NAPAHINTO ang mga daliri ni Marra sa pagtipa sa keyboard ng piano nang marinig ang mga pagpalakpak. Nang lumingon siya ay nakita na naman niya ang makukulit na triplets. Panganay na anak nina Karzon at Natanya Montejero ang triplets na sina Uno, Dos at Tres.
“Wala ba kayong magawa?” tanong pa niya sa tatlong binatilyo. Napangiti pa siya nang makitang apat ang mga ito. Kasama rin si Prince, na kalalabas lang sa likuran ng tatlo, anak naman ito ng kapatid ni Sephany na si Prix.
“Tita Marra, bakit hindi ka na lang maging pianist? Magaling ka,” wika pa sa kaniya ni Dos na ngumiti pa. Ngiting nagpapa-cute.
Fifteen na ang mga ito at sa edad na iyon ay matangkad pa sa kaniya. At hindi rin maikakaila ang kaguwapuhan. Hindi rin lingid sa kaniya kung gaano kahabulin ang mga ito. Noon pa man ay nakikita na rin talaga niya ang future ng mga batang ito. At hindi nga siya nagkamali, lalaking habulin ang mga ito. Sabagay, nasa dugo na rin naman iyon ng mga Montejero.
“Dos, mahilig lang akong tumugtog pero hindi ko ito gagawing profession.”
“Why not?” curious namang tanong sa kaniya ni Uno. Seryoso lang ito at hindi ngumingiti katulad ni Dos.
“Oo nga,” segunda ni Tres. “Bakit ayaw mo po?”
Umiling siya. Kapag kuwan ay ipinagpatuloy ang pagtugtog sa piano ng First Love ni Utada Hikaru.
“Tita Marra, sino’ng first love mo?” tanong pa sa kaniya ni Dos.
Mukhang ayaw siyang tantanan ng tatlo. Nagpatuloy lamang siya sa pagtugtog.
“Wala.”
Ex-first love mayroon. Pero dahil sa ginawa niyon sa kaniya, ayaw niyang i-consider na first love niya si Enzo Razon. Gusto niyang masuka kapag naaalala kung paanong ma-in love siya sa lalaking iyon. Kung paanong naging totoo siya rito, kabaligtaran naman ang nangyari.
Napahinto siya sa pagtipa at napabuntong-hininga. Kapag kuwan ay binalingan ang apat na binatilyo sa gilid niya. Napaatras pa si Prince. Bagay na ikinatawa ni Marra.
“Prince, daig mo pa ang kakainin, ha?”
“H-hindi po,” agad naman niyong tanggi. Sa apat, mas tahimik si Prince.
Nakangiti pa rin si Marra nang isa-isa niyang tingnan ang mga ito. “Sino na sa inyo ang may girlfriend?”
“Mandatory po ba ‘yon?” kunwa’y tanong pa ni Dos.
“Tss,” react naman ni Tres. “Nakailang girlfriend ka na?”
“Fling,” pagtatama naman ni Dos. “Ang serious girlfriend, dinadala sa bahay at ipinakikilala sa mga magulang.”
“Ang fling?” tanong naman ni Uno kay Dos.
“Ahm… pampalipas oras?”
“Inip ka?” sarkastikong tanong ni Tres.
“Bakit ba ang hot ninyong dalawa? Nagtanong si Tita Marra, sumagot lang din ako.”
“Naku, layuan ninyo ako at baka sa harapan ko pa kayo magbugbugan,” saway niya sa mga ito.
“See?” wika pa ni Dos sa mga kapatid. “Pati si Tita Marra, pinagtatabuyan tayo.”
“Umayos kayo, ha?” saway pa rin niya. “Lalo na pagdating sa mga babae,” dagdag pa niya. “‘Wag ninyong gawing laro lang ang isang relasyon. Sana, irespeto at igalang ninyo ang mga babae. Kung tingin ninyo ay hindi naman siya ang para sa inyo at wala rin naman kayong balak na seryosohin, ‘wag na ninyong pakialamanan. Lahat, may feelings ‘yan.”
Saka lang nagawang sumeryoso ni Dos. “Bakit, Tita Marra? May nanloko na ba sa inyo?”
Tumango siya. “Hmm. ‘Yong ex-fiancé ko, niloko ako. He cheated on me with my best friend.”
“Gago ‘yon, ah,” hindi napigilang wika ni Dos.
“Kaya ang maipapayo ko lang sa inyo, maging tapat kayo at ‘wag na ‘wag magloloko. Lalo na kung nasa isang relasyon na kayo. May maiiwan kayong impact sa taong niloko ninyo. Kaya sa edad kong ‘to? Thirty na ako pero takot ako sa commitment. Takot ako na baka lokohin lang din ako ng susunod kong makakarelasyon. Kaya lumipas ang mga taon na nanatili akong single. Pero okay lang, as long as, alam ko sa sarili kong safe ako sa isang relasyon na gagaguhin lang ako sa huli.”
Bumuntong-hininga si Dos. “I’m sorry to hear that, Tita Marra.”
“Sinasabi ko ‘to para hindi ninyo ako kaawaan dahil wala pa rin akong asawa hanggang ngayon. Pero para maging reminder din sa inyo na ‘wag paglaruan ang mga babae. Don’t cheat.”
“Magbabago na ako,” wika pa ni Dos. “Akala ko, cool kapag magpalit-palit ka ng babaeng ka-fling.”
“Hindi ‘yon cool, Dos,” ani Marra kay Dos.
“See?” wika pa ni Tres kay Dos. “Hindi cool.”
“Oo na nga po. Makikinig na. Gusto mo ng group hug, Tita Marra? Para ma-cheer up ka naman,” matamis na namang ngumiti sa kaniya si Dos.
“Sure,” aniya na tumayo pa at ibinuka ang mga kamay.
Napatawa pa si Marra nang makipag-group hug sa kaniya ang apat na binatilyo. Sana nga, huwag makalimot ang mga ito. Lalo na at literal na habulin.
“Aba naman,” ani Sephany nang makita ang eksena sa may tabi ng grand piano. “Ano’ng mayroon?”
“Gusto lang po naming i-cheer up si Tita Marra,” ani Dos nang magkalas na sila sa group hug na iyon.
“At bakit?”
“Sh-in-are ko sa kanila ang experience ko sa ex ko. Kako, ‘wag silang manloloko ng babae,” amin naman niya kay Sephany.
“Sana nga, pakatandaan ng mga batang ‘yan. Tawag kayo ng Daddy ninyo,” ani Sephany sa triplets.
“Bye, Tita Marra,” paalam pa sa kaniya ng apat.
Nangingiti namang nag-wave pa siya ng isang kamay sa mga ito. “Quadruplets yata sila,” biro pa niya habang habol pa rin ng tingin ang apat.”
“Simula nang dumating si Prince sa buhay nila, hindi na mapaghiwalay ang mga ‘yan kapag magkakasama. Puwera na lamang kapag nasa Cebu si Prince.”
“Ano pa nga ba ang bago?” baling na niya kay Sephany. “Pagkatapos ng kasal nina Theo at Kitty, baka umalis ulit ako, Sephany.”
“At saan ka na naman pupunta?”
Nakagat ni Marra ang kaniyang ibabang-labi. “May gusto na namang ipa-date sa akin sina Mommy at Daddy. Sephany, ayaw kong makipag-date.”
Mataman siyang pinagmasdan ni Sephany. “Hindi mo kailangang pumunta sa ibang bansa, Marra. Gusto mong magtago sa parents mo?” Ngumiti pa ito sa kaniya nang matamis.
“Sige. Kung hindi maaabot ng radar ng parents ko kung nasaan ako, okay ‘yon.”
“Hinding-hindi malalaman ng parents mo kung nasaan ka. Pero after na ng kasal nina Theo at Kitty. Ihanda mo lang ang sarili mo at mga gamit mo. Hmm? Promise, magugustuhan mo ang lugar na ‘yon.”
“Okay.”
Alam naman niya ang taste ni Sephany. Kapag sinabi nito na magugustuhan niya ang isang lugar o bagay, totoong magugustuhan nga niya.
Lalong lumawak ang ngiti sa labi ni Sephany na halos umabot pa sa mga mata nito.
Ilang araw na lamang at ikakasal na sina Theo at Kitty. Maging si Marra ay excited na rin iyong masaksihan. Naging parte na rin naman ng buhay niya ang mga Ballmer. Inihanda na rin naman niya ang sarili para sa araw na iyon dahil ayaw niyang i-spoil ang kasalan na iyon.
DAHIL BUSY ANG MGA tao sa mansiyon, sa Ballmer Ranch, kaya naman si Marra na ang dumampot sa nag-iingay na telepono sa may salas.
“Hello?”
“He—” napahinto sa pagsasalita si Marra nang marinig ang tinig ng lalaki sa kabilang linya. Tumikhim siya. “Hello?”
“Nariyan ba si Theo or Sephany?”
Hindi pamilyar sa kaniya ang tinig na iyon. Pero bakit tunog guwapo ang nagsasalita? Lalo niyang tinalasan ang pandinig dahil ang sarap pakinggan ng boses niyon.
“Sino ka?” tanong naman niya.
“Zeb,” maikli niyong tugon. “Pakisabi, pakisundo na ako.”
“Susunduin ka saan?”
“Alam na nila ‘yon.”
Napalunok si Marra. Humigpit pa ang kapit niya sa telepono. “Ahm, hold on. ‘Wag mong ibababa, hahanapin ko lang sila. Okay?”
“Okay.”
Maingat na ibinaba ni Marra sa side table ang telepono. Kapag kuwan ay hinayon ang labas ng mansiyon kung saan naroon si Sephany kasama ang bunso nito.
“Sephany,” tawag pa niya rito.
Ibinilin naman ni Sephany ang anak nito sa isang kawaksi bago siya nilapitan.
“Ano ‘yon?”
“May tumawag, ipasundo na raw siya.”
“Ipasundo? Sino?”
“Zeb ang binanggit niyang pangalan, eh. Noong tinanong ko siya kung saan susunduin, alam na raw ninyo ‘yon.”
Nagulat pa si Marra nang bahagya naman siyang itulak ni Sephany paakyat sa may front porch.
“Sabihin mo ipapasundo ko na siya. Sige na, Marra.”
“O-okay,” napapantastikuhan naman niyang tugon. Kapag kuwan ay bumalik na siya sa may salas. Huminga pa siya nang malalim nang muling hawakan ang telepono at idikit sa may tainga niya. “Hello?”
“I’m still here.”
Napalunok siya nang muling marinig ang suwabeng boses na iyon. “Ahm, sabi ni Sephany, okay raw.”
“Okay. Thank you.”
Iyon lang at busy tone na ang sunod niyang narinig. Nang bahagyang ibaba ni Marra ang telepono ay sandali pa niya iyong pinagmasdan. Kapag kuwan ay muling inilapit sa kaniyang tainga. Busy tone pa rin ang maririnig. Sa huli ay ibinaba na rin niya iyon nang tuluyan sa lagayan niyon.
“Zeb,” banggit pa niya sa pangalang iyon bago naupo sa sofa. “Sino naman ‘yon?”
Para kasing wala pa siyang na-e-encounter na Zeb sa pamilya nina Sephany o ni Theo mismo.
Bigla, nilamon siya ng curiosity dahil sa taong iyon.