NAKARAMDAM si Ricky ng pagod matapos ang quarter na iyon. Nakakaramdam din siya ng kaunting hapdi sa kanyang katawan, kaya nga pagdating niya sa bench, at matapos ang masayang pagsalubong sa kanya ng mga kakampi niya ay kaagad siyang tumayo. Pagkainom niya ng tubig ay iginalaw-galaw niya ang kanyang mga braso't binti para banatin. Na-miss niya ito. Hinanap ito ng kanyang katawan. Kung dati rati'y ramdam niya agad ang hingal, ngayon ay hindi na. Alam niya sa kanyang sariling kaya pa niyang maglaro kung papahintulutan ng kanilang coach sa oras na magsimula ang second quarter.
Huminga pa siya nang malalim at naisipang iikot ang paningin sa kanyang likuran. Nakita niya ang crowd na mula sa kanilang barangay. May ilan siyang kakilala sa mga iyon na nagawa pa siyang kawayan.
Naalala niya nga rito ang CBL. Ganito rin nang unang naglaro siya sa isang liga. Ang pakiramdam na may nagchi-cheer ay tila ibinalik muli sa kanyang sarili na talagang nakapagpangiti sa kanya nang bahagya. Habang tinitingnan niya ang bawat isa ay may isang imahe ang bigla na lamang gumuhit sa kanyang isip. Naalala niya bigla ang babaeng madalas na pinapanood siya. Hinanap ito ng kanyang mata at parang inaasahang niyang makikita ito mula sa isa sa mga narito.
"Hindi na niya ako panonoorin." Pero wala na silang dalawa, kaya sigurado siyang hindi na siya nito papanoorin pa.
Bumuntong-hininga si Ricky at tumalon-talon pabalik sa upuan. Alam niyang hindi na siya panonoorin ng dalaga, ni Andrea. Isa pa, sa basketball muna siya magpopokus sa pagkakataong ito, dahil ito lang naman talaga ang kailangan niyang gawin.
Naalala rin nga niya bigla ang nanay ng dalaga. Ang sinabi niya ritong liligawan niya ang anak nito. Napakuyom na lang tuloy siya ng kamao dahil doon. Kailangan nga pala niyang gawin iyon, dahil nagbitaw siya ng salita sa nanay ni Andrea... isang salita na kailangan niyang tuparin.
Hindi niya pa alam kung paano ito sisimulan, lalo't nainis sa kanya ang dalaga dahil dito. Pero kahit na ganoon, buo na ang loob niya...
"Sa ayaw mo man o sa gusto, gagawin ko pa rin ito."
TUMUNOG nang muli ang buzzer, hudyat ito na ang second quarter ay magsisimula na. Si Baron ay mabilis na pumunta sa court kahit hindi pa man sinasabi ni Kap na maglalaro uli siya. Dahil tuloy rito kaya si Ricky ay muling ipinasok ng kapitan. Ang balak nga niya sana ay ang pagpahingahin ito, ngunit kaylangan niyang paglaruin pa rin ang binata dahil kay Baron.
Pinalitan muna ni Adolfo Karim #22 (6'6) ang kanyang kapatid. Si Manong Eddie ay nagpahinga rin, at si Kuya Kaloy naman ang pumalit para rito. Sa pagpasok nga nito ay nag-cheer kaagad ang mga kamag-anak nito na nasa sampu. Naroon din ang mga kasamahan niya sa Toda nila sa Canubing na may pa-tarpulin pa. Kagaya noong unang game, suportado pa rin nila hanggang ngayong sunod na laro nito.
"Galingan mo kuya Kaloy! Ipakita mo sa kanila ang galawan mo!" sigaw ng ilan sa mga iyon at napangiti naman si Karlo Cepillo #55 dahil doon.
Nakangiti at masaya siyang pumasok sa court. Maglalaro na uli siya sa inter barangay at excited na siya para rito.
"Kuya Kaloy, galingan natin!" nakangiting winika naman ni Ricky sa pagpasok niya sa loob ng court.
Napakibit-balikat naman si Baron nang makita ito, kilala niya si Kaloy, isa itong tricycle driver at isa rin ito sa mga itinuturing niyang gurang sa kanilang koponan.
Si Karim #22 naman ay seryosong nilapitan ang kanyang guguwardiyahan.
"Karim din," sabi ni Coron at seryoso na itong dumipensa.
Mapapansin ngang parehong line-up pa rin ang isinabak ng coach ng Palhi. Sinambot na rin ni Vallada ang bola at kaagad siyang binantayan ni Baron.
"Team! Pakitaan na natin ang mga ito ng totoong basketball," bulalas ni Vallada at sumeryoso kaagad ang apat pa niyang mga kakampi. Lahat sila ay ayaw matalo sa larong ito, at upang mangyari ito... Dapat ay mas maging agresibo sila. Nag-iba na rin ang atmospera sa koponan nila at isang mabilis na galaw ang biglaang ginawa ni Vallada.
Napangisi si Baron at mabilis niyang sinabayan ito.
Si Vallada ay bigla namang ipinasa ang bola sa paparating na si Ken Mendoza. Sa pagsambot nito rito ay ang naging mabilis namang pagbantay rito ni Ricky.
"Hindi ako Best Rookie sa CBL kung hahayaan kong maisahan mo ako," winika ni Mendoza at isang mabilis na pagtakbo kasama ang bola ang ginawa niya. Nilinlang niya si Mendez sa galaw niyang kakaliwa sana, ngunit isa palang pagtakbo sa kabila ang kanyang gagawin. Isa pa, hiningi niya ang screen ng isa niyang kasamahan, ang center nilang si Coron.
Bumangga na naman si Ricky sa isang mala-pader na screen. Nakaramdam pa siya ng pasimpleng pagtulak mula rito kaya nga muntik na siyang matumba. Nakita na lang niya si Mendoza na naging mabilis sa paggalaw nito. Alam niyang hindi basta-basta ang koponang ito at sigurado siyang babawi ang mga ito sa quarter na ito.
Si Karim ang napilitang dumipensa kay Mendoza. Naalarto naman si Ricky nang sumabay rito si Coron, at walang mapagpilian ang binata kundi ang habulin ito't bantayan.
Isang pagngisi ang sumilay sa labi ni Mendoza nang bigla siyang huminto, dahilan upang mapadiretso palayo si Karim.
Mabilis na tumalon si Mendoza para bumitaw ng isang hindi kalayuang jumpshot. Seryoso ito habang nasa ere nang bigla nitong ibinitaw patungo sa ibang direksyon ang bola.
Nasambot iyon ni Vallada at si Baron ay hangin lang ang nahampas nang subukan sana nitong i-block mula sa likuran ang player ng Palhi na si Ken Mendoza.
"Hindi na mauulit ang ginawa mo sa akin kanina," bulalas ni Mendoza at mabilis na sinandalan si Baron upang hindi ito makahabol kay Vallada.
Si Ricky ay balak pa sana itong takbuhin upang pigilan, ngunit hindi na niya itinuloy dahil ang sentro ng mga itong si Coron ay tumakbo na rin palapit sa basket. Alam na rin niyang makakapuntos ang Palhi kaya pinabayaan na lang niya si Vallada sa balak nito.
Pumasok ang jumpshot na binitawan ni Vallada na nagpa-ingay muli sa kanilang supporters at sa pagkuha ni Ricky sa bola mula sa inbound pass ay napaseryoso kaagad siya. Katulad kanina, ang number 3 ang bumantay sa kanya at ang lahat ng mga kasamahan niya ay may mga nakabantay rin.
Isa itong Full Court Press.
22-17. Naging maingat si Mendez sa kanyang dribbling at madikit naman kaagad ang naging depensa ni Vallada sa kanya. Dikit kung dikit ito, at ganoon din sa kanyang mga kasamahan na nagpupumilit na makuha mula sa kanya ang bola.
Dala ng mahigpit na depensang iyon ay ang mas lalong pag-ingay ng mga supporters ng Palhi.
Hindi makawala si Mendez mula sa kanyang defender at hindi ito maganda lalo't hindi pa niya naiitawid ang bola papunta sa side nila.
Bumibilang na ang referee. "5... 4... 3..."
"Pasa!" bulalas ni Baron na mabilis na lumapit sa kanya. Ibinigay ni Ricky ang bola rito, ngunit maagap si Vallada dahil alam niyang mangyayari ito. Sa bilis ng kanyang kamay ay isang mabilis na pagtapik sa bola ang napagtagumpayan niyang gawin.
Napakalampag muli ang mga supporters ng mga naka-berde at mabilis namang hinabol nina Baron at Ricky ang bola. Subalit kay Vallada na mga kamay pa rin ito napunta.
"Warm-up lang ang first quarter," bulong ni Mildred Vallada at nakita niya sa kabila ang pagtakbo ni Mendoza. Iniwanan ito ni Baron kaya nakagalaw nito nang malaya.
Pagdating niya sa basket ay napaseryoso siya nang makitang naroon ang isang player ng Canubing na si number 55.
"Pipigilan kita toy," sambit ni Kaloy at hindi man lang siya nangangamba sa paglapit ng player na alam niya ay malakas. Napansin din niya ang isa sa mga kasamahan ni Vallada na si Mendoza sa kabila niya.
"Kaso, hindi ito maganda," sambit muli ni Kaloy at sa pagtalon ni Vallada ay wala siyang nagawa kundi ang sabayan ito.
Nagbanggaan sa ere ang kanilang mga katawan at ang sunod na ginawa ng number 3 ng Palhi ay ang nagpakawala sa napakalakas na sigawan mula sa mga fans nila.
Isang malakas na pagkalampag sa board ang narinig. Makikitang nakabitin si Vallada sa ring at si Carlo Cepillo naman ay makikitang nakahiga sa harapan nito. Kasabay ng pagtunog ng silbato ng referee ay ang pagpasok ng isang dunk mula sa player ng Palhi.
Na-posterized ni Vallada si Cepillo na nagpamangha rin sa mga manonood na mga taga-Canubing. Mas lalo nilang naisip kung gaano ito kahusay dahil napakabihira ang may gumagawa ng ganito rito.
Pinagmasdan pa ni Vallada si Kaloy at pagkatapos ay naglakad na ito patungo sa free throw line.
"A-ang lakas ng isang ito," mahinang winika ni Kaloy na mabilis na nakatayo nang tulungan nina Martin at Karim.
Si Baron naman ay mas lalong naging seryoso sa kanyang nakita mula kay Vallada. Ipinapakita raw talaga nito sa kanila kung gaano siya kalakas maglaro sa loob ng court... at hindi siya papayag na malaya nitong gawin ang nais nito sa kanila.
22-20 kaagad ang score matapos ang isang 3-points play na iyon ni Vallada. Nang nasa possession na muli ng Canubing ang bola ay kay Baron na nila ito ipinasa. Si Mendoza ang bumabantay rito at makikitang may advantage ang nakaitim laban dito.
Kaagad na napangisi si Baron at mabilis na ibinaba sa side nila ang bola. Napatingin pa siya kay Vallada at nakita niyang kay Mendez pa rin ito nakabantay.
"Minamaliit ako ng ace player ninyo ah," winika ni Baron sa harapan ni Mendoza.
Napaseryoso at napangisi naman si Ken nang marinig iyon. "Ako ang minamaliit mo," sambit nito at maliksi nitong tinapik ang bola sa tila nagyayabang pang si Baron.
Napakalampag na naman ang mga taga-Palhi dahil doon. Naka-steal si Mendoza at ang bilis nitong naibaba sa kabila ang bola.
Si Vallada at Mendez ay mabilis ding humabol ngunit libreng-libre si Mendoza. Tumalon na ito para sa isang lay-up at nang bitawan niya sa ere ang bola ay nakaramdam na lang siya bigla ng isang mabigat na katawang bumangga sa kanya mula sa likuran niya.
Sinabayan pala siya ni Baron, ngunit nabigo ito sa planong pag-block sa kanya. Sabay na bumagsak ang dalawa at naipit nito si Mendoza.
Pumasok pa rin ang lay-up na iyon at muling umalingawngaw ang silbato ng referee dahil isang foul ang ginawa ni Baron na hindi pa rin umaalis mula sa katawan ni Mendoza.
Napangiwi si Mendoza dahil parang sinasadya ito ni Baron, iniipit siya nito kaya nga tinulak niya ito nang malakas. Dahilan tuloy ito upang mapalayo ang player ng Canubing mula sa kanya.
Dito na nga nagdilim ang paningin ni Baron dahil muntik na siyang masubsob sa sahig ng court. Mabilis siyang tumayo at itinulak nang may kalakasan si Mendoza na papatayo pa lamang.
Napaupo si Ken Mendoza dahil doon.
"Aba'y gago ka ah!" bulalas ni Baron na nakakuyom na muli ang kamao.
Ang malakas na sinabing iyon ni Semeron ang nagpatakbo sa kanilang mga kasamahang nasa loob ng court papunta sa dalawa.
"Anong gago brad? E dinaganan mo ako? Sinasadya mo iyon, alam ko!" sagot naman ni Mendoza na mabilis na nakatayo. Hindi rin ito nagpatinag kay Baron at agad na kumuyom na rin ang kamao. Kung bibigyan daw siya ng suntok nito, ay hindi siya magdadalawang-isip na bawian ito.
“Tama na iyan Ken!” saway ni Hernandez na mabilis na kinapitan si Mendoza.
“Baron!” malakas namang winika ni Kuya Kaloy na agad na hinawakan ang binata.
“Bobo ka Mendoza. Suntukan na lang, ano!?" nagpumiglas na si Baron at umamang na ang kamao nito kay Mendoza. Si Ken naman ay agad na kumawala mula kay Hernandez na agad na naghanda rin ng suntok dahilan upang paghahawakan ng kanilang mga kakampi ang mga ito.
Ang referees naman ay nakailang silbato subalit hindi sila pinapansin dahil sa mainit na sagutang nagaganap.
"Tss. Hindi kita uurungan Baron! Kilala kita. Magaling kang maglaro, pero wala ka pa sa kalingkingan ni Mildred Vallada."
"Ang mga tulad mong barumbado ay sa larong kalye lang nababagay," dagdag pa ni Mendoza at wala na siyang ibang salitang narinig mula kay Baron, dahil ang kamao na nito ang sumagot sa kanyang sinabing iyon.