NAGISING si Tere sa malakas na tunog ng kaniyang alarm clock. Pagkaunat ay kaagad niyang kinuha ang cellphone niya. Excited niyang binuksan ang kaniyang Instaglam account. May hinihintay siyang mag-follow back, kahapon pa. Sa sobrang paghihintay, napanaginipan pa niya.
Pagbukas pa lang ay tadtad na agad ang notifications niya: mga comments at mga bagong followers.
Nalukot ang magandang mukha ni Tere nang matapos na niyang buksan ang lahat ng notifications pero hindi niya nakita ang inaasahan. Lalo siyang napasimangot nang makita niyang kaka-update lang nito one hour ago. And as usual, mukha na naman ng girlfriend nito ang nakabalandra sa story at newsfeed nito.
Parang bata na ngumawa si Tere at inihagis sa sahig ang cellphone niya. Nagpira-piraso iyon pero wala siyang pakialam. Kahit iyon pa ang pinakamahal na cellphone sa buong mundo. Kaya naman iyong palitan ng ama niya.
"Kainis siya! Bakit ba pati ang pag-follow back sa'kin ay ipinagkakait niya? Ako na nga ang gumawa ng first move, eh. 'Buti pa iyong girlfriend niyang mukhang kulogo, lagi niyang pinapansin." Sumigaw uli si Tere at parang batang nagpapadyak sa kama.
Pinaghahagis niya ang mga unan. At iyon ang nadatnan ng kaniyang yaya na si Winona. Mas matanda ito sa kaniya ng tatlong taon at five years nang nagsisilbi bilang personal alalay niya.
"Magandang umaga--" Natigil ang pagsasalita nito nang tumama sa mukha ang unang ibinato ni Tere.
"Ano ang maganda sa umaga kung hindi naman nag-follow back ang bebe Liam ko?!" inis na tili ni Tere.
"Eh, 'di magandang umaga sa mga f-in-ollow ng crush nila," biro sa kaniya ni Winona. "Awit naman sa'yo." "Aw sakit" ang ibig sabihin nito.
Kinuha ni Tere ang isa pang unan at ibinato uli kay Winona. "Ang laki na nga ng problema ko sa bebe Liam ko, dumagdag ka pa. Wala kang ulam mamayang lunch. Hindi ka masarap ka-bonding!"
Bukod sa pagiging mag-amo ay parang magkapatid na rin silang dalawa. Kaya sanay na sila sa biruan at okrayan ng isa't isa. Minsan nga ay nagsasabunutan pa sila kapag may hindi pinagkasunduan. Pero madalas ay magkasundo sina Tere at Winona. Lalo na pagdating sa pagpa-fangirl. Pare-pareho ang mga personality na pina-follow at bina-bash nila sa i********:. Ganoon ang bonding nilang dalawa.
Palibhasa ay nag-iisang anak lang si Tere kaya lahat ng mga kasambahay nila ay itinuturing na niyang pamilya, lalo na si Winona. Sa lahat ay ito lang ang hindi tumatawag sa kaniya ng "señorita". Kahit naman kasi saksakan siya ng spoiled ay mabait siyang amo.
Hindi niya inilalagay sa pedestal ang kaniyang sarili dahil lang anak siya ni Don Amado, isa sa pinakamayamang tao sa Negros Occidental. Pag-aari nila ang Hacienda Felicita na ipinangalan mismo sa kaniyang ina. Mayroon itong ekta-ektaryang lupain na may mga pananim katulad ng tubo, mangga, pinya, palay, at marami pang iba. Mayroon din iyong malalawak na fish ponds at malalaking rice milling.
Sa loob ng Hacienda Felicita nakatira ang kanilang mga trabahador. Sa mismong libreng pabahay na itinayo ni Don. May libreng pagamutan pa. Libre din ang pag-aaral mula elementarya hanggang college. Kaya naman ganoon na lang sila kung mahalin ng mga tao sa lugar na iyon.
Dahil sa pagmamahal sa kanila ng mga taga-Hacienda Felicita, never naramdanan ni Tere na dadalawa na lang silang namumuhay ng kaniyang ama. Sa tuwing may emergency ay marami ang nag-aalok ng tulong. Katulad na lang noong baby pa si Tere at ilang beses na nalagay sa panganib ang buhay niya.
Sanggol pa lang ay mayroon ng congenital heart defect si Tere, na habang lumalaki siya ay lalong lumalala. Dahil sa kundisyon kaya nangangailangan siya nang matinding pag-aalaga. Ngunit kung kailan naman kailangan niya ang isang ina ay saka naman ito nawala.
Tere was ten years old when her mother died. Dinibdib niya ang nangyaring iyon kaya lalong lumala ang sakit niya. Sumailalim siya sa isang heart transplant para maka-survive. After that, sa awa ng Diyos, unti-unting naging normal na ang buhay niya. Gayun pa man ay para pa rin siyang babasaging manika kung ituring ni Don Amado.
She was raised by him in a way that the spoiled person gets almost anything she wants. Sa edad na bente tres ay parang "baby" pa rin kung ituring si Tere ng kaniyang ama. Lalo pa at may sinabi noon ang doktor tungkol sa kalagayan niya na hanggang ngayon ay ikinakatakot ni Don Amado.
"Ang sabi ko naman kasi sa'yo, ipagtirik mo ng kandila ang pag-ibig mo kay bebe Liam," dagdag-biro pa ni Winona habang isa-isang pinupulot ang mga unan na itinapon niya. Pati na rin ang lasog-lasog na niyang cellphone. "O kaya humimas ka sa bolang kristal ni Madam Puring. At hilingin mo na mahalin ka rin niya."
"Gag*! Paano naman magiging effective ang bolang crystal na iyon ni Madam Puring, eh, kulay-pink? Parang joke-joke lang naman." Tumihaya sa higaan si Tere at parang nag-iimagine na tumingala sa kisame. "At saka gusto ko, kung mamahalin man niya ako, iyon ay dahil talagang mahal niya ako at hindi dahil sa kung ano pa man. Ganern!"
"Sus! Kung ganiyan ka dumiskarte, puputi lang ang uwak, hindi magiging iyo si bebe Liam mo. Dapat mala-Pinky move. Sa pa-Toktok-Toktok lang ay naagaw niya si Skatti sa ten-years girlfriend niyang si Paula. Ang resulta, instant wedding! Bongga ang ahas, 'di ba?"
Isa sa mga sikat na personalidad na sinubaybayan nila sa i********: ang binanggit ni Winona. Magaling na basketball player si Skatti na may fiancee na si Paula. Pero ang ending, kay Pinky nagpakasal.
Ayaw ni Tere ng babaeng mang-aagaw. Kaya nga isa siya sa number one basher ng Pinky na iyon. At ganoon din si Winona.
"Never akong magpapaka-Pinky, 'no? Iyong gagamitin ang ganda para mang-ahas ng fiancee ng iba," siguradong-sigurado na wika ni Tere. "Naniniwala pa rin ako na mapapaibig mo ang isang lalaki sa pamamagitan ng magandang personality. Iyong hindi ka lang hanggang isipan o puson nila. Dapat tatagos at babaon ka sa puso nila. Mga gano'ng level, gurl!"
"Ayaw ko rin naman sa ginawa ng Pinky na iyon. Pero iba naman ang sitwasyon mo, gurl." Umismid kunwari si Winona. "Five years ka nang ibinaon sa limot ng bebe Liam mo. Kung talagang mamahalin ka niya, dapat noon pa. Noong mga bata pa lang kayo."
Si Liam na kanina pa nila pinag-uusapan ay kababata at kinakapatid ni Tere. Matanda ito sa kaniya ng sampung taon kaya "kuya" ang tawag niya kapag magkaharap sila. Sa Maynila ito nakatira. Pero apo ng katabi nilang lupain, ang Hacienda Ramona. At matalik na kaibigan at kumpadre naman ng kaniyang Papa Amado ang ama nito.
Sanggol pa lang si Tere ay tumutulong na si Liam sa pag-aalaga sa kaniya kapag nagbabakasyon ang pamilya nito sa Hacienda Ramona. Hanggang sa lumaki sila ay parang nakababatang kapatid kung ituring siya nito. Kaya nga na-in love si Tere sa binata, eh. Dahil bukod sa guwapo na, mabait at sweet pa.
Akala niya noon ay pareho sila ng nararamdaman. Pero may nangyari, five years ago, na nagpatunay na talagang kapatid lang ang turing sa kaniya ni Liam. Isang pangyayari na naging dahilan para maputol ang kanilang komunikasyon.
"Baka hindi pa siya handa na humarap uli sa'kin." Biglang nalungkot si Tere nang maalala ang pangyayaring iyon. Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya kaya tiniis din niya si Liam sa mahabang panahon. Kahapon lang siya nagkalakas ng loob na magparamdam. "O baka talagang mahal na mahal niya ang mukhang kulogo na Roxie na iyon."
Umupo si Winona sa gilid ng kama at hinampas siya sa hita. "Kaya nga gumawa ka ng paraan bago mo pa pagsisisihan forever. 'Di ba birthday ni Donya Mildred sa susunod na buwan? Siguradong uuwi iyon. Chance mo na para umariba sa puso niya."
Bumilis ang t***k ng puso ni Tere sa ideyang posible nga silang magkita uli ni Liam. Bagaman at duda siyang mangyayari iyon. Dahil sa tuwing umuuwi ito ng Hacienda Ramona, hindi ito nagpapakita sa kaniya. Kapag nagtatagpo naman ang landas nila, mabilis itong umiiwas. At pagkatapos ng okasyon ay kaagad na bumabalik sa Maynila.
Napasinghap si Tere nang maalala ang napakaguwapong mukha ng lalaking iniirog. Hays. I miss you so much, my Liam...