Chapter 9

1958 คำ
Napatingin pabalik mula sa rearview mirror ang driver ni Avah. "Gustuhin ko man, hindi pa tayo makakausad ngayon." Binuksan ni Avah ang pinto ng van. "Okay. Magta-taxi na lang ako," pahayag niyang agad nang bumaba. "Avah!" pahabol ni Faye na palagay niya'y bumaba rin ng kotse. Hindi niya ito inintindi at tuloy-tuloy lang siyang tumawid sa kabilang side ng kalye. Pasalamat siya at malakas ang hangin, kaya kahit tirik na tirik ang araw ay 'di naman gaanong mainit. Mabagal din ang pag-usad ng mga sasakyan sa kabila, pero kahit papaano ay umaandar ang mga ito. Napahinto lang ang mga ito nang dahil sa presensiya niya. "Si Avah Lopez ba 'yon?" Naririnig niya ang pagbubulungan ng mga taong nasa side walk, na ngayon, lahat ay nakatingin na sa kaniya. May ilan ding mga driver na nagbaba ng bintana para pakatitigan siya. "Si Avah Lopez nga!" Itinago niya ang mukha sa ilalim ng sunglass at nagpatuloy lang sa paglalakad. Ngayon, natatakot na siyang baka bigla siyang dumugin ng mga ito. Bigla namang may humila sa kaniya. Kumabog tuloy ang puso niya. Paglingon niya, kaagad ding napawi ang kaba niya. "Hali ka na, bumalik na tayo sa van," bulong ni Faye na agad na siyang hinila pabalik. Hindi naman siya nagpatinag. "Hindi, Faye. Kailangan kong makaharap si Hector ngayon!" pagmamatigas niya at agad na siyang nagpara ng taxi. Nang may huminto, mabilis siyang sumakay. Ilang sandali pa ang ibiniyahe niya, hanggang sa makarating siya sa Glamour Entertainment. Madaling-madali siya sa pagbaba sa sidewalk, pero ilang dipa pa ang kailangan niyang takbuhin para makapunta sa main entrance. Sa kaniyang pagmamadali, hindi niya napansin ang pagsulpot ng isang motorsiklo. Kaagad kumabog ang puso ni Avah na agad napapikit. *** Mula sa underground parking, sakay ng motor ay papalabas na si Cindy. Marahan lang naman ang pagpapatakbo niya, pero hindi inaasahan, bigla na lang may tumawid sa daraanan niya. Mabilis siyang napapreno kasunod ang pagliko niya. Kaya ang ending, sumemplang siya sa tabi ng sidewalk. Mabuti nga at hindi siya lumagapak sa center aisle na may halaman. Kaagad naman siyang nakabangon kahit ramdam niyang nabalian yata siya. Lumingon siya para harapin ang babae pero pagharap niya, tiningnan lang siya nito at dali-dali na itong tumakbo papasok sa Glamour. "Hoy!" pagtawag niya at napaturo pa siya rito. Bigla rin siyang natigilan nang may mapagtanto. Bakit parang kilala niya ang babaeng 'yon? Napansin niya sa mga taong nakakita sa nangyari ang pagbubulungan ng mga ito. "Si Avah Lopez 'yon, 'di ba?" May iba pa ngang naglabas ng smartphone para kuhanan ang pagtakbo nito. Naiwan naman si Cindy na napapaisip. "Si Avah Lopez 'yon!?" *** Nang makarating si Avah sa tapat ng malaking pinto ng CEO office, padabog niya 'yong binuksan at dali-dali na siyang pumasok sa loob. Bumungad sa kaniyan ang napalingong si Hector—ang anak ng dating CEO na sumalangit na. Ngayon ay bahagya itong napapaatras dahil sa paglapit niya. "N-napasugod ka?" "Umamin ka, ikaw ba ang naglabas ng article na 'yon!?" mariin niyang wika. Alanganin itong napahalakhak. "A-ako ba?" "Nang-aasar ka ba!?" Tinaasan niya ito ng noo. Mas lalo itong dumistansya palayo. "Bakit, may problema ba roon?" pagpipilit nito kahit iwas namang tumingin sa kaniya. "Problema? Gusto mo bang ikaw ang magkaroon ng problema ngayon!? Anong pumasok sa utak mo para ilabas 'yon, ha!" Umabante ulit si Avah, habang si Hector, patuloy pa rin sa pag-atras hanggang sa mapaupo na ito sa revolving chair nito. Muli, umiwas ito ng tingin at dahan-dahang tumayo para lumapit sa malaking bintana. Binuksan nito ang blinds at sumilip sa labas. "Baliw ka, kinakausap kita, humarap ka sa akin!" "Avah, I think its time na malaman ng mundo kung sino ka talaga," pahayag ng lalaking nasa edad bente nuebe lang. "Anong pinagsasabi mo?" "Itinuring na kitang parang kapatid, Avah. Mula nang kunin ka ni Dad at pasikatin niya." Sa wakas ay humarap na ito sa kaniya. "Bakit mo naman itinago sa akin na anak ka ni Senator Lopez?" "Hindi ko 'yon itinatago!" pagtanggi ni Avah. "Pero wala akong balak na isiwalat 'yon! Bakit mo sinadyang gumawa ng iskandalo tungkol sa akin? Nababaliw ka na ba?" "Wala namang masama sa article na 'yon. Sinabi lang natin sa lahat ang totoo. Para 'yon sa publicity ng next album n'yo." Muli itong napaiwas ng tingin. "I think, magagamit natin ang popularity at generosity ng dad mo," pagdadahilan nitong napatikhim. Napaismid siya. "Kailan pa naging mas popular sa grupo namin ang isang pulitiko? Nahihibang ka na nga. Inilabas mo 'yon para itago ang pagbubuntis ni Lizzie. Bakit ako pa 'yong ginamit mo?" Nagulat si Avah nang bigla nang lumuhod ang lalaki. "I'm sorry, Avah. Kasalanan ko lahat," pag-amin nito. "Ayaw kong maiskandalo si Lizzie, kaya ginamit ko na lang ang pangalan mo. Pangako, mula ngayon, kahit anong gusto mo, susundin ko," tila pagmamakaawa nito. Hindi naman siya makapaniwala at napapakunot lang ang noo. "Anong ginagawa mo? Bakit kailangan mong lumuhod?" "Kapag naiskandalo si Lizzie, magagalit sa akin ang buong pamilya niya. Lalo na 'yong dad niya. Alam mong ex-military 'yon, 'di ba?" tila nahihintakutang pahayag nito. "Eh bakit sa 'yo, magagalit? Kasalanan 'yon ni Lizzie! Bakit siya nagpabuntis sa kung sino?" bulalas niyang inilabas ang phone mula sa bulsa para tawagan ang babaeng, sa totoo lang ay malapit din sa kaniya. "A-ako 'yong nakabuntis sa kaniya." Natigilan si Avah at muling napalingon sa lalaki. "Ano?" "Magkakaanak na kami, Avah," dagdag nito. "Gusto mo bang maging ninang?" *** Halos 'di makapaniwala si Avah sa narinig. Umalis na siya sa opisina ni Hector dahil nanggigil na siya rito. Baka kung ano pa ang magawa niya. Bumaba siya sakay ang elevator patungo sa recording studio para hanapin si Lizzie. Ang alam niya ay may recording para sa solo nito. Lahat kasi sila sa grupo, may kaniya-kaniyang solo na isasali sa album nila na ire-release bago matapos ang taon. Muli niyang idinayal ang number ni Lizzie para makausap ito. Ang kaso, hindi naman sumasagot ang babae. Puro pag-ring lang ang ang naririnig niya sa kabilang linya. Mas lalo tuloy nag-iinit ang ulo niya. Napapakuyom siya ng kamao habang mabigat ang kaniyang paghakbang palabas ng bumukas na elevator. Halos umalingawngaw sa tiled floor ang pagbagsak ng kaniyang high heeled shoes na mula rin sa sponsor. Pagkarating niya sa tapat ng pinto, kaagad niya 'yong binuksan. Pagpasok niya roon, napalingon ang ibang staff sa kaniya. Ngunit siya, natuon na ang tingin sa babaeng kumakanta sa pinakaloob ng recording studio, na nahaharangan ng laminated glass. May garalgal man ang boses nito, pero masarap pakinggan sa tainga. May halong pait at tamis ang mga lirikong sinasabayan ng magandang musika. Mararamdaman sa tinig nito ang pinakamensahe ng kanta. "Sino 'yan?" tanong niya sa producer na si Toby. "Hindi mo ba alam? Bagong member n'yo 'yan, kapalit ni Lizzie," nakangiting tugon ng chubby na lalaki. "Ang galing niya, ano?" "Ano!? Agad-agad may kapalit na siya?" Nang mapansin siya ng babaeng kumakanta sa loob, huminto ito at inialis ang suot na headphone para lumabas. Kaagad din itong bumati sa kaniya. "M-miss Avah." Yumukod pa ito sa harap niya, hindi naman siya Koryana. Tiningnan niya lang ito mula ulo hanggang paa. "Parang... naaalala kita?" Marahan siyang napaturo sa babae. "A-ako po si Hannah!" pakilala nito na alanganin nang nag-angat ng tingin sa kaniya. Saka naman dumating ang isa sa manager nilang si Kuya Edmund. "Ah, Avah. Siya ang bagong member n'yo." Inis niya itong nilingon. "Kailan pa? Bakit hindi n'yo sinabi agad!" "Kasi...si Sir Hector, ang sabi niya—" Muli siyang bumaling sa babaeng mukhang wala pa yatang gatas sa labi. "Hindi ba isa ka sa trainee ng Glamour?" Si Kuya Edmund ang sumagot, "Ah, oo, Avah. Two years na siyang nagti-train sa Glamour." "Two years?" Napangiwi si Avah na pinasadahan ulit ng tingin ang babaeng mukhang wala pang bente. Nakasuot ito ng brown na mahabang palda na halos umabot sa paa nito, at ipinares 'yon sa maluwang nitong tshirt na mukhang pa-giveaways noong nakaraang Pasko. "Hindi ba, nag-showcase ang mga trainees two months ago, at ikaw 'yong babaeng pinagalitan ng choreo kasi hindi ka makasabay!" dagdag niya na muling binalingan si Kuya Edmund. "Bakit siya ang ipinalit n'yo?" Napapapikit at napapaatras naman ang lalaking nasa higit kuwarenta na. "Ang management ang nagdesisyon. Saka kita mo naman, magaling siyang kumanta." "Hindi lang kami basta vocal group!" bulyaw niya. "Nahihibang na ba sila!?" Saka naman muling nagsalita si Hannah, "Promise, Miss Avah, gagalingan ko po!" Muli siyang napangiwi at tinitigan lang ito nang matalim. Kaagad na nagpatawag ng meeting si Avah sa lahat ng kaniyang mga kagrupo. Ang dalawa pala na sina Rhian at Erica ay naroon lang sa practice room na naka-assign para sa Empress, nagpa-practice kasama ng choreo. Samantalang si Lizzie ay kadarating lang mula sa OB-Gyne nito. Kaya pala hindi masagot ang tawag niya. Kausap na niya ito nang sarilinan sa balcony ng practice room. Ayon sa babaeng natatanging malapit sa kaniya sa grupo, matagal na palang may namamagitan dito at kay Hector. Director pa lang ang lalaki sa Glamour, ay magkarelasyon na ang mga ito. "Wala ka namang dapat ipag-alala, Avah," paniniguro ni Lizzie. "Magaling si Hannah. I'm sure kapag tumagal na siya, malaki ang ii-improve niya." Lumagok siya sa hawak niyang tumbler na iniabot ng bago niyang manager/PA na si Beki. "Kapag tumagal pa? Hindi mo ba narinig ang sinabi ng choreo kanina, hindi siya makasabay sa music kasi parehong kaliwa ang paa niya!" "Lizzie, ayaw kong matulad ang Empress sa ibang grupo, na na-disband kasi nawalan na ng interes ang mga fans dahil walang talent ang ipinalit na member," dagdag niya. "Magtiwala na lang muna tayo sa desisyon ng management," pahayag nitong hinawakan ang kamay niya. Pagkatapos nilang mag-usap ay pumasok na sila sa loob. Napatingin siya sa mga iba nilang kagrupo na naroon sa resting area at parang mga nasa bahay lang. Napapahikab na nakasandal sa sopa si Erica, habang si Rhian nagbubuklat ng bagong Savogue Magazine. Tumayo na ang dalawa nang mapansin sila. Nalipat naman ang tingin ni Avah kay Hannah na nakatayo habang nakayuko sa isang tabi. Napapangiwi siya habang pinagmamasdan ang pagkaka-slouch nito. Wala talaga itong quality ng pagiging star. Napailing na lang siya. "Ayos lang ba sa inyo na maging member natin 'yan?" tanong niya sa dalawa. Si Rhian na ngumunguya rin pala ng bubble gum ang sumagot, "Okay lang. Bibigyan namin siya ng chance. Hindi ba, Erica?" "Oo. No choice naman kami, eh," sagot ng babaeng nakasuot ng crop top at fitted shorts. "Ayaw naming maging mere back-up dancers mo." "Tsk. Nagsalita, hindi ka naman magaling sumayaw," bulalas ni Avah na napahalukipkip. "Ano?" pag-alma ni Erica na susugurin sana siya pero nahawakan ito ni Rhian. Muli namang nalipat ang tingin niya kay Hannah. "Sigurado ka ba talagang gusto mong maging member ng Empress?" Nag-angat ito ng tingin. "O-oo." "You should act one," pahayag niyang inismiran ito. "Hindi ka ba na-training about good posture? Bakit ganyan ka tumayo! Umayos ka nga! Kapag ikaw nakita ng fans na kasama namin, ang iisipin nila, P.A. ka namin." "S-sorry, Miss Avah, kinakabahan kasi ako, eh." Nangangatal ang labi nito at mahahalata sa kamay ang panginginig. "Kinakabahan ka? Hindi pa nga tayo nagpe-perform kabado ka na?" Napatawa si Avah kasunod ng pagsuklay sa buhok. "Paano kapag nasa stage na tayo?" Pinilit ni Hannah na ayusin ang tayo. "Kaya ko namang magperform onstage, promise-" "Siguraduhin mo lang dahil ayaw kong magmukha kaming katawa-tawa," pahayag niya at nagsimula na siyang maglakad patungo sa pinto. Narinig niya ang pagtawa ni Erica. "Kaya naman pala siya ganiyan umasta dahil makapangyarihan ang dad niya," parinig nito. "Ano naman kung anak siya ng senador? Akala mo naman kung sino." Saglit man siyang napahinto sa paglalakad, pinili niyang 'wag na itong pagtuunan ng pansin at lumabas na siya ng practice room kasunod ni Beki.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม