NAKASUOT na ang lahat ng labing-limang bagong estudyante ng Purif School ng kani-kanilang uniporme. Ang mga ito ay kasalukuyang nakapila nang pahalang habang nasa harapan si Leonora na kasalukuyan namang naka-suot ng kasuotan nitong ginagamit sa pagtatanim. Nakaputi ang bawat isa at makikita rin ang asul na kulay ng tela sa gilid nito. Ang telang ginamit dito ay ang sinasabing pinakamatibay sa mundo sapagkat hindi ito basta-basta masisira ng mga simpleng atake. Hindi rin ito basta-basta masusunog dahil sa katangian nitong hindi tablan ng apoy.
Tinatawag ang telang ginamit dito na Rayu, na gawa mula sa hiblang mula sa dahon ng Arran. Ang Arran ang pinakamatibay na puno sa buong mundo at tanging sa Purif lang makikita ito. Ang kahoy rin ng punong ito ang pangunahing materyales sa paggawa ng mga bagay sa mundo. Mula sa bahay hanggang sa mga simpleng sandata at gamit dito ay gawa sa kahoy na ito.
Isang alamat nga ang nagsasaad na noong unang panahon, nang ang Bathala ng Apoy ay nagalit sa mga taga-mundo dahil sa mga kasamaang ginagawa nito... Sinunog ng Bathalang ito ang buong mundo upang lipulin ang lahat ng nabubuhay at ang mga puno ng Arran lamang ang nakitang nanatiling nakatayo sa kabila ng isang linggong pagtupok sa sansinukob.
"Ito ang opisyal na pagsisimula ninyo sa paaralang ito. Sana ay maging maayos ang inyong pagsisimula. Sana'y gabayan kayo ng apat na Bathala upang maging mas malakas kayo sa darating na mga panahon," seryosong winika ni Leonora sa mga nakaposturang mga estudyanteng nasa kanyang harapan.
"Sige na! Pumunta na kayo sa Normal Area. Pumunta muna kayo gymnasium sapagkat may gaganaping oryentasyon para sa inyo ang paaralan," dagdag pa ng matanda at pagkatapos ay kinuha na nito ang pala at ang pandilig sa gilid ng isang halamang malapit rito.
Seryoso na ngang naglakad ang lahat patungo sa Normal Area. Pinangunahan ito ni Freya na seryoso lamang na tinatanaw ang pupuntahang lugar. Nasa likuran nga nito ang pinsang si Luke na nakangisi siyang pinagmamasdan.
"Unang araw na natin Freya... Gusto ko nang makita ang kuya mong si Hellio," mahinang winika ni Luke na naging dahilan para magdilim ang mga mata ni Freya.
Napakuyom ng kamao ang dalaga at biglang may asul na apoy ang biglaang lumitaw sa mga iyon. Hindi pa man sila nakakalayo ay tila may hindi na kaagad magandang mangyayari.
Si Luke, kalmado pa rin pero bigla na lang umusok ang katawan nito. Nakahanda agad siya kung sakali mang atakehin siya ng kanyang pinsang si Freya.
"Tama na iyan! Narito tayo upang maging malakas. Hindi para maglaban," bigla namang nagsalita ang pinakamatangkad sa lahat, si Lasty.
"Tama si Lasty Hevea! Kung gusto ninyong maglaban, may lugar para riyan. May oras para sa duwelo," sambit naman ni Enma na kasabay na naglalakad si Mirai, ang kapatid nitong babae.
Sa Purif School, kapag may alitan o hindi pagkakaunawaang nangyayari at kapwa hindi magpatalo ang magkabilang panig, nagkakaroon ng tinatawag na Tagisan. Ginagamit din ito ng halos karamihan upang makita kung sino ang mas malakas. Isa itong duwelo para maipakita ang dapat maging tama. May pagkakataon ring ginagamit ang Tagisan para maglaban ang mga taong may sama at galit sa isa't isa.
Bawal ang patayin ang kalaban, ito ang pangunahing batas sa labanang ito.
Sa Tagisan, lakas ang magsasabi kung sino ang tama at kung sino ang dapat magpakumbaba. Pinapayagan din ang paglalagay ng parusa sa matatalo, kadalasang nagiging parusa rito ay ang pagsunod ng natalo sa kagustuhan ng nanalo.
Ang Tagisan ay isa ring kultura sa mundo kung saan ang lakas at kapangyarihan ang nagsisilbing basehan. Kadalasang ang mga magkakakulay na aura ang naghaharap dito.
Sa oras naman na maging Hero ang isang indibidwal, pinagbabawalan na ang mga ito na gamitin ang Tagisan. Ito ay ginagamit lamang para sa mga gusot at para mas lumakas pa ang sinumang sasabak dito.
"Kaya nga! Tama na iyan mga kasama. Hindi ba masayang maging magkakaibigan tayo?" wika ng isang payat na lalaking biglang lumitaw roon. Mula sa likuran ay masiglang tumakbo si Speed papunta sa unahan. Pinagmasdan niya ang kanyang mga kasama at nginitian ang mga ito.
Dito na nga biglang napangisi si Bazil, ang pinakamisteryoso sa kanila. Nang makita niya si Speed na nasa unahan ay hindi siya natuwa. Kumunot kaagad ang noo nito.
"Ano'ng karapatan ng isang mahinang nilalang na tulad mo na magsalita sa harapan naming mga Blue Aura?" winika ni Bazil na biglang lumitaw sa harapan ni Speed.
Si Speed, napalunok ng laway dahil sa mga nangyari. Nararamdaman niya ang lakas ni Bazil na kasalukuyang nagliliwanag ang asul na aura.
Si Bazil, hindi ito palaimik sapagkat mabilis itong mainis. At sa oras na mainis ito, dito na lalabas ang kanyang abilidad. Nagkakaroon siya ng pambihirang-lakas sa oras na mainis ito o magalit. Isa nga sa mga bagay na kinaiinisan ni Bazil, ang mga low levelled auras! Ang mga nilalang na mahina. Para sa kanya ay walang karapatang mabuhay ang mga ito. Ito ang pinaniniwalaan niya noon pa.
"T-teka Boss! K-kalma ka lang!" sambit ni Speed na napaatras pero nanatiling ngumingiti kahit biglang kinabahan. Si Beazt naman ay napaseryoso nang maramdaman ang asul na aura na iyon. Alam niyang malakas ang indibidwal ang isang ‘yon.
"Itigil mo iyan Bazil!" bigla namang bulalas ni Luna na nakatago sa lilim ng mga punong nasa paligid. Nagliliwanag din ang aura nitong asul.
"Nandito tayo upang maging Hero. At hindi katangian ng isang Hero ang ipinapakita mo," sambit pa ng dalaga na halatang lakas-loob lang na sinabi iyon. Hindi siya ganito ngunit, gusto niyang iligtas si Speed mula sa gustong gawin ni Bazil. Naalala pa niya nang muntik nang maglaban ito at si Freya sa una nilang pagkikita. Isang suntok lang ni Bazil sa isang puno sa likod ng dormitoryo ay nawasak kaagad iyon dahil sa inis nito. Mabuti na nga lamang at napigilan sila ni Leonora dahil kung hindi, baka nagkaroon ng pinsala ang likurang bahagi dormitoryo.
Malakas si Bazil kapag naiinis ito at alam ni Luna na malaki ang inis nito sa mga mahihina. Kakilala niya ito at noon ay may isang beses na isang pamayanan ng mga taong may mahihinang aura ang winasak nito. Hindi nga niya malaman kung paano ito napunta sa Purif School gayong marami na itong sinirang mga lugar at binugbog na mga mahihinang indibidwal sa Purif City.
"Luna... Luna! Ano'ng magagawa mo? Pipigilan mo ako?" winika ni Bazil na nakangising hinawakan sa damit si Speed at itinaas na tila hindi man lang nabibigatan.
"Kung sino mang gustong pigilan ako... Labanan ninyo ako!"
"Ikaw Freya Manchester? Dito na natin ituloy ang naudlot nating laban. Sa oras na patulugin ko ang mapapel na mahinang ito... Maglaban tayo! O kung sino man sa inyo..." Tumawa pa si Bazil pagkatapos sabihin iyon.
"Pumasok ako rito para makalaban ang mga malalakas. Hindi ko gustong maging Hero. Gagamitin ko lang ang lugar na ito upang mas maging malakas ako..."
"Ang hindi ko lang maisip ay kung paanong may mga insektong napili sa paaralang ito? Kaya bago pa man kayo magsimula... Pipisain ko na kayo rito!" seryosong sambit ni Bazil sa lahat. Pinagmasdan din niya ang mga nasa likurang sina Claude, Shilva at si Odessa. Sunod noon ay hinanap nito si Beazt, ang sinasabing walang aura na indibidwal. Ngunit hindi niya iyon makita kung saan na nagpunta.
"Mukhang malakas kang indibidwal. Maglaban tayo!" seryosong sinabi ni Beazt na kasalukuyan nang hawak ang kamay ni Bazil na nakahawak sa kanyang kaibigan.
Gamit ang pisikal na lakas, inalis ni Beazt ang pagkakahawak ni Bazil dito.
Napangisi na lang si Bazil matapos iyon. Isa sa mga ayaw niya ay ang mga mahihinang aura at nang mga sandaling iyon... Isang walang aura ang naghamon sa kanya.
Ang mga kasamahan nilang may asul na aura, biglang naglabas na rin ng kanilang mga aura. Hindi maganda ang nararamdaman nila. Isang bagay lang ang nasa isip nila... Ang pigilan si Bazil sa balak nitong gawin.
"Itigil mo iyan walang utak! Huwag mong sabihing papatulan mo ang walang aurang lalaking iyan?" seryosong winika ni Freya na tumalon papunta sa gitna nina Beazt at Bazil. Kasalukuyan nang nag-aapoy ng asul ang dalawa nitong kamao.
Ngumisi naman si Bazil at kasunod noon ay isang mabilis na suntok ang binitawan niya papunta kay Freya.
Kumawala ang malakas na hangin dahil doon at ang paligid ay nayanig, dahilan iyon upang ang ilan ay maalarma sa mga nangyayari. Doon nga'y sumabog ang asul na apoy sa paligid nang salagin ni Freya ang suntok ni Bazil.
Napangiwi si Freya matapos iyon, sapagkat naramdaman niyang tila may naputol na buto sa kanyang pinansalag laban doon. Hindi niya napaghandaang mabuti iyon dahilan upang mag-alangan siya sa pagdepensa.
Nagliliwanag ang aura ng dalawa habang nagpipilit si Bazil na itulak ang dalaga gamit ang kamao nito.
Sina Beazt at Speed, napatalsik naman papalayo matapos ang salpukang iyon at ang tatlong Indigo Aura naman sa likuran ay nagtago sa isang ligtas na lugar dahil natatakot sila rito.
"Ngayon Freya Manchester? Nasaan na ang angas mo? Hindi mo ba alam na ako ang pinakamalakas sa grupo nating ito? Tingnan mo sila... Wala ni isa sa kanila ang susubok na pigilan ako..." nakangising winika ni Bazil na humakbang na nga ng isa. Si Freya, napaatras kaagad at nanatili naman niyang pinag-aapoy ang kanyang mga kamay hanggang sa bisig niya.
Napasulyap nga si Freya sa paligid at napansin nga niya na umatras ang lahat. Pero kahit na ganoon, hindi siya magpapatalo sa isang ito.
Gusto niyang maging mas malakas pa.
Nagliwanag lalo ang asul na aura ni Freya at pagkatapos ay napalibutan sila ng asul na apoy. Doon ay pinagalaw niya iyon at tinupok ang katawan ni Bazil.
"Hindi ko hahayaang manalo ka sa akin," bulalas ni Freya at naramdaman niya ang paghina ng pwersa ni Bazil. Mabilis siyang tumalon palayo at pagkatapos, inipon niya ang kanyang asul na apoy sa kanyang kaliwang kamao. Kasunod agad noon ay bigla siyang naglaho.
"Masyado mo akong minamaliit," sambit ni Freya at doon na nga siya lumitaw sa harapan ng nasusunog na katawan ni Bazil. Isang hakbang pang pauna gamit ang kanyang kaliwang paa ang kanyang ginawa at pagkatapos, isinunod na niya ang kanyang nagliliyab na kamao rito.
Sa pagtama ng kanyang kamao sa katawan ni Bazil ay siya ring pagsabog ng asul niyang apoy. Mula sa likod ng lalaki, isang pagsabog rin ng apoy ang nakita ng mga naroon. Akala nga ni Freya ay tatalsik ang katawan ni Bazil sa lakas ng suntok niyang iyon, subalit naramdaman niyang may biglang humawak sa kanyang mukha. Hindi niya iyon napaghandaan kaya wala na siyang pagkakataon upang iwasan iyon.
"Akala mo ba ay magagawa akong talunin ng mahina mong apoy?" nakangising sinabi ni Bazil.
Itinaas nito si Freya gamit ang isang kamay. Hawak-hawak niya ito sa mukha at ang dalaga nga'y nagpupumiglas dahil dito. Subalit higit na mas malakas ang lalaking si Bazil kaya hindi siya makawala mula rito. Isa pa, hindi na rin makahinga si Freya dahil dito. Tinatakpan ng kamay ng lalaki ang ilong at bibig niya kaya hindi pumasok ang hangin sa kanyang katawan.
Ang lahat naman ng naroon ay napaatras na lang din. Doon ay nakita nila ang aura ni Bazil. Hindi na iyon kulay asul. Nagbago nang dahan-dahan ang kulay nito!
"I-isang Green Aura... Ang sunod na kulay sa Blue Aura," sambit ni Luke na susubukan pa sanang tulungan ang pinsan, ngunit biglang lumitaw ang aura na mas malakas kaysa sa kanya. Napaatras na lang siya sapagkat alam niyang wala siyang magagawa laban dito.
Ang bawat isa ay may kinikilalang antas ng aura. Mas malakas ang aura depende sa kulay nito. Sa mundong ito, kapag ang isang indibidwal ay mas malakas na kulay ng aura, kumpara sa isa... Magagawa nitong mapaatras ang mas mahina. Nasa isip na agad nilang wala silang magagawa.
Sa oras na mas mahina ang aura ng isa... Awtomatikong nasa isip na niya ang pagkatalo. Awtomatikong iisipin niyang hindi niya ito kaya.
Tila nabalot ng katahimikan ang paligid. Mahinang umihip ang hangin at tanging ang nagliliwanag na berdeng aura ni Bazil at ang humihina nang asul na aura ni Freya ang napapansin nila.
"B-beazt... I-iligtas mo ang anak ni Sir Kuro..." biglang winika ni Speed na kasalukuyang nagliliwanag ang sariling aura. Ginamit niya ang kanyang ability.
"Mamatay si Freya sa gagawin ni Bazil... Mababasag ang bungo nito dahil sa impact noon!" nakakuyom ang kamaong winika ni Speed sa kanyang kaibigang si Beazt. Nakita niya ang mangyayari at ayaw niyang mangyari iyon. Sa kanilang lahat, walang mag-aakalang may isang pipigil kay Bazil sa kabila ng antas ng aura nito.
Sa mundong kinatatakutan ang mas may malakas na aura, isang lalaki ang walang takot na sisirain ang paniniwalang ito.
"Tingnan ko kung makakaya mo ang gagawin kong ito... Freya Manchester!" bulalas ni Bazil na nakangising-demonyo na. Nagdidilim na rin ang paningin nito na tila ba isang mamamatay-tao. Nabalot ng berdeng aura ang kamay nitong humahawak sa ulo ng dalaga at pagkatapos noon, buong-lakas na ibinugsok ni Bazil ang ulo nito papunta sa lupa.
Katapusan na ba ni Freya? Walang nagawa ang lahat kundi ang panoorin ang mga mangyayari.
Hanggang sa isang napakalakas na pagsabog ang naganap sa daanang papunta sa Normal Area. Ang lahat nga ng mga estudyante at mga guro ay napalabas nang wala sa oras upang makita kung ano ang nangyayari. Nayanig pa nga ang paligid dahil doon. Si Leonora naman ay mabilis na napatakbo patungo sa pinagmulan noon. Nasisiguro niyang ang mga estudyante ng kanyang dormitoryo iyon.
Sa lugar ng pinangyarihan, naroon ang mga Blue Aura user na kasalukuyang nagulat sa mga nangyari. Hindi nila paniwalaan ang kanilang nakikita.
Si Speed... Halos, mangiyak-ngiyak sa nakita. Napigilan ng kanyang kaibigan ang nakita niyang kamatayan sana ni Freya.
"Malakas ka nga," seryosong sinabi ni Beazt na kasalukuyang hinahawakan nang mahigpit ang bisig ni Bazil na kanina lamang ay hawak-hawak ang ulo ng umiiyak nang si Freya. Nakasampay rin nga ang dalaga sa kaliwang balikat nito.
Naramdaman na lang ni Freya na mamamatay na siya, ngunit, hindi niya inaasahang may magliligtas pa pala sa kanya. Hindi nga niya akalaing ang walang aura na lalaking si Beazt ang gagawa niyon.
"I-ikaw? Paanong hindi ka nasindak sa aura ko?" bulalas ni Bazil na kasalukuyang sinusubukang makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Beazt.
"Iyan ang wala sa inyo na mayroon ang kaibigan kong si Beazt!"
Mula sa likuran nito ay biglang nagsalita si Speed habang nakangisi sa lahat.
"Walang aura si Beazt... Kaya wala rin siyang kinikilalang lebel o antas ng aura! Kaya para sa kaibigan ko, lahat tayo ay pare-pareho!"
"Sa madaling-salita! Hindi siya natatakot kahit may mas malakas pang lebel ng aura ang kanyang kalaban!"
Nagliwanag bigla ang mata ni Speed.
"Sisipain ka niya Beazt," bulalas ni Speed at gamit ang isang binti, sinalag din ng kaibigan niya ang sipa sana ni Bazil.
Kumawala agad ang malakas na hangin sa buong lugar at ni kaunting pag-atras ay wala man lang silang nakita mula sa lalaking walang aura.
"Kung ito ang gagawin mo para maging malakas... Ikaw ang taong ayaw kong makalaban," seryosong sinabi ni Beazt at doon ay mabilis niyang binitawan ang bisig ni Bazil.
Napangisi si Bazil matapos iyon, subalit, bago pa man siya makapag-react... Hindi niya malaman kung bakit tila nawalan siya ng oras upang umiwas sa gagawin ni Beazt.
Tumama na nga ang kamao ni Beazt sa bukas niyang mukha.
Sinubukang labanan iyon ni Bazil ngunit naramdaman niya ang sakit na idinulot noon. Nanghina ang kanyang tuhod at tuluyan na siyang nawalan ng balanse.
Bumagsak si Bazil at ang Green Aura nito ay naglaho. Bahagyang nayanig ang paligid at kumawala ang hindi kalakasang hangin nang mangyari iyon. Nawalan ito ng malay dahil sa ginawang suntok ni Beazt sa mukha nito.
Makikitang basag ang ilong ni Bazil na nakadapa sa harapan ni Beazt at kasalukuyang nagliliwanag ang asul na aura ng kamaong ginamit nito. Nagmula ang aura na iyon mula kay Freya na kasalukuyang buhat-buhat pa rin nito sa balikat.
Nang mga sandaling iyon, hindi nila namalayan na marami na pala ang nakasaksing taga-Purif School sa ginawa ng walang aura na si Beazt sa isang Green Aura na si Bazil.