INAAMOY nito ang buong paligid. Nang malanghap siyang kakaibang amoy sa harapan niya. Napadako ang maliit nitong mga mata sa isang maliit na pigura na nakahandusay sa gitna ng daan. Bahagyang ikiniling nito ang ulo sa kaliwang bahagi. Makikita sa mga mata nito ang pagkalito ng makita iyon. Gayunman, hindi ito nagpatumpik pa at agad na tumakbo ang maliit na nilalang patungo sa direksyon ng pigura na nakahandusay sa sahig. Nang makarating siya do’n, huminto ang maliit na nilalang ng isang dipa ang layo mula sa pigura. Sinipat nito ang isang bagay, ah hindi, hindi iyon isang bagay kundi isang pigura ng bata.
Nanlaki ang mga mata nito. Upang makasiguro ito sa nakita ay hindi ito nagdalawang isip na lumapit. Tinaas ang dalawang paa na nasa harapan nito at inalis ang hibla ng buhok na dumikit sa mukha ng batang babae.
Nang tuluyan ng nanayo ang buong balahibo nito at nahintakutan na umatras palayo sa batang babae. Gusto nitong tumakbo sa mga oras na iyon, subalit hindi nito nagawa nang naramdaman nito ang pamilyar na enerhiya na lumalabas sa katawan nito. Mukhang ang batang babae na ito ang matagal na hinahanap nito. Base sa nakita ng maliit na nilalang na mahinang tumaas-baba ang dibdib ng batang babae, nakumpirma agad nito na buhay pa ang bata.
Napabuntong hininga ito bago nagdesisyon na kunin ang batang babae. Bago pa isagawa ang balak nito ay biglang naglabas ng nakakasilaw na liwanag ang maliit na nilalang. Ang liwanag na iyon ay nagsimulang maghugis tao. Sa isang kisapmata ay naging tao ang maliit na nilalang. Mukhang nasa sampung taon gulang ito na batang lalaki. Ilang sandali, matapos nitong magkatawan tao ay yumuko ito at walang kahirap-hirap na kinarga ang batang babae. Malaki ang hakbang na naglakad ito patungo sa tarangkahan. Bahagyang napahinto ito ng makita nakasarado ang tarangkahan. Humugot ito ng malalim na hininga at walang anuman na tumalon ito palabas ng gate.
Dala-dala ang batang babae, mabilis na tumakbo ito pababa ng bundok at tumungo sa komunidad ng mga tao.
Humihingal ito ng makarating ito sa harap ng entrance ng komunidad. Sandali na nanatili siya nakatayo do’n upang mahabol nito ang hininga bago tumakbo ulit ito, tumungo ito sa sentro ng komunidad kung saan matatagpuan ang nag-iisang klinika.
Hindi ito unang beses na nakapunta ito do’n, pero nang panahon na iyon ay hindi ito nagkatawan tao.
NANG gabing iyon ay hindi umuwi si Dr. Mallari sa kanyang bahay at nanatili siya sa kanyang klinika. Nag-iisa lang ang klinika dito sa maliit na komunidad ng oakenwich at hindi rin gano’n kalayo ang klinika niya sa bahay na tinitirhan niya at maari siyang umuwi kung gugustuhin niya, subalit dahil sa nagkaroon siya ng argumento ng kanyang asawa ay pinili ni Dr. Mallari na hindi umuwi at manatili na lang dito sa klinika ngayon gabi para magpalamig.
Alas dose na nang gabi pero hangang ngayon ay hindi pa rin siya tulog. Hindi dahil marami siyang trabaho na inaasikaso at kinakailangan niyang mag-overtime. Ang totoo niyan, wala nga siyang gaanong trabaho ngayon dahil nga napakaliit na komunidad lang itong kinaroonan niya at hindi gano’n kadaming tao ang pumupunta sa kanya. Lahat ng mga tao rito yata ay halos kilala niya.
Dahil din do’n ay marami siyang free time. Ang dahilan kaya hindi pa siya tulog ngayon ay para pagmasdan ang pulang buwan ngayon. Bihira lang magkaroon ng pulang buwan kaya hindi niya aaksayahin ang oras na ito para tumunganga lang. Balak niyang subukan ang bagong bili niyang camera na nabili niya mula sa black market.
Ito rin ang dahilan kaya nagkaroon sila nang kanyang asawa ng matinding argumento. Bakit daw pumunta siya sa black-market para bumili ng ganitong bagay. Nag-aaksaya lang daw si Dr. Mallari ng pera, imbes na mag-ipon siya ng pera para matuloy ang kanilang pag-alis sa lugar na ito ay nag-aksaya siya.
Alam naman ni Dr. Mallari kung bakit galit na galit ang asawa, pero napakadelikado ng plano nila at kailangan nila pagplanuhan ng mabuti ang kanilang balak na paglisan sa lugar na ito. Kapag nahuli sila nang military, baka maging kagaya sila ng ibang tao na nagtangkang umalis sa bansang ito. Matapos mahuli ay direktang dinala sila sa prisons camp.
Napabuntong hininga na lamang siya at nagtungo sa labas para kunan ng litrato ang pulang buwan. Masyadong malalim na ang gabi at lahat ng mga tao na narito ay natutulog na, kaya hindi nangamba si Dr. Mallari na makitang may hawak na camera.
Paglabas niya sa loob ng clinic niya ay direktang kinunan niya ng litrato ang buwan. Masyado siyang nahumaling sa pagkuha ng mga litrato at hindi nito namalayan ang isang pigura na naglalakad patungo sa direksyon ng klinika niya. Saglit na napahinto ito at sinulyapan ang doktor na abala sa pagkuha ng litrato sa kalangitan bago inilapag nito nang marahan ang walang malay na batang babae sa harap ng pinto. Nag-alinlangan ito na iwan ang batang babae, pero gayon pa man ay umalis pa rin ito sa takot na madiskubre ito.
Click!
Matapos niyang magsawang kunan ng litrato ang buwan ay binaba ni Dr. Mallari ang kanyang camera. Agad niyang itinago ang camera at nagsimulang maglakad pabalik sa klinika.
Walang poste ng ilaw rito sa lugar nila, at kung hindi lang dahil sa sinag ng buwan ngayon gabi na nagsisilbing liwanag sa kapaligiran ay paniguradong mahihirapan siya maglakad dito sapagkat masyadong madilim. Umakyat siya sa maliit na hagdan at nagtungo sa pinto, pero agad din siya napahinto nang may napansin siyang isang bagay sa sahig na nasa harap ng pintuan.
Bahagyang nagkasalubong ang kilay niya at tiningnan ang buong paligid upang siguraduhin kung may tao ba sa paligid bago lumapit sa bagay na iyon.
Natatakpan ng halaman niya ang sinag ng buwan kaya medyo madilim dito. Ano ito? Medyo kinabahan siya. Sino naman hindi? Dito siya dumaan kanina at malinaw pa sa isipan niya na walang bagay na nakalagay dito sa harap ng pintuan niya.
“Uh…”
Napasigaw siya sa sobrang takot nang may narinig siyang mahinang ungol. Huwag tingnan na parati siyang seryosong at lagpas na sa kalendaryo ang edad niya, pero ang totoo niyan ay matatakutin siya, lalo na kapag multo ang pag-uusapan.