Chapter 02

1697 Words
“THANK you po, Doc Zeb. Magaling na po si Liza,” buong pusong pasasalamat ni Aling Crisanta. Ina ng naging pasyente niya. “Pagpasensiyahan na po ninyo itong dala ko. Ako po ang nagluto nitong sinukmani. Maraming salamat po ulit sa inyong tulong. Hulog po kayo ng langit dito sa San Diego. Lalo na po sa kagaya kong kapos sa buhay at walang-wala talaga.” Tinapik ni Zeb si Aling Crisanta sa balikat. “Masaya ho akong makatulong sa mga kababayan natin dito sa San Diego. Hindi na ho sana kayo nag-abala, ‘Nay.” Nahihiyang ngumiti ang Ginang matapos ipatong sa isang lamesa ang dala nitong sinukmani na nasa bilao na may taklob na dahon ng saging. “Doc, nakakahiya naman po na wala man lang akong maiabot sa inyo na kahit ano. Hindi ko na nga po alam ang gagawin ko noon dahil ang tagal ng pabalik-balik ang lagnat ni Liza. Wala naman kaming pampaospital, kaya nang sabihin sa akin ng isang may mabuti ring puso na dito pumunta sa inyo dahil libre po dito, nagbakasakali po ako. At hindi ako binigo ng lugar na ito, gumaling na si Liza at bumalik na rin ang kaniyang sigla.” “Huwag hong makakalimot na uminom palagi ng tubig para hindi na bumalik ang infection niya.” “Opo, Doc. Gamit po niya ang ibinigay ninyo sa kaniya na tumbler. Tuwang-tuwa nga po kaya sinisipagan ang pag-inom ng tubig. Sige po at baka nakakaabala na po ako sa inyo. Sana ay magustuhan ninyo ang munti ko pong regalo.” “Memeryendahin po namin,” nakangiti namang tugon ni Zeb sa Ginang. Ito naman ang gusto niya, maibalik ang ngiti at pag-asa sa mga naging pasyente niya at sa mga pamilya niyon. Nang mapag-isa sa kaniyang opisina sa Villafuerte Medical Center, na may dalawang palapag at kumpleto sa mga kagamitan, muli siyang naupo sa kaniyang swivel chair. Isinandal ni Zeb ang kaniyang likod sa kinauupuan at inilibot ang tingin sa paligid ng kaniyang opisina. Bago siya umuwi noon sa Pilipinas, ang tangi lang naman niyang gusto ay ang makatulong talaga sa mga taga-San Diego dahil marami sa bayan na iyon ang kapos sa buhay. Ganap na siyang Doktor. At heto siya ngayon, ibinabalik sa mga tao ang ginawang kabutihan sa kaniya ng asawa ng Ate Ayah niya na si Kuya Prix. Ganoon din si Uncle Karzon. Ang mga ito ang tumulong sa kaniya upang marating niya ang matagal na niyang pangarap na buong akala niya, hindi na matutupad pa dahil sa sinapit ng kanilang pamilya noon. Pero ngayon, stable na ulit silang lahat. Mabait pa rin sa kanila ang Diyos. Ang simpleng clinic nga na pangarap niyang ipatayo sa bayan ng San Diego ay mas higit pa sa kaniyang inaasahan. Sa pagbabalik niya sa bansa ay mayroong dalawang palapag na gusaling nag-aabang sa kaniya. Napakalawak niyon na halos ospital na ring maituturing sa laki. Kumpleto sa lahat ng kagamitan na kakailanganin niya. May mga facilities din para sa mga pasyente na kailangang mag-stay matapos ang surgery at outpatient. Hindi pa nagkukulang sa mga gamot dahil sa mga bigating sponsor niya, ang pamilya Montejero at ang asawa ni Sephany na si Thaddeus Ballmer. Si Kuya Prix, Uncle Karzon at Kuya Thaddeus ang major sponsor niya sa Villafuerte Medical Center. Sinisigurado rin ng mga ito na okay ang lahat. May malaki ring pondo ang Villafuerte Medical Center para sa pasahod sa mga staff niya kaya hindi rin niya iyon pinoproblema. Lalo na at libre ang health care sa kaniyang center. Nag-oopera din siya. Napatingin si Zeb sa telepono nang mag-ingay iyon. Kinuha niya iyon at sinagot ang tumatawag. Nailayo pa niya ang telepono sa kaniyang tainga nang marinig ang pagpalirit ng isang babae. “Doc Zeb!” Kumunot ang noo ni Zeb nang muling ilapit ang telepono sa kaniyang tainga. “Sephany?” Isang babae lang naman ang kilala niyang animo kinukurot kung makapalirit kapag excited. “Yes! May good news ako sa iyo.” “Ano ‘yon?” “Kasal na si Theo.” Napatuwid ang upo ni Zeb sa kinauupuan niyang swivel chair dahil sa narinig. Bunsong kapatid ni Thaddeus Ballmer si Theo. Kaedaran lang din nila ito ni Sephany. “Talaga?” nasurpresa niyang tugon. “Hmm. Pero dito lang sa bahay ginanap ‘yong kasal nila ng asawa niya. Don’t worry, may church wedding pa naman sila. Ikaw raw ang kukuning best man ni Theo.” “Bakit ako?” “Alangan namang ako?” “I’m sure, tatawagan ka rin ni Theo tungkol dito. Uwi ka rito sa rancho, ha? Baka gusto mong magbakasyon muna rito?” “Salamat sa invitation, Sephany. Pero marami akong pasyente ngayon dito sa San Diego.” “Na hindi mo maiwan? Paano ka pa makakapag-asawa niyan, Zeb?” “Kasal na ako, hindi mo ba alam?” “Saan ka naman kasal? Sa Villafuerte Medical Center?” gagad pa ni Sephany. Na-i-imagine ni Zeb ang pag-ismid ni Sephany pagkasabi niyon. “Zeb, hindi ka na bumabata. Dapat, bukod sa work mo, mag-asawa ka rin ng totoo. Para naman hindi lang sa mga magulang mo at work mo umiikot ang mundo mo.” “Tumawag ka ba sa akin para diyan?” “Ang akin lang naman, gusto ko rin naman na makita kang masaya. Katulad ni Ayah at ng mga kapatid mo na happily married na rin. Gusto mo bang magkaanak kapag fifties ka na? Uy, lolo ka na noon. Baka may apo ka na sa inaanak mong si Bella.” “Sephany, sa kasal ni Theo sa simbahan, saka ako luluwas.” “Wala pang date kung kailan.” “Balitaan niyo na lang ako. Magpapasundo ako sa chopper nina Kuya Prix para mabilis ang biyahe.” “Gusto mo, ipasundo na agad kita ngayon sa chopper?” “No thanks. Sige na, may naka-schedule akong pasyente. Ingat kayo diyan. Bawi na lang ako kina Bella kapag pumunta ako diyan.” “Hmp. Whatever. Bye!” Nang maibaba ni Zeb ang telepono ay saka lang siya nakahinga nang maluwag. Kapag kuwan ay napangiti. Masaya naman si Sephany sa pamilya nito at iyon naman ang importante sa kaniya. Noon, isa si Sephany sa ideal girl niya unang kita pa lang niya rito. Hinahangaan niya ito dahil nakakaya nitong i-manage ang hotel na pag-aari nito sa batang edad nito. Panahong wala pa siyang napapatunayan sa kaniyang sarili. Wala siyang mapupunang masama sa kaibigan. At ngayon, happily married ito kay Thaddeus Ballmer. She deserves it. A happy family. Kasama ang mga anak ng mga ito. Siguro nga, may darating na tao sa buhay natin para ma-inspired tayo. Pero hanggang doon lamang iyon. Masaya rin siya na lumaki lalo ang pamilya nila. Dahil maging ang pamilya ng asawa ni Sephany, para na rin niyang pamilya. At sa balitang ikinasal na si Theo? Masaya siya para sa kaibigan. Pero dahil sa balita ring iyon, siguradong hindi na naman titigil si Sephany sa pangungulit sa kaniya na mag-asawa na rin siya. Tingin niya ay hindi para sa kaniya ang pag-aasawa sa ngayon. Lalo na at wala pa rin naman siyang napupusuang babae. Noong nasa America siya, maraming nagpakita ng motibo sa kaniya, ngunit nakatuon lamang sa pag-aaral ang buong atensiyon niya. Hanggang sa maging ganap siyang doktor. Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Zeb nang makarinig nang sunod-sunod na katok sa pinto ng kaniyang opisina. “Doc,” ani m*******e na sumilip pa sa may pinto. “Tara na po.” “Susunod na ako, m*******e,” aniya sa staff niya. Hindi nagtagal at tumayo na rin si Zeb. Pagkasuot niya sa kaniyang white coat ay ipinasya na rin niyang lumabas sa kaniyang opisina. Ibinilin din niya sa mga staff na kunin ang sinukmani sa opisina niya at paghati-hatiin upang makatikim ang lahat. Nagbilin din siya na tirhan siya niyon. PAGKAUWI NI ZEB SA Hacienda Villafuerte ay masaya siyang sinalubong ng kaniyang Mommy Dolor. “Kumusta ang buong araw mo, anak?” “Okay naman po, Mommy. Si Dad?” “Nasa kuwarto na. Nagpapahinga. Tara na muna sa komedor, siguradong gutom ka na.” Kaya mas pinipili niyang umuwi sa bahay nila dahil gusto niyang sulitin ang pag-aasikaso sa kaniya ng kaniyang ina habang malakas pa ito. Nagbabawi siya dahil napakatagal na panahon niyang nasa America at hindi nakasama ang mga ito. Bago rin siya umalis sa bahay nila, sinisigurado rin niyang okay ang mga magulang niya. May daily checkup ang mga ito sa kaniya. Ganoon din bago siya tumulog at gising pa ang mga ito. Iba-iba rin kasi ang oras ng kaniyang pag-uwi. Minsan, maaga. Minsan naman ay late na kapag may mga emergency sa VMC. “Nag-asawa na raw po si Theo,” pagkukuwento pa niya sa kaniyang ina habang kumakain siya. Lumarawan ang tuwa sa mukha ng kaniyang ina. Maingat nitong inilapag sa lamesa ang tasa na may lamang gatas na siyang iniinom nito bago matulog. “Wow. Good for him, anak.” Kapag kuwan ay nawala ang ngiti sa labi ng kaniyang ina. “Anak, ‘wag mo ring kalimutan na mag-asawa, ha? Para naman may makakasama ka rin sa pagtanda.” “Okay na po ako na kayo ni Dad ang kasama, Mommy.” “Zeb, hindi naman habang-buhay na narito kami ng Daddy mo. Matatanda na rin kami.” “Aalagaan ko kayo ni Dad. Ang sarap ng ginataang langka, Mommy,” pag-iiba niya. Saka lang bumalik ang ngiti sa labi ng kaniyang ina. “Ipinagtira talaga kita dahil alam kong paborito mo ‘yan.” “Thank you po.” Sa ngayon, kontento na siya sa pagmamahal ng kaniyang mga magulang at pamilya. Isa iyon sa sinusulit niya, ang makasama ang pamilya niya at lahat ng malalapit sa kanila. Hindi nga lang siya basta-basta makaalis ngayon sa San Diego dahil sa mga pasyente niya sa VMC. Matapos kumain ay isinagawa naman ni Zeb ang kaniyang daily routine sa kaniyang mga magulang bago matulog. Kinuhanan niya ng presyon ang mga ito at ch-in-eck din ang vital signs. “Good night po,” ani Zeb sa mga magulang bago tuluyang iniwan ang mga ito sa silid na iyon. Isang buong araw na naman ang matuling natapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD