ANG Elementalika, isang daigdig na matatagpuan sa dimensyong 'di kayang marating ng mga pangkaraniwang tao. Isang daigdig na nahahati sa apat na kaharian, ang Apoy, Tubig, Hangin at Lupa. Ang apat na kahariang sumisimbolo sa apat na pangunahing elemento. Nababalutan din ang planeta nito ng isang singsing na nagsisilbing taga-balanse sa apat na kaharian, ito ay ang Positive Chain.
Lahat ng naninirahan dito ay may kanya-kanyang tinataglay na kapangyarihan, depende sa lahing kinabibilangan. Sinasabing sa pagkapanganak pa lang ng isang sanggol sa Elementalika ay mayroon na agad itong taglay na kapangyarihan. Kung sakali mang magka-anak ang isang pares ng magka-ibang lahi, mamanahin ng anak nito ang kapangyarihan ng kanyang ama.
Maharlika, ito naman ang tawag sa mga nagtataglay ng simbolo ng isang elemento sa kanilang katawan. Sila rin lang ang tanging may kakayahang mamuno sa kahariang kanilang kinabibilangan dahil sila ang nagtataglay ng mataas na uri ng kapangyarihang elemental. Sila rin ang tanging may kakayahang gamitin at komontrol sa maalamat na mga Elemental Dragon ng kanilang kapangyarihan.
KAHARIAN NG APOY, ito ang lugar na tinitirhan ng mga Flammanian o ang mga may kakayahang gumamit ng apoy. Sila rin ang tinaguriang may mga pinakamatapang na mandirigma sa Elementalika. Matatagpuan naman ang kahariang ito sa hilagang-kanluran ng Elementalika kung ang mapa ang pagbabasehan ng lokasyon nito. Tanging dito lang din matatagpuan ang mga bulkan sa Elementalika at dito rin matatagpuan ang Pyrixis, ang pinakamalaking isla sa buong daigdig dito. Ang kahariang ito rin ang pinakamainit na bahagi ng planeta. Ang pinakang-sentro rito ay ang Siyudad ng Apoy na matatagpuan sa bunganga ng pinakamalaking bulkan dito. Tanging ang mga Flammanian at ang mga maharlika lang ang nakakapunta at nakakatagal sa siyudad na ito.
KAHARIAN NG HANGIN, dito naman naninirahan ang mga Ventusian o ang mga gumagamit ng hangin. Sila naman ang may pinakamabibilis na mandirigma. Nasa timog-kanlurang bahagi naman ito sa mapa ng Elementalika. Dito rin matatagpuan ang Siyudad ng Ulap, ang lugar na nasa ibabaw mismo ng mga ulap at nakalutang sa hangin. Tanging mga Ventusian at mga maharlika lamang ang nakakarating dito. Sa kaharian namang ito ay magkakalayo ang mga isla at iilan din lang ang mga ito.
KAHARIAN NG TUBIG, naninirahan naman dito ang mga gumagamit ng tubig o ang mga Aquanian na may kakayahang magpagaling ng mga sugat. Iisa lang ang isla rito at napapalibutan ito ng napakalawak na karagatan. Dito rin matatagpuan ang Siyudad ng Asul na Tubig, ang siyudad na matatagpuan sa ilalim at gitna ng karagatang tanging mga maharlika at Aquanians lang ang makakarating.
KAHARIAN NG LUPA, Terranians naman ang tawag sa mga taga-rito. Sila ang may kakayahang gumamit ng lupa at ang pinakamalalakas na nilalang sa Elementalika. Dito naman matatagpuan ang napakaraming kalupaan at mga isla. Dito rin matatagpuan ang Siyudad ng Lupa na matatagpuan sa ilalim ng bundok Husnei, ang pinakamataas na bundok sa Elementalika at tanging mga maharlika at Terranian lang ang makakapasok dito.
May dalawang rehiyon naman dito sa Elementalika ang 'di sakop ng alinmang kaharian, ang Enomenos at ang Thanatos. Ito ang dalawang lugar na pinaggigitnaan ng apat na kaharian na nasa magkabilang bahagi ng planeta.
Ang rehiyon ng Enomenos, isang sibilisadong lugar kung saan ay sama-samang naninirahan ang iba't ibang lahi sa Elementalika. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking kampanang yari sa ginto na pinapatunog lamang kapag may nagaganap na pagpupulong ang mga maharlika. Dito kasi ginaganap ang pagpupulong ng mga pinuno kasama ang iba't ibang heneral mula sa apat na kaharian.
Ang rehiyon ng Thanatos, ito naman ang pinakamadilim na bahagi sa Elementalika. Dito rin matatagpuan ang isla ng Eucoria, ang lugar na 'di pinupuntahan ng sinuman dahil kamatayan ang makakamit ng kahit sinong mapapadpad dito. Walang nakakaalam kung ano ang mayroon dito at palaisipan pa rin sa lahat ang islang ito. Ang tanging islang 'di nasisinagan ng araw at nababalutan ng napakakapal na hamog.
MAPAYAPA ang pamumuhay sa Elementalika subalit isang pangyayari ang pansamantalang sumira rito. Isang salamangkerong Terranian na nagngangalang Lucifer ang walang-awang pinatay ang nasa isang libong niyang mga kalahi. Agad siyang hinuli't ikinulong subalit nakawala rin siya dahil sa taglay niyang kapangyarihang itim. Nang makatakas siya ay muli siyang naghasik ng kasamaan sa ilang bahagi ng Elementalika. Hinangad niyang masakop ang apat na kaharian subalit sa huli'y hindi rin siya nagtagumpay. Pinagtulungan kasi siyang hulihin ng mga maharlika at pagkatapos no'n ay inalisan siya ng mga ito ng kapangyarihan sa tulong ng mga Elemental Dragon. Matapos ang muling pagkakahuli sa kanya ay ipinataw ng mga maharlika ang pinakamalupit na kaparusahan sa kagaya niya... ang ipatapon sa Eucoria.
Bumalik ang katahimikan sa Elementalika subalit makalipas lang ang tatlong taon... isang pangyayari ang gumimbal sa marami. Muling nagbalik si Lucifer, at mas malakas na siya't makapangyarihan. Bumuo rin siya ng panibagong planetang malapit sa Elementalika at tinawag niya itong Darkous. Napag-alaman ng mga maharlikang nagpalamon sa negatibong enerhiya si Lucifer dahilan para maging isa siyang halimaw. Bumuo rin siya ng sariling hukbo at nagkaroon siya ng mga alagad na nagmula pa sa Eucoria. Mayroon ang mga itong taglay na kakaibang kapangyarihang kayang pantayan ang taglay ng mga maharlika. Dito na nga nag-umpisa ang digmaan sa pagitan ng Darkous at Elementalika.
"Tumagal ng apat na taon ang digmaan, ngunit si Lucifer ang nanaig. Nasakop niya ang Elementalika..." malungkot pang sinabi ni Lola. Kitang-kita ko rin ang lungkot nila nang mga oras na iyon.
"Iho, isa kang maharlikang Flammanian," wika naman ni Lolo. Hindi ko naman malaman kung ano ang aking isasagot. Nalilito pa rin kasi ako kung ano ba talaga ang totoo kong pagkatao.
"Ang marka d'yan sa palad mo..." Napatingin ako sa hugis apoy na marka sa kanang palad ko nang sabihin iyon ni Lolo.
"Iyan ang magpapatunay na isa kang maharlika." Bahagya akong natigilan at napaisip sa narinig kong iyon. Pumasok din sa isipan ko ang aking nanay pagkatapos no'n.
"P-pero... paano po iyon nangyari? Ang nanay ko? Posible bang isa rin siyang maharlika?" naguguluhan kong itinanong sa kanila. Hindi ko tuloy maiwasang maalala ang mga ginagawa ng nanay ko sa akin. Parang wala siyang pakialam sa akin nang ako'y maliit pa. Madalas, mas gusto pa niyang kasama ang kanyang mga kalaban sa sugalan kaysa sa akin...
Napahigpit ang hawak ko sa aking tuhod dahil doon. Anak niya ako! Ito ang sinabi ko sa aking sarili nang mga sandaling iyon.
"Matagal nang pumanaw ang ina mong si Reyna Pirena..." Natigilan ako sa sinabing iyon ni Lola.Napailing ako at inisip kong 'di iyon totoo.
"P-pero, i-imposible po 'yang sinasabi n'yo," seryoso kong sinabi sa kanila.
"Namatay siya dahil sa pagprotekta niya sa kanyang kambal... at isa ka sa kambal na iyon, Iho..." dagdag pa ni Lola.
Ayaw tanggapin ng isip ko ang narinig kong iyon, pero may isang bahagi rito ang nagsasabing ito'y totoo. Hindi pwede! Hindi nga kaya ako totoong anak ng kinikilala kong nanay? Ang daming gumugulo sa isipan ko. 'Di ko maiwasang malungkot, at 'di ko maiwasang masaktan. Kaya ba hindi ko nararamdaman ang pagmamahal ng aking nanay? Napayuko ako dahil sa mga narinig ko, kaya nilapitan ako ni Lola at hinaplos ang likod ko.
"Pasensya ka na, Iho... Ito kasi ang katotohanang 'di mo maaaring takasan," wika naman ni Lolo sa akin.
Pansamantala silang huminto sa pagkukwento at kumuha muna si Lola ng maiinom para sa amin. Medyo gumaan ang pakiramdam ko nang madaluyan ng malamig na tubig ang aking lalamunan. Huminga na rin ako ng malalim at ipinagpatuloy na nila ang pagkukwento.
"Napatay rin ni Lucifer ang ama mong si Alpiro. Ang buong akala namin ay parehong nasawi ang kambal... subalit heto't buhay ka," kwento pa ni Lola.
"Kaya nga nagulat kami nang makita namin ang abilidad mo at ang marka ng apoy sa palad mo."
"Ang kaharian kasi ng Apoy ang unang sinalakay nina Lucifer at pagkatapos no'n ay isinunod niya ang ibang kaharian..." Napansin ko ang paglungkot ng mga itsura nila pagkatapos noon.
"Sinubukang labanan ng mga malalakas na maharlika ang pwersa ni Lucifer... subalit tanging si Prinsesa Clawdia ng kaharian ng hangin ang tanging nakaligtas sa labanang iyon..." dagdag pa ni Lola at napansin ko ang pagpahid niya sa kaunting luha sa gilid ng kanyang mata. Nakita ko rin ang paglungkot ni Lolo. Doon ko na lang naitanong sa aking sarili na posible kayang kasamang nasawi sa labanang iyon ang ama't ina ni Venus kaya nalungkot si Lolo't Lola habang nagkukwento.
"Gamit ang abilidad na makapaglakbay sa oras at panahon ng ilang taga-Elementalika... ay napagdesisyunan naming itakas ang mga natitirang maharlika at sa daigdig na ito sila napadpad," kwento pa ni Lola.
"Kami ang nagdala rito at nag-alaga sa aming apong si Venus at si Izu. Sa pagkakaalam din namin ay narito rin ang anak ni Reyna Clawdia at ang binatang maharlika ng kaharian ng Lupa. Pareho nang sumasailalim ang mga ito sa pagsasanay. Marami na ring mga taga-Elementalika ang naninirahan dito sa mundong ito..." dagdag pa ni Lola.
"Noong una'y marami pang mga taga-Elementalika ang lumalaban sa pwersa ni Lucifer subalit sa tagal na rin ng panahong nagdaan ay 'di na rin nila ito ginawa at nagpaalipin na lang sila rito," bigla namang sinabi ni Lolo.
"Isa pa sa nagpalakas sa hukbo ni Lucifer ay ang mga pangunahin niyang kampong may kapangyarihang kayang tapatan ang mga maharlika..."
Seryoso naman akong tiningnan ni Lolo sa aking mga mata pagkatapos no'n.
"Iho, kailangan mo nang magsanay. Isa kang maharlika at malaki ang maiitulong mo para mabawi ang Elementalika," seryoso pa niyang sinabi sa akin. Kumabog tuloy nang 'di sinasadya ang aking dibdib. Kinabahan din naman ako sa sinabing iyon ni Lolo. Ako? Ano bang magagawa ko? Isa lang akong teenager na magaling sa basag-ulo. Isa lang akong estudyanteng 'di makasabay sa leksyon ng guro? Napakarami ko pang itinanong sa aking sarili. Mga tanong at kung ano-ano pang mga palaisipan.
"Iho, totoo bang napalabas mo ang apoy na ibon gaya ng sinabi ni Zeus?" tanong naman ni Lola sa akin at napansin kong parang interesadong-interesado sila sa aking isasagot.
Tumango ako at mukhang hindi sila makapaniwala. "Kusa po siyang lumabas nang iligtas ko si Venus..." sabi ko.
"Totoo ang nakasulat tungkol sa sagradong ibon!" bulalas ni Lolo.
"A-ano pong ibig n'yong sabihin?" tanong ko naman.
"Sinasabing ang sagradong ibon ang nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan. Mas malakas pa ito sa dragon... at ikaw iho, taglay mo ito. Ikaw ang may kakayahang magpalaya sa Elementalika," seryosong sagot ni Lola.
"Wala na tayong oras. Kumikilos na sina Lucifer, natunton na nila ang mundong ito kaya kailangan mo nang matutunan ang paggamit sa iyong kapangyarihan," seryosong sinabi naman ni Lolo sa akin at sa loob ng isang iglap, mukhang ang normal kong buhay ay mag-iiba na...
MARAMI pa akong nalaman tulad ng pagpapalipat-lipat nila ng tirahan para mahanap ang ibang mga taga-Elementalika. Nalaman ko ring kaya gusto na nilang magka-boyfriend si Venus ay dahil malakas daw ang kutob nilang taga-Elementalika ang lalaking madalas nitong ikwento sa kanila... at ako 'yon. Parang nalungkot ako sa narinig kong iyon, ibig-sabihin kaya'y alam na ni Venus kung ano ako? Kaya lang ba siya nakipagkaibigan sa akin ay dahil may kapangyarihan ako?
"Okay ka lang ba, Iho?" tanong ni Lola sa akin nang mapansin nilang nakatulala ako.
"O-okay lang po..." tugon ko at pinakitaan ko pa sila ng pilit na ngiti.
Natapos na sila sa pagkukwento. Pumunta na si Lolo sa kanilang silid upang magpahinga, samantalang pumuta naman si Lola sa kusina. Naiwan naman akong naka-upo sa salas na may malalim na iniisip. Pinipilit kong maintindihan ang lahat ng aking mga narinig at nalaman kanina.
Si Zeus, isa raw ito sa malalakas na alagad ni Lucifer at may kasama pa raw itong isa. Isang nilalang na kayang patigilin ang oras, ito raw ang paraan nila para malaman kung alin ang taga-Elementalika sa totoong tao. Tumitigil kasi ang isang tao sa loob ng lugar na pinatigil na panahon, hindi rin daw ito nakikita ng mga ito. Kaya pala nakikita ko ang pagtigil ng paligid, nakakagalaw rin ako rito, mga patunay na isa nga akong taga-Elementalika.
"Iho, gusto mo bang magpahangin? May isang puno sa likod-bahay at may duyan doon," nakangiting tanong ni Lola sa akin. May hawak pa siyang sandok nang lumabas mula sa kusina. Tumango naman ako at nahihiyang ngumiti. Pagkatapos no'n ay sinamahan ako ni Lola sinasabi niyang duyan.
"Sige Iho, d'yan ka muna huh... May niluluto pa kasi ako," sabi pa ni Lola at nginitian ko naman siya.
Pinagmasdan ko muna ang malawak na bukid na aking natatanaw. Dahil sa puno kaya malilom dito sa kinatatayuan ko. Sariwang hangin at marahan pang dumadampi ito sa balat ko. Lumanghap pa ako ng sariwang hangin at pagkatapos ay umupo na rin ako sa duyan.
"Ang dami nang mga nangyari..." sabi ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang mga ulap sa langit. Napailing na nga lang ako nang mukha ni Venus ang nakita ko sa isang hugis mukhang ulap.
Mga ilang minuto akong na-upo sa duyan na tanging pagtingin lang sa kung saan ang aking ginawa nang bigla akong tinawag ni Lola para magmeryenda. Hiyang-hiya ako nang oras na iyon pero sabi nila sa akin ay 'wag na raw akong mahiya dahil 'di na raw ako bago sa kanila. Pagkatapos naming kumain ng champorado ay bumalik akong muli sa duyan. Wala akong ibang ginawa kundi ang tumingin sa kawalan. Hindi ko na nga namalayang hapon na pala.
"Mars..." Hanggang sa isang pamilyar na boses ang tumawag sa akin mula sa aking likuran.
"K-kanina ka pa ba?" tanong niya.
Tumayo agad ako mula sa duyan. "Sorry nga pala sa nagawa ko kahapon," lakas-loob kong sinabi at pagkatapos no'n ay pumunta na ako sa tabing-kalsada.
"Pakisabi kina Lola na salamat..." dagdag ko pa.
Sinundan niya ako at parang gusto niya akong pigilan kaya muli ko siyang nilingon.
"Alam ko na kung bakit ka nakipagkaibigan sa akin... dahil sa kapangyarihan ko," malungkot kong sinabi. Eksakto pang may paparating na tricycle kaya agad ko itong pinara. Hindi na ako tumingin sa kanya at hindi ko na rin hinintay ang sasabihin niya. Basta ang nasa isip ko...
"Siguro'y hindi naman niya ako gugustuhing maging kaibigan kung isa lang akong normal na tao..."