NAGBINGI-BINGIHAN na lamang ako habang naglalakad kaming dalawa papunta sa terminal ng tricycle. Kanina pa kasi niya akong inaasar tungkol sa pagiging fan ko kay Maja.
"Grabe, Mars! Hanggang ngayon ay 'di pa rin ako makaget-over. Ikaw ba talaga 'yan?" wika niya na may kasama pang pagtawa.
"Ako si Maja! Maja!" Sinamahan pa niya ng sayaw na mala-Maja Salvador. Hiyang-hiya na nga ako dahil pinagtitinginan kami ng mga dumaraan. Pero siya, parang walang pakialam doon.
"Tumigil ka nga! May sira ka ba sa ulo?" saway ko sa kanya.
"Ako ang nahihiya sa pinaggagagawa mo." Nang marinig niya 'yon ay saka pa lang siya tumigil sa pagsayaw at pasimpleng natawa sa kanyang kabaliwan.
"Oo nga," wika pa niya.
"Sinusubukan ko kasing maging si Maja. Malay mo, maging fan kita." Doon na siya mas natawa, wala naman akong magawa kun'di ang magbuntong-hininga na lang. Hindi ko nga alam kung paano ko natitiis na makasama ang ganitong klase ng babae. Baka nga 'pag nagtagal ay masiraan na ako ng ulo dahil sa kanya.
"Ikaw ay friend ko at sasamahan kita kahit saan ka pumunta." Napailing na lang ako nang maalala ko ang 'lagi niyang sinasabi sa akin.
"Sa'n ang biyahe n'yong dalawa?" tanong kaagad sa amin nang marating namin ang sakayan.
"Barangay Onse po, Kuya," tugon ni Venus. Kung gano'n, taga Onse pala siya. Iyon ang pinakadulong Barangay sa Hilaga ng San Joaquin. Apat na Barangay naman ang agwat mula Bagong Silang na address ko.
"Malayo-layo rin pala," sabi ko sa aking sarili. Parang nagdadalawang-isip tuloy ako na samahan siyang umuwi. Pero nang mapasulyap ako sa kanya ay biglang nagbago ang isip ko.
"Sige na nga," bulong ko at bumuntong-hininga pa ako matapos tumabi sa kanya sa loob ng tricycle.
Umalis agad ang sinasakyan namin nang may dalawa pang pasahero ang sumakay. Saglit akong napakapa sa bulsa ng pantalon ko sa may p'wetan para siguruhing nandito ang wallet ko.
Muli akong napabuntong-hininga at tumingin sa mga nalalampasan naming lugar. "Bahala na," sabi ko sa aking sarili.
"Mars, may pamasahe ka pa ba para sa pag-uwi mo mamaya?" bigla namang naitanong ni Venus sa akin.
Nagdadalawang-isip pa ako sa pagsagot.
"O-oo, mayro'n pa." Nagsinungaling na ako. Ang totoo kasi ay 25 na lang ang natitira kong pera. Bente ang pamasahe papuntang Onse kaya limang piso na lang ang matitira sa akin. Sa madaling salita, wala na akong pamasahe pauwi. Ito talaga ang pinoproblema ko kanina kaya nagdadalawang-isip ako na siya'y samahang umuwi. Pero sabi ko nga, bahala na.
"Thank you, Mars! Salamat dahil sinamahan mo akong umuwi," wika niya sa akin at bigla na lang niya akong inakbayan. Natigilan ako sa ginawa niya at muli ko na namang naramdaman ang mga kakaibang kiliti sa katawan ko. Kagaya rin ito nang niyakap niya ako ng biglaan kanina.
Hindi ba nito naiisip na lalaki ako?
"Wala akong choice!" Pagkasabi ko no'n ay agad kong inalis ang naka-akbay niyang braso sa akin. Naramdaman ko kasi na may malambot na bagay ang dumikit sa aking tagiliran.
"Huwag ka ngang malikot!" dagdag ko pa at siya ay agad namang umayos sa pagkaka-upo.
"Ang suplado mo! Baka gusto mong ipagkalat ko na fan ka ni Maja?" wika niya sa akin habang naka-ngisi.
"Ipagkalat mo," sambit ko naman at tumingin na lang ako sa malayo.
Tinapik ako ng bahagya ni Venus. "Joke lang! Ang seryoso naman," aniya.
Napapitlag pa ako nang sumandal siya sa akin. Napaisip tuloy ako kung ganito ba talaga 'pag may kaibigan kang babae? Ang pakiramdam ko kasi'y hindi.
"'Wag ka ngang sumandal sa akin," sabi ko agad sa kanya.
Nginusuan naman niya ako. "Bakit? Ayaw mo ba na maging sweet ako sa 'yo?"
Napakunot ako ng noo sa tinanong niya.
"Ayaw ko! Nakakailang," tugon ko. "At 'yang ginagawa mo sa akin...Gawain ba 'yan ng magkaibigan? Tandaan mo, babae ka!"
"Bakit? Parang ano ba ang ginagawa ko sa 'yo?" nakangiti naman niyang tanong.
"Gusto mo rin naman," bulong pa niya.
HINAYAAN ko na lang siya. Namalayan ko na lang na nakahilig na pala siya sa aking balikat at natutulog. Tumagal kasi ang aming biyahe dahil sa bagal ng takbo ng tricycle ni Manong.
"Gising na!" sambit ko habang tinatapik ang kanyang balikat.
"Onse na, baka malampasan natin ang bahay n'yo."
Umungot lang siya ng kaunti at nagkamot ng ulo. Nagulo tuloy ng bahagya ang ayos ng kanyang buhok. May ilaw sa loob ng tricycle kaya kitang-kita ko siya habang nakahilig sa aking balikat.
Hindi ko nga namalayang tinititigan ko na pala ang maamo niyang mukha. Napaka-inosente pala ng itsura niya 'pag tulog.
"M-mars?" nasabi niya nang bigla siyang nagising. Nataranta ako at kinabahan, kaya agad akong tumingin sa labas. Nahuli kaya niya ang ginawa kong pagtitig sa kanya? Para tuloy akong nagsisi sa aking ginawa ko.
"Ay!" napatili ng bahagya si Venus.
"Manong, para na po! Lampas na kami kanina pa." Natatawa pa si Venus pagkababa namin, matapos magbayad.
"Hay! Lumampas tayo. 'Di mo kasi ako ginising," aniya habang nagsusuklay ng buhok.
"Ginising kaya kita!" tugon ko naman habang nakapamulsa.
"Hindi ka nga lang nagising..." dagdag ko pa habang nakatingin sa kung saan.
Bigla niya naman akong nginitian.
"So, 'yong nakita kong nakatitig ka sa cute kong face ang tinatawag mong panggigising?" tanong niya.
Hindi ko na lang iyon sinagot. Nahiya na kasi ako sa kanya. Baka rin kasi isipin niya na may gusto ako sa kanya. Sigurado naman akong wala, at isa pa, minsan kasi ay napaka-advance niya ring mag-isip.
"We're here!" bulalas niya nang tumapat kami sa isang kulay pink na bahay. Tipikal ang laki nito, may terrace at mukhang kakatapos pa lang nitong magawa. May taniman pa ng gulay sa harapan nito. Napagtanto ko na may kaya pala ang pamilya ni Venus.
"Sige na, uuwi na ako. Naihatid na naman kita," sabi ko sa kanya. Akmang aalis na sana ako nang bigla naman niyang hinawakan ang kaliwang braso ko.
"Mars, mamaya ka na umuwi. Kumain ka muna rito sa amin." Seryoso pa siyang nakatitig sa akin.
"Sa susunod na lang. Gabi na kasi," tugon ko. Wala naman kasi ito sa plano ko. Ang gusto ko lang ay ang ihatid siya.
"Please!" Pero hinigpitan niya ang hawak sa akin. Napabuntong-hininga na naman ako at pagkatapos ay pumayag ako sa gusto niya. Bahala na, ang muli kong nasabi sa sarili ko habang papunta kami sa bahay nila.
"Lolo! Lola!" tawag niya habang kumakatok sa screen type na pinto ng bahay nila. Naka-lock kasi ito mula sa loob.
"Si Venus po ito!"
Naitanong ko agad sa aking sarili kung nasa'n kaya ang Nanay at Tatay ni Venus.
Maya-maya pa'y isang matandang babae ang nagbukas ng pinto. Puro puti na ang buhok pero mukhang malakas pa.
"Ay, ikaw na pala 'yan, apo. Pasensya ka na, hinihilot ko kasi ang likod ng Lolo mo. Sumasakit daw kasi." Pagkasabi niya no'n ay agad nagmano si Venus.
"Naku! Siguro'y nagbuhat na naman ng mabigat si Lolo," wika ni Venus na bakas sa mukha ang pag-aalala.
"Pasensya na po kayo, dapat pala ay 'di ako nagpagabi para natulungan ko kayo rito sa bahay," dagdag pa ni Venus.
Tinawanan naman siya ng kanyang Lola at pasimpleng sumulyap sa akin. Napalunok tuloy ako ng laway.
"Ayos lang, apo. Paminsan-minsan ay i-enjoy mo rin ang iyong pagdadalaga," wika ni Lola sa apo niya at pagkatapos ay muli na naman akong sinulyapan.
"Matigas lang talaga ang ulo ng Lolo mo," dagdag pa niya na sinundan ng simpleng pagtawa.
"Ay, teka! Halika na pala kayo sa loob. Maraming lamok d'yan sa labas," sabi bigla niya sa amin.
Napansin ko naman ang paghinga ng malalim ni Venus.
"Lola!" sambit niya.
"Si Mars nga po pala." Nabigla ako nang hinawakan niya ang kamay ko.
"Boyfriend ko po!" seryoso pero nakangiting pahayag ni Venus.