ITINAYO si Ricky nina Manong Eddie. Si Baron naman ay kaagad nilapitan ang binata.
"Ano Mendez? Kaya mo ba si Vallada?" tanong ni Baron at napatingin ang apat sa binata. Dahil sa mga nangyari ay napansin nila ang pag-iba ng imahe nito. Napalitan ng kaseryosohan ang mga mata ni Ricky dahil dito.
Normal lang ito sa laro, at lahat ay nakakaranas ng ganito.
Bumalik sa Canubing ang possession. Alam na nilang tatauhan ni Vallada si Mendez, kaya si Martin ang nagbaba ng bola na mabilis namang dinepensahan ng player ng Palhi na may numero kwatro. May taas itong 6'0 at nagkulay ito ng buhok na ngayon ay blonde na. Matipuno ito at madikit itong bumantay.
"Vladimir Hernandez," winika ni Martin sa kanyang sarili habang maingat na gumagalaw sa harapan nito. Alam niyang point guard ng Palhi ito, at mukhang dahil sa player ng CU na kasama sa starting line-up ng mga ito ay ito ang napilitang pumwesto laban sa kanya. Nahihirapan siyang lusutan ito kanina pa, at ang una niyang puntos din kanina ay dahil lang sa nawala ito sa pokus dahil sa ginawa ni Mendez.
"Hindi lang si Vallada ang dapat ninyong seryosohin," winika ni Hernandez na sinubukang tapikin ang bola, ngunit nailayo kaagad ito ni Martin.
"Ipasa mo sa akin! Easy lang ang bantay ko," wika naman ni Baron na nagmadaling lumapit sa kanya. Subalit imbis na ipasa rito ang bola ay bigla siyang kumaliwa. Gamit ang isang pasimpleng hawi ay nilampasan nga niya si Hernandez.
"Tama na ang pagpapakitang-gilas mo Baron, ako ang star player ng team na ito," wika ni Martin sa sarili at ang mga nakakakilala sa kanya ay napa-cheer nang malakas.
Ngunit nang pinatalbog niya ang bola ay nawala na lang ito bigla. Nilampasan siya ni Vallada at hawak na kaagad nito ang bola.
"Nice pass," mahina pa nitong sinabi para siya ay asarin. Napalingon kaagad dito si Martin at nang susubukan niyang humabol dito ay bumangga siya sa katawan ni Hernandez.
"Sabi kasing ipasa mo sa akin!" malakas namang winika ni Baron na kumaripas na kaagad ng pagtakbo papunta sa side ng kalaban.
"Ang bilis ng isang ito!" bulalas pa ni Baron na itinodo na ang kanyang pagtakbo.
"Walang makakapigil sa akin," sambit naman ni Vallada na palapit na nang palapit sa basket. Sa bilis niyang taglay, ay alam niyang walang makakatapat sa kanya mula sa team na kanilang kalaban.
Hinawakan na niya ang bola at pagkalampas niya sa free throw line ay bumwelo na ito upang tumalon.
Ang crowd ay tahimik lang na nanonood.
Ang team ng Palhi ay natulala na lang nang maglaho ang bola mula sa mga kamay ni Vallada. Ninakaw iyon ni Mendez na nagawa pa ring maabutan ang number 3 na nakaberde.
Nabigla si Mildred sa nangyaring iyon, hindi niya akalaing mabilis ang binatang ito. Pero nang makuha na ni Mendez ang bola ay kumalma pa rin siya at mabilis niya itong dinepensahan. Alam niyang hindi ito makakalusot sa kanya.
Pero mali siya.
Mabilis na umatras si Mendez habang pinatatalbog ang bola. Pinadaan niya pa ang bola sa pagitan ng kanyang mga binti. Kasabay nito ay ang mabilis din niyang pagtakbo pakaliwa at nakangisi naman siyang sinabayan ni Vallada.
Isang ngiti ang biglang sumilay sa labi ni Mendez nang makitang ginawa iyon ng kanyang defender. Walang ano-ano'y, mabilis niyang iginalaw ang kanyang kaliwang kamay na may hawak sa bola. Pinatalbog niya iyon patungo sa kanan sa pamamagitan ng pagpapadaan nito sa kanyang likod. Nang saluhin ito ng kanyang kanang kamay ay siya namang mabilisan niyang pagtakbo sa kasalungat na bahaging ginalawan ng kanyang defender.
Isang behind-the-back crossover iyon at nagulat ang lahat nang biglang mapaupo ang defender nitong si Vallada sa court. Dahil sa bilis ni Mendez ay hindi niya ito agad nasabayan at nagawa pa nga siyang patumbahin nito sa pamamagitan lang ng swabeng galaw na iyon.
Walang nagawa si Mendoza kundi ang pigilan si Ricky sa pagbalik nito, subalit bago pa man magkatagpo ang dalawa sa gitna ng court ay nagdilim bigla ang paningin ng binata. Ibinato niya bigla ang bola patungo sa basket na muling ikinagulat ng marami.
Ang matalas na obserbasyon, isang bagay na matagal nang na kay Mendez. Hindi pa man siya naglalaro ng basketball ay mahilig na siyang magmasid sa paligid.
Nakita niya ang pag-iwan ni Mendoza sa binabantayan nitong si Baron, at alam niyang magaling na player ang kuya niyang ito.
Batid niyang kusang gagalaw ang mga paa ni Baron patungo sa basket at sa oras na mangyari iyon--- walang pag-aalinlangan niyang ibabato ang bola patungo sa basket.
Pagdating nga ng bola sa tapat ni Baron, habang siya ay nasa ere, ay mabilis niya itong dinakot gamit ang kanyang dalawang kamay. Kasunod din nito ay ang malakas niyang pagdakdak dito patungo sa basket.
Isang alley-hoop dunk! Sumilay kaagad ang ngiti sa labi ni Ricky nang masaksihan iyon, at ganoon din sa labi ni Baron.
Bilang point guard ng team, gusto ni Ricky na bigyan ng pagkakataon ang lahat na pumuntos. Ito'y para bumalik ang kompyansa ng lahat, at para magtiwala ang mga ito sa kanya bilang isang facilitator.
Natahimik ang lahat matapos iyon. Tumalbog na rin ang bola sa sahig at maririnig ang tunog nito sa buong paligid.
Ang crossover at ankle-breaker ni Mendez.
Ang long pass nito papunta kay Baron habang nasa ere...
At ang pagdakdak nito sa bola.
Ang lahat ng iyon ay nasaksihan nila at bumabalik sa isip nila, kaya hindi kaagad sila maka-react. Ang supporters ng Palhi ay hindi rin maiwasang mamangha sa ginawang iyon ng koponan ng Canubing. Maging ang mga nasa bench nila ay ganoon din.
Seryosong naglakad palapit sa isa't isa sina Baron at Ricky. Parehong seryoso ang dalawa at nang mag-apiran sila gamit ang dalawa nilang mga kamay, ay isang malakas pang sigaw ang kanilang ginawa. Sumilay ang ngiti sa labi ng dalawa at ang mga players ng Canubing ay nagulat nang makita ang ngiti ni Baron. Ngayon lang nila nakitang ganito ang binata.
Ibig-sabihin nito...
"Masayang maglaro ng basketball... Hindi ba?" winika ni Kap sa bench na masaya sa napakagandang play na ginawa ni Ricky at Baron.
Isang hindi rin mapigilang ngiti ang sumilay sa labi ni Andrea nang oras na iyon. Hindi niya ito mapigilan lalo na nang mapatumba ni Ricky ang matangkad na si Vallada. Lalo na rin nga nang ipinasa nito ang bola para sa isang magandang dunk papunta sa kanyang kakampi.
Akala ni Andrea ay napu-frustrate si Ricky sa ginagawa ng number 3 ng kalaban, pero nagkamali siya. Tapos na ang mga laro ng binata dati kung saan ay bigla niya itong sinisigawan... at bigla niyang pinapalakas ang loob nito.
Tapos na!
Ibang Ricky na ang nakikita niya. Isang magaling na Mendez na ito. Hindi niya maisip na ganito na ang binata sa larong ito. Wala siyang alam sa kung ano ang nangyari rito, pero isa lang ang sigurado para sa kanya sa sandaling pinagmamasdan niya ang ngiti ng binata.
"Masayang maglaro ng basketball... At nakikita ko sa iyo 'yon..."
"Susuportahan pa rin kita kahit hindi mo alam... Papanoorin pa rin kita kahit hindi na tayo magpansinan."
Ang sports na pareho nilang gusto, ito lang ang tanging bagay na maglalapit ang kanila sa isa't isa... at posible ring maglayo rin sa kanilang dalawa.
Umiiyak naman si Rich nang makita ang laro ni Mendez. Umiiyak siya habang nanonood.
Dulot ito ng saya, at kung mananalo ang Canubing... ay sisiguruhin niyang mapapanood na niya ito. Sisiguraduhin niyang maii-cheer na niya ito nang malakas.
Natapos ang unang quarter ng laro sa score na 22-15. Nasa Canubing 1 din ang kalamangan at nagsibalikan ang Panthers na pawang masaya sa resulta ng unang sampung minuto ng laro.
"Ang galing mo Ricky Boy!" bulalas ni Manong Eddie at ganoon din ang sinabi ng mga kasamahan nito sa bench.
Si Baron naman ay uminom kaagad ng tubig at lumayo sa pagsasaya ng mga kasamahan. Masaya rin siya at hindi siya nagsisising maglarong kasama si Mendez.
Mula sa crowd, hindi rin mawawala ang mga players ng CBL na interesado ring mapanood ang inter-barangay. Ilan sa mga ito ay nabigla sa ipinapakitang laro ni Ricky Mendez. Karamihan sa kanila ay seryosong pinagmasdan ang malaking pagbabago sa binatang puro depensa nitong nakaraang CBL.
Habang umiinom naman si Mildred Vallada ng tubig, hindi niya maiwasang mapatingin sa bench ng kalaban. Pinagmasdan niya si Ricky Mendez na makikitang ngiting-ngiti kahit pawisan na dahil sa unang quarter. Akala niya, nagawa na niya ang kanyang balak dito... pero hindi iyon nangyari.
Matapos maubos ni Vallada ang tubig ay tumayo kaagad siya.
Hindi pa sila natatalo at masyado pang maaga para magpakasaya ang kanilang kalaban.
“Sa sunod na quarter, ipapakita ko sa inyo ang lakas ng isang Mildred Vallada.”