Kabanata 14
MAKALIPAS ang ilang minutong biyahe ay nakauwi rin siya sa bago nilang nilipatan. Naglakad siya ng ilang metro at agad niyang nakita ang paupahan na sinasabi ni Dhea sa kanya. Pumasok siya sa gate at sakto namang nakita siya ni Berta.
"Lucia! Buti hindi ka naligaw?"
"Madali lang naman hanapin saka malaki rin naman 'tong building."
"Hanggang fourth floor lang naman pero bongga na ang kuwarto niyan. Kasya na isang pamilya."
"Ganoon pa rin ba upa?" tanong niya habang umaakyat sila sa hagdan. Tumigil sila sa second floor.
"Ganoon pa rin naman, three-five, kasama na ilaw at tubig."
"Mabuti naman."
"Halika na. Nasa dulo iyong kuwarto mo. Nahakot na rin namin lahat ang mga gamit mo. Saka nagsabi pala iyong landlady natin na kailangan mag-advance deposit ng isang buwan."
"Sige Berta, walang problema iyon."
Huminto sila sa second to the last na kuwarto. Naabutan nila si Dhea na naghahanda ng hapunan.
"Heto, may binili ako na pagsasaluhan natin. Nag-promise ako, 'di ba?"
"Wow naman!" masayang wika pa ni Berta. Si Dhea naman ay napa-thumbs up lang.
Tumulong na siya sa paghahanda at paglalagay ng mga pagkain.
Pagkatapos ay naghapunan na sila.
"Kumusta ang Yaya for one day?" tanong ni Berta.
"Sobrang nakakapagod pala mag-organized pero nag-enjoy naman ako sa pag-gro-groceries. Ganoon ba talaga ginagawa mo?"
"Oo, kapag walang trabaho sa call center."
"Sa call center pala kayo ni Dhea pumapasok?" tanong niya pa dahil wala naman kasi siyang alam sa mga backgrounds nito.
"Yes! Kaya nga iisa na lang na kuwarto ang kinuha namin. Hati kami sa renta. Total naman, malaki 'tong nilapatan natin," sagot naman ni Dhea.
"Oo nga eh," sang-ayon naman niya habang tinitingnan ang kabuuan ng kuwarto.
"Mas gusto ko rito kaysa sa kabila," mahina pang bulong ni Berta.
"Ssh!" saway naman ni Dhea.
Nagtawanan silang tatlo.
"Nga pala Berta, sinabi sa akin ni Ma'am Delaila na gagawin daw niya akong aide. May alam ka ba ano gagawin?"
"Nako, gagawin kang taga niyon!" wika pa ni Berta habang kumakain ng pork barbeque.
"Muchacha! Ganern!" segunda pa ni Dhea.
Napangiwi siya.
"Hindi naman siguro mahirap maging alalay niya, 'no?"
"Hindi naman. Saka huwag kang mag-alala. Galante naman magbigay iyon."
Napatango-tango naman siya. Tinapos na nila ang kanilang kinakain.
Pagkatapos nilang kumain ay nagpaalam na siya na lilipat na sa kabilang kuwarto. Ibinigay naman sa kanya ni Dhea ang kanyang susi.
Agad din naman niyang binuksan ang pinto. Kinapa niya ang switch ng ilaw sa dingding. Nang may ilaw na ay agad din naman niyang nakita ang mga gamit niya sa sulok. Ini-lock niya na ang pinto. Inusisa niya ang buong kuwarto at gaya nga sa dati niyang inuupahan. May mga gamit na rin ang buong kuwarto. Huminga siya ng malalim at bago pa siya antukin ay nagsimula na siyang ayusin ang mga gamit niya.
Habang nag-aayos ay hindi mawala sa isip niya ang pagparito ni Jun. Pinagdarasal niya na sana hindi na siya masundan pa nito dahil malaking problema na naman iyon para sa kanya.
May isa pa siyang iniisip. Iyong jacket na nasira niya. Ang mahal pa naman niyon at baka ugod-ugod na siya bago niya pa mabayaran iyon.
Napatigil siya sa pagtutupi ng kanyang mga damit. Laglag ang kanyang mga balikat. Kinuha niya ang kanyang bag at tiningnan ang perang naiwan pa sa kanya. Kung sakaling magtuloy-tuloy ang grasya niya sa pamamagitan ng paninilbihan niya kay Ma'am Delaila, siguradong mababayaran niya ang jacket kung hindi naman ito maayos pa. Pero umaasa pa rin siya na sana makahanap siya ng magaling na mananahi.
Bumuntong-hininga siya at ipinagpatuloy na lamang ang kanyang ginagawa hanggang sa matapos siya.
Naglinis na rin siya ng katawan at maaga rin naman siyang natulog dahil maaga pa siyang papasok bukas.
KINAUMAGAHAN ay himala yata siyang nagising siya ng maaga. Hindi naman siya kulang sa tulog at hindi rin siya namamahay. Milagro na lang talaga na mas nauna pa siyang nagising kaysa sa kanyang alarm clock. Mukhang hindi man lang siya nakaramdam ng matinding pagod gayong buong araw siyang may ginawa. Kumikit-balikat na lamang siya at kumilos na. Nagluto na rin siya ng kanyang agahan gamit ang natitira niya pang pagkain na naitabi niya.
Napabuga siya ng hangin. Mukhang maging siya ay kailangan na ring mag-grocery dahil marami na ang kulang sa mga kailangan niya sa pang-araw-araw.
Pagkatapos niyang magluto at makakain ng agahan ay agad din naman siyang kumilos. Naligo siya at nagbihis, pagkatapos ay umalis din naman agad. Ni hindi na siya nakapagpaalam kina Berta. Alam niya kasing tulog pa ang mga ito dahil naka-assign ang mga ito sa graveyard shift.
Nagmadali na siya sa pagbaba sa hagdan. Agad din naman siyang lumabas ng gate at sakto namang may dumaang tricycle kaya sumakay na siya at nagpahatid na sa may kanto.
Nang nasa kanto na siya ay agad din naman siyang bumaba at nagbayad. Pagkatapos niyon ay dali-dali naman siyang pumuwesto sa sakayan ng jeep. Sa awa naman ng Diyos, nakasakay din naman siya agad at wala pang ten minutes ay naroon na siya agad sa pinagta-trabahuan niya. Malapit lang din naman kasi at lamang na ngayon dahil hindi na malayo ang tinitirhan niya.
NASA locker room na siya nang dumating si Merna.
"Asar! Muntik pa akong ma-late!" wika ni Merna habang nagbubukas ng locker nito.
"Bakit naman?" tanong niya.
"Paano ba naman kasi, nagdrama pa iyong kapatid kong babae. Gusto kumaringking sa lalaki at dahil nga sa minor de edad pa, hindi ko pinayagan. Hayun, nauwi tuloy kami sa away," paliwanag ni Merna.
"Alam mo naman mga kabataan ngayon Merna, sobrang curious sa mga bagay-bagay."
"Sinabi mo pa!"
Bigla namang dumating ang mga kasamahan pa nila sa trabaho at may pinag-uusapan ang mga ito.
"Nakita niyo na ba iyong may-ari?" tanong pa ni Selly kay Jona.
"Hindi pa pero usap-usapan ngayon sa mga opisina na never nagpakita 'yan," dagdag pa ni Joan.
"Nako pa mysterious!" natatawa namang wika ni Selly.
"Ayon din sa mga narinig ko, binata pa raw iyon," dagdag pa ni Joana.
"Baka naman ugod-ugod na." Muling nagtawanan ang dalawa at umuna nang umalis ng locker room. Nagkatinginan naman silang dalawa ni Merna.
"May alam ka tungkol sa tsismis na iyon?" tanong niya pa kay Merna.
"Wala rin eh pero narinig ko na nga minsan iyan sa opisina sa second floor. Ayaw nga magpakita ng may-ari."
"Oh? Kahit sa board meeting?"
Kumikit-balikat naman si Merna.
"Tara na nga," yaya niya. Tumango lang din naman si Merna.
Pumunta na sila storage room para kunin ang panglinis nila at agad na umakyat sa second floor.
Nang nasa second floor na sila ay sumalubong naman sa kanila si Miss Cruz.
"Good morning ladies! You, Lucia, at the comfort room and you Merna, in my office," anito.
"Okay po ma'am," sagot niya at si Merna naman ay parang ayaw nitong maiwang mag-isa kasama si Miss Cruz.
"Lucia," mahinang wika ni Merna kaya napatingin siya rito. Sumenyas ito na kapag tapos na siya ay bumalik siya kaagad. Nag-thumbs up sign lamang siya. Pagkatapos niyon ay agad din naman niyang tinungo ang comfort room ng second floor.
Inuna niyang nilinis ang pambabaeng comfort room.
Pagkatapos niyon ay sunod niyang nilinis ang panlalaki. Nang matapos siyang mag-mop sa kabilang side ng comfort room ay ang mga cubicle naman ang inabala niyang nilinis.
Nang nasa panghuling cubicle na siya ay nagtaka pa siya kung bakit ito naka-lock gayong wala namang ibang taong pumasok habang naglilinis siya.
Kinapa niya ang kanyang utility bag. Agad niyang nahanap ang susi kaya binuksan niya ang pinto nang naka-lock na cubicle.
Laking gulat niya nang may makita siyang lalaki. Duguan ang mukha nito habang nakaupo sa kubeta. Nakasandal din ang katawan nito sa dingding ng cubicle.
Para yatang may bumarang kung ano sa kanyang lalamunan at nang matauhan siya ay bigla na lamang siyang napatili. Nabitawan niya agad ang mop na hawak niya at agad na napatakbo sa pinto pero laking gulat niya nang may pumigil sa kamay niya. Dahan-dahan pa siyang napalingon. Namilog ang mga mata niya at muling napatili sabay biglang nahimatay.