Apoy 6

1684 คำ
"S'ya!" "Siya ang kumursunada sa akin dito!" Gigil na gigil akong itinuro no'ng lalaki sa dalawa niyang kasama. Naaalala ko siya, ito 'yong lalaking minamanyak ang girlfriend niya. Mukhang babawi at nagtawag pa ng resbak. Pero naalala ko na may klase na ako maya-maya at kung papatulan ko sila ay baka hindi ako maka-attend dito. Mathematics pa naman at sa pagkakaalala ko ay may exam kami do'n. Mukhang nasa gipit akong sitwasyon ngayon. "Mga P're, may klase pa ako. Sige," wika ko sa kanila. Paalis na sana ako nang bigla akong balyahin no'ng isa. Muntik na akong mapasubsob sa semento, mabuti na lang at naialalay ko agad ang aking kamay. Pero nang ako'y tatayo na ay bigla na lang akong hinawakan sa magkabilang braso ng dalawang kasama ni Boy Manyak. Pwersahan nila akong itinayo, pinilit ko pang makawala pero hindi ko nagawa. Ngising-demonyo si Boy Manyak sa akin at gigil na gigil na hinila ang kwelyo ng polo ko. "Ikaw pala 'yong Marcelo! Gago ka," wika niya sa akin at isang malakas na suntok ang tumama sa sikmura ko. Muntik na akong mapasuka sa lakas no'n at napangiwi pa ako dahil sa sakit. Hindi pa siya tapos at iniangat niya ang mukha ko para kanyang makita ang pag-ngiwi ko. "Ano? Hindi ka makalaban?" pagkatapos niya iyong sabihin ay sabay-sabay nila akong tinawanan. Pero natigilan sila nang makitawa rin ako. "Anong nakakatawa?" wika ni Boy Manyak na halos pigain ang leeg ko. Napa-ubo na lang ako sa ginawa niyang iyon pero nginisian ko siya pagkatapos. "Hindi ka ba nag-iisip? Tatlo kayo at isa lang ako. Paano ako makakabawi?" wika ko sa kanya. "Gawain lang iyan ng mga duwag! Nagtawag ka pa ng kasama." Napikon siya sa sinabi ko at isang suntok ang tinanggap ng aking mukha mula sa kanya. Napayuko ako at nanghina ang tuhod ko sa lakas no'n. Naramdaman ko na may dumaloy na dugo sa aking labi. Mahigpit pa rin ang kapit no'ng dalawa sa akin pero siguro'y dapat na akong bumawi. Medyo nahihilo pa kasi ako subalit kaya ko pa naman. Susuntukin pa sana ako ni Boy Manyak pero mabilis akong nakapag-counter attack. Agad kong tinuhod ang sikmura niya. Sa lakas no'n ay napaluhod siya na kapit-kapit ang tiyan. Dahil sa nangyari, mukhang reresbak na 'yong dalawa pero napaghandaan ko na iyon. Buong-lakas kong ibinalibag ang nasa kaliwa ko at mabilis kong sinipa sa binti ang nasa aking kanan. Nang lumuwag ang kapit nila ay dali-dali akong lumayo. Kahit medyo sumasakit ang ulo at nahihilo pa ay kailangan ko pa ring mag-ayos. Mabilis na naka-recover kasi 'yong tatlo at halatang babawian ako. "Gago ka!" wika ni Boy Manyak at mabilis niya akong sinuntok pero naiwasan ko ito. Muli siyang napaluhod dahil sa tumamang kamao ko sa sikmura niya. Subalit biglang umikot ang paligid ko nang may tumamang suntok sa kanang sintido ko. Nawalan ako ng balanse at tuluyan akong natumba. "Itayo natin Brad," utos no'ng sumuntok sa akin sa isa niyang kasama. Para akong lantang gulay nang itayo nila ako. Paika-ika na lumapit si Boy Manyak sa akin. Asar na asar ang itsura niya dahil sa ginawa ko. "T-tarantado ka!" bulalas niya. Walang-awa niya akong pinagsusuntok. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng mga iyon. Maiyak-iyak na ako dahil bukod sa sakit ay nahihilo pa ako at medyo sumasakit pa ang ulo. Ilang sandali pa'y ibinagsak nila ako at pinagsisipa. Mahina ko pang naririnig ang kanilang mga tawanan. Bumibigat na ang pilik-mata ko at parang gusto ko nang matulog. NAKARAMDAM ako ng kakaibang init sa katawan ko. Hindi ito pangkaraniwan, parang unti-unti akong nagkakalakas. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Muli ko ring narinig ang tunog ng paligid. Iginalaw ko ang aking mga kamay, mukhang kaya ko pa. Nakakapagtaka pero, ayos ito dahil mababawian ko pa ang tatlong ito. "Aba't? Matibay pala ito," wika ni Boy Manyak na agad akong napansin. Nilapitan niya agad ako at sinipa. Pero laking-gulat niya nang salagin ko ito gamit ang aking isang kamay. Maging ako ay nagulat dahil parang ang hina ng ginawa niyang 'yon. Napaatras siya at agad tinawag ang dalawa niyang kasama. Ako naman ay dali-daling tumayo. Takang-taka talaga ako dahil ang lakas-lakas ko, pero ramdam ko pa rin ang kirot ng aking mga sugat at pasa. "Mawawala rin ang tibay n'yan. Pagtulungan natin," wika ni Boy Manyak sa dalawa niyang tropa. Nilapitan at pinalibutan nila ako. Sumuntok sila nang sabay papunta sa mukha ko. Pero nabigla ako nang mapansin kong parang ang bagal nila. Nakaramdam ako ng init sa kanang kamao ko. Kitang-kita ko ang mukha ni Boy Manyak, kaya agad ko itong sinuntok. Hindi ko alam kung namalik-mata lang ako, para kasing may nakita akong pulang ilaw nang tumama ang kamao ko sa kanyang mukha. Napatingin ako sa kanang kamao ko, parang may mali. Nabigla na lang ako nang nawalan ng malay 'yong tatlo. Pare-pareho silang mapupula ang kaliwang mukha. Paano iyon nangyari, gayong si Boy Manyak lang ang tinamaan ko? Bigla akong nakaramdam ng pagkahilo. Kumirot bigla ang ulo ko. Kaya napasandal ako sa pader sa rooftop at dahang-dahang napa-upo. Bigla akong nanghina. Mukhang hindi na ako makakapasok sa mga susunod na subjects. Half-day bale ang naipasok ko ngayon. Gula-gulanit na rin ang polo ko at puro pasa ang mukha't braso ko. Walang-wala naman sana 'yong tatlo, kaso nilalagnat ako. Dahil sa nangyari ay hindi ko na namalayang naka-idlip na pala ako. NARAMDAMAN ko na may basang bagay na nasa aking noo. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. "Ang cute naman ng babaeng ito," sabi ko sa aking sarili habang inaaninag siya. Ngumiti siya sa akin. Naisip ko na parang pamilyar. "Hoy! Bakit gan'yan kang makatingin sa akin, Mars?" tanong niya sa akin, dahilan para mapabangon ako. Si Venus pala at nagtaka ako kung ano ang ginagawa ko dito sa clinic. "P-paano ako napunta dito?" tanong ko sa kanya. Ang pagkakaalala ko ay nasa rooftop ako at may pinatulog ako na tatlong estudyante. Inalis ko ang basang bimpo sa aking noo at tumayo pero pinigilan ako ni Venus. Hinawakan nya ang magkabila kong balikan, dahilan para mapatitig ako sa kanya. "H-huh?" bigla kong nasabi. "Humiga ka muna at magpahinga sandali. Nilalagnat ka, tapos pumasok ka pa," wika niya sa akin. Nawalan ako ng lakas kaya nagawa niya akong pahigain. Hindi ko maintindihan, pero nang mapatitig ako sa mga mata niya... parang may kung anong bagay ang nagpahina sa akin. "Hindi ka pumasok ng Math, may test tayo do'n. Dahil din do'n kaya naisipan kitang hanapin. At ayun, nakita kita sa rooftop ng ating building na nakabulagta at inaapoy ng lagnat," aniya at pagkatapos ay tinaasan nya ako ng kilay. "Nakipagsuntukan ka pa? Tama ba ako?" "May tatlong estudyante rin kasi ang nakabulagta sa taas," dagdag pa niya. Natahimik ang paligid matapos niyang magsalita. "Hoy!" panggugulat niya sa akin. "Bakit gan'yan kang makatingin sa akin?" Natatawa siya sa reaksyon ko na parang natauhan. Epekto ba ito ng lagnat kaya nagagandahan ako sa kanya? Naitanong ko sa aking sarili. "W-wa...Wala!" naiilang kong tugon at pagkatapos ay itinuon ko ang aking mga mata sa umiikot na bentilador. "Mag-isa mo ba akong dinala dito sa clinic? Dapat ay pinagaling mo na lang ako." Para akong sira habang sinasabi iyon. Para kasing wala ako sa sarili. Humagikhik siya nang bahagya. "Bakit?" tanong ko. "Wala," mabilis niyang tugon at pagkatapos ay bumuntong-hininga siya. "Inakay kita papunta dito, malakas naman ako e. Hindi ka kasi magising, tapos inaapoy ka ng lagnat." "Alalang-alala kaya ako sa 'yo..." Medyo hindi ko naintindihan ang huli niyang sinabi. "Ha?" tugon ko sa kanya. Napansin kong nanlaki ang mga mata niya at parang nataranta. "W-wala! Wala, Mars. Ang sabi ko, open wounds o mga sugat lang ang kaya kong pagalingin gamit ang powers ko. 'Yong mga sugat mo lang ang nagamot ko kanina, kaya dinala kita dito... At 'yong exam mo sa Math ay pwede ka raw mag-take kapag magaling ka na." "Nakakuha ka ba ng exam sa Math? At 'di ba may klase na ngayon?" tanong ko sa kanya. "Naka-take ako ng exam sa Math, dinali-dali ko nga lang para hanapin ka," wika niya at may diin pa ang huling tatlong salita niyang sinabi. "Nag-excuse na ako kay Sir Hernandez, wala raw namang exam sa kanya." Parang gusto kong mapangiti sa mga sinabi niya pero pinigil ko. "Dapat iniwan mo na lang ako dito. Kaya ko naman ang aking sarili," wika ko sa kanya na pasuplado ang tono. Nang marinig niya iyon ay bigla siyang tumayo. Seryoso niya akong tinitigan at inilapit niya ang kanyang mukha sa mukha ko. Ang sama ng tingin nya sa akin, para siyang tigre na handang manakmal anumang oras. "Suntok? Gusto mo? Siguro'y dapat ay maging Boss ako sa ating dalawa," seryoso niyang sinabi. "Hindi kita iiwan kasi kaibigan kita." Akala ko ay ayos na nang lumayo siya pero humabol pa siya ng lingon sa akin at nakakatakot pa rin ang itsura niya. "I'm your Boss!" Kinilabutan ako sa sinabi niyang iyon na hindi ko alam kung bakit. Seryoso talaga siya kaya wala na akong nagawa kung hindi sumang-ayon. Naging maayos din naman ang pakiramdam ko nang magtanghali kaya pinayagan na akong umuwi. Kasama ko si Venus kasi mapilit siya. "Ang kulit mo! Sinabi nang ihahatid kita, ako ang magpapayong sa 'yo," wika niya sa akin at wala na akong nagawa kun'di pumayag sa gusto niya. Hindi nga lang talaga ako komportable na ginaganito niya ako. Isa pa, pinagtinginan kami kanina sa school. Ano na lang ang iisipin ng mga iyon? Wala si Nanay nang dumating kami, malamang ay mamaya pang gabi ang uwi no'n. Si Venus, umabsent na para raw bantayan ako. "Malakas na ako, kaya ko na ang aking sarili!" sabi ko sa kanya pero hindi niya ako pinakinggan. "Alam mo Mars, bilang kaibigan ay babantayan kita. Ako nga ang Boss sa atin 'di ba?" seryoso niyang sinabi habang nakapamewang sa harapan ko. "Simula ngayon, tututukan na kita. Ayaw ko na makikipag-away ka! Dapat lagi mo akong kasama! Dapat pag-aaral ang unahin. Malinaw ba?" Hindi ko siya pinansin pero kinulit niya ako nang kinulit. "Oo na! Ikaw na ang Boss!" sinabi ko na lang para tigilan ako. "Good!" tatawa-tawa niyang tugon. Mukhang masisiraan ako ng bait sa kanya. Tapos kinahapunan, tinuruan niya ako sa Math, paghahanda raw para sa exam. "Ako na rin ang tutor mo," wika niya sa akin. "Oo na," tugon ko. Paano kaya ako gagaling nito? Mukhang mas lulubha pa ang sakit ko 'pag siya ang aking naging bantay. "Mars, focus!" wika niya habang ipinapakita ang equation sa aklat.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม