6. Blue Hair Girl

2783 คำ
MARAMING bituin ang kalangitan at ang hindi buong buwan ay makikitang natatakpan naman ng mga munting pulutong ng ulap nang sandaling iyon. Ang araw nga ng pagkuha ng mga first years ng Purif School ay natapos na. Sampung mga kabataan ang kanilang napili at kasama na rin ng mga ito ang lima pang malalakas na indibidwal na ang paaralan mismo ang nag-imbita upang siguradong dito mag-aral.   Isa itong espesyal na imbitasyon ng paaralan para sa mga katangi-tanging kabataang taga-Purif. Ang karamihan sa mga napipili rito ay anak ng mga nasa kapangyarihan at mga kamag-anak ng mga maimpluwensyang pamilya sa siyudad. Pero kahit na ganoon ang ginawang pagpili sa mga ito, matitiyak naman na ang lahat ng mga ito ay may potensyal at malalakas.   Si Freya ay dapat kasama rin dito ngunit mas pinili nitong dumaan sa pagsasala.   Samantala, sa dormitoryo naman ng mga first years sa Purif School, ipinatawag na ni Leonora ang mga estudyanteng titira roon. Ito ay para sa pagkain ng kanilang hapunan. Kahit na tila istrikto ang namamahala rito ay tinitiyak naman nitong kakain ng masusustansya ang kanyang mga babantayan.   Si Speed, suot na ang isang simpleng pambahay at makikitang luma na ito. Nakangiti itong pumunta sa hapag-kainan. Nasa likuran naman niya si Beazt na suot din ang isang kasuotang kagaya lang din ng sa kanya. Seryoso naman ito na naglalakad patungo sa mesa. Kasunod na rin nga ng dalawa ay ang tatlo pang kasama nilang may Indigo Aura. Makikita nga sa tatlo na parang kinakabahan sila at natatakot sapagkat hindi naman nila maisip na mapapasama sila rito.   Si Claude, isang hindi katangkarang lalaki na mahaba ang buhok at laging natatabunan nito ang kanyang kaliwang mata dahil doon. Nakayuko itong pumunta at umupo sa harapan ng mesa.   Kasama nito si Shilva, mabalahibo ang kaliwang braso nito habang ang isa naman ay normal. Nakasuot ito ng maluwang at lumang damit. Kagaya ni Claude, nahihiya rin at naiilang ito sa pagpunta sa mesa. Isa pa, kinakabahan siya kapag nakaharap na niya ang mga kasamahang may mataas na lebel ng aura. Alam kasi niya ang pakiramdam na kutyain sapagkat mahinang aura lang ang kanyang tinataglay.   Ang ikatlo sa mga ito ay si Odessa, isang babaeng may matalas na mga tainga, at umiyak nga ito nang malamang nakapasok siya sa Purif School. Gusto na nga sana nitong umuwi nang ihatid ito ni Leonora sa kwarto nito ngunit tinakot siya ng matanda na papatayin kapag lumabas ito ng dormitoryo. Ni hindi man lang daw siya nakapagpaalam sa kanyang kapatid na umatras sa pagsama papunta sa Llavars Volcano.   Inakala kasi niyang hindi siya makakapasok ngunit heto, narito na siya sa Hell Dormitory at wala na siyang magagawa kundi ang manatili rito. Katulad nina Claude at Shilva, may kaba at pagkailang siya rito sapagkat makakasama nila ang mga malalakas na kaedadin nila.   Si Speed, napatingin sa mga pagkaing nakahain sa mesa nang mga sandaling iyon. Puro gulay at prutas ang naroon. Hinahanap niya nga kung may karne ngunit ni isa ay wala.   Si Beazt naman, pagkaupo ay mabilis na kumuha ng pagkain sa isang plato na nakalagay sa kanyang harapan. Ngunit bago pa man lumapat ang mga kamay niya sa sariwang dahon ng isang uri ng gulay na balak niyang kuhanin ay biglang may naramdaman siyang pumulupot sa kanyang braso.   Isang ahas iyon at nakatingin sa kanya ang mga mata nito na tila ba’y handang-handa na siyang tuklawin nito kapag itinuloy niya ang kanyang binabalak.   "At sinong may sabing simulan na ninyo ang pagkain?"   Mula sa likuran ay naroon na si Leonora na kasalukuyang nagliliwanag ang pulang aura. Nagmula rito ang hindi kalakihang ahas na iyon. Ito ay ang kanyang ability, ang mag-summon ng kahit anong uri ng ahas at kontrolin ito gamit ang isip.   Si Beazt, hindi na itinuloy ang gustong gawin habang si Speed ay napatayo dahil baka lapitan din siya ng ahas na nakapulupot sa braso ng kanyang kaibigan. Habang ang tatlo naman ay napaatras sa takot nang makitang may ahas sa mesa.   "Kakain tayo nang magkakasama. Nasaan na ba ang mga kasama ninyo?" winika ni Leonora na biglang naglabas muli ng ahas at inutusang puntahan ang mga estudyante.   Mas lalong natakot ang tatlo nang makitang may mga ahas na gumagapang sa sahig. Maya-maya pa'y nagsibabaan na ang kulang na sampu. Si Beazt, seryosong pinagmasdan ang bawat isa. Tila kinikilatis niya ang mga iyon.   "Umupo na kayo! Huwag ninyong paghintayin ang pagkain... At isa pa! Huwag kayong magtitira dahil kapag may sinayang kayong kahit kaunti sa mga iyan... Paparusahan ko kayo!" winika ni Leonora nang makaupo na silang lahat.   "Malinaw ba iyon!?" tanong ng matanda habang nagliliwanag ang pula nitong aura at sa upuan nga nito ay may isang malaking itim na ahas din ang nakapulupot.   "O-opo!"   "Opo!"   Nagdasal muna sila sa Bathala bago sila tuluyang kumain. Tanging sina Beazt at Speed lang ang hindi nakakaalam ng dasal na iyon kaya pasimple na lamang silang nakisabay habang magkadaop ang kanilang mga palad.   "Sige na... Kumain na kayo! Mga sariwa mula sa tanim ko ang mga iyan!" wika ni Leonora na seryosong inalala ang kanyang hirap at pagod sa paghahalaman.   Ang pagtatanim at paghahalaman ay ang paboritong gawin ng tagapangalaga ng Hell Dormitory.   Napatingin ang lahat kina Beazt at Speed nang magsimula na silang kumain. Walang gumagamit ng kubyertos sa dalawang ito. Kamay lamang ang kanilang ginamit sa pagkuha ng mga pagkain. Pagkatapos noon ay magana nilang kinain ang anumang kuhanin nila.   Si Leonora, hindi niya sinita ang dalawang iyon. Wala naman kasing nagbabawal sa dalawa na gawin iyon. Isa pa, sa dormitoryong ito... Wala siyang kinikilalang malakas. Wala rin siyang kinikilala base sa antas ng aura o sa abilidad. Para sa matanda, ang labing-limang ito ay puro mga bubot na bunga pa lamang at malayo pa para mahinog.   Medyo natutuwa rin ang matanda sa isip niya dahil napakatagal na ng panahon nang magkaroon dito ng mga estudyante na may mababang kalidad ng aura. Alam na niya ang nangyari kung paanong ang limang iyon ay nakapasok, dahil iyon sa lalaking walang aura at interesado siyang makita kung hanggang saan ang itatagal nito sa paaralang kung saan ang lahat ay may kapangyarihan.   Wala ni isang salita ang maririnig sa bawat estudyanteng kumakain maliban kay Speed na kada pagnguya ng mga pagkain ay sinasabi nitong masarap. Ang ilan nga sa mga kasamahan nila ay nawawalan na ng gana, subalit kailangan nilang ubusin ang lahat ng nakahain. Alam nilang sapat iyon sa kanila pero sa tuwing napapatingin sila kina Beazt at Speed na hindi maayos ang uri ng pagkain ay parang hindi nila nagugustuhan iyon.   Si Freya, hindi na nakapagtimpi sa nakikita mula sa dalawa kaya ito na nga ang unang nagsalita para sa kanilang mga nagtataglay ng malalakas na aura.   "Ganyan ba talagang kumain ang mga mahihinang nilalang dito sa Purif? Hindi ba kayo naturuan ng mga magulang ninyo ng tamang asal sa harap ng mesa?" winika ni Freya matapos uminom ng tubig. Pagkatapos ay seryoso niyang sinamaan ng tingin ang dalawa.   Napatigil si Speed sa pagkuha habang si Beazt, hindi pinansin iyon at patuloy lang na kumakain sapagkat bibihira siyang makakain ng mga pagkaing niluto nang maayos.   "Binibining Freya, tila yata masyado mong pinapansin ang dalawang iyan? May maiitulong ba ang dalawang iyan sa pagpapalakas mo?" winika naman ng isang lalaking blonde ang buhok na ginagamitan ng tinidor ang pagkuha sa mga gulay sa kanyang harapan.   "Isa pa, hindi ba dapat, wala tayong pakialam sa mga tulad nila? Wala sila sa lebel natin kaya hayaan lamang natin sila," dagdag pa nito na pasimple pang ngumisi habang nakatingin sa mga mata ni Freya.   Siya si Luke Manchester, ang pinsan ni Freya at isa sa mga napiling pumasok sa Purif School dahil sa special selection. Ang kanyang ability ay Steam, kaya niyang painitin ang kanyang katawan sa kanyang kagustuhan at ganoon din ang mga bagay na kanyang mahahawakan.   Napatayo na lang si Freya at sinamaan ng tingin ang pinsan niyang hindi niya gusto ang ugali.   "Madam Leonora, paumanhin po. Tapos na po akong kumain... Babalik na po ako sa aking silid para magpahinga," paalam ng dalaga at pagkatapos ay umalis na ito sa harapan ng mesa.   Pasimpleng ngumiti sa Luke sa kanyang mga katabi.   "Ganyan talaga ang pinsan ko. Gusto laging mapag-isa at ayaw makipagkaibigan sa mga nakikilala niya," sabi ni Luke matapos uminom ng tubig.   "Nga pala, sa mga kasamahan ko rito. Nais ko nga palang magpakilala sa inyo. Ako si Luke Machester, ang pamangkin ni Sir Kuro. Pinsan ko si Freya," nakangiting winika ni Luke sa lahat.   "Sana'y maging masaya tayo rito sa Hell Dormitory," dagdag pa nito.   Dito ay nagsalita na rin ang katabi nitong babaeng maikli ang buhok at medyo morena ang kutis. Naka-sando lang ito at kalmado lang ang tingin sa lahat. Ang ama ng dalaga ay isang negosyante sa siyudad.   "Ako si Luna Krescent, ang abilidad ko ay ang pagkakaroon ng malakas na pisikalidad at bilis sa ilalim ng kahit anong anino o lilim," wika ng dalaga at marami ang namangha sa abilidad na iyon.   "Astig ng Ability mo! Ibig-sabihin hangga't nasa anino ka o nasa madilim na lugar ay may pambihira kang lakas at bilis?" Nangingiting wika ni Speed sa dalaga na biglang ikinayuko nito.   "P-parang ganoon na nga..." winika ng dalaga at pagkatapos noon ay ang katabi na nito ang nagsalita.   Isang lalaking may malaking pangangatawan at ito rin ang pinakamatangkad sa lahat ang sumunod na nagpakilala.   "Lasty Hevea, ang ability ko ay Elasticity. Kaya kong pahabain ang sarili ko," winika ng binata na ibinanat ang kanyang daliri sa harapan ng lahat.   "Hevea? Hindi ba tatay mo si Rubberman!?" tanong ni Speed na biglang naalala ang isa pang Hero ng Purif na si Brasil Hevea.   Pasimpleng ngumiti ang binata at sinabing oo.   "Wow! Astig! Idol ko rin si Rubberman!" tanging si Speed lamang ang natutuwa nang mga sandaling iyon. Si Beazt, tahimik lang na nakikinig pero patuloy pa ring kumakain.   Sunod na nagpakilala ay ang isang lalaking singkit ang mata. Makikita rin na matipuno rin ito at mukhang malakas kung titingnan. Pinunasan nga muna nito ang kanyang labi bago magsalita.   "Yow! Ako si Vruce Ree. Ang ability ko ay ang Iron Fist. Nagiging matigas na bakal ang kamao ko kapag ginusto ko," nakangising winika nito at ipinakita niya sa lahat ang kanyang kamao na biglang nag-iba ang kulay at naging isa ngang bakal.   "Marami na itong pinabagsak na mga kalaban," dagdag pa nito at si Beazt ay biglang napatingin dito.   Si Speed naman ay napaisip kung saan ba niya narinig ang apelyidong Ree. Parang alam niya iyon kaso hindi niya maisip.   Kasunod noon ay nagpakilala pa ang isa pang lalaki na katabi ni Vruce.   "Bazil," munting winika ng lalaki at wala na itong idinagdag pa. Hindi rin nito sinabi ang abilidad nito. Tila ayaw nitong sabihin sa lahat.   Dito na nga rin nagpakilala ang lima pang Blue Aura na sina Enma at Mirai. Sinundan ito ni Zou at Kiba. Tila seryoso pa ngang nagtinginan ang mga estudyanteng may asul na aura matapos iyon. Parang nagpapakiramdaman sila dahil para sa kanila ay ito ang kanilang magiging karibal pagdating sa palakasan.   Nang sina Speed na ang magpapakilala ay biglang isa-isang nagpaalam kay Leonora ang mga estudyanteng may asul na aura. Sinabi nilang magpapahinga na sila.   Hanggang sa silang anim na lang ang natira sa hapag-kainang iyon. Napangisi na lang si Leonora sa mga nangyari. Patunay iyon na hindi sa kanila interesado ang kanilang mga kasama dahil sa lebel ng kanilang mga aura.   Napakuyom na lang nga ng kamao si Speed matapos iyon. Pagkatapos ay ngumisi ito at nagpakilala kahit sila lamang ang naroon.   "Makikita ninyo mga Blue Aura Users! Magiging Hero ako!" seryosong sinabi ni Speed na ikinaseryoso naman ng tingin ni Leonora rito.   "Bata... Imposible ang gusto mong mangyari. Future Sight ang ability mo at hindi ka magaling sa pakikipaglaban. Kaya paano mo magagawang maging Hero?" tanong nga matanda.   Si Beazt, umiinom naman ng tubig. Nabusog na yata ito at siya ang may pinakamaraming nakain. Pasimple niyang sinulyapan ang kanyang kaibigan.   Ngumiti naman si Speed sa matanda. Kahit mahina siya o kahit mababa ang lebel ng kanyang aura... Alam ni Speed na magagawa niya iyon.   "Kaya ko Madam Leonora! Kasi may tiwala ako sa sarili ko!" sabi ni Speed habang seryosong nakatingin sa mga mata ng matanda.   "Kaya ni Speed, kaya niya," bigla namang sinabi ni Beazt na biglang tumayo. Tinapik niya sa balikat ang kaibigan. Sa tagal na niyang kasama ito, isa rin siya sa nagtitiwala sa kakayahan nito.   Kahit bihirang makitaan ng emosyon si Beazt, alam naman niyang importante si Speed para sa kanya. Isa itong kaibigan na dapat niyang suportahan. Habang hinahanap niya ang kanyang totoong lakas, sasamahan naman siya si Speed na maging Hero sa paaralang ito.   Umalis na sina Beazt at Speed matapos nilang magpakilala sa isa't isa. Naiwan roon sina Claude, Shilva at Odessa. Seryoso ngang nakatingin sa kanila si Leonora. Tila may gusto siyang sabihin kaso hindi na lang niya itinuloy.   "K-kami na po ang magliligpit at maghuhugas ng mga ito!" sabay na winika ng tatlo nang makitang iniwanan lang basta-basta ang mga pinagkainan sa mesa.   Tumikhim na lang si Leonora at ang tatlo ay biglang kinilabutan dahil doon.   "Sige! Pagkatapos ninyo riyan, magpahinga na rin kayo. Huwag kayong mag-alala, lahat kayo ay dapat marunong sa mga gawaing bahay," sabi pa ni Leonora na naglakad na palayo sa mesa. Nakapulupot pa nga rito ang itim na ahas na pinalabas nito kanina.   Lumipas ang gabi sa Hell Dormitory. Bawat isa ay handa nang matulog at may iba namang nanatiling gising pa.   Si Speed, napakahimbing na ng tulog dahil nakahiga siya sa malambot na kama.   Si Beazt naman, nakahiga lamang sa sahig dahil ayaw niya sa kama. Nakatingin lang siya sa kawalan at ang lalim ng iniisip. Sa kabilang silid naman, naroon si Freya na nakaupo sa gilid ng bintana na seryosong nakatingin sa labas.   "Malalaman ko rin kung may kapangyarihan ako o wala. Malalaman ko siguro sa oras na nilabanan ko na ang mga malalakas na indibidwal sa paaralang ito," sabi ni Beazt sa sarili habang pinagmamasdan ang kanyang kamao na nakatapat sa kanyang mukha. Naalala niya bigla ang ginawa niyang pagsuntok sa Lavanac. May kung ano siyang naramdaman doon at iyon ang gusto niyang maramdaman muli.   "Papatunayan ko sa inyong kahit babae ako ay pwede akong maging tagapagmana ng aking ama!" seryoso namang winika ni Freya sa sarili habang may maliit na asul na apoy siyang pinalabas sa dulo ng kanyang kanang hintuturo na nagsisilbing ilaw sa loob ng madilim niyang silid.   *****   KINABUKASAN, maingat na binuksan ni Freya ang bintana ng kanyang kwarto. Napakaaga pa noon para gumising subalit ito ay palagi na niyang ginagawa noon pa.   Ang mag-ensayo para mas lalo siyang lumakas. Kahit na may taglay siyang malakas na kapangyarihan ay gusto pa rin niyang magkaroon ng malakas na pisikalidad.   "Mas mabuti kung si Hellio ang magmana ng Purif School, siya ang bunsong anak na lalaki ni Kuro."   Nanginig sandali ang labi ni Freya nang maalala ang kanyang kapatid na nasa Purif 8.   "Hindi kaya ng isang babaeng mamuno. Mahihina ang mga babae."   "Nakakalamang ang mga lalaki pagdating sa pisikalidad, kaya baka hindi matumbasan ni Freya ang ginawa ng ama niyang si Kuro."   "Kung naging lalaki lang si Freya, baka katanggap-tanggap sa atin na siya ang maging kapalit ni Kuro."   "Babae siya. Mahina. Hindi siya isang lalaki."   Napakuyom na lang ng kamao si Freya habang pumapasok sa isip niya ang mga sinasabi ng kanyang mga kamag-anak tungkol sa kanya. Maging ang mga lalaki niyang pinsan ay ganoon din. Mismong mga kapatid nga rin niya ay hindi matanggap na siya ang nagtataglay ng asul na apoy at hindi rin nila matanggap na siya ang magmamana ng Purif School.   "Papatunayan ko sa inyo na malakas ako kahit isa akong babae! Mga mahihina kayong mga lalaki! Hindi ninyo ako kaya!" gigil na sinabi ni Freya sa sarili na mabilis na pinasok ang gubat na malapit sa dormitoryo.   Sa kabila ng determinasyong iyon, biglang sumagi sa isip niya ang kanyang kuya na si Hellio. Nagdilim bigla ang kanyang paningin dahil doon. Nanginig muli ang kanyang labi at napakuyom siya ng kamao. Pero iwinaglit rin niya naman iyon upang magawa ang nais niya nang mga sandaling iyon.   Gusto ni Freya na makaharap ng mga malalakas na kalaban upang mas maging malakas pa siya lalo. Bata pa lang siya ay ramdam na niya ang pagkadismaya ng kanyang mga kadugo dahil isang babae ang nagtataglay ng apoy ng kanyang ama. Kaya naman magmula noon ay nag-pokus siya sa pag-eensayo at pagpapalakas.   Hindi siya nakikipagkaibigan at lalong hindi siya nagtitiwala sa mga taong nasa paligid niya. Mataas ang kompyansa niya sa kanyang sarili at iyon ang pinanghahawakan niya para siya ay mas maging malakas para tanggapin na siya ng kanyang mga kadugo bilang tagapagmana ng kanyang amang si Kuro Manchester.   Napatigil na lang nga si Freya sa paglalakad nang may maramdaman at marinig siya mula sa loob ng kagubatan. Dahil doon ay naalarma siya at naging maingat.   Madilim pa nang mga oras na iyon.   Sinundan niya ang pinagmumulan ng ingay na kanyang naririnig. Sa paglapit niya sa lugar na iyon at sa pagkakita niya rito, hindi niya inaasahan kung sino ang kanyang masasaksihan.   Nakita niya ang lalaking walang aura, si Beazt. Nagpu-push-up ito habang nakabaligtad gamit ang kanang hinlalaki bilang pantuon sa lupa. Wala itong suot na pang-itaas at makikita nang bahagya ang magandang hubog ng katawan nito.   "D-dala...wang libo, dalawang l-libo at isa..."   Ang walang aura at walang kapangyarihang binatang hinamon siya ay nakita niyang nag-eensayo sa oras na ang lahat ay inaasahang natutulog pa. Hindi niya lubos akalain na may isang indibidwal na gigising pa nang mas maaga sa kanya para sa ganitong bagay!
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม