ISANG malakas na suntok ang kaagad pinakawalan ni Boy Bato sa akin. Mabuti na lang at nasangga ko ito gamit ang aking braso, pero ramdam ko ang impact no'n. Kung sa mukha ko 'yon tumama ay baka nahilo na ako.
"Aba! Matibay ka, huh!" ani pa niya at pagkatapos ay sunod-sunod na suntok ang kanyang ginawa.
Puro depensa naman ang ginawa ko pero mukhang malapit na itong mabuwag. Oo nga't nakikita ko ang galaw niya sa 'di maipaliwanag na dahilan, subalit may bigat ang mga suntok niya at nararamdaman ko ang hapdi sa aking mga bisig.
"Arghh! Kailangang bumawi," sabi ko sa aking sarili at isang mabilis na suntok ang ginawa ko pero nabigla ako nang may tumamang malakas na suntok sa aking sikmura. Sa lakas no'n ay muntik pa akong mapasuka. Hindi ko nakitang ginawa niya iyon, kaya heto't napaluhod ako sa lupa.
"Arghh!" Bigla pang umikot ang paningin ko nang sipain niya ako ng napakalakas sa mukha.
"No match!" bulalas ng karamihan nang bumulagta ako sa lupa.
Ngayon ko lang naisip, bakit natatamaan niya ako, gayong nakikita ko namang ang bagal ng mga galaw niya? Bakit 'pag sa iba ay madali ko lang na naiiwasan?
"Ano?! Ang angas mo... eh 'di mo naman ako kaya," sabi ni Boy Bato sa akin habang tinatapakan ang ulo ko.
"Hindi basta-basta ang lakas ko. Beterano na ako sa bugbugan..."
"Bumangon ka!" dagdag pa niya at pinagsisipa niya pa ako.
Sa mga ganitong pagkakataon ay kailangan ko na talagang lumaban. Na-corner na ako, at ito na lang ang pwede kong gawin. Kung mabugbog man ako, dapat ay ay makasuntok man lang ako.
"S-sira ulo ka! Papatulugin kita ng isang suntok lang!" buong tapang kong sinabi sa kanya na ikinabigla ng marami.
"A-anong sinabi mo?" Bigla akong itinayo ni Boy Bato at nakangisi akong tinanong.
"Anong sinabi mo?!" Muli niya akong tinanong pero pasigaw na ito at gigil akong hinawakan sa aking baba.
Napangisi ako para asarin siya.
"A-ang sa...bi ko... P-pa...patulugin kita... gamit ang i-isang suntok?!" sabi ko sa kanya at mabilis kong kinuyom ang aking kamao.
Naramdaman kong parang nag-init ang kanang kamao ko... Para ring napupuno ako ng lakas. Nanggigil pa ako nang makita ko ang mukha ni Boy Bato.
"I-ikaw? Sa sitwasyon mo, nagyayabang ka pa rin..." sabi niya sa akin na para pang nang-aasar.
Ngumisi ako.
"O...oo!" sagot ko at pagkatapos ay sinuntok ko siya ng napakalakas sa mukha.
NANLAKI ang mata nila sa pagkabigla nang makitang duguan ang mukha ng tumatayong kanilang lider, nakabulagta at walang malay. Ilang metro rin ang layo niya mula sa akin. Hindi nga ako makapaniwalang mapapatalsik siya ng suntok kong iyon. Pero 'di ko na inisip kung paano ko iyon nagawa, basta ang nasa isip ko ay kung paano ako makakalusot dito. Ramdam kong parang lumakas ako, pero medyo nahihilo pa rin ako dahil sa pagsipa ni Boy Bato sa mukha ko kanina.
Napatayo ako mula sa pagkakaluhod nang bigla akong palibutan ng mga kasamahan ni Boy Bato. Lahat sila ay masama ang titig sa akin at lahat din sila ay may dalang armas na kahoy at tubo.
"Ang utos sa amin ni Boss Jupiter ay turuan ka ng leksyon!" sabi pa no'ng isa sa akin.
"Mapapalaban talaga ako," bulong ko nang mapansing papasugod na sila. Sa dami nila, tiyak nang mahihirapan ako rito. Wala naman akong mata sa likod kaya hindi ko maiiwasang maatake mula sa likuran. Alam ko namang dehado ako, pero ano pa bang magagawa ko?
"Hoy! Mga gunggong!" Pero natigilan sila nang biglang may nagsalita mula sa taas.
Nabigla na lang ako nang biglang lumitaw sa harapan ko si Venus galing sa itaas.
"Sira ka talaga, Mars! Ano na naman 'tong pinasukan mo?" sabi niya kaagad sa akin at kinurot pa niya ako sa tagiliran.
"Aray!" bulalas ko.
"Ano bang ginagawa mo rito?" tanong ko kay Venus.
"Bakit? Bawal ba? 'Di ba ang sabi ko, ako ang Boss!" nakapamewang pa niyang sinabi.
Napakibit-balikat na lang ako. "S-sabi ko nga..."
"Kaya mo pa ba?" tanong ni Venus.
"K-kaya pa," pagyayabang ko naman kahit ramdam kong hindi.
Ang bagal ng mga kilos nila kumpara kay Boy Bato, wala ring pwersa ang mga atake nila kaya hindi kami nahirapan ni Venus na patumbahin sila. Ako ang bahala sa mga nasa harapan ko, samantalang si Venus naman ang bahala sa mga nasa likuran ko.
Walang kahirap-hirap na naiwasan ni Venus ang mga atake ng kalaban, pero ako... dahil sa nanghihina ang mga tuhod ko ay natatamaan pa rin nila. Pansin ko pang sa bawat suntok ni Venus ay may mga tubig na tumatalsik. Madaya siya dahil may kapangyarihan siyang gamit, sabi ko na lang sa aking sarili.
"Venus!" bulalas ko nang hindi niya mapansing may hahampas sa kanya mula sa likuran dahil kasalukuyang may binubugbog pa siya.
"M-mars..." sambit naman niya nang kanyang makitang sinalo ko ito at sa ulo ko tumama ang tubong sa kanya sana tatama.
"M-mahina ka!" sabi ko naman habang iniinda ang sakit at mabilis kong sinuntok ito sa mukha. Siya na ang natitirang nakatayo, kaya iyon na rin ang katapusan ng labanang ito.
"Sa w-wakas..." sabi ko habang nakatingin kay Venus...
Nilapitan niya ako pero unti-unti nang umikot ang paningin ko. Nanlambot ang mga binti ko at pakiramdam ko ay matutumba ako.
"Mars?"
"V-ven..." Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin dahil bigla na lang nagdilim ang paligid ko. Ang huli ko na lang na naaalala ay napasubsob ako sa isang mabango at malambot na bagay.