LINGGO, ito na ang araw para sa try-out ng basketball team sa CISA. Ito ay ang araw kung saan ay magkakaroon ng selection sa mga magiging new members ng varsity team. Sa nalalabi ngang mga araw, mayroon na lamang isang buwan at magsisimula na ang tournament ng larong ito kung saan ang lahat ng tertiary schools sa lungsod ay maglalaban-laban.
Ang Calapan University ang palaging nagka-kampeon dito at ni isang talo ay walang nakuha ang mga ito sa nakalipas na dalawang season. Ang CISA naman ang school na palaging nasa huli at nitong mga nakaraang torneyo, ni isa ay wala pa silang naiipanalo kahit isang game.
"Sana naman, may productive players tayong makuha this year," wika ni Reynan Alfante habang itinatali ng mabuti ang sintas ng kanyang itim at pulang sapatos. Siya rin ang starting center at ang team captain ng koponan. May taas itong 6'4 at isa sa pinakamataas sa team. Isa rin siyang graduating student at kumukuha siya ng Criminology.
Alfante, number 4!
"Maganda sana kung makakaranas na ako ng panalo. Last year ko na ito..." natatawa na lang nitong idinagdag. Pagkatapos ay tumayo na siya at nilapitan ang ilan pang players na nagwa-warm-up sa court. Pitong players ang kasalukuyang narito.
Kahit nga linggo ay may ilang mga estudyante pa rin naman ang nagbigay ng oras para makita ang magaganap na try out na ito. Karamihan ay lalaki at may mangilan-ngilan ding babae.
"Ay sayang! Wala si bebe Romero... Siya pa naman ang ipinunta ko rito," nakasimangot na sinabi ng isang babae sa gilid. May kasama pa ito at halatang dismayadong wala ang kanilang ipinunta.
"Wala si baby sissy!" may kalakasang sabi naman ng isang lalaking naka-make-up sa kabilang ibayo ng court. Kasama rin nito ang ilan sa mga kaibigang katulad din niya.
Hindi lahat ng naroon ay interesado sa laro, hindi rin kasi mawawala ang mga tulad nilang interesado sa maglalaro... interesado lamang na makita si Romero, ang ace player ng koponan.
Napahinto na nga lamang sa paglalaro ang mga players nang dumating ang isang may edad na lalaking bigotilyo. Nakasuot ito ng salamin sa mata at mahahalatang may ilan na rin itong puting buhok sa ulo. Suot-suot nito ang jogging pants ng school at naka-red plain shirt ito. May suot din ito sa leeg na silbato.
"Magandang umaga coach!" malakas na sabi ng pitong players ng CISA nang dumating ito.
Si Erik Arellano, ang team coach ng kanilang varsity team. Isa rin itong professor sa paaralan na nagtuturo ng subject na Physical Education.
Sandali muna nitong pinagmasdan ang mga players niya. Pipito lang ang narito, kasama na si Reynan. Inaasahan na rin naman niya iyon, lalo na ang hindi pagpunta ng kanilang star player na si Romero. Sandali rin niyang tiningnan kung may mga estudyante bang interesado pang sumali sa kanilang koponan at isang maliit na ngiti ang sumilay sa kanyang labi matapos iyon.
Hindi na nga pinaghintay ni Coach ang mga magta-try out. Pinapunta na niya sa loob ng court ang mga maglalaro. Doon nga ay may limang nagpunta sa gitna mula sa gilid ng court.
"May lima naman... Compare last year na dadalawa lang," sambit ng isang binatilyong isa sa mga manonood. Wala rin naman kasing magkakainteres na sumali sa isang winless team na gaya nito.
"Magpakilala muna kayo," winika ni Coach Erik na katabi si Reynan habang pinagmamasdan isa-isa ang lima.
Tatlo rito ay first year at dalawa naman ang second year.
Isa sa mga ito ay si Kier Cunanan. May ilang nakakilala sa second year na ito at kilalang-kilala ng mga players ang isang ito. Isang transferee student mula sa CU (Calapan University). Isa itong regular player ng varsity sa dating school. Matinik itong maglaro at magaling na shooter. Siya ang back-up Shooting Guard sa dating koponan.
Sigurado nga ang mga players na mapipili ito.
"Magandang back-up kay Romero," isip-isip ni Reynan habang nakatingin sa seryosong tindig ng manlalarong mula sa pinakamalakas na koponan sa CBL.
"Pwedeng makapasok ang isang ito sa first 5," wika naman ng coach sa isip nito na nagkaroon ng kaunting buhay dahil batid niyang malakas maglaro ito.
Nagpakilala na rin nga ang huling magta-try-out. Ito lang ang pinaka-naiiba ang suot sa lima dahil nakapam-PE uniform lang ito samantalang naka-jersey ang mga kasama.
"Ricky Mendez po! Second year, Education ang course..." Mas malakas pa nga ang kabog sa dibdib ni Ricky kaysa sa kanyang boses nang mga sandaling iyon.
"Naligaw yata ang isang ito..." bulong na lang nga ng isa sa mga nanonood.
"Pre, sa Monday pa ang PE!" pang-aasar naman ng isa dahil nilakasan pa iyon na naging dahilan upang mapatawa ang ilan sa mga nanonood.
"Hindi ba, siya iyong natamaan ng bola nitong nakaraan?" bigla namang nasabi ng isa at napatango naman ang lahat. Naalala nila bigla ang nangyaring iyon.
Mas lumakas ang kaba ni Ricky dahil doon. Nakaramdam din tuloy siya ng hiya dahil pinagtitinginan siya at pinagtatawanan. Para ngang may boses sa kanyang utak na nagsasabing umatras na siya. Pero meron din namang nagsasabi na masasayang ang kanyang ilang araw na pagpa-practice kung kanyang gagawin iyon.
Muli na ngang nagsalita si Coach. Sinabi nito kung ilan lang ang makukuha mula sa lima. Dalawa! Hindi tuloy maiwasan ni Ricky na ikumpara ang sarili sa mga kasabay. Halata niyang marurunong na ang mga ito kung ikukumpara sa kanya.
"Dahil lilima kayo! Magkakaroon tayo ng 5v5 na laro."
"Isang 10 minutes game laban sa limang varsity players. Hindi ninyo kailangang manalo. Gawin lang ninyo ang alam ninyo sa loob ng court sa loob ng oras na iyon," wika ni Coach Erik na napatingin na sa kanyang mga players.
Doon ay tinawag na nga nito ang mga maglalaro mula sa kanyang team. Si Arnold Cortez (#7), ang starting Point Guard ng team. Sumunod ay ang starting Power Forward na si Ramil Reyes (#30). Sinundan naman ito ng backup Shooting Guard na si Raven Cruz (#34) at backup Small Forward na si Troy Martinez (#45) na magaling din sa pagtira sa labas. Ang huli nga ay ang backup ni Reynan na si Rodel Zalameda (#11).
Nagharapan na ang dalawang grupo sa gitna ng court matapos iyon. Nagkamayan muna sila bago magsimula at si Ricky ay hindi maiwasang mapalunok ng laway nang makita ang makakalaban. Ang tatangkad ng kanilang kalaban at nanliliit sila sa mga ito. Lalong-lalo na nga siya dahil siya rin ang pinakamababa sa lahat. 5'5 lang ang kanyang height at nagmukha siyang maliit dahil sa makakalaban.
"K-kaya ko ba ito?" tanong ni Ricky sa sarili. Isang malalim na paghinga na sinundan ng pasimpleng pagbuga muna ang kanyang ginawa upang bawasan ang nararamdamang kaba.
Si Coach Erik naman ang tumayong referee ng laban.
"Do your best! Ipakita ninyo ang kaya ninyo sa loob ng 10 minutes! Game!" wika pa ni Coach at umayos na ang lahat. Isinubo na nga nito ang silbato at pagkatapos ay inihagis paitaas ang hawak na bola sa gitna ng dalawang tatalon sa gitna ng court.
Seryoso ang lahat ng mga nanood nang magsimula ang laro. Nakuha ng varsity team ang possession mula sa jump ball. Mabilis kaagad na tumakbo ang mga ito habang dina-drive ang bola patungo sa side nila.
Nasa Shooting Guard (SG) position si Ricky nang oras na iyon. Malakas nga ang kabog ng kanyang dibdib dahil sa kaba. Naging dahilan tuloy iyon upang malusutan siya ng kanyang binabantayan na si Raven Cruz. Isang mabilis na 2-0 nga kaagad ang naitala ng varsity players dahil doon.
"P're, gising..." wika ng isa sa kakampi ni Ricky sa kanya na may kasama ring pagtapik sa balikat.
"S-sorry..." iyon na lang ang nasabi ni Ricky matapos iyon.
Lumipas ang unang limang minuto ng laro at 13-4 na ang score na pabor sa varsity. Isa pa, tanging si Kier Cunanan ang pumuntos ng iskor ng mga try-outees. Ito ang nasa Point Guard (PG) position at panay ang pasok nito sa ilalim. Minsan nga ay bumibitaw rin ito ng jumpshot mula sa labas. Ngunit dahil sa depensa ng varsity team, ay dalawang basket pa lang nakukuha nito. Dahil din doon kaya nagrereklamo ang mga kakampi nito dahil hindi sila pasahan ni Cunanan kapag nandito ang bola.
Tanging si Ricky nga lang ang hindi nagrereklamo sa kadahilanang, hingal-kabayo na ito sa pagtakbo. Basang-basa rin ng pawis ang katawan nito at halos lumawit na ang dila dahil sa pagod.
Muli ngang nakapuntos ang varsity team matapos maipasok ni Martinez ang isang tres, at 16-4 ang naging score matapos iyon.
"G-ganito pala sa t-tunay na laro..." wika ni Ricky sa sarili. Doon ay bigla na lang din tumunog ang silbato ni Coach Erik. Dahilan upang mapatigil ang mga naglalaro.
"Time-out muna ng 1 minute! Mukhang pagod na ang mga bata ng kabilang team," wika ni Coach.
Agad na pumunta ang mga players sa bench. Halos matumba na nga si Ricky sa pag-upo. Mabilis din siyang uminom ng tubig mula sa baon nito. Hinihingal na rin nga ang tatlo niyang kasama na kanya-kanya na rin ng inom ng kani-kanilang tubig. Tanging si Kier na nga lang ang hindi gaanong pagod. Pawisan lang ito pero hindi gaanong hinihingal. Seryoso nga rin itong umiinom ng dalang tubig.
"P're, pasahan mo naman kami ng bola..." winika ng isa sa mga kakampi nito.
Napahinto sa pag-inom si Kier at napangisi nang bahagya matapos marinig iyon.
"Tss... Pagod na nga kayo... Paano ko pa kayo papasahan?" wika ni Kier na may halong kaunting pagyayabang.
"Buwaya..." sambit naman ng isa na hindi naman pinansin ni Kier na muling uminom ng tubig.
Todo-punas naman ng pawis si Ricky habang nakaupo at hingal na hingal. Hindi pa siya nakakahawak ng bola mula kanina. Isa pa, wala rin naman siyang magagawa kaya tama rin na hindi siya pasahan ng bola. Sa pagkakataong iyon ay naalala niya ang sinabi ng ate ni Andrei sa kanya na bahagyang nagpakuyom ng kanyang kamao habang nakaupo.
"Depensa!"
"Kung hindi ka magaling sa pag-iskor. Galingan mo sa depensa. Habolin mo ang bola. Pilitin mong makuha at huwag mong pakawalan. Dahil kapag nasa inyo ang bola. Tsansa iyon para makapuntos ang team!"
"Lagi mong tatandaan na ang basketball ay isang team sports." Nakangiti pa si Andrea habang sinasabi iyon.
Uminom pang muli ng tubig si Ricky. Naramdaman niyang nabawasan ang kanyang hingal sa loob ng isang minuto. Isa pa, nang maalala niya ang sinabi ni Andrea ay bahagyang nabawasan ang kaba sa kanyang dibdib.
Tumunog muli ang silbatong na kay coach Erik. Iyon ang hudyat na magpapatuloy nang muli ang laro.
"H-hindi pa ako pagod... K-kabado lang ako..." sambit ni Ricky na biglang napasigaw pa na ikinabigla ng lahat.
May narinig siyang mga tawanan mula sa mga nanonood kaya bahagya siyang nahiya pero nang muli siyang pumasok sa court ay iwinaglit niya iyon para magpokus sa laro.
Nasa kanila ang possession ng bola. Muli ngang sumalaksak si Kier sa ilalim kahit bantay-sarado ng dalawang defender. Halatang wala itong balak pumasa ng bola sa kasama. Ngunit nang bibitawan na nito sa ere ang bola ay bigla na lang iyong naglaho.
Na-steal ni Cortez ang bola mula sa kamay nito.
"Pasa!" sigaw naman ni Troy na tumatakbo na kaagad papunta sa kanilang basket.
"Hanep! Depensa!" malakas na sabi ni Kier na tumatakbo na rin patungo sa kabila. Subalit huli na sila dahil mabilis ang pagtungo ng bola papunta kay Troy Martinez. Eksakto nitong nasambot ang bola at imbis na dumiretso sa basket ay pumwesto ito sa paboritong lugar, ang 3-point territory. Ngumisi pa ito at pagkatapos ay binitawan niya ang bola para itira papunta sa basket.
Subalit, isang hindi kalakasang tunog ng pagtapik ng bola ang biglang narinig sa paligid. Nabigla si Troy dahil nasa tagiliran na niya ang player na nakasuot ng P.E. uniform. Tinapik nito ang bola mula sa kanyang mga kamay.
Tumalbog palayo ang bola matapos iyon. Pero hinabol pa rin iyon ni Ricky at pagkakuha niya ay kanyang nakitang tumatakbo pabalik si Kier. Doon nga ay ibinato niya ang bola patungo sa kakampi.
Hindi iyon tantyado. Hindi rin niya alam kung tama ang kanyang pagpasa. Subalit si Kier ang nag-adjust para rito. Nasambot pa rin nito ang bola sa kabila ng hindi magandang direksyon nito.
Napangisi pa ito bago tuluyang gawin ang isang libreng lay-up.
"Nice pass!" bulalas pa nito pagkababa sa court.
Ang bilis ng pangyayaring iyon. Hindi nila inaasahan iyon.
Si Coach Erik naman ay napatingin sa pagod na pagod ng player na nakapam-PE. Nakita niya ang todong-paghabol nito kay Troy kanina. Na-steal nito ang bola dahil kampante ang player niya. Pero ang hinangaan niya rito ay ang paghabol pa muli nito sa bola. Sa isang hindi inaasahang pagkakataon ay napatingin siya sa binatang iyon.
Depensa. Ito ang salitang paulit-ulit na tumatakbo sa isip ni Ricky nang oras na iyon kahit tila babagsak na ang kanyang katawan dahil sa pagod.