MALAPIT lang ang Poblacion ng San Joaquin mula rito sa Mariano National High School na nasa Barangay Bagong Silang. Matagal na rin pati akong hindi nakakapunta roon. Saktong-sakto dahil Sabado bukas kaya ayos lang akong gabihin. Alam na pati ni Nanay ito.
"Saan ka pupunta!?" panggugulat ni Venus sa akin nang maabutan niya akong nag-aabang ng tricycle.
"Saan ka nga ba pupunta, Mars?" tanong niyang muli.
"Sa Poblacion," maikli kong tugon.
"Ano ang gagawin mo ro'n?" aniya at pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang maliit na salamin mula sa kanyang bag.
"Wala. Bakit, masama ba na pumunta roon?" tanong ko. Napailing na lang ako nang nagpahid na siya ng pulbo sa kanyang mukha at nagpahid pa ng cologne sa kanyang uniform.
"Hindi ka pwedeng sumama!" agad kong sinabi, parang alam ko na kasi ang mangyayari.
Pero nang marinig niya iyon ay agad siyang tumingin sa akin at ngumiti.
"Pasama ako, Mars. Please..."
Nagpa-cute pa siya sa akin para ako'y mapapayag.
"Sige na!" Marahan pa niya akong niyugyog.
"Hindi nga pwede." Lumayo na ako sa kanya pero sinundan niya pa rin ako. Mahalaga kasi ang gagawin ko sa Poblacion at kung pwede lang ay ayaw ko ng kasama, lalo na itong si Venus.
"Hmmp! Ang damot mo naman." Dito na siya sumimangot at sinamaan ako tingin. Sa isip ko'y mukhang magpapalit siya ng anyo.
"Umamin ka! May ka-date ka kaya ikaw ay pupunta ro'n?" dagdag pa niya.
Seryoso at napakatalas ng mga titig niya sa akin. Palagi niya na lang akong dinadaan sa ganito upang mapapayag ako sa kanyang gusto. Subalit, nakakahiya mang aminin... ay hindi ko maintindihan kung bakit ba ako sumasang-ayon sa mga gusto niya. Bigla ko tuloy naalala ang madalas niyang sabihin sa akin.
"Ako ang Boss!"
Napabuntong-hininga na lang ako dahil mukhang wala akong magagawa kun'di ang pumayag. Siguradong aasarin nito ako 'pag nalaman nya ang dahilan ng pagpunta ko sa Poblacion.
"Sige na!" wika ko na labag naman sa aking kalooban.
"Yehey! Sabi na nga ba at hindi mo ako matatanggihan." Nagulat ako nang bigla niya akong niyakap. Nakaramdam ako ng malakas na boltahe sa loob ng aking katawan. Subalit bago pa man ako madala ng aking nararamdaman ay agad akong kumalas at lumayo sa kanya.
"Huwag ka na ngang sumama!" sambit ko at agad na akong pumara ng tricycle.
"Manong, Poblacion po," sabi ko sa driver pagkasakay ko. Papatakbuhin na sana nito ang tricycle kaso, humabol ng sakay si Venus.
"Aray!" bulalas ko nang ako'y kurutin niya sa hita.
"Bakit mo ginawa 'yon? Nakakapikon ka na." Napatingin pa ako sa side mirror ni Manong at nahuli ko siya na ngumiti sa aming dalawa.
"Pa'no ba naman, bigla mo akong iniwanan," tawang-tawang tugon ni Venus sa akin.
"Saan ka ba napipikon? Sa kurot..."
"O sa pagyakap ko sa 'yo?" dagdag pa niya.
Hindi ko na lang siya pinansin dahil nakakabadtrip ang ginagawa niya sa akin. Malamang ay patay ako sa asar sa kanya mamaya. Bahala na.
"Hoy! Bagalan mo namang maglakad," wika ni Venus habang binabaybay namin ang daan papunta sa Mall ng San Joaquin.
"Ang sakit na ng paa ko. Ikaw kaya ang maglakad na nakasuot ng may takong?" Dagdag pa niya.
Ayaw ko talaga siyang pansinin subalit bigla siyang huminto sa paglalakad. Nang siya'y lingunin ko ay nakita ko siyang nakaupo sa tabi ng isang tindahan at hinihilot ang paa niya. Akala ko malakas siya dahil may kapangyarihan siya pero bakit paglalakad lang ay ikinasasakit pa ng paa niya, naitanong ko sa aking sarili.
Balak ko sana siyang sumbatan pero nakaramdam ako na parang napakasama kong lalaki. Tumatak bigla sa isip ko na siya'y babae. Wala na rin akong nagawa, kaya nilapitan ko siya.
"Sumama ka pa kasi," sabi ko sa kanya.
"Ayan tuloy ang nangyari."
"Bakit? Bawal ba akong sumama sa 'yo!?" wika niya sa akin na para bang napakasama ng turing ko sa kanya.
"Hindi mo naaalala ang sinabi ko no'ng nilagnat ka? Nang inalagaan kita." Napalunok ako ng laway sa sinabi niyang iyon.
"Simula ngayon, tututukan na kita. Ayaw ko na makikipag-away ka. Dapat ay 'lagi mo akong kasama..."
Napakamot ako sa ulo dahil sa kanya.
"Oo na," sambit ko. Aalalayan ko na sana siyang tumayo subalit isang sigaw ang aming narinig.
"Snatcher!" bulalas ng matandang babae sa nakasumbrero ng itim na lalaki. Kumakaripas ito ng takbo at tangay ang shoulder bag ng matanda.
"Dito ka lang, Venus!" Tumakbo agad ako pagkatapos kong iabot ang aking bag sa kanya. Ito'y upang habulin at bawiin ang bag mula sa snatcher. Alam ko kasi na hindi ito aabutan ng matanda, kaya kailangan ko siyang tulungan.
Hindi ko nga alam kung bakit hindi ako nagdalawang-isip na gawin iyon.
"Mag-iingat ka!" pahabol ni Venus.
"T-tulungan n'yo ako! Bawiin n'yo ang bag ko!" bulalas ng matanda nang ito'y mapaupo dahil sa hapo. Gustong tumulong ng mga dumaraan pero sa hindi maipalawanag na pangyayari ay mababakas sa kanila ang takot.
"Lola, ako na po ang bahala," sabi ko sa matanda at pagkatapos ay binilisan ko ang aking pagtakbo. Oo nga't mabilis tumakbo ang snatcher na ito, pero hindi ako nagpatalo. Sinundan ko pa rin siya nang lumiko siya sa isang eskinita.
ISANG malakas na sipa sa likod ng snatcher ang aking ginawa, dahilan upang siya'y madapa. Kukuhanin ko na sana ang bag mula rito pero isang tadyak ang tumama sa aking binti kaya ako'y napaupo. Tatakasan na niya sana ako pero agad ko siyang nahawakan. Hinila ko siya at agad sinuntok sa sikmura nang ako'y binalak niyang sipain. Bagsak agad siya at nawalan ng malay.
"Bumagsak agad?" sambit ko pagkatapos kong makuha ang bag ng matanda. Subalit natigilan ako nang mapansin ko na ako'y napapalibutan ng apat na kalalakihan. Lahat sila ay may hawak na patalim. Napansin ko na may tattoo sila ng bungo sa kanang braso. Kagaya rin ng tattoo snatcher na nakabulagta sa tabi ko.
"Ang lakas din ng loob mo. Estudyante ka lang at hindi mo nakikilala ang iyong binabangga!" bulalas ng nasa kanan ko. Hindi ko rin makuha kung ano ba ang nais nilang ipahiwatig, pero isa lang ang sigurado... mapapalaban ako.
Inundayan agad ako ng saksak ng isa sa kanila, pero ito'y naiwasan ko. Sinagot ko ang ginawa niyang iyon nang isang mabilis at malakas na tadyak sa tagiliran. Bagsak ito agad at hindi ako makapaniwala na ito'y nawalan din ng malay.
"Aba't malakas ka!" sambit no'ng isa.
Sumugod naman 'yong dalawa pero isang hakbang lang pa-kaliwa ang ginawa ko upang sila'y maiwasan. Pagkatapos ay mabilis kong isinabay ang aking katawan sa pag-abante at isang malakas na suntok sa mukha no'ng isa ang nagawa ko.
"Agh!" bulalas ko nang mahagip ang aking kanang pisngi ng patalim no'ng isa. Napaatras ako at naramdaman ko na dumurugo ito. Ang pag-atras kong iyon ang ginawang pagkakataon ng dalawang natitira para ako'y bawian.
"Hindi ako magpapatalo! Sugod lang," bulalas ko at inihanda ko na ang aking sarili para mag-counter attack. Muli ko na namang naramdaman ang pag-init ng kanang kamao ko. Laking-gulat ko pa nang mapansin ko na napakabagal ng kanilang pagkilos. Katulad din ito ng nangyari noong isang linggo nang sabay-sabay kong pabagsakin sina Boy Manyak.
SOBRA ang pasasalamat sa akin ni Lola nang maibalik ko ang kanyang bag. Binigyan niya ako ng pera pero ito'y hindi ko tinanggap. Hindi naman ako kailangang bayaran, lalo pa't kusang-loob ang pagtulong ko sa kanya.
"Heto hijo ang address ko kung sakaling nais mo na ikaw naman ang aking matulungan," wika niya sa akin matapos iabot ang isang card.
"Maraming salamat muli."
Bumalik ako sa tindahang pinag-iwanan ko kay Venus.
"Nasaan na ang babaeng 'yon?" sambit ko. Wala kasi siya. Mabuti sana kung umuwi na siya, subalit nasa kanya pa ang bag ko.
"Hoy! Tara na." Biglang may nagsalitang babae sa likuran ko.
"Sinundan kita para tulungan ka. Pero pagdating ko roon ay tulog na ang mga kalaban."
Tungkol sa nangyari kanina, nagtataka pa rin ako kung bakit sa isang sipa o suntok lang ay nawawalan kaagad sila ng malay. Lumalakas ba ako o sadyang mahina lang sila?
"Anong iniisip mo?" tanong ni Venus pagkatapos niyang iabot ang aking bag.
"W-wala," tugon ko.
"Akala ko ba'y masakit ang paa mo?" dagdag ko pa.
Ngumiti siya, "Medyo ok na."
Tumingin ako saglit sa langit.
"Hindi ka pa ba uuwi? Alas-singko y medya na!" Iniisip ko na baka maisipan na niyang umuwi nang sa gano'n ay hindi niya malaman ang pakay ko sa pagpunta ng Poblacion.
"Ayaw!" mabilis niyang tugon.
"Kung gabihin man ay ihatid mo na lang ako pag-uwi." Nginitian pa niya ako.
Samantala, biglang may kung anong bagay ang kumiliti sa akin nang marinig ko ang mga huli niyang sinabi. Sa tagal na niya akong itinuturing na kaibigan ay kahit minsan ay hindi niya sinabi kung sa'n siya nakatira. Hindi ko rin naman itinatanong dahil ayaw ko siyang tanungin.
"Mars? Nasugatan ka pala!" wika ni Venus nang makita niya ang kanang pisngi ko. Bakas pa rito ang dugo na pinunasan ko.
"Halika nga at pagagalingin ko." Hinawakan agad ni Venus ang braso ko at balak niya akong dalhin sa tagong lugar, pero ang sabi ko ay 'wag na.
"B-bakit naman, Mars?" tanong niya sa akin.
"Bibili na lang ako ng band-aid," tugon ko.
"Minsan, mas ayos kung nakakaramdam ka ng sakit dahil sa sugat na natamo mo. Dahil alam ko na may tamang panahon para ito'y maghilom."
Natigilan siya sa aking sinabi. Tapos ay unti-unti siyang napangiti. Maging ako, hindi ko alam kung saan ko nakuha iyon.
"Ano'ng problema?" tanong ko.
"Huh?" sambit niya.
"Wala! Tara na nga." Sinanggi pa niya ako na hindi ko naman maintindihan kung bakit. Habang kami'y naglalakad ay parang napakasaya niya na hindi ko alam kung ano'ng nangyari.
Ang totoo'y hindi naman sana kami maglalakad papuntang Mall, kaso'y nasiraan 'yong tricycle naming nasakyan. Pero kung sabagay ay ayos na rin dahil may natulungan ako dahil do'n.
ANG San Joaquin Mall ang ikalawang Mall na itinayo rito sa probinsya. Ito rin ang nag-iisang Mall dito sa San Joaquin. Napakarami na ng tao sa first floor, kaya umakyat kami sa second floor upang matanaw ang stage sa baba. Mabuti na lang at hindi pa nagsisimula ang programa.
Matagal ko talagang hinintay ang pagkakataon na makita siya sa personal, ang makita ang hinahangaan kong artista.
"Mars?" wika ni Venus habang magkatabi kaming nakatayo at nakatingin sa baba. Todo-ngiti pa siya. Ito ang pinaka-aayaw kong mangyari, kaya ayaw ko siyang isama rito. Tiyak at sigurado ako na aasarin nya ako dahil dito.
"Mall Show ni Maja Salvador?" Doon na siya humagikhik ng tawa at may paghampas pa siya sa aking braso.
"Sinong mag-aakala na si Mars ay fan ni Maja!"
Napayuko na lang ako dahil sa hiya ko sa kanya. Ang tangi kong magagawa ay ang magbingi-bingihan. Matagal ko itong hinintay kaya 'di ako pwedeng umalis.