NABALOT ng itim na liwanag ang kanang kamao ng matabang kalaban ni Jupiter. Nagdulot iyon ng isang biglaang pagyanig sa paligid. Inihanda naman ni Jupiter ang kanyang sarili para makipagsabayan. Nagliwanag din nga ang kanyang katawan at unti-unting tumaas ang antas ng kanyang aura.
"Tingnan natin kung hanggang saan ang lakas mong iyan. Hahhahhah!" sambit pa ni Jupiter at inihanda naman niya ang kanyang kanang kamao para tapatan ang gagawing atake ng kalaban.
"Hindi ko na maalala kung kailan ko huling ginamit nang buo ang aking lakas. Sa wakas, isa nang tunay na kalaban ang isang ito," dagdag pa ni Jupiter at nabalot ng maliwanag na aura ang kanyang kamao. Inalis na rin niya ang suot niyang maskara dahil tila sagabal na iyon para sa kanya.
Nabalot naman ng itim na kuryente ang katawan ng kalaban ng binata. Kasunod noon ay bigla itong bumulusok papunta sa kinatatayuan ni Jupiter. Naging kumikislap na itim ang mga mata nito habang nakangising-demonyo. Pabilis ito nang pabilis hanggang sa magmistulang bulalakaw na ito na babagsak sa lupa.
"Ito nahhh!" malakas na sabi naman ni Jupiter na mabilis na naglagay ng pressure sa kanyang binti't paa. Isang tantiyadong pag-upo sa hangin ang isinunod niya, iyon ay para sa buwelo. Pagkatapos, mula sa ibaba ay mabilis niyang pinabulusok paitaas ang isang napakalakas na suntok mula sa kanya. Nababalot iyon ng purong aura at siguradong napakalakas kung kokonekta. Buong lakas niyang binangga ang isa ring napakalakas na atake mula sa matabang nababalot ng kuryenteng itim ang katawan.
*****
ISANG napakalakas na pagsabog ang nagpayanig na naman sa buong NCR. Sa tapat ng Manila Bay, may isang napakalakas na salpukan ng lakas at kapangyarihan ang nagpahawan sa buong lugar. Ang mga bahay at buildings ay nagsitalsikan palayo. Isang napakalalim na hukay rin na may lawak na isang kilometro ang nalikha. May mga buhay rin ang nawala dahil sa impact noon. Nabalot din ng makapal na usok ang buong paligid dahil doon.
Halos kalahating minuto pa ang lumipas bago tuluyang mawala ang makapal na usok sa paligid. Kasunod noon ay isang napakalakas na sigaw naman ang umalingawngaw mula sa gitna ng malalim at malawak na hukay roon. Tumambad doon ang nakatayong matabang lalaki na nababalutan ng itim na kapangyarihan. Sa tapat din nito, kasalukuyang makikita naman si Jupiter na nakahiga. Wala nang pang-itaas. Puro sugat at galos ang katawan. Dumurugo rin ang kanang braso nito. Hindi na ito gumagalaw at tila wala nang malay nang oras na iyon.
"J-jupiter?!" bulalas naman ni Venus na kaagad nag-alala sa kaibigan. Agad nga siyang lumipad papunta roon ngunit biglang lumitaw sa harapan niya ang kanyang kalaban.
Isang napakabilis napakabilis na suntok ang agad ginawa ng kalaban ni Venus. Pero maagap ang dalaga, agad din siyang naka-ilag pa-kaliwa. Sa hangin tumama ang atakeng iyon sa kanya. Nagkaroon pa nga ng malakas na tunog ang suntok na iyon, patunay ito na hindi biro ang lakas noon. Napangisi na nga lang si Venus at nang sandaling iyon ay kasalukuyan na ring sumusulong nang mabilis ang kanyang kanang kamaong nababalot ng tubig papunta sa libreng mukha ng kalaban.
"Yahhh!" bulalas ni Venus at biglang umikot na tila elisi ang tubig na nasa kanyang kamao. Bumulusok iyon papunta sa kalaban.
"Spinning Water Punchhh!"
Nahawi nang ilang metro ang dagat dahil sa suntok niyang iyon. Kahit na nasa itaas siya ay naramdaman ng dagat ang lakas noon. Ngunit tulad ng nagawa niyang pag-ilag sa atake ng kalaban, ganun din ang ginawa nito sa kanya.
"H-hindi..." sambit ni Venus nang biglang maglaho sa kanyang harapan ang babaeng kalaban. Nang lingunin niya kung nasaan ito ay biglang sinalubong ang mukha niya ng isang napakatigas na bagay. Nawasak ang suot niyang maskara dahil doon. Tumagos ang sakit niyon hanggang sa kaloob-looban niya. Hindi na niya nagawang iwasan ang ikalawang suntok ng kalaban. Sa lakas noon ay nawalan siya ng balanse sa hangin dahilan para tumalsik siya paibaba. Bumulusok siya nang napakabilis papunta sa dagat.
*****
LUMUBOG sa ilalim ng dagat si Venus matapos siyang tamaan ng napakalakas na suntok sa mukha. Tila nayanig ang ulo niya dahil sa lakas niyon. Ramdam niya ang sakit at ramdam din niya na parang nabali ang butu niya sa ilong. Nakatingin lang siya sa itaas habang lumulubog, sa itim na aura ng kalaban.
"Hindi sila birong kalaban. Hindi sila basta-basta. Hindi sa kanila uubra ang ganitong lakas. Kailangan ko nang palabasin ang Water Dragon..."
Nagliwanag na nga ang asul na aura ni Venus. Lumakas nang lumakas ang alon ng dagat dahil doon. Yumayanig na rin ang paligid. Tumataas pa nang tumataas ang kanyang kapangyarihan. Ikinumpas niya nga sa tubig ang isa niyang kamay. Kasunod noon ay nagkaroon ng tila ipu-ipong tubig ang tapat ng kanyang kamay. Unti-unti iyong umangat at dahan-dahang lumaki. Nagsilakasan ang alon ng dagat at sa pagsigaw ni Venus ay biglang isang dambuhalang tubig na dragon ang iniluwa ng dagat.
"H-hinding-hindi mo ako matatalo..." nakangising sabi ni Venus na kasalukuyan nang nakasakay sa ulo ng dambuhala niyang dragon na lumilipad na sa ere.
"Ipapakita ko ngayon sa iyo ang mga natutunan ko sa training..." pagkasabi niya noon ay nabalot nang butil ng tubig ang kanyang dalawang kamao.
NANG mga oras na iyon, bigla namang yumanig ang lupa sa ibaba. Nakabangon na uli si Jupiter sa kabila ng pinsalang natamo mula sa kalaban.
"M-malakas ka nga..." sabi pa nito habang unti-unting pinapataas ang aura ng kanyang katawan. Halos hindi na nga niya maigalaw ang kabila niyang braso dahil sa nangyari kanina dahil napinsala ito.
"P-pero... h-hindi iyan sapat para matalo mo ako! Hahhahhah!" Kasunod noon ay ang pagkawala nang isang napakalakas na shock wave mula sa kanyang kinatatayuan. Nagawa ngang mapaatras noon ang mataba niyang kalaban.
"B-bibigyan kita ng partida... a-ang kaliwa kong braso lamang ang m-magagamit ko..." Isang shockwave muli ang kumawala mula kay Jupiter. Nagawa rin niyong paangatin ang maraming debris sa paligid at patalsikin palayo. Lumalakas na rin ang hangin sa buong hukay na nagmistulang battle field ng dalawang magkalaban.
Sa isang iglap ay mabilis nang umatake ang kalaban ni Jupiter. Nababalot pa rin ng itim na aura ang katawan nito. May mga itim na kuryente rin ang dumadaloy rito.
Napangisi naman si Jupiter habang inaabangan ang atake ng kalaban.
Isang napakalakas na banggaan ang mas nagpayanig sa paligid. Umangat ang ilang tipak ng lupa sa paligid nang magbanggaan ang kamao ni Jupiter at ng kalaban nito. Naglaban ang kayumanggi at itim na aura sa paligid na kasabay ng diklapan sa pagitan nito.
Bumulwak paitaas ang malalakas na hangin na may kasamang mga debris.
"A-aaminin ko... m-malakas ka nga... ang aura mong taglay a-ay napakataas a-at p...pambihira... p-perooohh..." wika ni Jupiter habang unti-unting umaabante. Dahan-dahan niyang pinapaatras ang matabang kalaban na nagngangalit ang itsura dahil sa mga nangyayari.
"P-pero... kulang ka sa pisikal na lakas... iyon ang ikinatalo mo. Hihhih..." pagkasabi ni Jupiter niyon ay biglang nabalot ng liwanag ang kaliwang braso niya.
"T-tikman mo ngayon ang lakas ng suntok... ni Punch King!"
Umalingawngaw sa buong paligid ang napakalakas na tunog. Tila isang hinampas na gong iyon. Nabasag ang itim na aura ng kalaban ni Jupiter sa atmospera dahil doon. Isang liwanag ang tumagos doon, ang kapangyarihan ng kaibigan ni Mars.
Bumulusok palayo ang katawan ng matabang kalaban. Basag ang mukha at naliligo sa dugo. Lumikha ng isang diretsong hukay ang dinaanan nito. Tumilapon pa ito papunta sa dagat. Ilang kilometro pa ang narating noon bago tuluyang bumagsak sa tubig.
Hinihingal si Jupiter habang nakangisi. Umuusok pa ang kaliwang kamao nito. Pagkatapos ay tumingala na ito sa itaas para panoorin ang kasalukuyang laban ni Venus sa kalaban nito.
"Magaling Jupiter," sambit ni Venus.
"Ako naman ngayon."
Ikinumpas ng dalaga ang kamay niya sa direksyon ng kalaban. Kasabay niyon ay ang pagbuga ng tubig na dragon ng malaking volume ng katubigan.
Maagap naman ang kalaban. Walang kahirap-hirap nitong iniwasan ang atakeng iyon. Subalit biglang lumitaw sa harapan nito si Venus.
Doon ay binigyan ng dalaga ng isang malakas na suntok ang kalaban. Ngunit naiwasan lang muli ito. Napangisi si Venus at mabilis niya iyong sinundan ng isa pa subalit muli iyong nailagan.
Dahil doon, mabilis na umatras muna si Venus. Pero nabigla siya nang makitang ilang sentimetro na lamang ang agwat ng nagyeyelong kamao ng kanyang kalaban sa kanyang mukha.
Hindi na iyon naiwasan ng dalaga. Tumalsik nga sa ere ang maraming butil ng tubig. Ngunit biglang naging tubig ang mukha ni Venus kaya wala siyang natanggap na pinsala.
"Bago kong teknik. Water Gear!" sambit pa ni Venus at mabilis niyang hinawakan ang magkabilang braso ng kalaban. Biglang naging matigas na yelo ang tuhod niya. Kasunod noon ay tinuhod niya sa tagiliran ito.
Bumulwak mula sa bibig ng kalaban ang maraming dugo dahil sa lakas noon. Nabali ang tatlong tadyang nito dahil sa atake ni Venus.
"Mataas nga ang antas ng kapangyarihan mo, pero kulang ka pa sa karanasan."
Nabalot ng yelo ang kanang kamao ni Venus. Napangisi muna siya at pagkatapos ay binigyan niya nang isang napakalakas na suntok sa mukha ang kalaban. Halos bumaon iyon dahil sa tindi. Bumulwak mula sa mukha noon ang napakaraming dugo. Kasunod niyon ay ang pagbulusok paibaba ng katawan nito. Dumiretso ito sa tubig at sa lakas noon ay biglang umangat nang ilang metro ang tubig ng dagat sa ere.
Ikinumpas pa ni Venus sa tapat ng tubig ang kanyang kamay at kasunod noon ay ang pagbuga ng kanyang dragon ng napakalaking bola ng tubig. Dumiretso iyon sa dagat, kasunod agad noon ay ang pagsabog ng tubig. Tila umulan ng malakas sa Manila Bay dahil doon.
Inayos ni Venus ang kanyang buhok at ngumisi.
"Ang pinakamagandang lugar para sa tulad ko, ang dagat."
Bigla niyang naalala ang sabi sa kanya ni Lolo Mera na lumalakas ang Maharlika sa mundo ng tao kapag nasa lugar ito na akma sa kapangyarihang taglay nito.
"Tubig ang kapangyarihan ko, at perpekto akong makipaglaban dito sa dagat."
Bumaba na sa lupa si Venus. Kasabay niyon ay ang paglalaho ng Water Dragon sa ere.
"Papagalingin na kita," sambit nito kay Jupiter at isang ga-kamaong bola ng tubig ang lumabas sa kamay ng dalaga. Pagkatapos ay inilagay niya iyon sa tapat ng hubad na dibdib ng binata.
Nagliwanag naman ang katawan ni Jupiter at unti-unting naghilom ang sugat nito.
"Hindi sila basta-bastang kalaban. Ang lakas nila. Hindi na ako magugulat kung bakit natalo si Marcelo," ani Jupiter habang nakatingin sa malayo.
"Tama ka. Kung hindi siguro ako nagsanay sa Underground Arena ni Lolo ay baka hindi ko nagawang matalo ang nakalaban ko," sagot naman ni Venus na muling pinapakiramdaman ang paligid.
"Isang napakalakas na magiging taga-sunod, at isang gumagamit ng elementong tubig."
Sabay na napalingon sina Venus at Jupiter sa kanilang tagiliran nang biglang may nagsalita mula room. Tumambad sa kanila ang isang lalaki na may itim na kasuotan. Sabay silang napaatras nang hindi inaasahan. Tila nasindak sila sa itim na aura nito na ibang-iba kumpara sa nauna nilang nakalaban.
"S-sino ka?" bulalas ni Jupiter na hindi maipaliwanag kung bakit nakaramdam ng takot.
"A-ang aura niya... ka-kapareho ng kay Lucifer..." sambit naman ni Venus na biglang naalala ang naging laban nila sa Elementalika.
Ngumisi lang ang nakaitim na lalaki. Kalmado itong lumakad papunta sa dalawa.
"K-kalaban siya Jupiter, ihanda mo ang sarili mo. Malakas siya!" bulalas ni Venus. Ngunit biglang naglaho ang lalaki. Lumitaw ito sa tabi ni Jupiter at nang hawakan nito ang binata ay bigla itong nangisay hanggang sa bumagsak.
"Talo na ang isa..." sambit pa nito.
"A-ano'ng ginawa mo kay Jupiter!?" biglang naalala ni Venus ang napanood niya sa TV. Isa ito sa nakalaban ni Mars.
"Humanda ka!" Nabalot ng tubig ang kanang kamao ni Venus at isang napakabilis na suntok ang pinakawalan niya papunta sa kalaban. Tumama iyon sa mukha ng lalaki. Sa lakas nga noon ay isang malakas na hangin ang kumawala mula sa kinatatayuan nila.
Pero natigilan si Venus dahil hindi man lang natinag ang lalaki. Nakatayo pa rin ito habang nakatingin sa kanya.
"Isang malaking kahinaan mo ang kapangyarihan ko..." pagkasabi ng lalaki roon ay biglang nangisay si Venus at napasigaw dahil sa sakit.
Bumagsak nang walang malay ang dalaga. Umuusok pa nga ang katawan nito dahil sa kuryenteng pinakawalan ng kalaban.
"Walang kahirap-hirap..." sambit pa ng lalaki at inilagay nito sa balikat ang katawan ng dalaga.
Isang lagusan ang nilikha nito, pagkatapos ay hinila nito ang katawan ni Jupiter at pumasok doon.
Natalo man nina Venus ang nakalaban nila, sa lalaki namang iyon ay walang kahirap-hirap na tinalo lang sila nito.