Chapter 04

1718 Words
BAGO ang araw ng kasal nina Theo at Kitty, nagkaroon pa ng family gathering sa Ballmer Ranch. Ang sarap lang sa pakiramdam na makahalubilo ang pamilya Ballmer at Montejero. Kahit na ang totoo ay saling-pusa lamang siya roon. Dahil hindi naman siya literal na parte ng pamilya ng mga ito. Isa siyang Monreal. Ngunit sa katatago ni Marra sa pamilya niya, palaging ang takbuhan niya ay ang Ballmer Ranch. Palibhasa, bata pa lamang ay malapit na siya sa mga Ballmer. At sa pagkakataon na iyon, isang Ballmer na naman ang mag-aasawa. Tiyak niya na marami na naman ang iiyak dahil mag-aasawa na naman ang isang Ballmer. “Kailangan ko ng mag-beauty rest,” ani Marra kay Kitty. “Ikaw? Hindi ka pa ba magpapahinga, Kitty?” “Mamayang kaunti, paalis na rin kami,” nakangiti namang wika sa kaniya ni Kitty. “Sa coffee plantation kami mag-stay nina Mama. Bukas na rin kami magkikita ni Theo.” “Congrats ulit, Kitty,” ani Marra na mahigpit pang niyakap ang bagong kaibigan sa katauhan ni Kitty. “See you tomorrow. Mag-beauty rest ka, ha?” Nakangiting tumango si Kitty. “Oo.” “Don’t worry, Kitty, hindi ko bobonggahan ang ayos ko bukas. Tutal naman, araw mo. Dapat lang na ikaw ang pinakamaganda bukas.” “Bolera. Kahit hindi ka mag-ayos, tinalbog pa rin ng kagandahan mo ang kagandahan ko.” “Baka maniwala ako, ha?” biro pa niya. “Bye for now.” “Bye.” May ngiti pa rin sa labi ni Marra nang talikuran na si Kitty. Sunod naman niyang namaalam ay kay Sephany at baka magtaka ito na missing in action siya sa party. “Kailangan ko ng magpahinga, Sephany. Medyo masama rin ang tiyan ko,” bulong pa niya rito. Sinabi lamang niya na masama ang tiyan niya para wala ng mahaba pang paliwanagan. “Okay. Magpahinga ka na muna at baka dito ka pa magkalat,” tumawa pa si Sephany pagkasabi niyon. At least, hindi siya nahirapang magpaalam sa kaibigan. Pagkatapos magpaalam kay Sephany ay hinayon na niya ang kinaroroonan ng grand staircase. Ngunit bago siya makarating doon ay nakita pa niya si Theo na kapapasok lamang sa loob ng mansiyon. May kasama itong lalaki na halos kasing tangkad lang din nito. At hindi rin niya maikakaila ang kaguwapuhan niyong agaw pansin din. Maputi, matikas ang pangangatawan, walang tulak-kabigin ang kaguwapuhan. Para bang ang bango-bango din. “Tumatakas ka na yata?” tanong pa sa kaniya ni Theo kaya hindi rin naituloy ni Marra ang pag-akyat sa may hagdanan. “Ahm, not really,” aniya sa kaibigang si Theo. “Pero kailangan ko ng magpahinga, Theo. Kung gusto mo naman na magmukhang zombie bukas sa araw ng kasal mo, go. Aakyat na ako sa taas. Bukas na lang.” Ngumiti pa siya rito. Nang sulyapan niya ang kamasa ni Theo, saka lang niya napansin na nasa kaniya ang tingin nito. Bigla, para bang nagbuhol ang kaniyang paghinga. Kakaiba rin ang naging kabog sa kaniyang dibdib. Dahil ayaw naman niyang magmukhang bastos kaya nginitian pa niya ang kasama ni Theo bago itinuloy ang pag-akyat sa may hagdanan. Nakagat pa niya ang kaniyang ibabang-labi. “LET’S GO.” Napakurap si Zeb nang muling marinig ang tinig ni Theo. Ngumisi pa si Theo nang makitang habol niya ng tingin ang babaeng umakyat sa may hagdanan. “Type mo?” nakangisi pa rin nitong tanong sa kaniya. “Ang dami mong alam,” sa halip ay wika ni Zeb sa kaibigan na para bang naaalibadbaran sa sinabi nitong iyon. “Sigurado ako na hindi mo pa kilala si Marra. Kababata namin ‘yon ni Kuya Thad. Inaanak din niya si Bella. Wala pa ‘yong asawa. Kaya kung gusto mong maghanap ng mapapangasawa, i-consider mo si Marra. Mukha lang siyang mas bata sa edad niya pero thirty na ‘yan. Wala lang sa hitsura.” “Para kang sira. Pumunta ako rito para sa kasal mo bukas.” Itinaas naman ni Theo ang mga kamay nito. “Oo na. Salamat at iniwan mo ang San Diego para sa kasal namin ni Kitty, Zeb.” “Uuwi rin ako sa susunod na araw, umagang-umaga, Zeb.” “Naibilin ko na sa driver.” Napailing pa si Theo. “Zeb, minsan lang akong ikakasal sa simbahan pero daig mo pa ang sinisilihan pauwi sa San Diego. Chill ka muna rito. Siguradong palagi kang pagod doon.” “Kung mahal mo ang ginagawa mo, walang puwang ang pagod, Theo.” “Well, ayaw ko na lang makipagtalo pa tungkol diyan. Basta ang gusto ko lang, mag-chill ka rito.” “Oo na.” “Tara na,” ani Theo na inakbayan na siya at iginiya papunta sa may back porch. Sa garden, sa ibaba niyon ginanap ang family gathering. Naroon ang lahat. Instant reunion ang ganap sa araw na iyon. “Ninong Zeb!” masaya pa siyang sinalubong ni Bella. Pagkamano nito sa kaniyang kamay ay agad naman itong yumakap sa kaniya. “Kumusta ang maganda kong inaanak?” nakangiti pa niyang bati kay Bella. “Maganda pa rin po, Ninong,” nakangiti pa rin si Bella nang kumalas sa kaniya. “Ninong, kailan ka po ikakasal?” Pigil ni Theo ang mapatawa dahil sa tanong ni Bella. Huminga naman siya nang malalim. Kapag kuwan ay hinaplos ang buhok ni Bella. “Bella, pati ba naman ikaw ay ‘yan ang pinoproblema?” “Ninong, gusto ko lang naman pong malaman. Kasi, gusto kong maging flower girl mo. Si Ninong Theo, ikakasal na bukas.” “Then, enjoy-in mo muna ang pagiging flower girl mo bukas. Sa ngayon, ‘wag mo na munang isipin kung kailan ikakasal si Ninong Zeb dahil hindi ko rin alam kung ikakasal pa ba ako. Masyadong busy ang Ninong sa San Diego.” Napalabi si Bella. Kapag kuwan ay bumaling ng tingin kay Theo. “Tito Ninong, paano magiging happy si Ninong Zeb kung wala siyang magiging asawa?” Nag-squat naman si Theo para makapantay si Bella. “Maraming pasyente si Ninong Zeb sa San Diego para problemahin pa ‘yan, Bella. At isa pa, wala pang girlfriend ang Ninong Zeb mo. Kaya paanong mag-aasawa ‘yan?” Bigla ay para bang nagningning pa ang mga mata ni Bella. “Gusto mo po ba ng girlfriend, Ninong Zeb?” Natatawang tumayo na nang tuwid si Theo. “Labas ako riyan, Zeb.” “No thanks, Bella.” “Single po ang Ninang Marra ko. Maganda siya, sexy, matalino at mabait. Bagay po kayo, Ninong Zeb. Kayo na lang dalawa.” “Dinaig pa nito ang Mommy niya, Theo,” baling ni Zeb kay Theo. “Like mother, like daughter.” “Ang mabuti pa, patulugin na ninyo si Bella para mabawasan ang makulit dito.” “Zeb!” Sandali pang napapikit si Zeb nang marinig ang tinig ni Sephany. “Dumagdag pa ang nanay,” sambit pa niya na ikinatawa lamang ni Theo. “Ligtas na ako sa pagiging makulit ni Sephany. Bahala ka na diyan.” “Iiwan mo ako sa kaniya?” angal niya kay Theo. “Na-miss ka niyan,” nakangisi pang wika ni Theo na binuhat pa si Bella para lamang mailayo na sa kaniya. “Mabuti naman at nakarating ka na,” ani Sephany na wala pang kaabog-abog siyang niyakap. Sandali lamang naman iyon. Halos mapigil pa ni Zeb ang kaniyang pahinga dahil sa ginawa nitong iyon. “Nagugutom ka na ba?” “Hindi pa naman.” “Sayang, nakaakyat na ‘yong ipapakilala ko sa iyo. Bukas na lang,” matamis pang ngumiti sa kaniya si Sephany. Dumali na naman ito sa pagiging matchmaker nito. Hindi kaya at iisa lang ang tinutukoy nito at ni Bella? “Sino?” kunwa’y curious niyang tanong. “Bukas, ipapakilala kita sa kaniya. Zeb, parang awa mo na, ‘wag mo akong ipapahiya sa kaniya, ha? ‘Wag mong susungitan ‘yong kaibigan ko.” “Whatever.” “Kumain ka na muna at baka sabihin mo naman ay hindi ka namin inaasikaso rito. Daig mo pa naman ang VIP,” ani Sephany na hinila na siya papunta sa kinaroroonan ng buffet table. “I can manage, Sephany.” “Are you sure?” “Yes.” “Okay. Take your time,” nakangiti pa nitong wika bago siya sandaling iniwan sa may buffet table. “Uncle,” nakangiti pang bati kay Zeb ni Prince. Ang kaniyang pamangkin sa Ate Ayah niya. Agad itong nagmano sa kaniya at sandali ring yumakap. “Asan ang Mama Ayah mo?” “Nasa taas po. Sasabihin ko po na narito na kayo. Sina lolo’t lola po?” “Hindi na nakasama at hindi na sanay sa malayuang biyahe. Pumasyal ka na lang sa San Diego kapag bakasyon ninyo para makasama mo sila. Miss ka na rin nila.” Tumango si Prince. “Doon po ulit ako magbabakasyon sa San Diego, Uncle Zeb. Sasama raw sina Uncle Uno, Dos at Tres.” “Bahala kayo. Mas maganda ‘yon para maraming makasama sa bahay ang lolo’t lola mo.” Kay bilis talaga ng panahon. Parang kailan lang ay kay liit pa ni Prince. Pero ngayon, binata na. At alam naman niya sa sarili niya na hindi na siya bumabata pa sa edad niyang thirty-three. “Pakainin muna ninyo ang Tito Zeb ninyo,” ani Thaddeus nang lapitan sila. Ngumiti siya nang batiin din siya ni Thaddeus, ang asawa ni Sephany. “Sige po, Uncle,” paalam na ni Prince sa kaniya. “Kumusta ang San Diego?” tanong pa sa kaniya ni Thaddeus kaya dito na nabaling ang atensiyon ni Zeb. “Okay naman. Salamat sa patuloy na pag-sponsor sa VMC, Kuya Thad.” “No worries. Alam naman namin na mahihiya kang magsabi kung kailangan mo ng tulong kaya magkukusa na kami nina Prix at Uncle Karzon.” Totoo naman iyon, nahihiya talaga siyang magsabi sa mga ito kaya nagkukusa ang tatlo sa pagbibigay ng mga kakailanganin niya para sa VMC. Matapos kumuha ni Zeb nang kaniyang makakain ay sa table nina Thaddues siya naupo para kumain. Doon ay tuloy ang kuwentuhan. Siguro nga, hindi na mawawala iyong maging pulutan din siya sa kuwentuhan dahil sa pagiging single niya. Lalo na at nangunguna pa si Sephany sa panunudyo sa kaniya na mag-asawa na rin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD