Bola 18

2842 คำ
"ANG MGA tulad mong barumbado ay sa larong kalye lang nababagay!"   Ang mga salitang ito na lumabas mula sa bibig ni Ken Mendoza ang agad na nagpadilim sa paningin ni Baron. Nagpintig ang kanyang tainga at gamit ang natural niyang lakas ay nagawa niyang makawala mula sa mga kasamahang pumipigil sa kanya.   Isang suntok sa bibig ang mabilis niyang pinakawalan at nawala na sa kanyang isip na siya ay nasa loob court at nasa isang laro. Katulad din ito nang nangyari sa kanya noon sa isa niyang larong kasama ang team ng Canubing 1.   "Pangkalye ang ugali mo at wala kang puwang sa court na ito ang mga tulad mong barumbado!"   Pagkasuntok ni Baron ay agad siyang dinumog ng mga players ng Palhi. Ang magkabilang bench ay napatakbo patungo sa loob at isang kaguluhan sa sa court ang naganap. Ang pangyayaring ito ay napanood din ng mga nasa kani-kanilang bahay, at ang mga ito'y nabigla sa kanilang mga nasaksihan sa kanilang telebisyon.   "Hayop ka Baron! Wala kang sportsmanship!"   "Sira-ulo! Dapat sa 'yo ay hindi na pinaglalaro. Mag-boxing ka na lang!"   Ang team ng Canubing 1 ay walang nagawa kundi ang palibutan si Baron na makikitang may dugo na rin sa ulo at mukha dahil sa pagdumog ng ilan mula sa kalabang team. Ang mga referees ay namagitan na at ilang security na rin ang nasa loob na rin ng court upang maiwasan pa ang anumang hindi magandang mangyayari sa lugar.   Matapos ang ilang pag-uusap sa pangunguna ng coaches ng dalawang koponan ay nagsilabalikan na sila sa kani-kanilang benches. Agad na nilapatan ng paunang lunas ang bibig ni Ken Mendoza na nagdurugo dahil sa pagputok ng labi nito dahil sa suntok ni Baron na hindi naman niya inaasahan.   Samantala, tahimik namang naupo si Baron at hinihingal matapos ang mga nangyaring iyon. Para siyang natauhan, lalo na nang marinig ang mga sinasabi ng mga kasamahan niya sa koponan.   "Sabi ko na sa inyo Kap kahapon pa na huwag na nating isali sa line-up ang isang iyan. Paano kung ma-disqualify tayo?" seryosong winika ni Manong Eddie matapos pang sulyapan ang nakatulala pang si Baron.   "Tay, sinabi ko na sa inyo ito kagabi. Pero kung ako ang masusunod, hindi na dapat natin pinasali iyan sa team. Perwisyo lang ang dala niyan. Inuuna pa ang init ng ulo kaysa laro," wika naman ni Konsehal Wilbert sa kanyang ama. Nasa tabi pa nito si Mei na nakahawak sa kanyang papa.   "Pabida kasi iyan. Walang alam sa basketball," bigla namang nasabi ni Martin na masama pang tiningnan si Baron habang nakakuyom ng kamao.   Naririnig ni Baron ang lahat ng mga sinasabing iyon ng kanyang mga kasamahan at kagaya ng nangyari noon, puro masasakit na salita ang ibabato ng mga ito sa kanya. Napalinis na lang siya ng kanyang tainga gamit ang kanyang daliri para ipakitang naririndi siya sa mga sinasabi ng kanyang mga kasamahan sa team na ito.   "Aalis na ako. Hindi na ako maglalaro pang kasama ang walang kwenta ninyong koponan!" Tumayo na si Baron at kinuha ang kanyang towel para punasan ang dugo sa kanyang mukha. Isa pa, alam na rin naman niya ang magiging hatol ng mga referee sa kanya. Ejected siya sa laro at masususpinde pa siya, o kung mamalasin ay baka hindi na talaga siya makasali sa ligang ito kahit kailan, kahit pa gustuhin niya.   Naglakad na si Kap sa unahan ng binatang si Baron at makikitang nagtitimpi lang ito. Gustong-gusto niyang pagsalitaan ng masama ang binata, pero alam niyang ito na ang ugali ng isang ito noon pa. Dahil sa pagiging broken family ni Baron ay nagkaroon ito ng ganitong ugali. Hindi rin ito nakikisama at kahit pakitaan ito ng maganda ay tila wala itong pakialam.   "Baron! Unang-una, maling-mali ka sa paggamit ng kamao sa larong ito. Basketball ito, at lahat tayo'y nagpunta rito upang maglaro... hindi upang manggulo!" seryosong winika ni Kap habang nakatingin sa mga mata ni Baron. Ang gusto niyang marinig mula sa binata ay ang humingi ito ng tawad sa kanila... ngunit ang bagay na ito ay napaka-imposible para sa lalaking nasa harapan niya.   Ngumisi si Baron at inalis na ang puyod ng mahaba niyang buhok. Tinakpan nito ang bahagi ng kanyang mukha.   "Wala akong pakialam sa inyo. Aalis na ako. Mga wala kayong kwenta!" sambit ni Baron at sa paglakad niya ay nakarinig na lang siya ng talbog ng bola sa kanyang daraanan.   "Salamat Kuya Baron..." mahinang winika ni Ricky habang pinaptalbog ang dala nitong bola, at nang marinig iyon ng binata ay nagdilim ang kanyang mga mata. Bumalik sa alaala niya ang kaunting oras na nakalaro niya ito kanina sa loob. Nakita niya ang puso nito sa larong basketball at ang ngiti nito habang naglalaro. Sumagi rin sa isip niya ang pagdakdak niya sa bola matapos ang pasa nito sa kanya.   Ang nakangiti nilang pag-aapiran at ang hindi inaasahang ngiti sa kanyang labi dahil doon.   Nilampasan niya si Mendez at hindi na nagsalita pa. Nakaramdam siya ng hiya at naalalang siya ang nagpumilit sumali rito... kapalit ng muling pagsali ng binatang ito.   Nakaramdam siya ng hiya at hindi maintindihan ni Baron kung bakit nanginig ang kanyang labi. Inisip niyang wala siyang pakialam sa mga ito noong una pa lamang. Pero nang makita niya si Mendez ay parang may kung ano’ng kumukulbit sa kanya at nagsasabing mali nga talaga siya.   "Kap, sorry po. Ako po ang may kasalanan kung bakit tayo napunta sa sitwasyong ito..."   "Kung hindi ko po hinamon si kuya Baron, at kung hindi ko tinupad ang sinabi ko ay baka hindi nangyari ito.”   "Sorry sa inyong lahat!" Ito ang sinabi ni Ricky sa harapan ng mga kasamahan niya sa team. Para sa kanya, ay siya ang pinagmulan ng mga nangyaring ito. Kung hindi raw niya siya naging mapilit at makulit na hamunin si Baron na hamak na mas magaling sa kanya ay walang kaguluhan sanang naganap dito.   Narinig din ni Baron ang paghingi ng paumanhin ni Mendez at hindi niya nagustuhan iyon. Bakit kailangan pa raw iyong sabihin nito gayong wala naman itong kasalanan sa mga nangyari? Ayaw lang niyang makarinig ng pangmamaliit sa paglalaro niya ng basketball kaya nainis siya kay Mendoza. Isa pa, sadyang may kaunti siyang dumi minsan kung maglaro, pero epekto ito ng mga nakakasanayan niyang paglalaro sa iba't ibang lugar at kung wala siya nito ay baka tinatawa-tawanan lang siya ng mga nakakalaban niya.   "A-ano ba'ng sinasabi mo Ricky Boy? Wala kang kasalanan!" natatawang wika ni Manong Eddie na napapangiti sa inaasal ng binata.   Si Kap ay nilapitan naman ito at tinapik sa balikat.   "Tama ang Manong Eddie mo Ricky. Wala kang dapat ihingi ng tawad."   Ang pag-uusap nila ay natigil na lamang nang tumunog na ang silbato ng referee. Dito na nila ibinaba ang hatol sa nangyari at na-eject sa laro si Baron dahil sa panununtok nito ng player mula sa kalaban. Mabibigyan din ng bonus throw ang Palhi at kanila pa ang bola pagkatapos.   Nang marinig iyon ni Baron ay tahimik na siyang umalis. Ramdam niya ang sama ng tingin sa kanya ng mga ka-barangay niya. Naririnig nga rin niya ang kantyaw na nagmumula naman aa kabilang crowd.   Sanay na siya sa ganito, ngunit sa pagkakataong ito ay may kakaiba siyang nararamdamang hindi niya gusto.   "Kuya!"   Sa gitna ng bulungan at hindi magagandang sinasabi sa kanya ng mga tao ay tinawag pa rin siya ni Ricky Mendez nang nakangiti.   "Kuya! Panoorin mo ako! Ipapakita ko sa iyo kung paano maglaro ang isang Ricky Mendez!" malakas na winika ni Mendez at kahit nga marinig ng mga nasa venue ito ay wala na siyang pakialam.   Gusto niyang ipakita kay Baron kung ano ang basketball para sa kanya. Gusto niyang ipakita rito kung gaano ito kasayang laruin, kahit sino pa ang maging kakampi. Ipapakita niya ang mga natutunan niya at mananalo sila hindi dahil sa kanya, kundi dahil sa malakas ang Barangay Canubing 1!   Masigla pa ring bumalik sa court si Mendez na ikinangiti ng mga kasamahan nito. Kakaiba raw ang binatang ito. Parang hindi napapagod at kapag naglaro na ay makikita sa mga mata nito ang kakaibang saya.   Hindi naman ito pinansin ni Baron, bagkus ay nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa labas ng venue. Subalit sa paglabas niya ay may isang babaeng naka-itim ng jacket at naka-mask ang bigla na lang siyang tinawag.   "Semeron!"   Napahinto si Baron nang marinig iyon mula sa nakatayong babae sa tabi. Tiningnan niya ito at minukhaan pero hindi sapat ang makita lang ang mga mata lang nito para kanyang makilala.   "Sino ka naman?" napaismid na lang si Baron matapos itanong iyon.   "Ano? Aalis ka na agad? Hindi ka ba mahihiya sa number 3 na kakampi mo?"   "Tingnan mo siya! Kahit na hindi maganda ang ginawa mo sa larong iyon dahil sa init ng ulo mo... tinawag ka pa rin niya para lang sabihing panoorin mo siya!" seryosong sinabi ni Andrea kay Baron, at kahit hindi niya ito kilala ay nakita niya sa laro ni Ricky kanina na tila may koneksyon ito at ang binata sa loob ng court.   "Tss, ano ba'ng pinagsasasabi mo Miss? Isa pa, hindi naman kita kilala at ano ba’ng pakialam ko sa number 3 na iyon?" Pagkasabi noon ni Baron ay nagdilim ang paningin ni Andrea at sa gitna ng muling pag-ingay ng crowd sa loob ay isang malakas na sampal ang tumama sa kaliwang pisngi ng binata.   "Ba-bakit mo ako sinampal!?" naiinis na winika ni Baron ngunit napatingin siya bigla sa crowd nang maghiyawan ang lahat.   Dito ay nakita niya si Ricky Mendez na hinabol ang bolang tumapon mula sa tapik na ginawa niya kay Vallada. Dumiretso iyon palabas ng court at kahit na magkaganoon ay walang alinlangan itong hinabol ng binatang ito.   Kahit na magdagasa, o kahit na magalusan... kung kayang kuhanin ni Ricky ang bola, ay walang pagdadalawang-isip niya itong hahabulin.   Dahil ganito siya maglaro!   Nang makuha ni Ricky iyon ay mabilis niya itong ibinato patungo sa loob at agad na nasambot ni Martin iyon na kasalukuyan nang tumatakbo patungo sa kanilang basket.   Nagdagasa si Ricky at halos makayod na ang balat sa makintab na court, pero hindi nito napigilan ang ngiti nang makapuntos sila nang sandaling iyon. Dahil sa ginawa niyang iyon ay nakapuntos sila.   Pinatahimik nito ang buong Palhi Crowd at ganoon din ang mga players nito. Hindi nila maalala kung kailan sila huling nakakita ng ganitong klase ng player.   Itinayo si Ricky ng mga kakampi niya sa loob ng court at makikita ang masayang ngiti ng binata. Nag-e-enjoy itong maglaro at kitang-kita ito sa mga mata nito.   "Ano Semeron? Uuwi ka na ba?" seryosong tanong ni Andrea. "Kung oo, malaya ka nang lumabas."   Umalis si Andrea at bumalik na muli sa kanyang pwesto para muling manood. Siya nga ay napabuntong-hininga na lang dahil ayaw niya sanang gawin iyon, pero napilitan siya lalo't nakita ng dalawa niyang mga mata ang potensyal nito at ni Mendez sa loob ng court. Alam niyang ejected na ito, pero alam niyang kung papanoorin nito ang binata ay posibleng may maramdaman itong pagsisisi sa ginawa nito kanina.   *****   NAIPASOK ni Vallada ang bonus na technical free throw at sa kanila muli napunta ang possesion. Siya rin ang humingi ng bola upang magbaba, at ginulat naman ni Mendez ang lahat nang ito na ang tumao rito.   Hindi tuloy maiwasan ni Vallada na mapangiti dahil ngayon ay parang nag-iba ang dating ng bumabantay sa kanya. Parang may nagbago rito at kung ano iyon, ay ngayong quarter niya ito malalaman. Naitawid na niya ang bola papunta sa side nila at nang bubwelo na siya ay isang tapik ang naramdaman niya mula sa bolang pinapatalbog niya.   “Ang bilis!” Ito ang naibulalas ng ilan sa crowd dahil binigla ni Mendez ng steal si Vallada. Ang bola nga ay tumalbog palayo, papunta sa labas ng guhit. Hindi na nga ito hinabol ng mga players ng Palhi dahil alam nilang kanila muli mapupunta ang bola, pero, may isang player na nakaitim ang tinakbo ito upang habulin at isalba.   Nagsimula ring umingay ang crowd ng Canubing 1 dahil sa ginawa ni Mendez. Bigla itong tumalon palabas, upang habulin ang bola. Nasa kanya nga lahat ang mata ng mga manonood at nang mahawakan niya iyon ay may bumalik na sensasyon sa kanyang sarili nang sandaling iyon.   Ang unang beses niyang gawin ito ay noong try-out sa CISA. Dito ay buong lakas niyang ibinato ang bola paloob, patungo sa kanilang basket. Hindi niya alam kung may sasalo nito. Walang Romero o Cunanan na narito upang humabol sa bola, pero... tiwala siyang may isa sa mga kakampi niya ang sasambot nito.   Kasabay ng pag-ingay ng crowd ay ang pagsambot ni Martin sa bola. Ang bilis ng takbo nito, at dahil sa pagkagulat ng kalaban sa ginawa ni Mendez ay hindi na sila nakababa pa upang dumipensa.   Isang libreng lay-up na sinundan ng malakas na cheer mula sa Canubing 1 ang dumagundong sa loob ng venue. Nakabulagta na si Ricky pero nakangiti pa rin ito matapos makita ang pagpuntos ng kanyang Kuya Martin. Nagsilapitan din agad sa kanya ang kanyang mga kakampi at itinayo siya kaagad.   “Ang lupit mo Ricky!” bulalas ni Kuya Kaloy na ngiting-ngiti sa binata.   “Paano mo nagawa iyon? Ano? Wala kang sugat?” nangingiti namang tanong ng kanyang Kuya Alfredo, ang pumalit kay Baron.   “O-okay ang lang po ako. Depensa na!” bulalas ni Ricky at napangiti ang kanyang mga kasama sa sigla nito. Kahit na nagdagasa ito ay siya pa rin ang naunang dumipensa sa kanila.   Pagkasambot ni Vallada sa bola ay nasa harapan na kaagad niya si Mendez na seryosong nakaabang sa bolang pinapatalbog niya.   “Hindi ka na makakaulit,” bulalas ni Vallada at kinalabaw niya ang kanyang paggalaw. Halos dalhin na nga niya gamit ang sariling lakas ang kanyang defender. Dahil tuloy rito kaya naitawid nila ang bola nang maayos sa side nila.   “Matatalo niya ako kung gagamitan niya ako ng aggresive movements,” wika ni Ricky sa sarili na mabilis na iginalaw-galaw ang mga kamay. Kasabay ito ay ang mabilisan niyang pagmamasid sa iba pang mga players sa loob ng court.   Napansin din kaagad ni Vallada ang pagdistansya ni Mendez nang bahagya mula sa kanya. Ibig-sabihin lang nito ay magagawa na niyang makalusot dito. Pinatalbog na niya nang mas mabilis ang bola. Lamang din siya sa height at kung titirahan niya ito ay tiyak na hindi siya nito mabubutaan. Tumakbo siya patungo sa basket at isang mabilis na step-back ang kanyang ginawa. Ang mga paa niya ay nasa tres, at dito ay agad siyang tumalon para bumitaw ng isang three-points shot.   Ngunit, batak na ang mga binti at paa ni Mendez. Kaya bago pa man maiangat ni Vallada ang bola ay mabilis na rin itong naglaho mula sa kanyang mga palad. Inaamin ni Mendez na lamang sa height ang kanyang binabantayan, pero, alam niya rin sa kanyang sarili na mas mabilis siya kumpara rito. Mabilis siyang humakbang palapit sa kanyang katapat at inagaw niya ang bola mula sa kamay nito.   Muling ginulat ni Mendez ang lahat at hindi nila inaasahang maaagawan muli nito si Vallada.   Pagkakuha ni Ricky sa bola ay mabilis siyang hinabol ni Vallada na hindi na natutuwa sa nangyayari. Ang senaryong ito ay ang nagpakalampag sa mga manonood sa loob ng coliseum. Pagdating ni Mendez sa may free throw line ay mabilis niyang hinawakan ang bola at matapos ang dalawang hakbang ay tumalon siya nang mataas.   “Hindi ka nag-iisip!” bulalas sa isip ni Vallada na sinabayan ng talon si Mendez. Nakita rin niya ang paghabol ni Martin Suarez sa kanilang likuran. Kung sakali mang ipapasa ito ng binata sa unahan niya, ay tiyak pa rin siyang mapipigilan niya ito.   Umangat na ang kamay ni Vallada sa itaas para pigilan ang gagawin ni Mendez, at sa pag-angat nila sa ere, at sa nakita niyang paggalaw ng bola paibaba, ay tiyak siyang ipapasa ito ng binata sa kasamahang humabol sa kanilang dalawa.   Biglang ibinaba ni Mendez ang bola at kasabay nito ay ang pag-abang ni Vallada sa kanyang kaliwa na kung saan, ay manggagaling naman si Suarez. Ngunit walang bolang ipinasa si Ricky na ikinabigla ni Vallada. Bago pa man sila bumagsak sa sahig ay makikitang ang bola ay umiikot na paitaas, papunta sa basket.   Mabilis na iginalaw ni Ricky ang pagkakahawak niya sa bola at upang hindi ito mabutaan ng humahabol na si Vallada mula sa kanyang likuran ay inilayo niya na ito gamit ang kanyang kanang kamay. Gamit din ang kamay na ito, ay isang reverse lay-up ang kanyang ginawa at pumasok ito na ikinagulat ng kalaban. Ang buong supporters naman nila ay napatayo dahil doon dahil isa na namang malupit na galawan ang ginawa ni Mendez.   26-21 na ang score at lamang pa rin ang Canubing 1 matapos iyon. Ang bola ay maririnig na tumalbog at ang koponan ng Palhi ay pinakitaan muli ng number 3 mula sa kabilang koponan ng isang kahanga-hangang pagpuntos. Pagkalapag na pagkalapag pa nga lang ni Mendez ay mabilis kaagad itong tumakbo papunta sa side nila, sabay sigaw sa kanyang mga kasamahan ng...   “Depensa na team!”
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม