NAGSIBABAAN na ang lahat ng Panthers para dumepensa. Ito'y matapos na hindi na magsalita pa si Baron sa tanong na ibinigay ni Ricky dito. Seryoso na lang siyang pumunta sa side nila habang si Manong Eddie ay kinumusta naman si Mendez kung okay lang ba raw ito?
"Okay lang ako Manong," nakangiting winika ni Ricky matapos makahinga nang maluwag. Hindi niya alam kung minasama ng kanyang kuya Baron ang kanyang tanong na iyon, isa pa, ito lang ang naisip niyang sasabihin dito. Nilakasan na nga lang niya ang kanyang loob para gawin iyon dahil ayaw niyang siya ang magmando sa kanilang team lalo't bago pa lang siyang nakakasali rito.
"Bumaba ka na, nandiyan na sila," wika pa ni Manong Eddie matapos bigyan ng tapik sa balikat ang binata.
Sa kanila namang bench ay napahawak na lang sa noo si Kap dahil sa maliit na komosyong nangyari sa kanyang koponan sa loob ng court. Sana'y maging okay lang ang lahat, naihiling na nga lang nito sa sarili at nagpatuloy nga muli ang laro.
10-8, lamang ng dalawa ang Realtors at kasalukuyan nang dinadala ni Mendoza ang bola. Hindi pa man siya nakakarating sa kanilang side ay nagulat na lang siya, pati na rin ang mga manonood, nang depensahan kaagad siya ni Mendez.
Napaseryoso si Ken Mendoza nang sandaling ito at naalala niya ang galawan ni Mendez sa CBL. Isa itong magaling na defender na hindi natatakot depensahan ang sinuman! Dahil dito ay mas naging maingat na siya sa pagdadala ng bola. Narating niya ang side nila at dito na muling kinalampag ng kanilang supporters ang buong venue.
Pinagmasdan naman ni Ricky ang bola, ganoon din siya sa mga paa ni Mendoza. Pasimple rin siyang nagmamasid sa paligid sa kung ano ang nagiging galaw ng iba. Hindi lang siya nakapokus sa isang player sa larong ito, dahil isa sa mga bagay na gagawin niya rito ay ang tingnan ang lahat ng mga narito.
Sinubukan niyang tapikin ang bola mula sa kamay ni Mendoza, ngunit mabilis itong nailayo ng binata mula sa kanya.
"Pinapahanga mo ako Mendez," bulalas ni Mendoza na biglang bumaba ang dribbling at tumalikod sa kanyang defender pagkatapos.
Naalarma naman si Mendez nang sandalan siya nito at pinasimplehan din siya nitong hinawi gamit ang isang braso nito. Isa iyong mabilis na pagpunta ni Mendoza sa kanyang kaliwa. Dahil sa pwersa ng hawing ginawa nito ay naiwanan siya at nang habulin niya ito, ay isang malaking katawan ang kanyang binanggaan.
Para siyang bumangga sa isang matigas na pader. Isang screen ang ibinigay ng sentro ng Palhi na si Coron. Halos mapaatras na nga siya dahil doon. Nakita na rin naman niya ang paglapit nito sa kanila ni Mendoza bago ito, ngunit hindi niya inaasahang may katigasan ang magiging pagharang nito.
Isang pagngisi naman ang ginawa ni Mendoza nang maiwanan niya si Mendez. Wala nang ibang mapagpilian si Karim kundi ang pigilan ito, subalit mas mabilis at mas maliksi kumpara rito ang may number 1 sa jersey na player ng Palhi.
Nakarating kaagad sa basket si Mendoza. Si Manong Eddie nga ay pipigilan sana ito, ngunit napansin niya ang paggalaw ng kanyang binabantayan na tila may masamang balak. Wala tuloy siyang magawa kundi ang patuloy itong dikitan.
Tumalon na si Mendoza para sa isang libreng lay-up, subalit biglang nagdilim ang paligid nang isang player ng Canubing ang mabilis na hinabol ang gagawin nito.
Umangat na ang bola mula sa mga kamay ni Ken at mabilis naman itong dinakot ng player na may number 24 sa likod. Isang block at steal ang ginawa ni Baron. Nagawa niyang iwanan si Vallada at wala itong nagawa sa kanya.
Kung dati'y naka-tsinelas at maong lang siya kapag naglalaro sa court, ngayon ay mas magaan na ang kanyang paggalaw kasi maayos na ang kanyang suot. Nang nakita niyang naiwanan ni Mendoza si Mendez, hindi na kaagad siya nagdalawang-isip na pigilan ang gagawin nitong libreng pag-iskor sana.
Pagkalapag ni Baron sa ibaba ay mabilis niyang ibinato ang bola patungo sa side nila.
"Kung magaling kang player Mendez. Dapat tumatakbo ka na para sa fastbreak!" sigaw niya sa kanyang sarili at napangisi siya nang makitang mabilis na bumababa ang number 3 ng kanilang koponan papunta sa kanilang basket.
"Pipigilan ko kayo!" bulalas naman ni Vallada na buong bilis na tumakbo upang habulin si Mendez. Alam niyang sa oras na masambot ng binata ang bola ay babagal ito pansamantala at madedepensahan pa rin niya ito.
Sinambot ni Ricky ang bola at maingat niya itong pinatalbog. Kasabay nito ay ang paglapit sa kanya ng 6'4 na si Vallada, at ang crowd ay napa-cheer sa kanilang nasaksihan.
"Tingnan ko ang galing mo Mendez!" sambit ni Vallada at sa pagharap niya sa binata ay nagmukha siyang isang malaking pader.
Ang buhok ni Ricky ay bahagyang gumalaw at sumilay ang mga mata niyang seryosong nakatingin sa kanyang defender. Bigla na lang niyang sinandalan si Vallada na ikinagulat nito.
Umatras nang bahagya si Mendez at binitawan ng binata ang bola patungo sa kanyang harapan. Papunta pa ito sa isa pang player na naka-itim.
Napatayo ang bench ng Canubing at ang kanilang supporters ay napahiyaw dahil may isa pang magaling na player sa kanilang koponan ang hindi pa pala nagpaparamdam.
"Alam kong susunod ka... Kuya Martin!" bulalas ni Ricky at sinandalan niya si Vallada upang hindi nito mapigilan ang kanyang pinasahan.
Pinagmasdan lang naman ni Martin si Mendez at dito ay tumalon na siya para bitawan ang isang malapitang two-points jumpshot. Pumasok iyon sa basket at nagwala kaagad ang kanilang crowd.
Tabla sa sampu ang score at apat na minuto na ang nakakalipas matapos ang tirang iyon ni Martin Suarez.
Si Vallada naman ay napangiti nang hindi inaasahan habang pinagmamasdan ang paglayo sa kanya ni Mendez. Pinakitaan na naman siya ng player na ito. Bukod kay Baron, natutuwa rin siyang kalaban din niya ang lalaking may number 3 sa likod.
Tinalo sila ng Barangay ng Lalud sa una nilang game, at sa oras na matalo sila sa larong ito ay siguradong laglag na kaagad sila. Napakuyom nga ng kamao si Mildred Vallada. Akala kasi niya ay magiging madali ang paglalaro niya sa inter-barangay na ito dahil alam niya sa kanyang sarili na malakas siyang maglaro. Ngunit sa unang laban nila, at ganoon din sa ikalawa... Dito na niya nasabing hindi basta-basta ang mga naglalaro sa ligang ito. Akala niya ay ang mga taga-Maynila na ang talagang malalakas, pero, mayroon din pala sa lugar na ito, sa kanyang bayang sinilangan.
"Ken, akin na ang bola," wika ni Vallada sa kanyang kasamang nagdadala ng bola matapos nitong saluhin ang inbound pass na mula sa kanya.
Ngumisi si Mildred at seryosong tiningnan si Mendez na nakaabang na sa pagbaba nila.
"Ako muna ang tatapat kay Mendez... Gusto kong makita kung hanggang saan ang ilalaro niya."
"Hindi sapat ang maging matangkad para sa isang ito. Mautak siyang player!" wika pa ni Vallada sa sarili.
Nilapitan nga kaagad ni Baron si Vallada.
Seryoso namang nag-drive ng bola ang star player ng Palhi, sa pagtakbo niya pakaliwa ay isang screen ang kaagad na ibinigay ni Mendoza sa kanya. Naiwanan nang bahagya si Baron na naging dahilan, upang ang 5'7 na si Mendez ang bumantay sa 6'4 na si Vallada.
"Tingnan ko ang galing mo Mendez," mahinang winika ni Vallada at mabilis niyang pinatalbog ang bola. Agresibo siyang gumalaw at kahit mabangga siya ni Mendez ay hindi siya nagpapigil.
Napaseryoso si Ricky dahil halos mawalan na siya ng balanse nang dikitan siya ni Vallada. Hindi lang iyon, naging malikot din ito at sa pagsabay niya rito ay nakaramdam siya ng bigat sa bawat paggalaw nito.
Pagdating ni Vallada sa may left side ng basket ay bigla niyang sinandalan si Mendez. Sinabayan niya iyon ng pwersa at habang pinapatalbog ang bola ay pinaatras niya ang kanyang mas maliit na defender.
"Ito ang kahinaan mo Mendez," mahinang winika ni Vallada at nang malapit na siya sa basket ay bumigla siya ng talon.
Walang nagawa si Ricky kundi ang mapahawak sa jersey ni Vallada dahil kung hindi ay babagsak siya.
Isang one-handed shot patungo sa basket ang ginawa ni Vallada. Tumalbog pa iyon sa board at dumiretso sa loob ng ring. Kasabay ng pagpasok noon ay ang pagtunog din ng silbato ng referee.
Natawagan si Mendez ng foul at kasabay nito ay ang malakas na pagkalampag ng mga taga-Palhi sa buong lugar.
Pawisan na ang lahat nang oras na iyon at si Vallada ay seryoso munang tiningnan sa mata si Mendez bago tuluyang pumunta sa free throw line para sa bonus shot.
13-10 ang score nang maipasok pa ni Vallada ang free throw. Halos siyang lahat ang pumuntos ng kanilang score na ikinatuwa ng kanyang mga kakampi.
Nasa Canubing na muli ang possession at nang makuha ni Mendez ang bola ay nagulat na lang ang bench nila. Si Vallada ang bumantay rito at mukhang wala itong balak na pababain ang binata sa loob ng walong segundong kanilang palugit.
Naalarma ang mga kakampi ni Ricky kaya nagbabaan muli sila para kuhanin ang bola sa binata, ngunit huli na sila. Dahil sa haba ng braso ni Vallada at sa pagiging agresibo nito ay isang steal ang nagawa nito. Hindi lang iyon, nilampasan niya si Mendez na walang nagawa sa kanyang lakas. Natumba ang binata at si Vallada ay nakagawa ng isang libreng lay-up matapos ang mabilis niyang pagpunta sa kanilang basket.
Paglapag ni Vallada ay agad niyang pinagmasdan ang nakaupo sa court na si Mendez.
"Sigurado akong frustrated ka na," sabi nito sa sarili. Nakita niya kanina na nagiging game changer ang binata, kaya upang mapigilan ito ay kailangan niyang gawin ito. Kadalasan, sa isang laro ay may isang player na kayang bumuhay ng loob ng kanilang mga kasama, at ang pinakamabisang pangotra rito ay ang kanyang ginagawa. Ang tapatan ito at talunin!
Matapos mapansin ni Vallada ang pagkalma ni Baron kanina dahil dito, ay naisipan niyang kailangang siya na mismo ang tumao sa binatang may number 3 sa likod ng jersey. Habang maaga pa ay kailangan niyang sirain ang laro nito, dahil kung hindi... malaki ang magiging tsansa ng kanilang kalaban na sila ay masabayan sa labang ito.