Apoy 13

1811 คำ
PARANG walang nangyari pagkatapos no'n. Bumalik nang muli sa normal ang paligid. Napatingin pa ako sa mga nag-iinuman at parang walang naganap na paghinto nila kanina. Patuloy pa rin silang nagsasaya at nagyayabangan. Hindi ko na rin naabutan si Venus, mukhang nakasakay agad siya sa tricycle. Sana lang ay makauwi siya ng ligtas. Tapos ako naman ay umuwi na rin kaagad. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala sa mga nangyari at lalo na sa nagawa ko. Habang nakahiga ako ay napakalalim ng iniisip ko, kaya 'di agad ako nakatulog. Iniisip ko ang apoy na lumabas sa aking palad. Totoo iyon at alam kong 'di panaginip, pero bakit ko nagawa 'yon? Paano ako nagkaro'n ng gano'ng kapangyarihan? Mukhang tama nga si Venus, pareho nga kami... parehong 'di pangkaraniwan. Sumagi na rin sa isip ko ang tungkol naman sa mga nakalaban ko kanina. Sino nga kaya ang mga 'yon at bakit gusto nilang tapusin si Venus? Marami pa akong sa isip ko pero 'di ko naman alam ang sagot. "Bakit nga kaya ako nakapagpalabas ng apoy kanina? Paano nangyari 'yon?" naitanong ko na lang din sa aking sarili habang pinagmamasdan ang mga palad ko. Kinabukasan, maaga akong pumasok sa school. Habang naglalakad nga ako ay 'di ko maiwasang magmasid sa paligid dahil baka biglang may kakaibang nilalang na naman ang lumitaw. Gaya rin nga kagabi, iniisip ko pa rin ang mga nangyaring iyon. 'Di ko talaga akalaing may apoy na lalabas dito sa aking palad. Naiilang pa rin ang mga kaklase ko nang dumating ako sa room. Alam kong dahil ito sa nangyari kahapon at mas mabuti na rin ito, baka kasi biglang may lumabas na apoy sa palad ko... baka mapahamak pa sila dahil dito. Nagsimula ang una naming subject pero napansin kong wala pa siya. Ang akala ko'y late lang siya pero natapos na ang ikalawa at ikatlo naming subject at wala pa rin siya. Umabsent siya kung kailan may gusto akong itanong sa kanya. Medyo naasar tuloy ako dahil do'n... "Mr. Falcon..." "Mr. Falcon!" Napatayo ako bigla nang pasigaw akong tinawag ng teacher namin. Kanina pa pala niya akong tinatawag, at dahil lipad ang isip ko... 'di ko kaagad ito narinig. "Kanina pa kitang tinatawag dahil dito sa test paper mo pero 'di mo naman ako pinapansin," sabi pa ni Ma'am sa akin. "S-sorry po, Ma'am..." nakayuko ko namang tugon. NAISIPAN kong 'di na pumasok kinahapunan. Marami akong tanong sa aking sarili at pakiramdam ko'y alam ng babaeng iyon ang sagot dito. Ito na rin lang ang naisip kong paraan at wala na 'tong atrasan. Habang sakay ako sa tricycle ay may isang bagay pa ang biglang sumagi sa isip ko... May isang bagay pa nga pala akong dapat gawin, isang bagay na bihira kong sabihin pero mukhang kailangan kong masabi sa kanya. "Kailangan ko pang mag-sorry..." Malapit na ang sinasakyan ko sa bahay nina Venus nang bigla na lang huminto ito. "M-manong, ano pong nang---" Pero natigilan ako nang mapansin ang paligid. Lahat na naman ng bagay, at mga buhay na nilalang ay nakatigil. Ganito rin ang nangyari kagabi sa may school. Dahil dito ay kinutuban na ako. Siguradong may mga 'di pangkaraniwang nilalang na naman ang nasa paligid. "Kina Venus!" nasabi ko sa aking sarili kaya agad akong tumakbo papunta sa bahay nila. Tama nga ang hinala ko dahil nang marating ko ang bahay nina Venus ay tumambad agad sa akin ang nakaitim na matandang may hawak na martilyo. Buhay pa pala siya, taliwas sa naisip kong tinupok na siya ng aking apoy na ibon. Kumpara rin kagabi, mas marami naman ngayon ang kasama niyang alagad. Nakita ko rin sina Lolo't Lola na pinapalibutan nila. Hindi na rin ako nagulat nang makita kong komokontrol din sila ng tubig. "Nasaan ang Water Princess?" tanong ng matandang may hawak na martilyo sa Lolo't Lola ni Venus. "Hindi namin alam! Kaya ang mabuti pa'y umalis na kayo!" sagot naman ng Lola ni Venus habang unti-unting binabalot ng tubig ang kamay nito. "Sinungaling!" Isang malakas na kidlat ang biglang tumama sa kinatatayuan ng Lolo't Lola ni Venus matapos 'yong sabihin ng matanda. Mabuti na lang at maagap ang Lola ni Venus, mabilis siyang nakagawa ng harang na tubig. Gumamit din si Lolo ng kapangyarihang tubig, dahilan para mas kumapal ang pomoprotekta sa kanilang tubig. "Matigas kayo, huh...Mga alagad! Patamaan n'yo sila!" utos ng matanda sa mga walang mukhang mga alagad niya. Kasunod no'n ay sabay-sabay na gumawa ang mga ito ng itim na kapangyarihan at pagkatapos ay sabay-sabay nila itong pinatama sa Lolo't Lola ni Venus. Nakita kong nahihirapan na ang Lolo't Lola ni Venus dahil sa dami ng kalaban kaya naman mas binilisan ko pa ang aking pagtakbo. Nagliyab bigla ang mga kamao ko nang 'di inaasahan at pagkatapos ay naisipan kong tumalon papunta sa kanila. Laking-gulat ko na lang nang napakataas ng aking talon, 'di ko akalaing mas mataas pa sa punong niyog ang kaya kong talunin pero nagseryoso na ako nang makitang nasisira na ang harang na tubig nina Lolo't Lola. "Itigil n'yo 'yan!" buong tapang kong isinigaw habang nasa ere dahilan para tumingin sila sa akin. Nagulat sila nang makita ako at napansin ko pa ang paghigpit ng kapit ng matanda sa hawak niyang martilyo. Napansin ko ang paglaki ng apoy sa palad ko kaya 'di na ako nagdalawang-isip at agad kong ibinato ito sa mga kalaban. Pinilit nilang labanan ang apoy ko ngunit sa huli'y tinupok din sila nito hanggang sa sila'y maging abo. Tanging ang matanda lang ang natira dahil binalutan niya ng kidlat ang buo niyang katawan. Umuusok ang mga palad ko nang lumapag ako sa harapan nina Lolo't Lola. Pansin ko ang medyo pagkabigla nila sa aking ginawa pero bago ko ito isipin ay seryoso ko munang tiningnan ang matandang kalaban namin... "Buhay pa po pala kayo..." kalmado kong sinabi sa kanya. "Fi Ri Ri Ri!" Isang kakaibang tawa ang ginawa niya at ang kaninang galit niyang itsura ay naging kalmado. "Hindi ako basta-basta matutupok ng apoy mo bata...Magpasalamat ka pa nga dahil ang Water Princess pa lang ang misyong ibinigay ni Panginoong Lucifer sa amin..." "Pero mukhang mas matutuwa siya 'pag dinala kita sa kanya. Lalo pa't nakita ko nang palabasin mo ang sagradong Fire Phoenix!" dagdag pa nito na siyang ikinagulat ng Lolo't Lola ni Venus. "Sinasabi ko na nga ba't ikaw ay ang anak niya!" bulalas naman ng Lolo ni Venus subalit 'di ko naman sila maintindihan. "Tama na po ang kwento Lolong Kidlat. Maglaban na tayo!" matapang kong sinabi rito. "M-mag-iingat ka Mars! Hindi basta-bastang kalaban si Zeus," paalala naman ni Lola sa akin. "Tutulong kami sa 'yo!" "'Wag po kayong mag-alala...Kaya ko na po 'to." Biglang nagliyab ang apoy sa mga palad ko pagkatapos sabihin iyon. Nabigla sina Lolo't Lola dahil do'n samantalang nginisian naman ako ng matandang nagngangalang Zeus. Nabigla rin ako nang magbago ang kulay ng apoy ko, mula sa pula ay naging kulay orange ito. Napakaliwanag din nito at mukhang napakainit pero ang pakiramdam ko'y parang ang lakas ko. "Hindi mo pa ako kaya bata!" sigaw ni Zeus na tumatakbo palapit sa akin. Nababalutan din ng kidlat ang kamao niya kaya sumugod na rin ako para labanan siya. ISANG matinding salpukan ng kidlat at apoy ang naganap matapos magbanggaan ang aming mga kamao. Malakas siya para sa isang matanda pero kailangan ko siyang matalo kaya aking inisip na matatalo ko siya...Laking-gulat ko nang biglang lumiyab at lumaki ang apoy mula sa kamao ko. Unti-unti rin nitong kinakain ang kuryente ng kidlat ni Zeus na 'di ko maintindihan kung paano. "Fi Ri Ri Ri! Hindi mo pa rin ako kaya bata, ngunit siguro'y sapat na ang aking nakita. Pinatunayan mong isa ka nga sa Prinsipe ng Apoy..." Bigla na lang siyang nawala matapos niya iyong sabihin. Napasuntok tuloy ako sa lupa dahilan para mag-apoy ang dating kinatatayuan niya. Nanatiling umaapoy ang palad ko, pero ang aking mga narinig... totoo kaya ang mga iyon? "Ako? Isang prinsipe?" tanong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang apoy sa aking palad. BUMALIK nang muli sa normal ang paligid na parang walang nangyari. Wala man lang kaalam-alam ang mga taong malapit dito tungkol sa nangyari, pati na rin sa pagtigil nila. Naglaho na rin ang apoy sa mga kamay ko pero ang lupang nasuntok ko... nasusunog pa rin. "Iho, tumuloy ka muna rito sa loob," sabi ng Lola ni Venus sa akin. Ipinaghanda agad nila ako ng juice pagkapasok namin ng bahay. Nang mapatingin ako sa kanila ay napaka-kalmado nila. Parang walang nangyari... "Kailan mo pa natuklasan ang kapangyarihan mong iyan?" seryosong tanong ni Lolo sa akin. "K-kagabi lang po..." maikli kong sagot matapos uminom ng juice. "Kaya pala magkamukha kayo ni Haring Alpiro." Panibagong pangalan na naman ang narinig ko mula sa sinabing iyon ng Lolo ni Venus. "A-ah...Si Venus nga po pala?" naitanong ko bigla. Seryoso nila akong tiningnan matapos kong itanong iyon kaya 'di ko tuloy naiwasang mapalunok ng laway dahil sa kaba. "Wala siya ngayon dito, iho. Pinapunta kasi namin siya sa kanyang Kuya para ibalita ang pagkilos na nina Lucifer dito sa Mundo." Napuno ng katahimikan ang bahay nina Venus matapos iyong sabihin ni Lolo. Ikalawang beses ko na ring marinig ang pangalang Lucifer at may Kuya pala si Venus. "Uuwi rin siya bago gumabi. Hihintayin mo pa ba siya?" tanong naman ni Lola sa akin. Alam kong kailangan ko pang magtagal dito kaya sinabi kong hihintayin ko si Venus. Mukha kasing maraming nalalaman sina Lolo't Lola at baka masagot nila ang mga tanong ko. "Kumain ka na ba, iho?" tanong ni Lola sa akin. "Kumain na po," sagot ko naman. "Ah...Gano'n ba, sige iho. Kakain muna kami ng Lolo mo at pagkatapos ay may pag-uusapan tayo." Pagkatapos iyong sabihin ni Lola ay dumiretso na siya sa kusina. Pumunta naman sa hapag-kainan si Lolo pero bago siya pumunta ro'n ay may sinabi muna siya sa akin. "Maraming salamat iho," nakangiting sinabi ni Lolo at pagkatapos ay tinapik niya ang aking balikat. Napangiti tuloy ako dahil doon. PAGKATAPOS kumain at magpahulaw ng kinain nina Lolo't Lola ay umupo na sila sa tapat ko. Bago sila umupo ay sumaglit muna si Lola sa kanilang kwarto samantalang si Lolo naman ay naiwang may malalim na iniisip. Nang maupo si Lola ay may hawak-hawak na siyang libro, isang kulay abo at mukhang lumang aklat. Nagtataka lang ako dahil sa kabila ng mga nangyari ay heto't napaka-kalmado nila na parang walang nangyari o baka sadyang ganito lang sila. "Iho, maniniwala ka ba kung sasabihin naming hindi ka isang tao?" sinimulang tanong ni Lolo para sa 'kin at pagkatapos ay seryoso nila akong pinagmasdan. Napaisip ako sa tanong na 'yon. Ang kakayahan kong makapagpalabas ng apoy, alam kong 'di 'yon magagawa ng isang normal na tao. Naisip ko rin kung posible kayang may kapangyarihan din ang Nanay ko? May mga tanong pa ako pero ramdam kong alam ng Lolo't Lola ni Venus ang sagot sa mga ito. "Sa mga nangyari po, mukhang dapat nga po akong maniwalang 'di ako normal..." Ngumiti sila matapos nilang marinig ang sagot ko. Dito na rin inumpisahang buklatin ni Lola ang aklat na hawak niya. "Iho, bago ang lahat...Nais kong makinig ka muna sa aking ikukwento," sabi ni Lola. "Ang kasaysayan at mga nangyari sa mundo ng Elementalika…”
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม