DUMAAN ang mga araw, seryoso nga talaga si Ricky sa balak nitong pagta-tryout para sa school varsity. Halos tuwing hapon ay nagpupunta siya kina Andrei upang doon mag-practice. Para nga sa kanya, hindi mahirap matutong maglaro ng basketball. Nakakapag-dribble na siya at nagagawa na rin niya ang i-drive ito. Alam din niya na hindi siya kasing-bilis ng iba pero ang mahalaga sa kanya ay nagagawa niya ito. Nakakaya na rin niyang i-shoot ang bola sa ring nang malapitan. Tanging sa jumpshot lang talaga siya hindi makapagpapasok ng bola sa ring. May mga tira siyang lampas, at mayroon ding bitin. Nahihirapan siyang magtantya sa pagbitaw sa bola papunta sa ring. Maswerte na nga lamang siya kung may pagkakataon na nakakapagpa-shoot siya. Pero sa kabila noon, naniniwala siya na makakabisado rin niya iyon basta mag-practice lang daw siya.
Tuwing umaga naman, gumigising na siya nang maaga. Iyon ay upang mag-jogging. Suhestyon iyon ng ate ni Andrei dahil mabilis daw siyang mapagod sa kaunting oras na pagpa-practice. Malaking dahilan noon ay dahil hindi naman talaga sporty na estudyante si Ricky.
"Ano p're? Kaya mo pa ba? Bukas na ang try-out," wika ni Andrei kay Ricky na nasa bahay nga nila muli. Kitang-kita niya sa mukha ng kaibigan ang pagod sa ilang araw na nitong pagpa-practice. Tila stress na nga ito at nangangailangan na ng isang matinding pahinga dahil parang babagsak na ang kanyang kaibigan kung titingnan.
Nang araw ring iyon, wala sina Roland at Mike, kaya nabawasan ang mang-aasar kay Ricky.
Ngumiti na nga lang ang binata nang marinig ang sabi ng kaibigan.
"Kaya pa p're. Makakapasok ako sa team!" determinadong sinabi ng binata at pumasok na ang dalawa sa loob ng bahay.
"Dumiretso ka na p're sa court. Suporta lang kami sa 'yo. Maglaro ka hangga't kaya mo," wika ni Andrei matapos tapikin sa balikat ang kaibigan.
"Pasok ka lang sa loob kapag nagutom ka. May inihanda na si Yaya. Manonood muna ako ng TV," dagdag pa nito.
"Salamat pare!" tugon naman ni Ricky na agad ngang nagpunta sa court sa likod ng bahay ng kaibigan.
Habang papalapit si Ricky sa court ay nakarinig siya ng pagtalbog ng bola mula roon. Mukhang may naglalaro rito. Paglabas niya mula sa pinto ay doon tumambad sa kanya ang ate ni Andrei. Naka-jersey na tshirt at kulay black iyon. May numero 14 din ito sa likod at naroon din ang apelyido nitong Cervantes. Naka-shorts din ito ng black na lagpas tuhod ang haba.
Maaliwalas maglaro sa lugar dahil humahangin. Isa pa, nahaharangan ng malaking puno ang sikat ng araw kaya malilom sa court.
"Magandang hapon Ricky!" iyon ang sinabi ni Andrea nang mapansin ang pagdating ng kaibigan ng kanyang kapatid. Nagpunas din ito ng pawis gamit ang puting towel na nasa gilid at nakapatong doon.
"Sa 'yo rin ate," munting tugon naman ni Ricky na parang nahiya sa kaharap.
Ang cute ng ate ni Andrei sa suot nito.
"One-on-one tayo!" biglang sinabi ni Andrea kay Ricky na ikinabigla nang bahagya ng binata. Sinambot nga agad nito ang bolang ibinato ng dalaga.
"S-seryoso ate?" paniniguro ni Ricky at ngumiti naman ang dalaga.
"Yap! 'Di ba bukas na ang try-out mo? So, tignan natin kung nag-improve ka."
"'Di naman ako super galing pero... Tignan natin kung kaya mo akong sabayan!" may kaunting yabang ang sinabing iyon ni Andrea na bahagyang nagpakaba kay Ricky habang hawak ang bola.
Naglalaro sa Sports Fest sa school ang dalaga. Basketball ang sports niya at isa siyang malaking fan nito.
"Ricky, huwag kang mahiya! Game na! Sa 'yo muna ang possesion." Mabilis at bahagyang iniangat ni Andrea ang kanyang dalawang kamay. Dinipensahan niya kaagad si Ricky na pinapatalbog na ang bola sa kanyang harapan.
Napatingin si Ricky sa kalaban at hindi niya maiwasang mailang.
"N-nakakahiya ate," sambit ni Ricky ngunit pagkatapos noon ay biglang kinuha ni Andrea ang bola sa pamamagitan ng pagtapik at paghabol dito. Kasunod noon ay mabilis nitong d-in-rive ang bola patungo sa ring at isang libreng lay-up ang ibinuslo nito. Pagkatapos noon ay tiningnan niya ang naiwang binata at ngumisi.
"One-zero na! Race to eleven 'to!"
Kinuha ni Andrea ang bola at ipinasa ito nang may kalakasan kay Ricky. Doon ay umalingawngaw ang tunog niyon sa paligid matapos itong masambot ng binata.
"'Di ba gusto mong mapili? So, ano ba ang motivation mo at naisipan mong mag-basketball?"
Sumeryoso si Andrea nang mga sandaling iyon.
"Aminado ako, hindi ako magaling. Pero gusto kong iparamdam sa iyo ang magkaroon ng kalaban. One-on-one pa lang ito. What if pa kung tunay na game na? Ganyan ba ang gagawin mo?" sinabi pa ni Andrea kay Ricky.
Natigilan naman si Ricky matapos iyon. Ano ba ang kanyang dahilan? Bakit gusto niyang matuto at maglaro ng basketball? Doon ay gumuhit sa isip niya ang imahe ng isang babae.
Si Mika.
"Game na ate!" pagkasabi noon ni Ricky ay bigla itong nagpakawala ng jumpshot dahilan para hindi na iyon maabutan ng dalaga.
"Tsumamba ka," sambit ni Ricky at mabilis siyang tumakbo patungo sa ring para i-rebound ang bola kung sakali mang sala nga iyon. Kaso bigla siyang dinikitan ni Andrea sa ilalim ng basket bago pa man siya makaporma.
Natigilan siya nang bahagya dahil doon. Naramdaman kasi niya ang malambot na katawan ng dalaga. Pero iwinaglit niya ang kanyang isip mula roon. Gusto niyang makuha ang rebound mula rito.
Bumangga lang nga sa dulo ng ring ang bola na itinira ni Ricky.
Gumamit si Ricky ng pwersa para labanan ang ate ni Andrei, ngunit hindi siya nanalo laban dito. Parang pinipigilan siya ng kalaban sa kanyang balak. Tatalon siya pero ang pwersa ng katawan ng dalaga ay pinipigilan siyang gawin iyon.
Box-out.
Nakatalon agad si Andrea bago pa si Ricky. Nakuha nga ng dalaga ang rebound at mabilis na pinatalbog ang bola palayo. Pagkatapos ay pumwesto siya sa tantyado niyang pwesto. Ang corner-left-side.
Nakadepensa rin naman kaagad si Ricky kahit na ganoon ang nangyari. Nakaporma na rin nga ang kamay ni Andrea para magpakawala ng jumpshot kaya tumalon na nga ang binata para i-block iyon. Subalit...
Nakita na lang ni Ricky na nakangisi ang dalaga sa kanya. Isang fake! Hindi pa umaangat ang mga paa ni Andrea. Doon nga ay isang mabilis na side-step ang ginawa nito at doon na nga pinakawalan ng dalaga nang tuluyan ang isang luwag na jumpshot.
Umarko sa ere ang bola na tila bahaghari. Sinundan din iyon ng napakagandang pagtunog ng nahalit na net ng ring. Walang kasabit-sabit na pumasok ang bola.
Two-zero.
"A-ang galing mo ate!" Napatingin na lang si Ricky sa pagpasok ng bola.
"Sira! Huwag mong hanggaan ang kalaban."
"Possession mo na uli!" dagdag pa nga ng pawisang si Andrea.
Muling sinambot ni Ricky ang bola. Pagkatapos noon ay sinubukan muli niyang pumuntos. Ngunit, sablay muli iyon at nakuha ni Andrea ang bola. Pumuntos din muli ang dalaga, hanggang sa matapos na nga ang laban sa eleven-zero na score. Ni isang puntos ay walang nagawa si Ricky.
"A-ang galing ninyo at-ate..." Napasandal na lamang sa gilid ng bahay si Ricky na hingal na hingal dahil sa pagod. Pawisang-pawisan din ito habang umiinom ng tubig na inilabas ng Yaya ng bahay.
"H-hindi naman ako ganoon kagaling..." wika naman ni Andrea na nakatayo at nakasandal din sa gilid habang pinupunasan ang pawis sa leeg at pisngi. Umiinom din ito ng tubig. Napagod din ito ngunit 'di gaya ng paghingal ni Ricky.
Napatingin siya sa katabing binata, sa kaibigan ng kanyang kapatid.
"R-ricky... tatapatin na kita. Wala kang pag-asang mapili sa try-out."
Doon na napaseryoso si Ricky. Alam niya naman iyon sa kanyang sarili. Pero para sa kanya, walang mangyayari kung hindi niya susubukan.
"Okay lang ate..."
"Hangga't hindi pa nagkakapilian... Posible pa rin akong mapili dahil seryoso ako rito."
Napatigil sa pag-inom si Andrea ng tubig matapos niya iyong marinig mula sa binata. Isang maliit na ngiti rin ang sumilay sa labi niya matapos iyon
"Iyan ang fighting spirit! Sige..."
"May tips akong ibibigay sa iyo. I'm not sure kung effective ito pero..."
"May ibang players na napipili kahit hindi sila pumupuntos!" winika ni Andrea kay Ricky. Pagkatapos noon ay seryosong nagkatinginan ang dalawa at doon na sila nag-usap tungkol doon.