Apoy 12

2704 คำ
NANG imulat ko ang aking mga mata ay ang mukha ni Venus ang agad kong nakita. Kinabahan din ako nang maramdaman kong nakahiga ako sa lap niya. Pinapagaling pa niya ako pero naiilang na ako sa kanya. Babae siya at lalaki ako! Gusto ko nang bumangon pero ayaw namang sumunod ng aking katawan. "Sira ulo ka!" biglang sinabi ni Venus sa akin. Hindi ko alam kung bakit, pero pansin kong namumula siya. "Bakit na naman?" tanong ko pero inirapan niya lang ako. Hindi na siya umimik at itinuon na lang niya ang kanyang sarili sa pagpapagaling ng mga natitira kong sugat. Wala pa ring malay ang mga g**g member na pinatulog namin nang kami'y umalis ni Venus. Hindi na rin namin ipinaalam sa iba ang mga nangyari. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit ang tahimik ng babaeng kasama ko. Medyo namumula pa rin siya at parang may malalim pang iniisip. Pero bahala na nga siya...Mas mabuti nga't tahimik. "Uuwi na ako," sabi ko sa kanya nang maihatid ko siya sa sakayan. "S-sige," tugon naman niya. Hindi ko maintindihan kung ano ang nayari sa kanya, para kasing naiilang siya sa akin. Pero 'di ko na inalam kung bakit at umalis na lang ako para makauwi. Maaga akong natulog kinagabihan, dahil siguro sa napagod ako sa mga nangyari. Pakiramdam ko nga'y nakikipagsuntukan pa rin ako. "Kung m'yembro sila ng gang... siguradong may susunod pa." KINABUKASAN, ang akala ko'y magigising ako nang maaga pero hindi pala. Tinanghali pa rin ako kaya naman dali-dali akong naghanda para pumasok. 'Di ko na dinamihan ng kain para 'di ma-late sa unang subject. Para pa namang armalite ang bibig ng teacher namin do'n. "Sa short cut ako dadaan," sabi ko habang tumatakbo. Laging sa short cut ako dumadaan 'pag mahuhuli na ako sa pagpasok. 'Yon nga lang, sa likod ng school ako dadaan. Akyat sa bakod, matapos dumaan sa taniman ng kalamansi. Wala namang makakapansin sa akin dito. Pero ang inaakala kong mapapadali ay mukhang hindi mangyayari... Napansin kong kanina pang may sumusunod sa akin kaya tumigil na ako sa pagtakbo. Nang makita ko ang pagmumukha nila ay mukhang alam ko na kung sino sila. "Ang mga kolokoys g**g na naman..." Pero anim lang sila kaya madali lang ito. Pamalong tubo pa rin ang dala nila. Mabuti na lang at 'di b***l ang dinadala nila. Isa-isa silang nagngisian at dahan-dahan akong nilapitan. Alam kong susugod na sila pero 'di nila ako mauutakan. Ayaw ko nang mabugbog sa umpisa kaya inunahan ko sila. Mabilis kong sinuntok sa sikmura ang dalawa. Hindi uubra sa akin ang mga ito dahil nakikita ko ang mga atake nila, kaya walang kahirap-hirap kong naiiwasan ang mga pag-atake nila sa akin. Nawalan kaagad ng malay ang dalawa kong sinuntok. Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang ganito kalakas ang suntok ko. Maya-maya pa'y maliksi ko namang iniwasan ang pagpalo ng tubo sa akin ng isa sa kanila. Paulit-ulit niya pa itong ginawa pero hangin lang natatamaan niya at laking-gulat pa nito nang bigla akong lumitaw sa kanyang harapan. "Pasensya na..." sabi ko pa at isang malakas na suntok mula sa akin pinatama ko sa sikmura niya. Nagulat pa ako nang dumausdos palayo ang katawan niya at nang tingnan ko ang aking kanang kamao... umuusok ito ng kaunti. Nagtaka ako kung sa'n iyon galing pero bago ko pa 'yon isipin ay may kailangan pa akong tapusin. Nanlaki naman ang mata ng dalawa pang kolokoy nang masalag ko ang tubong ihahampas sana nila sa akin. Nginisian ko pa sila at huli na nang malaman nilang nasuntok ko na ang kanilang sikmura. Mabilis ang ginawa kong iyon at nakadapa silang bumulagta sa lupa. "Isa na lang." Nakangisi kong nilingon ang natitira nilang kasamahan. Ang sama ng tingin nito sa akin at malakas ang kutob kong siya ang pinakamatapang at pinakamalakas sa mga ito. Nagawa pa niyang ihagis palayo ang tubo niyang dala. Mukhang gusto niya ng patas na laban. "Hindi ako madaling matalo..." sambit niya habang pinapalagutok ang kanyang kamao. "'Yang mga 'yan... mga mahihina sila!" "Hindi kita uurungan," tugon ko at mabilis ko siyang sinugod. Pero laking-gulat ko nang bigla siyang mawala. Mukhang mabilis siya kaya agad kong tiningnan kung saan siya nagpunta. "Ayos..." nasabi ko na lamang nang makita ko siyang tumatakbo palayo. Ang akala ko pa naman ay lalaban, 'yon pala'y tatakasan lang ako. Saglit tuloy akong napaisip kung kailan kaya ako titigilan ng mga walang magawang g**g na iyon? Si Jupiter daw na boss nila, malakas kaya ang taong iyon? Dumiretso na ako sa school at iniwang walang malay ang mga sira-ulong lumaban sa akin. Hindi na tuloy ako nakapasok sa unang subject dahil ilang minuto na ako late kaya sa mini-forest na lang ng school ako tumambay. Tamang-tama dahil nandito pa rin 'yong isang punong may mababang sanga. Paborito ko kasi itong pwesto at dito ako madalas tumambay 'pag walang klase. 'Pag tumingin kasi ako sa taas ay kitang-kita ko ang langit. Kaso bihira na akong maka-tambay rito... simula nang dumating ang babaeng iyon. Sandali akong natahimik habang naka-upo sa sanga ng puno nang maalala ko siya. Pakiramdam ko'y ang dami nang nabago sa akin magmula nang dumating siya. Parang 'di na ako si Marcelo na walang pakialam sa paligid. Dati ang daming natatakot sa akin dito sa school pero ngayon, parang dumarami na ang gustong makipagkaibigan sa akin. Simula nang dumating ang abnormal na babaeng iyon ay kung ano-ano na ang mga napasukan ko. Ginawa pa niya akong boyfriend sa kanyang Lolo't Lola. Pakiramdam ko tuloy ay parang lumalambot na ako. Parang mas gusto ko pa 'yong dati... 'yong dating walang nakikialam sa akin. 'Yong ako lang mag-isa. Mas sanay kasi ako na nag-iisa. Ayaw ko namang magkaroon ng kaibigan... Siguradong iiwanan lang nila ako. Parang dati, iniwanan na nga nila ako... ipinabugbog pa ako. Pinilit kong makalimutang ang pangyayaring iyon, pero mahirap. Kahit anong gawin ko'y may mga oras talaga na sumasagi sa isip ko ang pangyayaring iyon. Ayaw ko na... Ayaw ko nang magtiwala pa! Para makalimutan ko pansamantala iyon ay tumingin na lang ako sa ulap. Napakalma nito ang tensyong bumabalot sa sarili ko. Mabuti na lang at may ulap, nasabi ko na lang sa aking sarili. "Hoy! Mars." Narinig ko na lang na may tumawag sa akin mula sa baba. "Bumaba ka nga d'yan. Kanina pa kitang hinahanap, nand'yn ka lang pala..." Si Venus pala, mukhang tapos na ang unang klase. May vacant kasing 30 minutes pagkatapos ng first subject namin 'pag umaga. "Bumaba ka na nga d'yan! May dala akong snacks, oh," dagdag pa niya nang 'di ko siya pansinin. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtingin sa ulap at 'di ko siya pinansin. Pero kinabahan na ako nang makita kong nag-iipon na si Venus ng bola ng tubig sa kanyang kamay. "Hoy! Ano!? Ba-baba ka ba o gusto mo pang masaktan?" pananakot pa niya sa akin. "Ayaw mo talaga?" "Oo na! 'Eto na nga," mabilis kong tugon. Natakot din ako, kaya agad akong bumaba mula sa sangang inuupuan ko. "Subukan mo na patamain sa 'kin 'yan... 'Di na talaga kita papansinin kahit kailan," dagdag ko pa. "Madali ka naman palang kausap," sabi naman ni Venus at unti-unting nawala ang nabuong tubig sa kanyang palad. "Bakit ka nga pala absent sa unang subject natin?" bigla niyang naitanong habang nakapa-maywang sa harapan ko. "Late na kasi ako...Kilala mo naman ang teacher natin sa Economics. Raratratin ako no'n ng mura." Pasimple pa akong napatawa nang maalala ko ang huling beses na na-late ako sa subject na iyon. "Tinopak ka na naman siguro?" aniya. "O baka tinamad ka lang talaga?" Medyo 'di ko nagustuhan ang sinabi niyang iyon, kaya seryoso ko siyang tiningnan. "Hinarang kasi ako ng grupo nina Jupiter...'Yong bagong g**g daw sa Poblacion," pag-amin ko. "Mayayabang kasi. Ayun! Tinuruan ko na rin ng leksyon," dagdag ko pa. Sa sinabi kong iyon ay biglang sumama ang tingin ni Venus sa akin. Binatukan pa niya ako. "Sira ka talaga!" "Pasalamat ka! Pa'no kung ikaw ang naturuan nila ng leksyon?" dagdag pa niya at binatukan na naman niya ako. Doon na rin ako nainis... "Ano ba!" pagalit at may kasamang pagdadabog kong sinabi sa kanya. "Kailangan ba na batukan mo pa ako!?" "Bakit? May angal ka? Dapat nga'y matuwa ka sapagkat may babaeng sumasama sa 'yo," sabi niya. "Baka nakakalimutan mo, 'pag ikaw ay nasa gipit na sitwasyon... sino ang tumutulong sa 'yo? 'Di ba ako?!" Nainis lalo ako sa kanyang mga sinabi kaya ibinalik ko sa kanya ang sandwich na ibinigay niya sa akin. Parang pinapalabas niya, na sa kanya ako dumedepende. Na kung wala siya ay wala na akong silbi. Pakiramdam ko pa'y parang ipinamumukha niya sa akin na siya ang dahilan kaya ako nakakaligtas sa mga gipit na sitwasyong napapasukan ko. "Sinabi ko ba, na tulungan mo ako? Hiniling ko ba? 'Di ba hindi?!" sabi ko na sa kanya. "D'yan ka na nga! 'Di ko naman kailangan ng kaibigan...Sanay na 'kong mag-isa!" Pagkasabi ko no'n ay agad akong tumayo. Umalis at iniwanan ko siya nang 'di man lang nakapagsasalita. Hindi ko naman kasi kailangan ng kaibigan, lalo na kung tulad niya. "Hindi ko kailangan ng kaibigan!" paulit-ulit kong sinabi sa aking sarili habang naglalakad. PAGDATING ko sa room ay padabog kong inilapag ang aking bag sa upuan ko. Matapos kong umupo ay nagawa ko pang itaas ang aking paa sa upuang nasa aking unahan, dahilan para maglayuan mula sa akin ang mga kaklase ko. Pero ang mas ikinagulat nila ay nang itulak ko palayo ang nag-iisang upuan sa aking tabi, ang upuan ng babaeng iyon. Natumba ito at nahulog pa sa sahig ang bag niyang nakalagay roon. Dahil nakabukas ang bag, kumalat tuloy ang ilang notebook at aklat na laman nito sa sahig. Dumungaw ako sa bintana at tumingin sa labas nang mapansin kong dumating na siya. Tahimik niyang pinulot ang kanyang gamit at pagkatapos ay itinayo niya ang kanyang upuan. Inilayo niya ito mula sa upuan ko at nakayuko siyang umupo. Napansin ko pa ang pagkuha niya ng kanyang panyo mula sa bulsa ng palda niya. Itinakip niya ito sa kanyang mukha at doon ko na narinig ang paghikbi niya. 'Di nga nagtagal ay napansin kong tuluyan na siyang humagulhol sa pag-iyak na ikinagulat ng mga kaklase namin. Nang makita ko siyang umiiyak, parang may kung anong matigas na bagay ang sumuntok sa dibdib ko. Ang inis kong nararamdaman ay napalitan ng 'di maipaliwanag na lungkot. Napansin ko pang nilapitan siya ng mga babae kong kaklase para damayan at patahanin. Para tuloy may kung anong bagay ang pumepwersa sa aking lapitan siya, pero 'di ko na ginawa. Naitanong ko rin tuloy sa sarili ko kung ako ba ang may kasalanan ng pag-iyak niya? Hindi ko talaga maintindihan, pero nang mga oras na 'yon ay kakaibang lungkot ang nararamdaman ko. Kinahapunan, matamlay akong umuwi ng bahay. Pakiramdam ko'y napakawalang-kwenta ng araw na ito para sa akin. Parang may kulang na 'di ko maintindihan. Pakiramdam ko pa'y parang napakalungkot ng araw na ito. Dahil ba walang makulit? Dahil walang nang-asar sa akin? Dahil ba sa kanya? "Gago! S'yempre hindi!" sabi ko bigla sa aking sarili. Inabot na ako ng dilim sa pagtingin sa malayo mula sa bintana ng aming bahay. Hanggang sa isang asul na liwanag ang lumabas sa direksyong tinitingnan ko. Napakaliwanag nito at sa pagkakaalam ko'y sa lugar kung nasaan ang school ito nagmumula. Nagtaka ako kung ano iyon kaya agad akong nagpaalam kay Nanay na ako'y lalabas saglit. 'Di ko na sinabi kung bakit, basta nagmadali agad ako para malaman kung ano ang liwanag na nakita ko. Tumakbo na ako papunta roon at sa 'di ko maipaliwanag na dahilan ay biglang bumilis ang t***k ng aking puso. Nakadama ako ng kaba habang papalapit ako sa pinagmumulan ng liwanag. "A-ano 'to?" bulalas ko nang bumungad sa akin ang mga nakatigil na tao, sasakyan at lahat ng mga bagay na nasa paligid... sa paligid ng school kung saan nanggagaling ang asul na liwanag. Mismong ang pagpatak ng tubig at paglaglag ng dahon ay gano'n din. 'Yong mga nag-iinom sa tapat no'ng tindahan, parang mga buhay na estatwa. Para bang tumigil ang oras sa lugar na ito, pero bakit 'di ito napapansin ng mga taong malayo sa lugar na ito? 'Yong mga taong 'di naapektuhan ng paghinto at malapit dito ay bakit 'di ito nakikita? Sino o ano ang may gawa nito at bakit ako'y 'di naaapektuhan? Ang dami kong tanong pero binigla ako ng isang malakas na pagsabog. Nagmula ito sa ceremonial ground ng school dali-dali akong pumunta roon. Tumambad sa akin ang tatlong nakaitim na kakaibang nilalang, mga pawang walang mukha at sa unahan naman nila ay isang matandang naka-itim na may hawak-hawak na martilyo. Hindi ito ang pangkaraniwang martilyong nakikita ko, kakaiba ito at nababalutan ng kuryente. Subalit ang mas gumulantang sa akin ay ang babaeng nakaluhod, wala nang lakas at namumukhan ko pa siya. Napapalibutan pa siya ng harang na tubig pero unti-unti na rin itong nawawala. "V-venus!?" nasabi ko na lang. "A-anong ginawa n'yo sa kanya!?" buong tapang kong itinanong sa mga kakaibang nilalang na nakikita ko. Hindi na rin ako napansin ni Venus dahil tuluyan na siyang nawalan ng malay. Naglaho na rin ang tubig na pomoprotekta sa kanya. Nagulat naman ang matandang may dalang martilyo nang makita ako, habang dali-dali naman akong pumunta sa unahan ni Venus. Idinipa ko ang aking mga kamay para ipaalam sa kanilang hindi ko sila hahayaang saktan ang babaeng nasa likuran ko. Ngunit isang matigas na bagay ang tumama sa mukha ko, dahilan para tumilapon ako palayo. Napakasakit no'n at 'di ko malaman kung saan ito galing at kung sino ang gumawa. Pinilit ko pa ring makatayo sa kabila ng aking natanggap pero nanlaki ang mata ko nang isang napakalaking bola ng kuryente ang humulma mula sa matanda. Nakaramdam ako ng kaba dahil nakatingin ang kakaibang nilalang na iyon sa walang malay na si Venus. Pinilit kong tumakbo para pigilan ang gagawin niya pero hindi ko magawa dahil medyo nanghihina ang aking mga tuhod. "I-itigil n'yo 'yan!" Sumigaw na ako para 'di niya ito ituloy pero parang 'di niya ako narinig. Kitang-kita kong desidido talaga ang matandang 'yon na patamaan ng bolang kidlat si Venus. Nakaramdam ako ng takot... takot na baka mapahamak si Venus at galit... galit sa mga nilalang na may gawa no'n sa kanya. Nagdilim na lang bigla ang tingin ko nang itinira na ng matanda ang bola ng kidlat papunta kay Venus. "Katapusan mo na! Water Princess..." sigaw pa ng matanda. "A-ang sabi ko..." "Itigil n'yo iyan!" galit na galit kong isinigaw. Biglang uminit ang buong katawan ko at bigla pang nagliyab ang aking kanang kamao. Napaligiran ako ng nagliliyab na apoy at isang dambuhalang apoy na ibon ang lumabas mula rito. Nagpakawala ng nakakabinging huni ang apoy na ibon at walang kahirap-hirap na natupok ng apoy ang bola ng kidlat na tatama sana kay Venus. Sinundan din ito ng pagsugod ng apoy na ibon sa mga kakaibang nilalang. Naglaho ang mga ito nang madikitan ng nagbabagang apoy ng dambuhalang ibon at tuluyan na ring nawala ang ibong-apoy matapos iyon. Gulat na gulat naman ako at 'di makapaniwala sa mga nangyari. Totoo nga ang sinabi ni Venus sa akin na kaya kong magpalabas ng apoy, pero bago ko pag-iisipin ang mga ito ay mas inuna kong puntahan si Venus. Alalang-alala ako kaya agad ko siyang niyakap. Pinagsisihan ko ang lahat ng mga ginawa kong 'di maganda sa kanya, lalo na nang magalit ako sa kanya kanina. "Venus, gising!" Niyugyog ko ng marahan ang balikat niya hanggang sa mapansin ko na lang ang kusang paghilom ng kanyang mga sugat. Napansin ko rin ang pag-angat ng mga butil ng tubig mula sa lupa at dahan-dahan itong pumapasok sa balat niya. "M-mars?" Bigla siyang nagising sa mga bisig ko at parang walang nangyari sa kanya dahil wala na ang mga sugat niya. 'Di ko na napigilan ang aking sarili't agad ko siyang niyakap. "Uhmmpt..." ungot ni Venus na gulat na gulat sa ginawa ko. "A-anong ginagawa mo rito?" tanong niya agad nang bitawan ko siya't sabay kaming tumayo. Hindi pa siya mapakali at nagpalinga-linga pa siya sa paligid. "T-teka... sina Zeus?" bigla niyang naitanong, pero isang nakakasilaw na liwanag ang gumulat sa aming dalawa. "Hoy! Anong ginagawa n'yo rito? Ginawa n'yo nang Motel ang paaralan. Magsi-uwi na nga kayo...Ang babata n'yo pa!" Si Manong Guard pala at may dalang flashlight. Bigla tuloy lumayo si Venus sa akin dahil sa sinabi nito at para pa siyang namula sa hiya. "Manong Guard! Wala akong alam sa sinasabi n'yo! Ihh..." pahabol pa ni Venus at hiyang-hiya siyang tumakbo palabas. Napakamot naman ako sa ulo dahil do'n... ang OA kasi ng sinabi ni Manong Guard sa amin.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม