CHAPTER 9: LQ

3323 Words
Tulala ako sa kwarto ko habang nakahiga sa kama. Ilang oras na ang nagdaan simula nang magdesisyon ako na matulog dahil wala naman akong ibang gagawin. Sina Zavian ata at ang mga pinsan niya ay nag-iinom pa rin sa labas ng bahay. Bumangon ako at nagdesisyon na pumunta ng kusina para kumuha ng maiinom. Gatas, tubig, o kung may makikita akong beer ay kukuha ako ng isa. Basta kahit anong maaaring makatulong sa akin sa pagtulog ko. Bago ko buksan ang pinto ng aking silid ay nakarinig ako ng ilang ingay na mula sa labas. Hindi rin naman iyon nagtagal tapos ay napawi rin at pagsara ng pinto ang aking narinig. Mukhang tapos na silang mag-inom na magpipinsan at nagdesisyon na rin na magsipasok sa mga guestrooms. Nakahinga ako nang maluwag at pinihit na ang hawakan ng pinto bago lumabas at pumunta ng kusina sa unang palapag ng bahay. Madilim na at mga dim na ilaw na lamang ang bukas. Tahimik na rin ang kapaligiran dahil mukhang halos lahat ay natutulog na. Binuksan ko ang ref at nakita na may mga beer pa nga roon. Nagdadalawang isip tuloy ako kung iyon ba iinumin ko para makatulog o magtutubig na lamang ako. “Bakit gising ka pa?” Halos mapatalon ako sa gulat nang may biglang nagsalita sa likod ko. Nilingon ko siya at nakita ko si Zavian na nakasandal sa pader habang umiinom ng beer na nasa can. The dim light in the kitchen is enough to see him vividly. “G-Gising ka pa?” kinakabahan kong tanong. Hindi ko akalain na gising pa siya! Akala ko ay lahat silang magpipinsan ay tulog na. “Hindi pa ako inaantok kaya nanatili ako rito. Nakakapagtaka nga na hindi mo ako napansin,” natatawang saad niya. Sa hindi malamang dahilan ay naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko. “Anyway, I was asking you the same question and you haven’t answered me yet.” “Hindi pa ako makatulog kaya’t naisipan kong kumuha na lang muna ng maiinom.” Napayuko ako at pinisil ko ang aking palad.  Tumayo siya nang maayos bago ipakita sa akin ang isa pang can ng beer. “Want to have some drink with me?” Nag-angat ako ng tingin sa kanya at sinalubong ako nang nakangiti niyang mga labi. Napasinghap ako pero tumango na lang din. Siguro maganda na rin na matutunan kong pakisamahan ang pamilya ni Javier, lalo na ang mga anak niya. Lumapit ako sa may counter bago kunin ang inaalok niya sa aking can ng beer. Malamig pa iyon kaya’t agad kong binuksan. Naupo ako sa kitchen stool at naupo rin naman si Zavian sa tapat ko. “Tulog na lahat ng mga pinsan mo?” hindi ko mapigilang tanong nang palibutan kami ng katahimikang dalawa. Tumango siya habang sumisimsim sa can na hawak niya. “Oo, lasing na sina Avi. Pinatulog na nina Silas.” “Kaya nag-solo ka na lang na uminom?” natatawa kong tanong sa kanya. Hindi pa siguro siya kontento sa inuman nila kaya’t naandito siya ngayon at nagso-solo. “Kind of.” Marahan din siyang tumawa. “Pero may mga iniisip kasi akong bagay kaya’t hindi pa ako makatulog.” Bahagya akong napanguso sa sinabi niya. Ikiniling ko ang aking ulo bago muling magsalita. “Kagaya ng?” Ano pa bang mga bagay ang iniisip ng isang kagaya niya? Kami kasi pera o kung mabubuhay pa ba kami sa mga susunod na araw. Ang kagaya kaya ni Zavian, ano pang iniisip? Tumingin siya sa akin. Napansin ko ang pagbigat ng ekspresyon ng mga mata niya habang nakatitig sa akin. Napalagok ako sa aking sariling laway na para bang pinagsisisihan ko na nagtanong pa ako. “You.” Matipid ngunit sapat na iyon upang makaramdam ako ng tila pangunguryente sa aking katawan. Napaupo ako nang tuwid dahil doon. “Iniisip kita.” “B-Bakit naman ako ang iniisip mo?” Nag-iwas na lamang muli ako ng tingin at tinitigan ang can ng beer sa harapan ko. He scoffed kaya’t sinilip ko siya at nakita ko na hindi matanggal ang ngisi sa kanyang labi. “Masama bang isipin ka?” tanong niya sa akin. Magkahalong panunukso at panghahamon ang kanyang tono kaya’t pakiramdam ko ay natuyuan ako ng lalamunan doon. “Simula nang makilala kita noon sa club na pinagtatrabahuhan mo, hindi ka na naman naalis sa isipan ko.” Napatingin ako sa direksyon niya nang wala sa sarili. Hindi pa rin naman ako nagsalita dahil nagulat pa rin ako sa mga sinasabi niya. Nang magtama ang aming paningin, pakiramdam ko ay nakikita niya ang kaluluwa ko gamit ang malalim niyang mga mata. “Naunahan lang ako ni Dad, eh.” Humalakhak siya, iyong tipong malalim, na akala mo nanggagaling sa ilalim ng lupa. “Sayang talaga.” “Bakit hindi ka bumalik sa club noon?” Muli ay wala na naman ako sa sarili nang itanong iyon. Hindi maganda ang pinatutunguhan ng pag-uusap na ito pero…hindi ko rin maiwasang magtanong kasi bukod kay Javier, isa siya sa hinihintay kong magpakita ulit sa akin ngunit hindi iyon nangyari. Tumawa siyang muli. “Sinong nagsabihing hindi ako bumalik?” Hindi ko na kasi siya nakita magmula noong isang gabing nagkausap kami kaya inisip ko na hindi ko na siya makikita pang muli…only to find out that he’s the son of my current boyfriend. Hindi ko rin naman sinasabi na may gusto ako o nagkagusto ako kay Zavian. Natuwa lamang akong marinig mula sa kanya ang mga salitang binitawan niya noong una kaming nagkita. Simula noon, hiniling ko rin na magkita ulit kami. Ang nararamdaman ko para kay Zavian ay hindi ko rin talaga ma-pinpoint kung anong ibig sabihin. “Bumalik ako para makausap ko ulit. Para makita ka ulit, but you were not there anymore. It was a surprise to see you again here…as my father’s girlfriend.” Maliit na ngiti ang iginawad niya sa akin bago siya uminom muli sa lata ng beer. Piniyaot niya iyon nang maubos bago magbukas ng panibago. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Naguguluhan din ako sa mga salitang ipinapahiwatig niya sa akin. Ayoko namang isipin na baka…may gusto siya sa akin? “I’m speechless…” Wala akong maisip kung ano bang dapat kong sabihin sa kanya. Dapat bang magtanong pa ako bakit gusto niya ulit akong makita? Ako rin naman ay gusto ko. Kasi nakakagaan ng loob na kausap siya noon, hindi ko nga alam na ganito ang magiging impresyon ko sa kanya ngayon dahil ang bigat talaga ng hangin sa paligid niya sa tuwing kausap ko. Pakiramdam ko ay hinuhusgahan niya ako kahit hindi niya sabihin dahil boyfriend ko ang dad niya…o baka naman, iniisip ko lamang iyon? “Hindi mo ba itatanong sa akin why I want to see you again? Why I wanted to talk you again?” Iginilid niya ang ulo niya habang nakatitig sa akin. Napalunok akong muli at napasinghap ng hangin. “B-Bakit?” Siya na rin naman ang nag-initiate, hindi ba? Sa tingin ko hindi naman masamang itanong na rin. Ibinaba niya ang can ng beer na nakatakip sa kanyang labi kanina at muling sumilay ang isang ngiti. I didn’t know he likes to smile…a lot. “Because I like you, Triana.” Kinagat niya ang labi niya habang ako ay nanlalaki ang mga mata. “I really like you.” Halos mabitawan ko ang hawak kong can ng beer dahil sa sinabi niya. Did he just say that he likes me? Napakurap-kurap ako, pinoproseso pa rin ang sinabi niya. Habang si Zavian naman ay nakatitig pa rin sa akin. “And if you’re going to give me a chance, I’m going to court you—” “Zavian, girlfriend ako ng dad mo,” singit ko sa kanya upang hindi niya maituloy ang sasabihin niya.  Napatulala sandali sa akin si Zavian hanggang sa bigla na lamang siya humalakhak. Ang kanyang malalim na boses ay umalingawngaw sa kusina.  Why is he acting like this? He’s only 18 years old pero ang kilos niya ay hindi pang-18! “Right.” Tumango-tango siya. “Girlfriend ka ng dad ko.”  Pumirmi ang kanyang mga mata sa akin. Mas pinili kong umiwas at inumin na lamang ang lamang beer ng hawak ko. Pakiramdam ko ay hindi ko pa man nauubos ang laman ng beer ko ay nalalasing na ako sa pinag-uusapan namin ni Zavian. “And what about it?”  Muli niyang nakuha ang buong atensyon ko sa sinabi niya. Para bang wala lamang sa kanya iyon at parang ako pa ang hinahamon niya na kaya niyang kalabanin ang dad niya para lang sa akin. “Hindi tama ang gusto mo—” “May tama o mali ba sa pagkakagusto sa isang tao? I didn’t know liking someone is some sort of test.” Ngumisi siya, nanunuya at nanghahamon pa rin. “And you know what, Triana, I always give my 101% in everything I do, and that includes giving effort to the person I like.” Napatayo ako sa aking kinauupuan. Na kahit nangangalahati pa lamang ako sa aking iniinom na beer ay hindi ko na kayang ubusin pa. “M-Matutulog na ako,” pagpapaalam ko kay Zavian. Pilit akong ngumiti sa kanya at nagmamadaling umalis doon. “Good night, Triana.” Nakaramdam ako ng kakaibang kilabot sa tuwing binabanggit niya ang pangalan ko. Like he’s giving some sort of meaning behind it, kahit wala naman dapat. Mabilis ang pagkalabog ng aking puso nang makarating ako sa aking silid. Napasandal pa ako sa may pinto at nahawak sa aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nagiging reaksyon ng puso ko para sa kanya pero alam ko na hindi ito maganda…at delikado si Zavian para sa akin. Kahit kulang sa tulog dahil hindi rin naman ako nakatulog kaagad matapos kong makabalik ng kwarto ay maaga pa rin akong nagising. Inisip ko na lamang na panaginip lamang ang nangyaring pag-uusap sa pagitan namin ni Zavian kagabi. Hindi niya ako maaaring magustuhan! Kung sakali mang yayain ako ng kasal ni Javier, magiging step-mother niya ako! Matapos kong maghugas ng mukha ay tinitigan ko ang repleksyon ko sa salamin. “Hindi totoo ang mga naganap kagabi. Hindi totoo ang mga sinabi ni Zavian. Nananaginip lang siguro ako.” Marahan kong tinapik ang aking pisngi para tuluyan na akong magising. Lumabas ako ng banyo at nagpalit ng damit bago lumabas ng kwarto upang mag-umagahan. Nakasabay ko pa si Silas nang naglalakad ako sa pasilyo ng pangalawang palapag. Binati niya naman ako na hindi ko inaasahan. “Good morning,” matipid na bati nito sa akin. Ngumiti ako sa kanya, itinatago ang kabang nararamdaman. “Good morning.” Sa tingin ko ay hindi ko na kailangan pang magtanong. Pakiramdam ko ay nasa unang palapag na ng bahay ang ibang pinsan niya. Hindi nga ako nagkamali dahil nang dumating kami sa hapag kainan ay naroroon na ang mga pinsan niya. Kaagad na tumigil ang titig ko kay Zavian na nakaupo na naman sa tabi ng silyang parati kong inuupuan. Gusto ko tuloy na sa ibang upuan na lamang pumwesto pero baka isipin niya ay umiiwas ako sa kanya—kahit na iyon naman talaga ang pakay ko. Pinakalma ko ang sarili ko. Hindi ba’t panaginip nga lang iyon? Hindi ko na dapat iniisip pa ang mga sinabi ni Zaavian sa akin kagabi. Baka dala lamang ng kalasingan kaya’t ganoon siya. Naupo ako sa silya ko…sa tabi ni Zavian. Naramdaman ko kaagad ang paninitig niya sa akin. Para akong natutunaw kahit hindi ko pa man siya tinitingnan pabalik. Alam ko lang na malalim ang kanyang mga matang nakatitig sa akin, na para bang pinag-aaralan ang bawat kilos ko. “Uuwi raw sina Zavian sa Victoria pero baka mamaya pa. Kayo ba? Hati, uwi na tayo, ha. Sa iyo ako sasabay,” sabi ni Gio habang nagsisimula na silang kumain. Nakita ko lamang ang pagtango ni Hati pero hindi na nagsalita pa. “Ako kay Silas. Ayokong sumabay kay Hati. Puta, akala mo trip to hell ang hayop! Ang hilig mag-overtake kung kailan ang pangit ng posisyon ng sasakyan niya. Akala mo hari ng kalsada, eh!” Tumingin si Avion kay Silas na nasa tabi ni Zavian. “Anong oras uwi mo?” “Pagkakain ng umagahan, uuwi na ako. Baka hinahanap na ako ni Ara,” sagot naman ni Silas kay Avion. Tumango si Avion at nagsimula nang kumain. “Bakit, anong oras pa ba ang alis niyo rito, Zav?” tanong ni Hati. Hindi man ako ang tinatanong niya ay napatingin din ako sa kanya. Muli ay may makahulugang titig siya kay Zavian. Nang mapunta sa gawi ko ang tingin niya ay kaagad akong umiwas. “Baka mamayang hapon pa. Bahala na. Kung kailan handang umalis si Triana.” Napaangat ang ulo ko nang banggitin niya ang pangalan ko. Bakit nasali ako—oo nga pala! Ang sabi ni Javier ay uuwi ako sa isang bahay pa nila sa Laguna para makapunta o makadalaw ako sa university kung saan nag-aaral sina Zavian. Nang sa ganoon, next semester, pwede na akong makapasok sa kolehiyo kung sakali. Namilog ang labi ni Hati. Muli ay para bang may kahulugan iyon pero hindi ko makuha kung anong ipinapahiwatig niya. Masyadong mahiwaga si Hati para sa akin, si Silas naman ay misteryoso. Pinakamabilis talagang pakisamahan sa kanilang magpipinsan ay sina Gio at Avion. Si Zavian, isa ring mahirap basahin. Kagaya ng mga plano nila ay umalis na rin sila matapos nilang mag-almusal. Nagpaalam na sila sa amin at umalis sakay ng dalawang sasakyan na mukhang pagmamay-ari nina Silas at Hati. Papasok na sana akong muli ng bahay nang pigilan ako ni Zavian. Napatingin ako sa kamay niyang nakahawak sa akin at kaagad na iniiwas ang akin. “Sorry,” paghingi niya ng paumanhin sa akin. “Anyway, anong oras mo gustong lumuwas papunta ng Victoria?” “I-Ikaw ba? Kahit anong oras naman ako,” iwas tingin kong sagot sa kanya. Kung dati ay hindi ko siya matingnan ng diretso, mas lalo na ngayon! Naaalala ko lamang lahat ng sinabi niya sa akin kagabi. Hindi ko makalimutan kahit gusto kong isiping hindi iyon totoo! “Okay, after lunch, then.” Tumango na lamang ako sa kanya upang hindi na humaba pa ang usapan. Pumasok na ako sa loob ng bahay at dumiretso sa kwarto. Mag-aayos na ako ng gamit dahil mukhang doon ako titira sa ngayon. Naisip ko rin na kapag naandoon na kami sa Victoria ay hahanap ako ng maaari kong pasukang trabaho. Kahit part-time job lang. Ayoko lang talagang nakaasa sa mga Benavidez, lalo na kay Javier. Lalo lamang iisipin ng iba na dahil sa pera kaya’t naging kami. Naupo ako sa dulo ng kama at tinawagan si Javier. Nakakausap ko naman siya pagminsan simula nang umalis siya pero mukhang sobrang abala niya kung nasaan man siya ngayon. “Hello,” bati niya sa kabilang linya. “Hi! How are you?” tanong ko sa kanya. “Busy. I’m sorry, hindi ako masyadong makatawag sa ‘yo dahil abala ako sa problema namin dito sa Biñan. Anyway, nabanggit na ni Zav sa ‘yo ang pag-uwi mo sa Victoria?” tanong nito sa akin. “Oo, mamaya kami luluwas. Si Audrey ay kahapon pa umuwi roon.” Tumigil ako sandali at humanap ng bwelo para sabihin ang balak. “Since mukhang doon muna ako mananatili may gusto sana akong ipagpaalam sa ‘yo.” Ilang beses ko na rin namang sinabi sa kanya na gusto kong magtrabaho, kahit hindi sa club. Kahit janitress or waitress ay papasukan ko pero ayaw talaga niya. Mas maganda raw na manatili lamang ako sa bahay at maghintay kung kailan ako makakapasok sa school. Marami raw kasi silang kalaban at baka kung anong mangyari sa akin kapag hinayaan niya ako sa gusto ko, lalo na’t girlfriend niya ako. “Ano iyon?” May narinig akong usapan sa kabilang linya kaya’t pinatapos ko muna iyon bago ako magsalita. “Gusto kong mag-work doon. Kahit part-time lang. Para may pangtustos ako sa pang-araw-araw ko. Lalo na kapag napasok na ako sa eskwelahan.” Tumahimik si Javier sa kabilang linya at hindi kaagad nagsalita. Mabigat na paghinga niya lamang ang aking naririnig kaya’t kinabahan ako. “Hindi ba’t napag-usapan na natin ito—” “Ayoko lang masyadong maging pabigat sa inyo. Gusto ko ring may sarili akong pera at hindi nakaasa sa ‘yo. Kaya ko namang pagsabayin ang pag-aaral at ang pagtatrabaho kung sakali.” Umaasa kasi talaga ako na makukuha ko iyong scholarship at makakapag-aral na sa susunod na semester. “Triana…” pagtawag niya sa aking pangalan kaya’t napaupo ako nang tuwid. “Hindi ka naman namin itinuturing na pabigat. Mas maganda pagtuunan mo na lamang ang pag-aaral mo kapag napasok ka na sa unibersidad. Ako na ang bahala sa lahat ng gastusin. Kung may kailangan ka: pera, gamit, o kahit ano pa, sabihan mo na lang ako o kaya si Zavian. He can accompany you, lalo na kapag wala ako sa tabi mo. Huwag ka nang magtrabaho. Kailangan ko nang umalis. Mag-ingat kayo ni Zavian pag-uwi mamaya, okay? Babalitaan na lang din kita tungkol sa scholarship mo at kung kailan mo kailangang kumuha ng exam para roon.” “Bye.” Wala na akong ibang nasabi. Dismayado kong ibinaba ang aking cellphone at bumuntong hininga.  Tumayo na akong muli sa pagkakaupo ko at naglakad patungo sa mga gamit kong kailangan kong dalhin papunta sa isang bahay nila. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw niya akong magtrabaho. Gusto ko lang naman makalikom ng sarili kong pera dahil…nahihiya ako na umaasa ako sa kanya. Siguro lumaki lang din talaga ako na hindi dumedepende sa kahit na sino. Matapos nga ang tanghalian ay gumayak na kami at tumulak ni Zavian papunta sa Victoria. Nakakapagtaka na mas pinili nila na rito manatili at mag-aral ng kolehiyo imbis na sa mga tanyag na paaralan sa Maynila. Gusto ko iyong itanong pero mas pinili kong manahimik na lamang. Nasa expressway na kami at ako ay pinapanood lamang ang mga nadaraanan. Mabuti na lang din at hindi nagsasalita si Zavian. Mas kakayanin kong pagtiisan ang katahimikang ito kaysa ang mga kung ano na namang salitang magmumula sa kanya kagaya kagabi. Nakahalumbaba ako habang pinapanood ang labas ng bintana nang biglang magsalita si Zavian. Hindi ako kumibo dahil alam ko naman na hindi ko kayang makipaglaban ng titigan sa kanya. “Nagkausap na kayo ni Dad?” tanong niya. Mabilis ko siyang nilingon ngunit nag-iwas din kaagad. Tumango na lamang ako sa kanya bilang sagot. Ang dami ko lang iniisip. Dismayado pa rin ako na hindi ako pinayagan ni Javier magtrabaho ngunit hindi naman ako makaangal sa kanya dahil utang na loob kong ligtas ako ngayon at hindi ginawang pambayad ng nanay ko sa mga utang niya. “If you talked to him, why do I feel like you’re disappointed about something? May hindi ba kayo pagkakaintindihan?” tanong niya sa aking tila ikinainis ko. Para kasi siyang nanunuya! Tiningnan ko siya habang magkasalubong ang aking kilay. Ganoon pa man, hindi pa rin ako nagsalita. Sinulyapan niya ako at nakita ko na naman ang pagngisi niya. “LQ kayo ni Dad?” Ramdam na ramdam ko ang pang-aasar niya.  Inirapan ko na lamang siya at inisip na mag-isa ako ngayon dito. Wala si Zavian dito kung iisipin ko na wala siya rito! “Kung ako ang boyfriend mo, hindi ko hahayaang sumasama ang loob mo sa akin,” sabi niya sa isang malalim na boses. Nilingon ko siyang muli, inaasahan na binibiro na naman niya ako nang makita ko ang kakaibang ngiti sa kanyang labi. Hindi ito ang ngiti ng isang taong nagbibiro. Nakahawak ang kanyang isang kamay sa manibela habang ang isa naman ay nakatuon sa may bintana ng sasakyan. Hindi ko nagawang iiwas ang mga mata ko sa kanya sa posisyon niyang iyon. Parang ngayon ko lamang siya natitigan ng ganitong katagal…kasi hindi siya nakatingin sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD