Chapter 10

2025 คำ
Inis na inis pa rin si Cindy nang makabalik siya sa chicken house. Nang maiparada niya nang maayos ang kaniyang motor, bumaba na siya at inialis ang kaniyang helmet. Saglit niyang tiningnan sa gilid ng motor ang gasgas na iniwan ng nangyaring aksidente kanina. Mabuti nga, 'yon lang ang natamo nito. Matibay rin kasi ang brand na ito. Kaso, parang minamalas siya nitong mga nakaraang araw. Ilang beses na kasi siyang naaksidente. Nandito pa nga ang naiwang gasgas sa kaniya noong nakaraan. Napatingin siya sa braso niya. Tinitigan niya ito at marahang kinapa. Nakapagtataka naman? Parang ang bilis yatang gumaling ng gasgas niya? Wala na kasi siyang kahit na anong makitang marka na nagasgasan siya. Pero, lihim pa rin siyang naiinis. Hindi man lang tinanong ng babaeng 'yon ang kalagayan niya? Ni hindi rin ito nag-sorry, samantalang malinaw na malinaw na kasalanan nito? Muli na namang sumagi sa isipan niya ang naging mas malaking kasalanan nito noon ilang taon na rin ang nakararaan. Dahil nga hikahos sila sa buhay at hindi siya makapagkolehiyo, nagbakasakali siyang mag-audition din sa Glamour noong desi-siyete anyos pa lang siya. Nakapasok na siya sa finals. Naalala pa nga niya ang spotlight na nakatutok sa kaniya para sa dapat ay last performance niya. Bigla ba namang may ibang umakyat sa stage at nakisabay sa pagsayaw niya, isang taong hindi naman talaga kasali sa buong audition process umpisa pa lang—at ang babaeng 'yon, walang iba kung 'di si Avah Lopez. Ilang linggo na ring nagaganap ang audition, at isa nga siya sa nagugustuhan ng mga judges. Alam niyang isa siya sa top five na mapipili dapat for trainees. Pero, hindi na nangyari pa iyon dahil sa pakiki-eksena ni Avah na desperadong sumayaw sa harap ng lahat. Aminado siyang mas magaling itong sumayaw sa kaniya. Mas magaling din itong kumanta. Ngunit, hindi pa rin ito kasali sa buong proseso. Pero, sa kabila n'on, ito pa rin ang napili ng mga hurado. Samantalang siya, inilagay sa waiting list. At ang listahan na 'yon, maaaring makapag-train sa Glamour. Iyon nga lang, malaki ang kailangan niyang bayaran para doon. Bigla siyang napakuyom ng kamao. Patuloy pa rin kasi ang pagkulo ng kaniyang dugo. "Oi, Cindy, ano pang ginagawa mo riyan?" pagtawag ni Auntie Juana mula sa salaming pinto. "Marami tayong dagdag na order, pumasok ka na rito." Sumunod na siya at agad nagtungo sa loob. Katulad ng madalas, marami silang mga kostumer kaya maingay sa paligid. Panay nga ang pagbati ng mga nakakakilalang suki nila. Ngumiti lang si Cindy pabalik. Dumiretso na rin siya sa kusina. Napansin nga niyang marami ng nakahilerang pagkaing naka-styro sa mesa. "Bumalik ka pala agad sa Glamour, kasi nagpahabol ng maraming order 'yong kabilang department," pahayag ng tiyahin na hindi magkandaugaga sa pagsasandok ng kanin mula sa malaking kaldero. "Isabay mo na sa katabing opisina nilang call center. Ano nga bang pangalan n'on?" "ConverseMe International," tugon ng isa pang tauhan ni Auntie Juana na si Pipoy na naroon sa dishwasher. "Ah, okay lang po ba, Auntie Juana, na dumaan ako saglit sa bahay?" paalam ni Cindy nang may maalala. "Wala pa kasi silang ulam." "Bakit, hindi ba sila makadiskarte? Nasaan si Kristina? O si Nicole?" "Busy po si Nicole, nasa bahay ng kaklase. Wala rin si Ate Kristina kasi may lakad siya—" Wala na siyang madugtong kasi hindi niya alam kung saan ito nagpunta. Napapalatak na parang butiki ang tiyahin niya. "Mga kapatid mo talaga, wala kang maasahan sa kanila. Sige, dumaan ka muna roon. Kumuha ka na lang ng manok na sapat para sa kanila. Siguro naman may kanin na sa inyo." Alanganin siyang napangiti. Ngayon niya lang naalalang, wala na pala silang bigas. Napabuntong hininga na lang si Auntie Juana. "Hay naku, Cindy. Paano na lang kayo mabubuhay kung wala ako?" *** Napuno ng labis na pag-aalala si Hannah. Nakayuko pa rin siya habang nakatayo sa isang tabi ng practice room. Kasama pa rin niya ang ibang member ng Empress. Ngayon nga ay pinagpupustahan na nina Rhian at Erica kung hanggang kailan siya magtatagal. "I will bet, 50 K, one month," turan ni Erica na kumindat pa sa kaniya. "I don't think so. 100 K, two weeks," bulalas ni Rhian na matamis na napangiti. "Grabe ka naman, nawalan ka agad ng pag-asa sa kaniya?" paghalakhak ni Erica na nakipag-apir kay Rhian. Napahalakhak pa ang dalawa at lumagatak ang mga kamay nang mag-apiran. Mas lalong napayuko si Hannah dahil sa nararamdamang panliliit. Alam naman niyang umpisa pa lang 'di ito magiging madali. Tinapik naman siya ni Rhian. "Huwag ka namang sensitive diyan. Ganito kami, kasi alam naming ibang klase talaga si Avah." Tumango-tango si Erica. "Yeah, right. That's why expect the worst, dahil nag-uumpisa pa lang ang monster na 'yon. But please, kahit anong mangyari, 'wag na 'wag kang magku-quit." "M-magku-quit?" Nanlaki ang mata niya sa pagkagulat. Saka naman sila nilapitan ni Lizzie na galing sa labas. "Anong ginagawa n'yo? Tinatakot n'yo ba si Hannah?" "Hindi kaya!" sabay na pagtanggi ng mga ito. Nagpaalam na rin ang dalawa na lalabas para sa late lunch ng mga ito. Inaya pa nga sila. "Sige na, mauna na kayo," pahayag ni Lizzie na nagsisilbing pinaka-ate ng lahat. Marahan nitong hinagod ang kaniyang likod, habang siya patuloy pa rin sa pagyuko habang pilit pinipigil ang nangingilid na luha. "Huwag mo silang intindihin," pahayag ni Lizzie. "Actually, mas grabe pa nga ang dinanas nila kay Avah noong baguhan kami." Tumango na lang siya at pinilit punasan ang gilid ng mata. "Kailangan mong galingan. Hindi sa pini-pressure kita, pero perfectionist kasi si Avah. Gusto niya, ganoon din ang mga co-members niya," payo pa nito na inabutan siya ng panyo. *** Madaling-madali na sa paglalakad si Avah. Parang gusto na niyang umuwi. Nawawalan na siya ng gana. Nag-iinit pa rin kasi ang ulo niya. Sa kabila ng pagka-bad trip niya, para siyang modelong naglalakad sa runway, gayong narito lang naman siya sa coridor ng Glamour. Sumasabay sa pag-indayog ng katawan niya ang asul na cardigan na mula sa Chalsea. She's so proud of this, wala siyang pakialam kahit ulit-ulitin pa niyang isuot. Kaso, mas lalo siyang naiinis dahil panay ang pangungulit ni Beki patungkol sa commercial shoot niya. "Hindi ba kanina ko pa pinapa-postpone 'yon?" balik niya sa baklang nakabihis babae ngayon. "Eh, kasi, Avah. Miss Avah. Hindi ma-postpone dahil mahirap mahanapan ng schedule 'yong director. Busy raw kasi siya next month," alanganing paliwanag nito. "Hindi na rin siya available bukas." Tila nagpanting naman ang tainga niya. "Ano!? Bakit? Sino bang direktor, ha?" "Si Direk Sean po. Sa overseas kasi isu-shoot 'yong next film niya," sagot ni Beki na napapaiwas ng tingin. "Kaya nga, hinihintay ka pa rin nila roon. Dapat daw dumating ka before 3 PM, kasi may lalakarin pa raw siya mamaya." Napatingin siya sa suot niyang relo. "Bakit hindi na lang siya ang palitan?" Napahinto naman sila nang makasalubong nila si Kuya Edmund sa koridor. "Oh, aalis na kayo?" tanong ng may katabaang lalaki na napalingon pa sa kasama nito. "Avah, siya 'yong sinasabi kong bagong make-up artist ng grupo n'yo, si Melissa." Ngumiti ang sopistikadang babae na mukhang nasa early 40's. Pero nakapagtatakang branded ang lahat ng suot nito. At nakababahala ring pamilyar ang mga mata nito. "Bagong make-up artist?" Napaismid si Avah. "Narinig kong pamangkin mo pala 'yong si Hannah. 'Wag mong sabihing pinsan mo ito." Napaiwas ito ng tingin. "Hindi ko sasabihin. Kasi 'di ko naman talaga siya—" Napatawa siya. "Akala ko, sa pulitika lang uso 'yon. Pati rin pala rito sa Glamour?" sarkastikong pahayag niya. "Well, I don't care. Basta si Faye pa rin ang make-up artist ko." "Siyempre naman, si Faye pa rin ang make-up artist mo—" Iniangat niya ang isang kamay para mapahinto ito. Saka siya sumenyas kay Beki. "You, tawagan mo sina Faye at paunahin mo na sa shoot. And stop following me, I can handle myself." Pagkasabi n'on ay taas-noo na siyang humakbang patungo sa elevator. *** "Kainis talaga siya!" Napapadyak na lang si Edmund dahil sa pagkainis. "Naku, tingnan lang natin kapag nalaos siya, baka madaig pa niyan ang maamong pusa kung gumalang!" Napapatingin lang si Beki sa inaasal nito, sa loob-loob ni Bakla, alam niyang mai-stress siya sa mga susunod na araw. Kinuha na niya ang phone para sundin ang utos ni Avah. Humakbang na rin siya kahit hindi siya sure kung saan siya pupunta. Dumiretso na lang kaya siya ng cafeteria? Hindi pa pala siya nagtatanghalian. Naiwan tuloy sina Edmund at Melissa sa malawak na koridor. "Edmund, magdahan-dahan ka sa pagsasalita," malumanay na pahayag ng babae. "Isa pa, imposibleng mangyari ang sinasabi mo. Dahil kung sakaling malaos na siya, ibig sabihin n'on, mawawalan ka ng trabaho." "Hindi, ano! Dahil pasisikatin ko ang anak mo," paniniguro ni Edmund na malakas ngayon ang paninindigan. "Makikita mo, madadaig pa niya si Avah!" Saka naman ito may naalala. "Bakit nga pala gusto mong magtrabaho rito? Para ba mabantayan mo nang husto si Hannah?" "Hindi naman," pag-iwas nitong idinaan na lang sa pagngiti. "Nami-miss ko lang ang dati kong trabaho." "Alam ba ni Kuya na pumasok ka bilang make-up artist dito?" Ang tinutukoy ni Edmund ay ang pinsan nito at kasalukuyang asawa ni Melissa. Isang matagumpay na businessman sa Canada. Lumingon ang babae na matamis na ngumiti. "Kailangan pa bang malaman niya? Wala naman siya rito sa bansa?" Napabuntong hininga na lang si Edmund. "Kayo talagang mag-ina, magkaibang-magkaiba. Bakit hindi nagmana ng lakas ng loob sa 'yo ang anak mo?" Napailing na lang ito. "Kinakabahan ako sa kaniya." Bigla naman itong natigilan nang may maalala. "Naku, nalimutan ko!? Saan naman kaya dadaan ang batang 'yon?" pahayag nito na napatingin sa direksyon ng elevator. *** Matapos manggaling sa call center sa kabila, dumiretso na si Cindy sa Glamour Entertainment para sa dagdag nilang order doon. Masigla niyang ibinigay ang mga 'yon sa kabilang department. Tuwang-tuwa nga siya dahil nang makita siya ng kalbong department head doon, binigyan pa siya ng malaking tip. Saglit siyang huminto sa nadaanang niyang glass wall, na nire-reflect ang kaniyang hitsura. Kahit mukha siyang ewan dahil sa suot niyang helmet, maging sa thermal bag na nakasukbit sa likod niya, bumagay naman ito sa itim na jacket na binigay ng ale noong nakaraan. Pakiramdam niya, sinusuwerte siya dahil suot niya ito. Pero, baka nga, akala niya lang 'yon. Problemado pa rin kasi siya sa pang-tuition ni Nicole. Lulugo-lugo na siyang humakbang. Nang tumunog ang phone niya, agad niya itong tiningnan. Mensahe 'yon mula na kay Jane. Kapag daw hindi siya mag-reply bago mag-alas-tres, aalukin na lang daw nito ang ibang kasamahan sa elite club. Alam niyang nangako na siya sa kaniyang sarili, pero mukhang kailangan niyang baliin 'yon. Ngayon lang naman, eh. Last na ito. Para kay Nicole. Mariin siyang napapikit bago siya nagtipa ng mensahe sa kaniyang lumang phone. [Sige, Jane. Game ako.] Ibinalik na niya sa bulsa ang phone at nagdesisyong magtungo sa elevator para makaalis. Naririnig naman niya ang pagbubulungan sa mga nakakasalubong niyang empleyado sa Glamour. "Haist! Nakakainis, ang dami na namang reporter sa ibaba," bulalas ng isa. Napatingin naman siya sa railing kung saan matatanaw ang unang palapag. Marami na ngang mga taong may hawak ng camera, at nakaabang doon sa lobby. "Oo nga. Sino kayang nagpapasok sa mga iyon? Mamaya mapagkamalan nila akong talent dito at kunan ako ng picture!" Muntik nang mapataas ang kilay ni Cindy. Pinigilan lang niya ang sarili at nang mapatingin ang mga ito sa kaniya, sumimple siya sa pagngiti. "Bakit ba sila nandito?" tanong ng isa nang makalampas sa kaniya. "Dahil kay Avah kaya nandyan 'yang mga 'yan. Hindi ba nga, nakumpirma ngang anak siya ni Senator Lopez." Nanlaki na ang mata ni Cindy dahil sa narinig. "Talaga?" usal niya sa sarili. "Hindi ba, nandito siya? Nakauwi na kaya 'yon?" Huminto na ang dalawa na napalingon din sa ibaba ng railing. "Tingin ko hindi. Saan naman siya dadaan? Sa rooftop?" sagot ng isa na napahagalpak ng tawa. Itinuloy na ni Cindy ang paglalakad at lihim na napapatawa sa kamalasan ng babaeng 'yon. "Buti nga sa kaniya," turan niya. Malapit na siya sa elevator nang bigla siyang maalarma dahil sa kamay na bigla na lang humaltak sa kaniya.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม