5. Hell Dormitory

2067 คำ
NAPABANGON si Beazt mula sa kanyang pagkakahiga. Bigla kasi niyang naalala kung ano raw ba ang nangyari kay Speed?   Kasalukuyan na siyang nasa loob ng isang kwarto at nakahiga siya sa isang malambot na higaang noon pa lamang niya naranasan. Tatayo na nga sana siya ngunit biglang bumukas ang pinto ng kwartong iyon at isang nakaunipormeng babae ang biglang pumasok sa loob nito.   Si Beazt at Speed, kasama na ang tatlo pang mga kasama nito ay kasalukuyang nasa Purif Clinic na malapit lang sa gymnasium ng paaralan. Kailangan lamang nilang matulog at makapahinga para maibalik ang lakas at aura na nawala sa mga ito.   "Humiga ka lamang diyan," sabi ng babaeng naka-uniporme ng Purif School. Puting blouse ito na may asul sa gilid. Nakasuot din ito ng paldang asul na hinaluan ng dalawang puting guhit sa magkabilang gilid. Pantay-tuhod naman ang haba noon. Makikita rin sa kaliwang dibdib sa blouse nito ang Purif School Badge, isang kamao na kulay ginto at kumikislap ito kapag natatamaan ng liwanag. Pasimple rin nitong sinulyapan ang nakahigang estudyante sa kama nito.   May dalang folder ang babaeng iyon, isa itong estudyante sa paaralan.   "Kailangan kong makita kung nasaan si Speed!" seryoso namang sinabi ni Beazt na inaalis na agad sa katawan ang nakatakip na kumot. Akmang tatayo na sana siya nang biglang nagliwanag ang katawan ng babaeng kasama niya sa loob ng silid.   "Nasa kabilang kwarto lang sila. Sa oras na tumapak sa sahig ang talampakan mo ay tatamaan ka sa akin!" seryosong sinabi ng babaeng iyon. Nagliliwanag rin ang Yellow Aura (Ang ika-tatlo sa pinakamalakas na antas sa mga kulay ng Aura.) nito at seryosong nakatingin sa mga mata ni Beazt.   Si Beazt naman ay napaseryoso dahil naramdaman niyang malakas ito.   Dito ay tumingin siya sa ibaba ng kama at hindi pa rin siya nagpapigil. Tumayo siya nang walang pag-aalinlangan.   Kasunod na lang din noon ay biglang naramdaman sa buong Purif Hospital ang isang pagyanig na hindi naman kalakasan.   Si Speed na nasa kabilang kwarto ay bigla namang nagising dahil doon. Napatayo siya dahil may naramdaman siyang malakas na aura na nagmumula sa kabilang kwarto. Iniikot din muna niya ang kanyang tingin sa paligid at nalaman niyang nasa loob siya ng isang ospital o hindi kaya'y clinic. Napahawak siya sandali sa kanyang ulo at inalala ang nangyari. Naalala niya na kanina'y nasa Llavars sila, pero wala na siya ngayon doon.   Naalala rin niya si Beazt, kaya napatayo siya at napatakbo agad palabas.   "Huwag mong subukang gamitin ko sa iyo ang abilidad ko!" seryosong sinabi ng babae habang hawak-hawak sa leeg si Beazt na kasalukuyang nakapinid sa dingding ng kwarto ang katawan. Nagliliwanag pa rin ang Yellow Aura ng dalaga.   Hindi basta-basta ang estudyanteng iyon at si Beazt ay nagulat dahil sa lakas noon. Sinubukan niyang labanan iyon pero nanghihina pa rin ang kanyang katawan dahil sa nangyari kanina.   Hanggang sa bigla na lamang ngang bumukas ang pinto.   "Beazt!" bulalas ni Speed nang sandaling iyon. Napatingin dito ang babae at seryoso siyang tiningnan sa mata. Agad nga siyang napalunok ng laway sapagkat tila hindi maganda ang titig na iyon. Parang isang mapanganib na pangyayari ang posibleng maganap kapag dumiretso pa siya paloob.   "Bumalik ka sa silid mo! Bakit ba ang titigas ng ulo ninyo! Kapag sinabi kong pwede na kayong lumabas! Doon lang kayo lalabas!" pagalit na sinabi ng babae at si Speed ay agad na nanginig sa takot. Wala na siyang nagawa kundi ang bumalik sa loob ng kanyang silid.   "S-sino iyon?" Iyon na lang ang nasabi ni Speed, pero sigurado siyang estudyante iyon at wala naman daw sigurong gagawin iyon kay Beazt na masama.   Kumalma na rin naman ang babae makalipas ang ilang sandali at naglaho na ang aura nito. Binitawan na rin nito si Beazt at naglakad na siya palayo mula rito. Binuksan niya pagkatapos ang kanyang dalang folder at kinuha ang bolpen na nasa bulsa.   Inalis niya ang taklob noon gamit ang bibig nito na nagpalitaw sa mapula nitong labi. Mabilis din naman niyang kinuha iyon gamit ang kamay nitong humahawak sa bolpen.   Si Beazt naman ay tahimik na umupo sa malambot na kama at seryosong tiningnan ang babaeng hanggang balikat ang buhok. Simple lang kung titingnan ang dalaga at parang hindi maiisip ng sinuman na malakas ito.   "Isa akong estudyante rito. Isa akong 2nd year," sabi ng babae habang nagsusulat.   "Isa rin akong Healer, at madalas ay nandito ako sa ospital ng school. Ang kapangyarihan ko ay Restore and Destroy," dagdag pa nito habang nagsusulat sa papel na nasa loob ng folder na dala nito.   Kaya niyang ibalik sa dati ang mga nasira pero kaya rin niyang sumira ng mga bagay o kahit tao pa. Ngunit limitado lang iyon dahil maraming aura ang mawawala sa kanya kapag mas malaki ang kanyang ginamitan ng alinman sa dalawang ito. Kaya rin niyang ibalik sa dati ang kanyang sinira.   "Paano ka naging malakas?" biglang tanong ni Beazt dito.   Pasimple namang tiningnan ng babae ang first year na nakita niyang dinala kanina ni Sir Luther. Narinig din niya na mga bagong estudyante ang mga ito. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit wala siyang maramdamang aura sa isang ito at iniisip niya kung paano kaya ito nakapasa sa pagsasala?   "Magiging malakas ka kapag nagsimula ka na rito sa Purif School," sabi pa ng babae.   "Ibigay mo sa akin ng pangalan mo at kung ilang taon ka na... Kailangan kong maipasa ito sa council dahil mga bago kayong mga estudyante rito," dagdag pa nito.   Si Beazt naman ay napatingin sa malayo. Naisip niyang may mga may kapangyarihan pala na may malakas ding pisikalidad dito. Akala niya ay umaasa lang ang mga ito sa kapangyarihang mayroon sila. Pero tila nagkamali siya at sa paaralang ito, pakiramdam niyang mas magiging malakas pa yata siya. Mas makakakita rin daw siya ng mga indibidwal na pwede niyang hamunin at labanan. Ito ay ang mga iniisip niyang susubok sa kanyang kakayahan.   "Beazt! 14!" munting tugon ni Beazt.   "Ano'ng kulay ng aura mo at ano ang abilidad mo?" tanong ng babae na tumayo sa harapan ni Beazt at seryosong kinilatis ito. Napansin niyang may katipunuan ito kung ikukumpara niya ito sa ibang ka-edad nito.   "Wala. Hindi ko alam," mabilis na sagot ni Beazt na ikinataas ng kilay ng babae. "Seryoso?" tanong nito na tiningnan nang mabuti ang binata. Pero ayaw na niyang magtanong pa, kaya kahit ayaw niyang paniwalaan ay isinulat na lang niya sa papel na nasa folder na hawak nito ang impormasyong nakuha sa binatang kanyang kausap.   Umalis na ito sa harapan ni Beazt at pumunta sa may pinto. Akmang bubuksan na niya ito nang naisipan niyang magpakilala rito.   "Vlahd Nicarian, iyan ang pangalan ko. Mukhang magkikita pa tayo sa paaralang ito. Magpalakas ka hanggang sa maging Hero ka!" Pagkatapos noon ay lumabas na siya at seryosong pumunta sa sunod na kwarto.   Isa siyang second year at gusto niyang makapasok sa Purif 8. Nang nasa unang taon siya ay hindi siya nagtagumpay, kaya sa taong ito... muli niyang susubukang makapasok sa walong pinakamalakas na estudyante sa buong paaralan.   *****   INIHATID ni Sir Kuro sina Beazt at ang apat pa nilang kasamahang nasa ospital papunta sa dormitoryo ng mga First Year bago pa man dumilim. Dala na ng mga ito ang kani-kanilang gamit. Isa pa, sa Purif School ay walang aalahanin ang mga ito dahil sagot na ng paaralan ang lahat ng kanilang pangangailangan.   Habang naglalakad sila papunta sa dormitoryo ay nanginginig sa kaba at tuwa ang apat maliban kay Beazt. Sino ba namang hindi makakaramdam nito kung mismong ang idol nilang si Sir Kuro ang kasama nila?   "Aasahan kong magiging produktibo kayo sa pagsisimula ninyo rito. Mas magiging malakas kayo at marami kayong matutunan sa paaralang ito," seryosong sinabi ni Sir Kuro habang patuloy silang naglalakad.   "Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na may nakapasok dito na Indigo at Violet Aura makalipas ang maraming taon. Kagaya nga ng sinabi mo Speed..."   Si Speed ay labis ang saya nang marinig na tinawag siya ng kanyang idolo sa kanyang pangalan.   "Hindi sa kulay ng Aura nasusukat ang pagiging Hero. Kaya, sana mas pagbutihin ninyo. Ipakita ninyo sa akin na karapat-dapat kayong makapasok dito!" sinabi pa ni Sir Kuro hanggang sa marating na nila ang dormitoryo ng mga first years.   Isang malaking bahay na may dalawang palapag. Mayroong tatlumpung silid dito at may malawak na damuhan sa likuran nito. Makikita rin sa paligid ang malawak na taniman ng gulay at may mga naglalakihang mga puno rin ng prutas sa kabilang bahagi nito.   "Magandang gabi Sir Kuro," biglang bati ng isang matandang babae na nakasuot lamang ng simpleng kasuotan sa may gate ng dormitoryo. May suot din itong epron na kulay pula habang hawak ang isang sandok.   "Leonora, kumusta ang mga naunang first years diyan?" tanong ni Sir Kuro habang sila ay naglalakad papunta sa bahay.   "May kaunting kaguluhan kanina, hinamon ng anak ninyo ang isa sa mga nakapasa. Nagkaroon ng paglalaban sa likuran ng bahay pero naayos din naman," paliwanag ni Leonora na pasimpleng pinagmasdan ang limang kasama ni Sir Kuro. Bahagya siyang nagulat dahil nakita niya ang kulay ng mga aura ng mga ito. Ngunit ayaw niyang husgahan ang mga ito, lalo't ang may-ari ng school ang naghatid sa mga ito. Isa pa, interesante ito sapagkat ngayon lang uli may makakapasok sa paaralan na nagtataglay ng mahihinang aura.   "Ikaw na muna ang bahala kay Freya," paalala ni Sir Kuro na tumigil na sa tapat ng pinto.   "Ikaw na rin ang bahala sa kanila," dagdag pa nito at si Leonora ay nginitian ang matanda.   "Sige Sir Kuro," sabi pa nito at tinawag na niya ang lima na pumasok na sa loob. Si Sir Kuro naman ay naiwan at seryosong pinagmasdan ang lalaking si Beazt. Nahihiwagaan siya sa kakayahan nito. Isa pa, hindi pa rin niya malaman kung bakit hindi lumalabas ang aura nito. Idagdag pa ang ginawa nito sa Llavars Volcano. Iniisip niyang babagsak ang mga ito pero heto at narito na sila sa dormitoryo.   Naglakad na palayo si Sir Kuro at sandaling tumingin sa kalangitan. Pakiramdam niya ay may kakaibang mangyayari sa taon na ito. Kung mayroon mang mga hindi niya inaasahang mangyari, iyon ay ang mga bagay na dapat niyang paghandaan sa hinaharap.   Kakaiba ang ihip ng hangin. Tila sinasabi nito na may kung ano’ng magaganap sa taong ito.   Nararamdaman niya ring may kung anong hindi inaasahan mula sa bagong pasok na si Beazt at gusto niyang malaman iyon sa pagsisimula nito sa Purif School.   Pagpasok naman nina Beazt sa loob ay may isang malawak na tambayan at mga upuan silang nakita. Naroon ang mga first year na nakapasa rin kagaya nila. Naroon ang limang mga Blue Aura at hindi lang iyon, mayroon ding ilang hindi nila nakita kanina at nasa lima rin ang bilang ng mga ito.   Pagdating nga agad nila ay agad na napatingin sa kanila ang lahat. Lalo na nga ang mga nakasama nila sa pagsasala. Hindi maisip ng mga ito na makakasama rin nila ang mga ito rito. Hindi rin nila malaman kung paano ba nakapasok ang mga ito rito.   Pumalakpak si Leonora upang tumingin sa kanya ang lahat. Pagkatapos noon ay pinalabas niya ang kanyang aura at ang lahat ay nabigla sa kanilang nakita. Isang Red Aura iyon!   "Dahil kompleto na ang lahat, nais kong magpakilala. Ako si Leonora Hellia! Ang tagapangasiwa ng dormitoryong ito..."   "May mga batas akong pinaiiral dito at bawat pagsuway ay may karampatang parusa. Bukas, magsisimula na ang inyong pormal na pag-aaral sa Normal Area (Ang lugar sa Purif School kung saan matatagpuan ang mga classroom, kasama na ang ibang pasilidad na makikita sa tipikal na eskwelahan.) at gusto kong maging disiplinado kayo!" napatingin pa ang matanda kay Freya at ang dalaga ay agad namang umiwas ng tingin sa kanya.   "Isa sa pinakaaayaw ko sa dormitoryo ko ay ang pagiging makalat! Gusto kong maging malinis ang buong lugar ko... At isa pang paalala, hindi ako mabait na bantay rito!" karagdagan pang sinabi ni Leonora.   Si Beazt, seryosong pinagmamasdan ang pulang aura ng matanda. Hindi siya nakikinig sa sinasabi nito. Nararamdaman kasi niyang malakas din ito. Kaya naman napakuyom siya ng kamao dahil doon. Mukhang dito nga raw siya makakakita ng malalakas na indibidwal na pwede niyang labanan.   "Muli! Welcome sa Hell Dormitory!" sinabi pa ng matanda at napangisi ito na tila may ibig-sabihin. Inalis na rin niya ang kanyang pulang aura at tiningnan ang lima sa kanyang likuran.   "Sumama kayo sa akin at isasama ko na kayo sa mga silid ninyo!" Napatakbo ang apat na kasama ni Beazt dahil sa takot at kaba.   Si Beazt, kalmadong naglakad habang nakasunod sa mga ito. Tiningnan din niya ang sampu pang first years na nakatambay roon. Naramdaman niyang malalakas ang mga iyon. Napatingin nga rin siya kay Freya na seryoso ring nakatingin sa kanya.   "Paano kaya nakapasok ang mga ito?" seryosong tanong ni Freya sa sarili nang mga sandaling iyon. Lihim nga niyang pinagmasdan ang lalaking naglakas-loob na hamunin siya kanina sa pagsasala.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม