.
"Lucia!" huling narinig niyang tawag ni Jun sa kanya pero dedma lang siya. Bigla namang binilisan ng lalaki ang pagpapatakbo ng motor nito kaya wala sa huwisyo siyang kumapit sa baywang nito. Nang matauhan siya'y marahan niyang hinampas ang balikat nito.
"Dahan-dahan ka naman! Nagugulat ako!" sita niya rito.
Bigla naman itong nag-break kaya nasubsob din ang mukha niya sa likod nito.
"Aray!" malakas niyang daing.
Muli na nitong pinatakbo ulit ang motor nito hanggang sa makalayo na sila sa Maa.
Huminto naman ang lalaki sa tapat ng SM Ecoland.
"Baba!" malakas na sabi nito kaya agad din naman siyang bumaba. Tinanggal niya ang kanyang helmet at ibinalik sa lalaki.
"Salamat," aniya pero hindi ito sumagot at agad din naman na umalis.
Laglag ang kanyang mga balikat. Naghanap siya ng mauupuan. Pakiramdam niya yata ang dami niyang ginawa ngayong araw. Hapong-hapo ang pakiramdam niya. Kasalanan talaga 'to ni Jun! Buwesit!
Bigla namang nag-ring ang kanyang cellphone. Mula na naman sa isang unknown number. Sinagot niya ito agad.
"Lucia! Saan ka ba pupunta ha!? At sino iyong lalaking kasama mo!" wika agad ni Jun sa kanya.
"Manahimik ka nga! Ang dami mong number! Ako naloloka sa iyo! Magpapalit na talaga ako!"
"Bumalik ka na please! Maghihintay ako rito sa inuupahan mo."
"Hindi na ako babalik diyan! Kita mo namang ang dami kong dalang bag! At huwag na huwag ka na ring pupunta sa amin dahil hindi ko na ipapaalam sa kanila kung nasaan ako! Manigas kang hayop ka!"
Agad niyang pinatay ang tawag nito. Gigil na gigil niyang pinindot nang pinindot ang screen ng kanyang cellphone.
"Kapal talaga ng mukha mong hayop ka! Asar!" bulalas niya sa kawalan.