SA paglipas ng mga araw ay naging busy si Gianne kaya hindi na niya
halos namalayan na isang taon na pala ang nakalipas. One year old na rin
ang kanyang anak na si Harry at doon pa rin sila nakatira sa mansiyon ni
Marcus. Magmula nang makulong si JM at naging legal na ang
paghihiwalay nila ay sinikap niyang ibaon na lang sa limot ang masasakit
na alaalang nangyari sa kanyang buhay.
“Ma’am Gianne, napapansin ko na palagi kayong maputla at
matamlay. Mas mabuti siguro na magpa-checkup ka at baka kung ano na
po iyan,” aniya ng kanyang kasambahay.
“Palagi nga rin masakit ang ulo ko pero nawawala naman ’pag
nakainom ako ng gamot. Siguro pagod lang ito at kulang lang ako sa
kain. Minsan hindi ko na magawang makapag-lunch lalo at maraming
trabaho.”
“Ikaw po ang bahala,” ani pa nito bago magpaalam.
Wala na ang kasambahay nang tila wala siya sa sariling
napaupo sa mahabang sofa. Habang tumatagal, pakiramdam niya ay
lumalala na ang sakit niya. Six months ago ay na-diagnose siya na may
tumor siya sa ulo. Ang sabi ng mga doktor, kailangan niya ng surgery
pero binalewala niya lang iyon. Maliit pa ang kanyang anak, kung
sakaling mamamatay siya sa operasyon ay paano na si Harry? Subalit
ngayon ay mabilis nang mahulog ang kanyang katawan. Kaya hindi niya
maiwasang makaramdam ng takot. Mas mabuti yata na magtungo siya
sa kanyang physician.
“Mila, pakisabi kay Manang na aalis muna ako,” aniya sa isang
kasambahay.
Nagmamadali siyang nagtungo sa medical center at doon ay
kinausap niya ang kanyang doktor. Nag-request siya na muling suriin
ang kanyang sakit para malaman niya kung lumaki ba o lumiit na ang
kanyang tumor.
“Ms. Lopez, I’m so sorry pero masyado nang malaki ang tumor
mo at napakadelikado na kung ngayon ka pa magpapa-opera.”
“Doc, kung sakali ba, gaano na lang kalaki ang natitira kong
chance?”
“10%, Ms. Lopez.”
“I mean, gaano na lang katagal ang ang natitira sa buhay ko?”
“I’m sorry, Ms. Lopez, pero anim na buwan hanggang isang
taon. Depende sa reaksiyon ng katawan mo. Meron din naman na
lumalampas pa sa taning o mas higit pa.”
Marami pang sinabi ang kanyang doktor ngunit wala na siyang
masyadong naunawaan hanggang sa umalis na siya sa medical center.
Habang mabagal na naglalakad, tila anumang oras ay babagsak
siya sa sahig. Wala ring direksiyon ang paglalakad niya, hanggang sa
dalhin siya ng kanyang mga paa sa bilangguan kung nasaan si JM. Gusto
niyang umiyak pero walang luhang pumapatak sa kanyang mga mata.
Ngayon na kakaunti na ang panahong ilalaan niya rito sa mundo ay
kailangang may magawa siya para sa anak. At iisa lang ang nasa kanyang
isipan: ang taong nasa loob ng kulungan.
***
“#301, may dalaw ka.”
Agad na tumayo si JM. Excited siyang malaman sa kapamilya
ang tungkol sa kanyang anak. Ipinangako iyon ng kanyang ama na sa
susunod ay may magandang balita na itong dala. Inayos muna niya ang
sarili at saka nagmamadaling humakbang palabas ng selda. Subalit
natilihan siya nang makita kung sino ang naroroon at naghihintay sa
kanya.
“B-Bakit ka naririto? Inaalam mo ba kung nakakulong pa ako
o baka nakatakas na?” Sarkastiko ang pananalita ni JM, pero hindi iyon
inalintana ni Gianne.
“Ahm, g-gusto ko lang makasiguro na o-okay ka lang dito—”
“Please, Gianne, umalis ka na. Ngayon na nakita mong buhay
pa naman ako at maayos lang ay makakaalis ka na,” putol niya sa iba
pang sasabihin ng babaeng dati niyang asawa.
“K-Kaya ako pumunta dito para ibigay sa ’yo ang anak mo.
Pauwi ng bansa si Kuya Marcus para buksan naming muli ang kaso mo
at nang maging malaya ka na.”
“For what? Hayaan mo nang tapusin ko ang sentensiya ko. Iyon
din naman ang gusto mo, hindi ba?”
“H-Hindi na ako magtatagal. Please take care of our s-son,”
aniya. Hindi na niya napigilan ang pagluha at tuluyan nang dumaloy iyon
sa kanyang pisngi. Nagmamadali siyang tumalikod at nilisan ang lugar.
Habang papalayo ang pigura ng dating asawa ay kusang
pumatak ang luha ni JM. Sa mahigit isang taon niya sa kulungan ay na-
realize niya ang lahat ng pagkukulang niya sa kanyang mag-ina. Kung
kailan wala na ito sa buhay niya ay saka pa lang niya nalaman na mahal
pala niya ito. But it’s too late, alam niya iyon. Pero ngayong dumalaw
ito sa kanya, aminado siyang nanabik siya sa dating asawa. Hindi rin
nakaligtas sa paningin niya ang pagkahulog ng katawan nito, pati na rin
ang pamumutla nito. Totoong nakaramdam siya ng pag-alaala para sa
dating asawa. Dangan lang at masakit pa rin ang lahat ng nangyari sa
kanila. Kaya instead na pakitaan niya ito ng pangungulila ay naging
sarkastiko pa siya. Pero ano itong sinabi ni Gianne na darating ang
kapatid nito para palayain siya? Ano’ng dahilan niya para gawin iyon?
Samantalang mahigit isang taon na ang lumipas magmula nang isumpa
siya ni Gianne. Ano ang nangyari at bigla na lang siyang palalayain?
Iyon ang naging palaisipan sa kanya sa araw araw na dumaraan.
***
SA pagdaan ng mga araw ay patuloy sa pagbagsak ang katawan ni
Gianne. Ngayon ang dating ng kanyang Kuya Marcus, kaya dapat na
makapaghanda siya. Walang alam ang kapatid sa sakit niya.
Pinakiusapan lang niya na umuwi ito ng bansa para makapag-usap sila.
“M-Manang, lalabas muna ako. D’yan lang ako sa
supermarket.”
“Sige, hija, mag-ingat ka. Ayos na ba ang pakiramdam mo?”
“Opo, ayos lang ako at hindi rin naman ako magtatagal.”
Dala ang kotse ay mabilis siyang lumabas ng compound. As
usual, kasunod niya ang ilang bodyguard niya. Habang patuloy sa pagda-
drive ay nasumpungan niya ang sarili na nasa harapan ng mansiyon ng
mga Montemayor, ang mansiyon ng mga magulang ni JM. Agad siyang
bumusina at namukhaan naman siya ng ilang guard doon. Matapos
sumenyas ang mga bodyguard niya ay tumuloy na ang kanilang sasakyan
sa loob ng malawak na compound. Agad siyang nagbigay-galang sa
mag-asawang Dave at Trisha. Malugod naman siyang pinapasok ng mga
dating in-laws.
“How are you?”
“O-Okay lang po,” nahihiyang sagot niya sa ina ni JM.
“Napasyal ka. Ano’ng mahalagang bagay ang lakad mo?”
Alam ni Gianne na may laman ang tanong na iyon ng ginang
pero maayos niya itong sinagot.
“I-I just want to say hello and sorry for everything.
Magpapaalam na rin po ako sa inyo. Siguro po ay ito na ang huling
pagbisita ko dito sa bahay n’yo. Nagpunta po ako dito para ibigay si
Harry sa kanyang ama. Baka rin po isa sa mga araw na ito, o bago matapos ang buwan na ito, ay makalaya na po ang anak n’yo. P-Please
take care of my son. At pakisabi na rin po kay Yzabelle na sorry. Alam
kong hindi sapat ang salitang ’yon sa lahat ng maling nagawa ko sa
kanya. At pasensiya na rin po sa inyo, Tito Dave,” aniya. Bago pa
pumatak ang kanyang luha ay mabilis siyang tumayo at tuloy-tuloy na
lumabas ng mansiyon.
Sina Trisha at Dave ay hindi pa rin makagalaw. Ang mga sinabi
ni Gianne ay may hatid na kakaibang takot at pangamba sa kanilang mag-
asawa.
“Honey, ano’ng ibig sabihin ni Gianne? Bakit gano’n ang
pananalita ng batang ’yon?”
“Hindi ko rin alam, sweetheart, pero alam kong may mabigat
na reason siya dahil hindi niya basta ibibigay sa atin ang bata nang
gano’n lang. Hindi rin niya basta palalayain si JM, kaya nakakapagtaka
na sila pa mismo ang magpapabukas ng kaso para sa kalayaan ng ating
anak.”
***
NASA kahabaan na ng highway si Gianne nang biglang gumilid ang
kotse niya at tila walang direksiyon ang takbo nito, hanggang bumangga
siya sa isang poste. Ang mga sasakyang nasa likuran niya ay
nagsipaghinto at bumaba ang mga sakay nito, marahil ay para alamin ang
nangyari, gano’n din ang mga bodyguard ni Gianne na nasa kabilang
sasakyan.
Lumungayngay ang ulo ni Gianne sa manibela. Agad na
pinangko ng bodyguard ang katawan ng amo at inilipat sa kabilang
sasakyan.
“Boboy! Iuwi mo sa mansiyon ang kotse ni Ma’am at sabihin
mo kay Manang na tawagan si Sir Marcus! Ipaalam mo agad ang
nangyari kay Ma’am Gianne!”
“Areglado, boss.”
Pinasibad ng bodyguard ang kotse patungong medical center.
Pagdating doon ay halos hindi magkamayaw ang mga doktor sa pag-
aasikaso kay Gianne. Matagal nang alam ng mga doktor ang tunay na
sitwasyon ng kanilang pasyente. Sa ngayon ay kailangan nilang kausapin
ang isa sa pamilya nito, dahil posible na tuluyang hindi na ito magising
pa.