Kumakain na kami ngayon ng breakfast. Gising na rin si Audrey at nakabihis na. Ang pagkakaalala ko ay uuwi rin sa bahay nila sa Victoria si Audrey dahil may usapan sila ng mga pinsan niyang babae.
“Sigurado ka bang hindi ka uuwi ngayon, Kuya? Wala kayong usapan nina Kuya Silas? It’s Saturday, madalas ay kapag hindi kayo gumigimik ng Friday ay Sabado kayo ng gabi naglalakwatsa,” sabi ni Audrey sa kapatid niyang kumakain lamang ng tahimik sa tabi niya.
Napapatingin ako sa kanila minsan ngunit mas pinipili na ring mag-iwas na lamang ng tingin kalaunan. Natatakot ako na baka mahuli ako ni Zavian na nakatingin sa kanya.
“Hindi, Audrey. Wala kaming usapan ngayon at kung mayroon man, hindi ako sasama.”
Napatalon ako nang biglang tumingin sa akin si Zavian. Sa taranta ko ay napainom ako ng tubig nang wala sa oras para lamang iwasan ang paninitig niya sa akin.
“Himala!” pang-aasar ni Audrey sa isang mataray na tono.
Muntikan pa akong masamid sa pag-inom ng tubig dahil sa kaba ko. Bakit ba kabadong-kabado ako kay Zavian? Pakiramdam ko ay hinuhusgahan ako ng mga mata niya sa tuwing tumitingin siya sa akin.
Matapos ang umagahan ay umalis na rin si Audrey. Nagpaalam din siya sa akin kaya’t ngumiti ako sa kanya.
“Ingat,” sabi ko sabay kaway rito. Mabait naman pala si Audrey. Mataray lang siguro talaga ang mukha niya.
Papasok na ako ng bahay nang mapansin ko na nakahilig na naman si Zavian sa may pintuan. Nakahalukipkip siya at nang mapansin niya na nakatingin ako sa kanya ay tumingin din siya sa akin. Napalagok ako sa aking laway at mas pinili na lamang na magpatuloy sa paglalakad.
Pumasok ako sa loob ng bahay at narinig ko ang mahina niyang pagtawa nang mapadaan ako sa kinaroroonan niya. Tila man nang-iinis ay hindi ko na siya pinansin pa.
Napadpad ako sa may grand piano at napansin na may mga picture frame roon. Naisipan kong titigan ang mga litratong naroroon. Hindi ko kasi iyon nagawa kahapon dahil pakiramdam ko ay ang daming nangyari.
Nakakita ako ng picture ng buong pamilya nila. Malaki pala talaga ang angkan nila. Nakakita rin ako ng litrato ng limang batang lalaki na sa tingin ko ay sina Zavian noong bata pa sila kasama ang mga pinsang lalaki. Mayroon namang kasama rin ang mga babae at si Audrey. May dalawang litrato na tila nito lamang kinuha. Tinitigan ko iyon at hindi mapigilang mapahanga sa genes ng pamilya nila. Grabe pala ang mga lalaking Benavidez, walang tapon.
Iginala ko pa ang mga mata ko sa ilan pang picture nang makakita ako ng family picture nila. Naandoon si Javier, si Zavian, at si Audrey. Bukod sa kanilang tatlo ay may isa pang maputi at magandang babae na sa tingin ko ay…
“That’s my mom.”
Napatalon ako nang may marinig akong boses sa likod ko. Lilingunin ko pa lang ito nang maramdaman ko siyang malapit sa may mukha ko. Kaagad akong napaatras. Bakit sobrang lapit niya sa akin?!
Tumitig pa siya sa picture frame na tinititigan ko kanina bago tumingin sa direksyon ko. Matipid siyang ngumiti bago tumuwid ng tayo.
“Why are you so tense when I’m around? Hindi ka naman ganyan nang una tayong magkita sa club, hindi ba?” tanong niya sa akin, may ngiting tila ba namamangha sa mga reaksyong ibinibigay ko sa kanya.
Mabilis at mabigat ang aking paghinga. Hindi ko rin alam. Bakit nga ba ganito ako sa kanya ngayon? Dahil ba nalaman ko na mag-ama sila ni Javier at pareho ko silang naging customer noon sa club?
“I-I’m not.” Nag-iwas ako ng tingin sa kanya. O dahil pakiramdam ko ay may iniisip siya sa aking hindi maganda dahil sa pakikipagrelasyon ko sa tatay niya? Siguro nga. Pero handa naman akong patunayan na hindi dahil sa kung anong mayroon si Javier kaya ko ito nagustuhan o kaya ako nakipagrelasyon sa kanya. Hindi dahil sa pera. Love is what I have for his father at handa ko naman iyong patunayan.
Ngumisi si Zavian ngunit hindi niya iyon masyadong ipinahalata sa akin. Muling bumigat ang aking paghinga at bumilis ang pagkabog ng aking puso.
“By the way, nagkausap na ba ulit kayo ni Dad? He called me earlier, before breakfast. Ang sabi niya sa akin ay sumama ka raw sa akin bukas pag-uwi ng Victoria. Magsimula ka na rin daw mag-inquire kung anong gusto mong course sa university. Sila na raw ang bahalang kumuha ng grades mo sa previous school mo para masimulan na ang application ng scholarship mo. Nang sa ganoon makakuha ka na ng exam for the scholarship at makapasok na sa susunod na semester.” Muli siyang ngumiti sa akin kahit hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng ngiti niyang iyon.
Tumango na lamang ako. Wala akong ibang masabi. Hindi ko talaga alam bakit iba ang responde ko sa kanya kumpara noong una naming pagkikita.
Muling tumunog ang kanyang telepono kaya’t naging dahilan iyon upang sa wakas ay mag-iwas na siya ng tingin sa akin. Nagpaalam siya at umalis sa kinatatayuan niya upang makausap kung sino man ang tumawag sa kanya.
“Silas, hindi ako uuwi kung iyon ang dahilan ng pagtawag mo.” Nangilabot ako nang marinig ang malamig at seryosong tono ng pananalita niya. Parang hindi naman siya ganyang kaninang makipag-usap.
Ipinikit ko ang aking mga mata at bumuntong hininga.
Nakausap ko na rin naman si Javier nang araw na iyon. Sinabi niya nga na sumama ako pag-uwi ni Zavian sa isa pa nilang bahay rito sa Laguna kung saan kasalukuyang nakatira ang magkapatid dahil mas malapit iyon sa school nilang dalawa. Hindi na naman ako nagreklamo pa. Excited din kapag naiisip na makakapag-aral ako sa susunod na semester.
Maghapon na wala si Zavian. Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko ba iyon o hindi. Hindi ko rin naman matukoy kung gusto ko ba siyang naririto o wala.
Kakalabas ko lamang ng kwarto ko nang makarinig ako ng ingay mula sa unang palapag ng bahay.
“Akala mo makakatakas ka sa amin, ha? No way! Sa Paseo tayo mamaya, ‘no? Tapos dito kami matutulog.” Dinig kong boses ng isang lalaki.
“Ang sabi mo Silas, kayo lang ni Hati, bakit nagsama kayo ng mga bata?” Mukha mang seryoso ang boses na iyon ni Zavian ay alam mo ring nagbibiro ito.
Mula sa pangalawang palapag ay sumilip ako sa may living room at doon ko nakita ang apat pang lalaki bukod kay Zavian.
“Makabata ka naman diyan! Mag-18 na kaya kami ni Gio. Malapit na. Nauna lang kayo ng isang taon, eh,” sabi naman ng isa pang lalaki.
“Hindi kayo papapasukin doon—”
“Mukha naman kaming 18. Papapasukin kami sa bar. Huwag nga kayong mga kontrabida,” angal ng isa pa na kung hindi ako nagkakamali ay tinawag na Gio ng katabi niya.
“Sa akin wala akong pakealam kung sumama kayo. Basta no s*x for you guys,” sabi naman ng isang nakatayo sa gilid ng sofa na inuupuan ni Zavian.
“Iyan gusto ko sa ‘yo, Hati, eh! Itong si Silas at Zavian kasi ay masyadong maprinsipiyo. Hindi man lang maawa sa amin.”
Nakita ko ang pagsimangot ni Zavian sa narinig.
“No, Gio. Kami ang mapapagalitan sa gagawin ninyo. Let’s just stay in our house. Magpabili na lang tayo ng alak o kumuha ng alak sa kwarto ni Dad,” sabi ni Zavian sa mga kasama.
Ang isa sa kanila ay tahimik lang habang nakikinig sa pagtatalo nila. Napansin ko pa ang paghikab nito.
“Ikaw, Silas? Anong balak mo? Tatahimik-tahimik ka riyan ha!” suway sa kanya ni Gio.
Nagkibit balikat si Silas at tila ba inaantok. “Bahala kayo. Hindi naman ako aangal kung anong balak niyo.”
Tumayo si Zavian. “It settles, then. Dito na lang tayo sa bahay.”
Aangal pa sana iyong Gio at katabi niya nang tingnan sila ni Zavian ng seryoso kaya’t hindi na sila natuloy sa pagsasalita.
Umatras ako at nagdadalawang isip pa kung pupunta ng unang palapag. Bigla akong nakaramdam ng kaba dahil may ibang tao bukod kay Zavian.
Nagdesisyon ako na pumasok na lamang muli sa kwarto at siguro magpapalipas ng oras bago bumaba ng hagdanan. Bababa na lamang ako kapag wala na sila.
Akala ko ay hindi ko makikita si Zavian ngayon dahil kanina pa siya umalis. Nakabalik na pala siya tapos mukhang kasama pa ang mga pinsan—o barkada? Hindi ko sigurado.
Nang katukin ako ng katulong upang sabihin na kakain na ng hapunan ay nagdadalawang isip pa akong lumabas ng silid. Nahihiya akong magpakita sa mga kasama ni Zavian. Baka mamaya kung anong itanong nila sa akin o hindi kaya’y matahin nila ako at isiping pineperahan ko lang si Javier. Ewan ko, siguro ganito lang ang tingin ko sa mamayaman. Kahit hindi naman lahat ay mapangmata. Marami rin akong nakasalamuha na mabubuting tao. Minsan ay hindi ko lang din talaga maiwasang mag-isip.
Lumabas ako ng kwarto at kaagad kong kinausap iyong kasamabahay nila. “Sina Zavian po?”
“Nasa likod po sila ng bahay. Dumating po kasi ang mga pinsan ni Sir Zavian kaya’t doon muna sila nanatili. Hindi ko lang po sigurado kung sasabay silang maghapunan sa inyo.”
Bahagya akong nakahinga nang maluwag sa sinabi niya. Siguro naman ay hindi na sila sasabay? Baka mag-inuman na ang mga iyon.
Pumunta na ako sa dining area. May mga nakahandang plato bukod sa plato ko. Siguro, just in case kung maisapan ng magpipinsan na kumain.
Magsisimula na sana akong kumain nang makarinig ako nang ingay na papalapit sa dining area. Para akong nabuhusan nang malamig na tubig nang marinig ko ang malakas na tawanan ng magpipinsan.
“Oh?”
Napalingon ako sa kanila at nakita ko nga na naandito sila. Tulala pa ang apat na lalaki habang nakatingin sa akin. Ako naman ay hindi malaman kung babatiin ba sila o ngingitian. Mas pinili ko na lang na ngumiti kahit na mukha hilaw naman iyon.
“H-Hi,” bati ni Gio sa akin. Hindi ko pa rin naman tinanggal ang pagkakangiti ko sa kanila.
“May ibang tao pala. Hindi mo man lang sinabi, Zavi!” Tumikhim naman iyong katabi ni Gio bago umayos ng pagkakatayo at ngumiti sa akin.
Naglakad na si Zavian at hindi pinansin ang mga sinasabi ng pinsan. Napansin ko pa ang pagyuko ni Hati na para bang natatawa siya. Samantalang si Silas naman ay malamig lamang na nakatingin sa akin. Para akong naestatwa roon. Nakakakilabot.
Bumalik lamang ako sa ulirat ko nang marinig ko ang ingay na nagmumula sa tabing silya ng inuupuan ko. Napatingin ako rito at nakita ko si Zavian na naupo sa tabi ko.
Tumingin siya sa mga pinsan nang hindi ito magsigalaw sa kinatatayuan. “Ano? Panonoorin niyo kaming kumain?”
Tumawa iyong si Gio at ang katabi niyang lalaki na hindi ko pa alam ang pangalan bago maglakad papunta sa hapag kainan. Naupo ang dalawang lalaki sa tapat ko. Si Silas ay sa tabi ni Zavian at si Hati naman ay sa tapat ni Silas.
“Anyway, my name is Giovanni Benavidez, but call me Gio. You are?” tanong sa akin ni Gio habang pinagsisilbihan kami ng mga katulong.
“Triana. Triana Lopez,” pagpapakialala ko naman. Iaabot sana sa akin ni Gio ang kamay niya nang tumikhim ang lalaki sa tabi ko kaya’t hindi na itinuloy ni Gio ang binabalak niya.
“Ako naman si Avion. Just call me Avi.” Nginitian ako ng lalaking katabi ni Gio kaya’t ngitian ko rin siya.
“Hati,” matipid ngunit nakangiting pagpapakilala naman ni Hati sa akin. Tumango ako sa kanya at ngumiti.
Napatingin ako sa lalaking katabi ni Zavian na kagaya ni Zavian ay nakakatakot ang presensya. Sa kanilang lima ay silang dalawa ni Zavian ang mabigat ang binibigay na presensya sa akin.
Tumingin si Silas sa akin nang mapansin niya ang pagtingin ko. Wala ata siyang balak magpakilala. “Silas.”
I maintained my smile, kahit na nanginginig ang labi ko sa pagsasalita niya. Para bang napilitan lamang siyang magpakilala dahil nakatingin ako sa kanya.
Nagsimula na kaming kumain. Hindi naman naging tahimik iyon dahil maingay sina Avion at Gio na tawanan nang tawanan. Si Hati ay minsanang nakikisali sa kanila pero hindi ganoong kaingay. Samantalang ang dalawa sa gilid ko ay tahimik lamang.
“So, Triana…” pagtatakam ni Avion sa akin. Tumingin ako sa kanya habang naghihintay ng susunod niyang sasabihin. “Ikaw iyong girlfriend ni Tito Javier—”
“Avi!” agap na suway ni Zavian sa kanyang pinsan. Napalingon ako sa kanya at nakita ko ang matalim niyang pagtitig kay Avion. Ngumuso si Avi dahil sa ginawa ni Zavian.
“Nagtatanong lang, eh,” sabi nito habang nakanguso pa rin.
“Oo,” sagot ko na lang. Kung alam na naman nila, hindi ko naman na kailangang itago pa, hindi ba?
“We heard about you, napag-usapan kasi ng mga tatay namin na may girlfriend nga raw si Tito Javier. Ikaw pala iyon. Nice meeting you,” sabi ni Gio sa akin at uminom ng tubig.
Ngumiti ako sa kanila ni Avion dahil kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko sa kanilang dalawa. Hindi kasi kagaya nina Zavian at Silas na may malalamig na ekspresyon ang mukha, itong dalawa ay tila mabilis pakisamahan at mapagbiro. Si Hati naman ay hindi mo malaman kung seryoso ba o nagbibiro kaya hindi rin ganoon pa kagaan ang loob ko sa kanya.
“Pero huwag mong isipin na may sinasabi silang masama laban sa ‘yo. Tanggap ka naman ng pamilya,” natatawang sabi ni Avion. Siguro ay iniisip niyang sasagi sa aking isipan na ayaw sa akin ng pamilya nila.
Ngumiti na lamang ako. Hindi ko rin kasi alam ang sasabihin ko.
“Ilang taon ka na nga, Triana?” Napatingin ako kay Hati nang itanong niya iyon. Nakangiti siya sa akin pero may kung anong ekspresyon ang mata niya na hindi ko masabi kung mabuting indikasyon ba o hindi.
“20,” nahihiya kong sagot kay Hati na ikinatango niya naman.
“Well, age doesn’t matter,” nakangisi niyang sambit bago tumingin sa katabi kong tahimik lamang.
Napunta sa ibang paksa ang kanilang pinag-uusapan kaya’t binilisan ko ang pagkain para makaalis na. Hindi na rin ako masyadong komportable lalo na’t katabi ko si Zavian.
“Sa Manila kayo magma-master’s? Parang ayoko na. Suko na akong mag-aral,” sabi ni Gio matapos niyang kumain. “Wala pa man ako sa kolehiyo gusto ko na lang mag-drop out.”
“Oo,” sagot naman ng mga pinsan niya.
“Baka sa Ateneo De Manila ako. Not sure. Bahala na,” si Hati bago uminom ng juice.
“Baka sa La Salle ako. Doon malapit iyong condo ko. Katabi lang halos,” sabi naman ng kanina lamang na tahimik na si Silas.
“Baka magpatuloy ako sa law school. Hindi pa lang ako nagdedesisyon kung saang school ang maganda,” sagot din naman ni Zavian.
“Ako baka tambay na lang.” Malakas na tumawa si Avion. “Joke, baka kumuha ako ng second course sa La Salle. Kung makaka-graduate ng college.”
“Ako pinaglo-law nina Dad. I-try ko raw. Kasi diba nga, si Mommy lawyer. Putek, hindi ko nakikita ang sarili ko bilang abogado,” nakasimangot na sabi ni Gio sa mga pinsan.
“Oo nga, tol. Baka bumigay na iyong isang natitirang brain cell mo sa law school. Baka imbis na maging abogado ka ay maging abokado ka na lang.” Malakas na tumawa na naman si Avion na siyang sinamahan din naman ng pagtawa ni Hati.
“Gago ka, Avion! Matalino rin naman ako, ah? Tamad lang talaga ako, hindi kagaya nitong sina Silas. Pero hindi ko talaga makita ang sarili ko na nasa korte,” angal pa ni Gio. Hindi ko mapigilang panoorin silang magpipinsan na nag-uusap. Nakakaaliw lang din.
“Oo nga, ako rin. Pikunin ka pa naman. Baka kapag napikon ka sa loob ng korte, imbis na iyong mga kliyente niyo ang makulong ay ikaw pa. Kasi sinuntok daw iyong judge.” Muli kong narinig ang tawanan nila. Maging si Zavian ay naririnig ko ang mahinang pagtawa niya.
“Sasabihin ni Gio kapag napikon, suntukan na lang, ano? Mga gago kayong lahat!” banat din ni Hati na siyang ikinainis ni Gio pero maya-maya rin naman ay tinawanan nito.
“Mga gunggong. Hindi ako ganoon, ‘no!” tanggi ni Gio.
“How about you, Triana? Anong course mo ngayong college and what year?” Napatigil ako sa pag-inom ko ng tubig nang bigla kong marinig ang boses ni Silas.
Nilingon ko siya at nakita ko siyang diretsong nakatingin sa akin. Napansin ko rin ang pagtingin sa kanya ni Zavian. Nakita ko naman ang mabilis na pagtingin ni Silas sa pinsan bago ito taasan ng isang kilay.
“Mag-second year college pa lang kasi nag-stop ako last semester. Hindi ako naka-enroll.” Bakit ba ako nagpapaliwanag. “Entrepreneurship ang course na kukunin ko.”
“Oh, wow! Maganda iyan. Nice, nice!”
Napangiti ako nang makita ang mga reaksyon nina Gio at Avion. Para silang manghang-mangha. May mga iba’t ibang bagay pang tinanong sa akin ang dalawa. Minsan pa’y nawawala na ako sa sarili at sa pinag-uusapan at natatawa na lang sa mga banat nila.
Napawi ang aking ngiti nang tumikhim si Zavian. Nakatingin siya ng diretso sa dalawang pinsan niya habang blangko ang ekspresyon.
“Mag-iinom pa ba tayo o magkwentuhan na lang?” malamig na sambit ni Zavian sa dalawa.
Natigilan kaming tatlo sa pag-uusap at ngumuso sina Gio at Avion bago magpaalam sa akin. Nauna pang umalis ang dalawa upang pumunta sa likod ng bahay. Napansin ko po si Hati na umiiling at tumatawa habang nakatingin kay Zavian. Si Silas ay tahimik na umalis kasama si Hati at sumunod sa dalawang pinsan. Naiwan na naman kami ni Zavian na rito.
Tumayo na rin ako upang umalis doon. Tatangkain ko pa sanang maglinis ng pinagkainan nang mapansin ko na naghihintay na ang mga kasambahay sa gilid at hinihintay na lamang kaming umalis ni Zavian para makapaglinis sila.
Nagdesisyon ako maglakad na papaalis ng hapag nang marinig kong muli ang malamig na boses ni Zavian.
“You should smile frequently,” sabi niya sa akin. Nilingon ko siya at naabutan ko na nakatingin ito sa akin. Nagtataka pa rin naman ako sa ibig niyang sabihin.
Tumayo si Zavian sa pagkakaupo at lumapit sa akin. Ngumiti ito na halos magpatulala sa akin.
“It suits you.” Matapos niyang ibulong iyon ay naglakad na rin siya papunta sa likod ng kanilang bahay habang ako ay tila iniwan ng kaluluwa sa simpleng bulong niya lamang na iyon.