Chapter 8

1806 คำ
Maaamoy sa buong kusina ang halimuyak ng bagong pritong manok. Maririnig din ang pagsirit ng mainit na mantika, nang lagyan ni Auntie Juana ng bagong batch ng seasoned chicken ang kawali. Naroon ang kuwarenta'y singko anyos na tiyahin at nakatayo sa harap ng deep-frying pan, sanay na sanay na sa init at pagtilamsik ng mga ito. Narito naman si Cindy sa mesang gawa sa stainless, abala sa pagpa-pack ng idi-deliver niyang lunch mayamaya. Hile-hilera na roon ang mga kanin at manok na nakalagay sa styro. May iba rin silang putahe gaya ng chicken menudo, afritada, kare-kare at iba pa. Pero mas kilala talaga ang malinamnam at unique na lasa ng kanilang fried chicken. Sa kabila ng pagiging abala, palingon-lingon siya sa magandang tiyahin. Hanggang ngayon, nagdadalawang-isip pa rin siya kung mag-a-advance nga siya ng sahod dito. Tuwing kinsenas kasi sila pinapasuweldo, at sa susunod na Sabado pa ang kasunod. Naubusan siya ng budget dahil maya'tmaya ang project ni Nicole. Idagdag pang sa araw-araw, nagbibigay siya ng allowance sa tatlong kapatid. Ngayon, kailangan pa ni Nicole ng pambayad sa tuition. Dapat may maibigay na siya sa Lunes. Pero, maka-advance nga siya, parang kukulangin pa rin 'yon. Mukhang wala talaga siyang ibang pagpipilian kung 'di ang muling kumapit sa patalim. Napabuntong-hininga na lang si Cindy. Bigla namang nag-ring ang phone niya, kaya saglit siyang huminto para tugunan 'yon. "Oh, Bobby? Nasaan ka? Parang ilang gabi ka nang hindi umuuwi, ah?" "Nandito ako sa kaibigan ko, may tinatapos kasi kaming malaking project. Sorry, Ate, puro text lang ang paalam ko sa 'yo. Ngayon lang ako nagka-load pantawag, eh," paliwanag ng desi-nuwebe anyos na kapatid. Napansin naman ni Cindy ang biglang paglapit ni Auntie Juana, na ngayon ay nakasilip na sa mukha niya. "Sigurado ka? Project 'yan?" wika niya. "Ah, may allowance ka pa ba?" "Oo, Ate, 'wag kang mag-alala," paniniguro ni Bobby. "Sige, Ate, may klase pa ako, eh." At binabaan na siya nito bago pa siya makapagtanong ulit. "Ilang araw na ring hindi umuuwi si Bobby?" Napataas ang kilay ng butihin niyang tiyahin, senyales ng pag-uumpisa ng bunganga nito sa pagratsada. "Ano ba naman ang mga kabataan ngayon? Nagkapare-pareho na lang! Parang hindi nila alam na may taong naghihintay sa kanila." "Puro problema na lang ang ibinibigay sa 'yo ng mga kapatid mo!" bulyaw nito na ngayon ay nakapamaywang na habang hawak ang sandok. "Akala mo ba, hindi nakarating sa akin na nakipaghiwalay na 'yang Ate Kristina mo sa asawa niya? Naku! Marami tayong suking tsismosa rito, Cindy!" At nagtuloy-tuloy na ang bunganga nito. Bakit daw, hindi man lang nito tiniis ang ugali ng pamilya ng kapatid. Eh, natural naman daw 'yon kapag nakikitira sa bahay ng pamilya ng asawa. Sa loob ng limang taon, bakit 'di pa ito nasanay? Kaagad naman niyang ipinagtanggol ang kapatid. "Eh, kasi nga po, Auntie, may kabit si Kuya Raymond. Hindi po ba 'yon nakarating sa inyo?" Namilog na ang nanlaki nitong mga mata. "May kabit!?" At nagsunod-sunod na ang malutong na mura mula sa bunganga nito. "Aba't 'wag siyang magkakamaling dumaan dito kasama ang kabit niya, talaga namang puputulan ko siya. At 'yong kabit niya, uubusin ko ang bawat hibla ng buhok n'on! Sinasabi ko sa 'yo." Ang haba na naman ng nililitanya nito hanggang sa makarating na ito kay Nicole. "Isa pa 'yong talipandas na batang 'yon. Akala mo kung sino makaasta? Ni hindi nga makatulong sa 'yo sa gastusin. Tutal, natanggal na siya sa scholarship, dapat humanap siya ng part-time para may pambayad siya ng tuition. Ganoon naman ang ginagawa ng iba!" "Naku! Parang sa inyong magkakapatid, si Joan lang ang normal." Bumukas ang pinto at mula roon ay pumasok si Marie. Bitbit nito sa tray ang mga pinagkainan ng kustomer. "Eh, Ate Juana naman, parang sinabi mo na rin na abnormal si Cindy." Nilingon ito ng kaniyang tiyahin at tumaas ulit ang kilay. "Eh, talaga namang hindi rin 'yan normal," pamamrangka nito na tinitigan pa siya. "Kita mo't ang tatanda na ng ibang kapatid niya, hinahayaan niya pa ring umasa nang umasa sa kaniya! Masyadong martir. Sinasabi ko sa 'yo, sa ginagawa mong 'yan tatanda kang dalaga!" Napayuko na lang si Cindy na wala naman maisagot. "Ah, kaya po ba tumanda kayong dalaga?" pahayag ni Marie na napatango-tango pa. Binigyan naman ito nang matalim ng kaniyang tiyahin. "Itong batang ito!? May kustomer sa labas, tawag nang tawag. Bakit ka ba nakikisali rito!?" Napakamot na lang sa ulo si Marie, at matapos mailagay sa lababo ang mga dala, muli na ring lumabas ng kusina. *** Matapos maipakita sa guwardiya ang dalang access pass— isang katunayang pinahihintulutan ang kanilang kainan na mag-deliver ng pagkain sa Glamour Entertainment, pinapasok na rin si Cindy ng may katabaang guwardiya. Sumaludo pa siya rito suot ang kaniyang helmet. Dala ang thermal bag na nakasukbit sa kaniyang likod, pumasok na siya sa malawak na lobby. Napatingala siya sa mataas nitong kisame kung saan mula sa nilalakaran niya, makikita ang iba't ibang palapag. Para nga itong mall na bukod sa elevator, mayroon ding escalator paakyat. Napakaganda ng mga disensyo sa palagid na bumagay sa matatabang posteng gawa sa marmol. Kalat din ang naglalakihang paso na mayroong tunay na mga halaman. Nang makarating siya sa palapag na may departamentong suki nila, pumasok na siya sa bukas na pinto. Mayroong isang mesa roon sa may pantry, kung saan maaaring maglagay ng pagkain, na dinadala naman ng mga ito sa malapit na cafeteria. Kadalasan sa mga opisina, nagbabayad sa pamamagitan ng online app. "Mabuti naman, dumating na ang hinihintay ko," pagbati ni Kelvin na 'di niya namalayang nakalapit na pala. Isa rin ito sa mga nag-oopisina rito na suki rin nila. "Ikaw talaga, palagi naman akong on time, ah?" tugon niya habang abala sa paglalabas ng mga order ng mga ito na may kaniya-kaniyang ng pangalan. Malawak ang pagngiti ni Kelvin, na tila may kung anong kumikislap sa mga mata. "Alam ko naman 'yon, pero gumaganda lang kasi ang pakiramdam ko kapag nakikita kita." Sumabad naman si Ma'am Flor na mayroong katungkulan doon, "Ano ba 'yan? Binobola mo na naman itong si Cindy. Gusto mo lang maka-discount. Teka, nasaan na 'yong akin?" usisa nito na hinanap ang pangalan sa mga nakahilerang styro na naka-plastic. Napatawa lang siya rito. "Ito po." Pagturo niya sa styro na nasa harap lang nito. "Ma'am Flor, sinisira mo naman 'yong diskarte ko, eh," sabi ni Kelvin na tinulungan na siya na maglabas ng mga 'yon mula sa thermal bag. Nalipat lang ang atensyon ni Cindy doon sa malaking monitor sa malapit. Breaktime na kasi kaya nakabukas 'yon. Abala na rin ang ibang empleyado sa panonood doon. Mula naman sa isang afternoon news, ibinabalita ang tungkol sa isang blind item ng isang sikat daw na member ng female group, na 'di umano'y anak ng isang pulitiko. "Hindi kaya si Avah 'yan?" Narinig ni Cindy ang pinagbubulungan ng dalawang nasa harap ng monitor. Kinalabit pa ng isa ang kasama. "Ay, baka nga. Hindi ba, noong minsan, may nagpapadala ritong pulitiko na kino-congratulate siya?" "Oo! Palagi 'yong nagpupunta rito, tapos hinahanap si Avah. Ang lagi ngang nakakaharap n'on ay 'yong dating CEO." "Hindi ba, napabalita rin dati na sugar daddy niya 'yon? Iyon pala, papa niya? Nakisali naman si Ma'am Flor sa mga ito. "Sinong pulitiko? Bakit hindi ko yan alam?" "Si Senator Divino Lopez," bulong ng isa na nanlalaki pa ang mata. "Oh? Magkaapelido pa sila, ah? Kung ganoon siya nga!" "Eh, bakit itatagong anak?" usisa ni Kelvin. "Anak ba siya sa labas?" Napatango-tango ang dalawang tsismosa. "Baka nga," sabay pang wika ng mga ito. Sa kabila ng interes, pinasya na ni Cindy na ituloy ang trabaho. Mahalaga ang bawat oras niya. Wala siyang panahon para maging 'Maritess' at maki-tsismis sa mga ito. Pagkatapos niyang maiayos ang mga pagkain doon, nagpaalam na siya sa mga ito. "Mag-ingat ka, ha? Babalik ka pa naman, 'di ba?" wika ni Kelvin. "Oo naman. Ang dami n'yo kayang orders," paniniguro niya saka ngumiti. *** Sakay ng van, kasalukuyan ng bumabiyahe si Avah patungo sa isa sa mga prior engagement niya. May isu-shoot siyang commercial, at pagkatapos, babalik ulit siya sa venue ng taping para sa kaniyang serye. Medyo mabagal ang pagdaloy ng trapiko dahil rush hour. Habang naghihintay, minabuti ni Avah na ipikit muna ang mga mata. Nagsuot siya ng eye mask na may disenyong mata ng panda. Pinilit niya ang sarili na makaidlip, kahit pa sa totoo lang, bumabagabag pa rin sa kaniya ang nakita niya kagabi. "Avah, nabasa mo na ba 'to? Naaksidente raw si Senator Lopez kanina," pagbabalita ni Faye na kinalabit pa siya. Inalis niya ang suot na eye mask. "What?" "Naaksidente raw ang dad mo. Nasa coma raw siya. Hindi ba natin siya pupuntahan?" pagbabalita ng kaibigan. Natigilan si Avah sa pagtataka. "How did you know that?" "Nabasa ko rito sa balita," sagot ng babae na napaangat sa hawak na phone. "How did you know that he's my father?" Mariin ang pagkakatingin niya kay Faye ngayon. Saka naman siya napalingon kay Julian na mukhang 'di rin nagulat sa bagay na 'yon. Napaiwas ng tingin si Faye. "Minsan naming nakita noong dumalaw siya sa CEO's office. And we accidentally heard ang pinag-usapan nila." "Sinong CEO ang kausap niya?" "Si Sir Hector." So. He knows? "Ano, Avah? Pupunta ba tayong ospital?" tanong ng driver niyang si julian. "At sinong may sabi sa 'yo?" pagsusungit niya na muling pumikit. "Sigurado ka ba?" Mababakas sa tinig ni Faye ang pag-aalala. "Ang sabi sa balita, malala raw ang dad mo at hindi pa siya nagigising." Hindi na siya tumugon. Mariin lamang niyang ipinikit ang mga mata habang nakahalukipkip. Ngunit ang totoo'y nasa malalim na siyang pag-iisip. Bakit pa ba siya mag-aaksaya ng oras sa taong wala nang kinalaman sa kaniya? Ilang taon na niyang pinutol ang ugnayan niya sa taong 'yon. Iyon lang naman ang madalas na dumalaw at nagpapakita ng interes. Pero siya, ayaw niyang ipakitang may pakialam pa siya rito. Ayaw niya ring ipaalam sa publiko na anak siya nito. Tama. Ayaw na niyang magkaroon ng koneksyon sa taong 'yon. Dahil sinira nito ang pamilya nila, wala na siyang pakialam. "Oh my gosh, Avah!" Muli na namang napahiyaw si Faye na napahampas pa sa braso niya. "May article tungkol sa 'yo at kay Senator Lopez!" Kaagad niyang kinuha ang phone nito para mabasa 'yon. Totoo nga. Tungkol nga 'yon sa kanila, at sa kumpirmasyong mag-ama sila. Hindi naman negatibo ang naturang artikulo, pero 'yon ang isa sa pinakaayaw niyang mangyari. Dalawang tao lang ang pinaghihinalaan niyang maglalabas nito, ang una si Direk Sean, pangalawa si Hector mismo. "Hindi kaya, inilabas na ito ni Sir Hector para maitago ang pagbubuntis ni Lizzie?" bulalas ni Faye na agad ding napahinto at alanganing napatingin sa kaniya. "Anong sinasabi mo? Buntis si Lizzie?" Mangiyak-ngiyak na ito nang mag-iwas ng tingin. "Julian, iikot mo ang kotse. Pupunta tayo ng Glamour ngayon din!"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม