Chapter 2
Tristan's PoV
NAPAILING ako habang inihahatid nang tingin ang babaeng tumulong sa akin. Hindi siya pangkaramiwan sa tingin ko. Mukhang kabisado na ng babaeng iyon ang kalakaran. Inisahan niya ako at hinayaan ko lamang iyon dahil nababasa ko sa kilos nito na kailangan nito ng pera.
Galing akong Maynila at bigla na lamang tumirik ang kotse ko sa tapat ng isang gotohan. Inaasikaso ko ang negosyo ng namayapa kong abuela. Minabuti kong bumalik sa aking probinsya para iwan ang magulong buhay ko sa Maynila.
At para makalimutan ang namayapa kong kaibigan. Isang kaibigan na lihim kong minahal.
Hinintay kong magawa ang kotse ko bago ko binalikan ang mga lalaking nag-iinuman sa may kanto.
"Sir, magandang gabi!" bati ng mga ito na nagsitayuan nang lumabas ako sa kotse.
"Magandang gabi rin, nasaan na iyong kasama ninyong babae kanina?" tanong ko sa mga ito.
Nagsitinginan ang mga ito at ang isa ay inakbayan pa ako.
"Ah, si Luningning. Bakit, sir?" tanong ng lalaki na sumisinok pa dahil sa kalasingan.
Inalis ko ang kamay ng lalaki na naka-akbay sa akin. Kinuha ko ang wallet ko at ibinigay rito ang calling card ko at calling card ng aking Kuya Samuel. Nabanggit sa akin ni Kuya Samuel na nangangailangan siya ng trabahador.
"Heto ang calling card ng kapatid ko, naghahanap siya ng mga trabahador. At pakibigay itong calling card ko kay Luningning. Ako nga pala si Tristan Elizarde." Pagpapakilala ko sa mga ito.
Tumango ang lalaki habang nakatingin sa mga card na ibinigay ko. Aalis na ako, kapag may tanong kayo tawagan na lang ninyo ako. Huwag ninyong iwawala ang mga iyan, baka hindi na tayo magkita pang muli," sabi ko at tinalikuran ang mga ito.
"Salamat, sir." Bakas sa mga mukha ng mga ito ang saya. At masaya naman akong makatulong sa kanila kahit papano.
_________
Luningning's PoV
MASAKIT ang aking katawan nang magising ako kinabukasan. Gustuhin ko mang magpahinga pero hindi ko iyon p'wedeng gawin dahil kailangan ko pang maghanap ng trabaho ngayong araw.
Wala naman akong pamimilian at wala namang tutulong sa akin. Hindi ko naman p'wedeng iasa sa mga kaibigan ko ang problema ko dahil may problema rin sila sa kaniya-kaniyang pamumuhay. Lalo na ngayon na mahirap humanap ng pagkakakitaan.
"Magandang umaga!" Bati sa akin ni Doro pagbukas ko ng aking pintuan. Kapit-bahay ko ito. Kasalukuyan akong nagmumumog nang batiin niya ako.
Gulo-gulo pa ang buhok ko at nakasuot ako ng maluwang na t-shirt at pajama.
"Magandang umaga, parekoy." Ganting bati ko rito. Iniabot sa akin ni Doro ang isang supot na may lamang tinapay.
"Mag-agahan ka na, Luningning. Salamat nga pala sa 'yo ah. Nagkatrabaho tuloy ako. Dumating iyong may-ari ng kotse no'ng isang araw. Inalok kami nila Pilo at Kalapati para magtrabaho sa pabrika raw nito. Mukha namang mabait iyong lalaki. Katuwa nga ni Matilda na may trabaho na ako," masayang sabi nito. Si Matilda ang asawa nito.
Nagpameywang ako. "Aba. Sinuwerte ka, Doro. Teka ano bang pangalan ng lalaking 'yon?" tanong ko rito.
May kinuha ito sa wallet isang calling card.
Inibot nito sa akin iyon. "Hinahanap ka nga niya. At ang sabi niya sana kontakin mo raw siya. Mukha namang mabait. Mukhang nagustuhan ang ginawa mong pagtulong sa kaniya, Ning."
Kinuha ko ang iniaabot ni Doro. "Elizarde Antique Shop and Restaurant"
Kumunot ang noo ko. "Sa pabrika kamo kayo Doro?"
Tumango ito. "Oo, sa kapatid raw. Malapit lang sa bayan pagmamay-ari ni Samuel Elizarde."
"Samuel Elizarde?" Pamilyar sa akin ang pangalang 'yon. Hindi ko lang matandaan kung kailan ko narinig.
"Mauna na ako, Luningning. Susunduin ko pa sina Bangaw, Kalapati at Butchoy." Tukoy nito sa mga kaibigan nila na kasama nitong nagtulak ng kotse noong isang araw.
"Sige ingat kayo! Salamat sa tinapay." Itinaas ko ang ibinigay nito sa aking plastic.
Pumasok ako sa loob ng aking tinitirhang apartment. Nagtimpla ako ng kape at itinaas ko ang isa kong paa sa upuan habang nakapangalumbaba sa lamesa.
Nakatingin ako sa calling card na ibinigay ni Doro. Sino kaya ang Elizarde na ito. Kinuha ko ang cellphone kong samsung na de keypad at itinipa ang numero na naroon.
"Hello. Goodmorning this is Elizarde's office. How may I help you ma'am/sir?" Boses ng babae mula sa kabilang linya.
"Ako si Luningning Alfonso. Gusto raw akong kausapin ng amo mo?" sabi ko habang humihigop ng kape.
Saglit na hindi nagsalita ang babae sa kabilang linya. Nginuya ko ang pandesal na nasa bibig ko habang hinihintay ang pagsagot nito sa kabilang linya.
"Sorry ma'am. Sir Tristan is not here today. I will set an appointment for you. Then I will call you back," base sa narinig kong pananalita ng babae mukhang maarte ito.
"Sala--" Naputol ang tawag dahil nawalan na ako ng load. Hanep naman kamalas ko.
Ibinaba ko ang cellphone ko. At ipinagpatuloy ang pagkakape. Nang matapos ako ay nagpasya na akong maligo pero pagpasok ko sa banyo wala na pala akong shampoo.
Parang gusto ko ng umiyak nang makita ang baretang sabon. Hanep na buhay ito. Hay, kailan ba ako yayaman.
Babanlawan ko na lang mabuti ang buhok ko. No choice, e. Kailangan kong magtipid bawat barya ay napakahalaga sa akin.
Nang matapos akong maligo nagbihis ako. Black t-shirt at maong na shorts na butas-butas ang isinuot ko. Isinuot ko na rin ang sapatos kong pagod na pagod na kaya nakabukaka na rin.
Minsan mapapaiyak na lang talaga ako sa hirap ng buhay ko ngayon. Bukod sa lamok, ipis, daga at gagamba ang kasama ko sa apartment kong luma ay wala pa akong matitinong damit.
"Huwag kang susuko, Ningning. Labing apat na taon ka ng namumuhay mag-isa ngayon ka pa ba susuko?" tanong ko sa aking sarili habang tinatapik ang mukha ko sa harapan ng salamin.
Paglabas ko ng apartment ko ay nakasalubong ko si Aling Guada. Panay ang pagpaypay nito sa mukha. Nakakolorete pa ito at puno ng mga alahas ang leeg. Bitbit nito ang pulang bag na tumerno sa mahabang pulang daster nitong suot.
Nagpameywang ito sa akin. "O, ano na Luningning. May pambayad ka na ba. Apat na buwan ka ng hindi nagbabayad ng renta mo. Mabuti nga naabutan kita ngayon. Walong libong piso na ang utang mo sa akin. Ni down p*****t wala kang iniaabot. May mga utang ka pa sa tindahan at iyong panty na inorder mo sa Avon noong isang buwan. Aba penalty ka na!" Masungit na sabi nito.
"May isang libo ako rito, Aling Guada." Kinuha ko ang buong pera ko sa bag ko. "Limang daang pisong barya yan Aling Guada. At heto ang buong limang daang pisong papel." Abot ko rito.
Marahas nitong kinuha iyon sa kamay ko. "Kulang ka pa ng pitong libo at limang daang piso."
Napakamot ako sa ulo. "Gagawan ko ng paraan, Aling Guada. Raraket ako mamaya."
"Siguraduhin mo, Luningning. May isang linggo ka na lang para makabayad sa akin. At kapag hindi ka nakapagbayad pasensyahan na lang tayo Luningning," taas kilay nitong sabi sa akin habang nakahalukipkip ang isang kamay.
"Pangako, Aling Guada sa makalawa magbabayad na ako pati anak ng utang ko babayaran ko." Itinaas ko pa ang dalawang kamay ko bilang tanda ng aking pangako.
"Siguraduhin mo Luningning. O, siya aalis na ako," masungit na sabi ni Aling Guada.
Napangiwi ako. Saan naman kaya ako hahanap ng pera nito. Ayoko naman ng magnakaw dahil ilang beses na akong nakulong. Isa pa nakakahiya na rin kay PO1 Bautista dahil ako ang palagi niyang suki sa presinto. Hindi ko na uulitin ang magnakaw at mang-snatch para lang magkaroon ako ng pera.
Napatingin ako sa kalangitan. "Hindi Mo naman siguro ako pababayaan."
Bumuga ako ng hangin at isinara ang pintuan ng apartment ko. Isinara ko ang zipper ng bag ko. Hay, makahanap sana ako ng pagkikitaan ngayong araw.
Binagtas ko ang makipot na eskinita. Kinakawayan ko ang mga kaibigan kong tambay na nadadaanan ko sa bawat kanto. Nakasalubong ko rin si Apple isang GRO sa Light Club. Kinawayan niya ako pero hindi ko pinansin. Ilang beses na niya akong nililigawan para magtrabaho sa Club pero tinanggihan ko dahil hindi ko masikmura ang trabahong iyon. Para sa akin, mahalaga ang dangal ng isang babaeng tulad ko.
Tumigil ako sa may tindahan para mag-abang ng jeep na masasakyan ko patungo sa palengke. Ngunit walang dumaraan papasok sa aming lugar kaya napilitan akong maglakad pa palabas. Bente pesos na barya na lamang ang laman ng pitaka ko. Kaya kailangan magkamilagro ngayong araw para naman may maipambili ako ng pagkain ngayong tanghalian, at mamayang hapunan.
Nakita ako ni Jumbo habang naglalakad ito sa kalsada. Huminto ito sa tapat ko.
"Oh, saan ka pupunta, girl! Gogora ka na naman, hay naku ka."
"Maghahanap akong trabaho, Jumbo. Teka may alam ka ba?"
Nag-isip ito. "Ay si Aling Bebang, sa puwesto niya sa palengke. Naghahanap ng tindera na makatulong sa kaniya sa pagtitinda ng isda. Kaso, alam mo na may kasungitan si Aling Bebang. Meron din akong kakilala si Aling Maria, nagtitinda ng mga panty at bra. Iyon maa mabait, nangangailangan siya ng sales lady."
Natuwa ako sa sinabi ni Jumbo. "Salamat, Jumbo." Niyakap ko ito ng mahigpit.
"Ning, mapipisa na ako!" Reklamo nito.
"Hulog ka talaga ng langit, Jumbo." Halos maglulundag ako sa tuwa.
"Asus, o siya, maiwan ka na kita, Ning. Kanina pa ako hinihintay ni Tiyo Poldo sa bahay. Mag-iingat ka ha, at huwag kang magpapagabi. Naku, baka rumaket ka na naman sa gabi. Alagaan mo iyang sarili mo, sayang ang ganda kung sa lupa ang bagsak mo," sabi ni Jumbo bago ako talikuran.
Tumawa ako sa sinabi ni Jumbo. Pagkatalikod nito ay pinalo ko ang puwet niya.
"Ay ang bad!" Sigaw nito sa akin.
Inihatid ko ito ng tingin. Naglakad ako palabas ng eskinita ng aming baranggay. Maganda ang sikat ng araw, sana nga lang ay suwwetihin ako ngayong araw para makabayad na ako kay Aling Guada. Nahihiya na kasi ako sa mga taong nakakarinig at nakakakita sa akin tuwing sinesermunan ako ni Aling Guada. Tinitiis ko na lamang ang hirap ko sa ngayon dahil alam kong pagdating ng araw giginhawa rin ang buhay ko.
Sampung minuto akong naglakad hanggang sa marating ko ang waiting shed sa labasan. May dumadaan ng jeep patungong pakengke. Pumara ako para makasakay.