CHAPTER 2

2172 Words
#MrAdrianLee CHAPTER 2     Napapangiti si Lhourd habang nakaharap at nakatingin sa malaking salamin sa loob ng bahay niya. Kitang-kita niya roon ang sariling repleksyon. Pormadong-pormado ang dating ngayon na lalong nagpagwapo sa kanya. Nakasuot ito ngayon ng formal attire na nabili niya sa isang ukay shop. Hindi naman ito mukhang luma at maganda pa nga. Hubog na hubog sa suot niya ngayon ang magandang hubog ng katawan.     “Handang-handa na ako.” Sabi nito sa sarili. Sana hindi siya mabigo ngayong araw para hindi rin masayang ang perang ginastos niya para lamang bumili ng mga kakailanganin niya sa pag-aaplay ngayon.     Inayos pa ni Lhourd ang sarili bago nagpasyang kunin ang isang envelop na naglalaman ng mga dokumentong ginawa niya at naglakad na papuntang pinto at lumabas roon.       “Pormadong-pormado a… Saan ang lakad?” tanong ng isa sa mga kapitbahay na nakakita sa kanya.     Napangiti naman si Lhourd.     “Mag-aaplay ng trabaho boss…” sabi nito.     Nagpatuloy sa paglakad si Lhourd, halos lahat ng kapitbahay niya ay binabati siya at tinatanong kung saan siya pupunta dahil nga sa pormadong-pormado siya ngayong araw. Ngiti at sinasagot naman niya ang mga ito.   - - - - - - - - - -- - - -  --     Nakatingin ngayon si Lhourd sa malaki at mataas na building na nasa tapat niya. Napabuntong-hininga siya.     “First stop… Sana matanggap ako rito.” Sabi nito at muling napabuntong-hininga bago naglakad papunta at papasok ng building na iyon.   - - - - - - - - - - - - - -     Nasa loob na ng elevator si Lhourd at papunta sa seventh floor kung saan sinabi sa kanya ng receptionist na doon raw sa floor na iyon matatagpuan ang interview room kung saan doon siya iinterviewhin. Medyo nakakaramdam siya ng kaba pero hindi nahahalata dahil nakangiti siya. Hindi dapat kasi niya pangibabawan ang kaba na nararamdaman. Dapat chillax lang siya.     Papasarado na sana ang pintuan ng elevator ng biglang may humarang na kamay sa pinto kaya muli itong nagbukas, bahagyang natulala si Lhourd dahil sa nakita niya ang lalaking papasok ngayon sa elevator.     Gwapo, matangkad, moreno ang kulay ng balat at makinis, matipuno dahil hubog sa suot nitong suit ang ganda ng katawan. Pilipinong-pilipino ang dating. Mukhang kasing edad niya. Ramdam na ramdam niya rito ang otoridad. Mukhang mataas na tao dito sa kumpanya ang kasabay niya ngayon sa elevator.     Napatingin ito sa kanya at bahagyang ngumiti pagkatapos ay umiwas na ito nang tingin sa kanya at sa kakasaradong pintuan ng elevator na nakatutok ang mga mata nito.     Malayang napagmasdan ni Lhourd ang gwapong mukha nito. May pagkabilugan ang mga mata na parang nangungusap, matangos ang ilong na bihira lamang na katangian ng isang purong Pilipino, may kanipisan ang labi na sa tingin niya, masarap humalik.     Napaiwas nang tingin si Lhourd rito. Kung ano-ano kasing iniisip niya. Pero hindi niya maitatanggi na nagwapuhan siya sa lalaki. Ito na lang muli ang oras na humanga siya sa kagwapuhan ng isang lalaki.     Pamaya-maya ay huminto sa pag-akyat ang elevator. Hindi iyon namalayan ni Lhourd dahil tulala siya.     “Mukhang dito ka na yata bababa… Seventh floor.”     Napatingin si Lhourd sa lalaking nagsalita, ang lamig ng boses pero magandang pakinggan.    “Ah…” sabi ni Lhourd, napatingin siya sa taas kung saan may maliit na screen roon na may lumalabas na floor number.     Napangiti siya nang nag-aalangan dahil 7th floor na nga.     Muli siyang napatingin sa lalaki.     “Ah… Oo nga, salamat.” Sabi nito saka naglakad na palabas ng elevator.     Pagkalabas ay tumingin muli si Lhourd sa elevator, papasarado na ang pintuan pero nakita pa rin niya ang lalaki at nakatingin ito sa kanya na may kasamang ngiti sa labi. Hindi niya maiwasang hindi kiligin. Pagkasarado ng pinto ng elevator, doon niya nilabas ang kilig na nararamdaman sa pamamagitan ng pagngiti ng malawak.     Pamaya-maya ay nagpasya na itong hanapin ang kwartong sinasabi ng receptionist sa kanya, at ilang hakbang pa lamang ang nagagawa niya ay nahanap na niya ang kwartong iyon.   - - - - - - - - - - - - - -     “Impressive…”     Napangiti si Lhourd sa naging komento sa kanya ng interviewer na magandang babae. Hawak nito ngayon ang resume niya at binabasa habang kinakausap rin siya nito kanina. Hawak na rin nito ang iba pang dokumentong pinasa niya na mukhang hindi naman nahalata na… peke.     “Thank you po.” Sagot ni Lhourd.     Kinausap pa siya ng interviewer at nagtanong pa ng ilang mga tanong na sinagot naman ni Lhourd ng mahusay.     Napatingin sa kanya ang interviewer pagkatapos ng medyo mahaba-habang pag-uusap.     “So… Mr Adrian Lee… are you willing to start tomorrow… asap?” tanong nito na ikinagulat ni Lhourd. Oo, Adrian ang pangalang ginamit niya dahil kung Lhourd ang gagamitin niya, baka makilala siya ng ibang mga taong narito dahil baka hindi niya alam e nakapasok na ito sa bar na pinagtatrabahuhan niya. Hindi na lamang niya iniba ang kanyang apilyido.     “Tomorrow?” tanong ni Lhourd.     Tumango ang interviwer.     “Ibig bang sabihin… Tanggap na ho ako?” tanong nito.     “Yes Mr. Lee… Starting tomorrow… you’ll be the new secretary of our Vice president here in this company.” Nakangiting wika nito na ikinasiya ni Lhourd.     “Salamat ho… Salamat ho…” masayang sabi ni Lhourd. Sa wakas… magkakatrabaho na siya ng maganda at hindi na niya kailangan pang maghubad.     Napangiti naman sa kanya ang magandang interviewer.   - - - - -  - - -- -  --  -- -  -     Unang araw ng trabaho. Nasa loob ngayon ng isang may kalakihang opisina si Lhourd. Dito kasi siya dinala ng isa sa mga staff ng kumpanya dahil dito raw niya ngayon mami-meet ang magiging boss niya.     Nililibot ni Lhourd ang paningin sa kabuuan ng opisina. Modern ang itsura nito at parang condo unit dahil bukod sa mga gamit pang-opisina ang mga nakikita rito, may mga gamit rin na pambahay gaya ng ref, sofa at kung ano-ano pa.     Napatingin rin si Lhourd sa office desk ng magiging boss niya. Nabasa niya mula sa isang kwadro na gawa sa salamin ang isang pangalan at posisyon.     “Hendrix Hale Saavedra… Vice President.” Pagbasa niya. “So Hendrix pala ang pangalan niya.” sabi pa nito sa sarili.     “Good Morning.”    Kaagad na napatingin si Lhourd sa kinalulugaran ng pinto ng marinig niya ang lalaking nagsalita at halos manlaki ang mga mata niya sa gulat nang makilala niya ito. Ito iyong lalaking nakasabay niya sa elevator, ibig sabihin, ito ang magiging boss niya?     Napangiti naman ang lalaki na nagngangalang Hendrix sa kanya. Paano naman kasi, natulala na ito habang nakatingin sa kanya.     “So… You are Mr. Adrian Lee… my new secretary.” Sabi nito sa natulalang si Lhourd. Alam na rin naman kasi nito na may bago siyang secretary dahil sa pinaalam na rin sa kanya ng HR. Hindi lang niya akalain na ito ang magiging bagong secretary niya. Akala nga niya, hanggang sa elevator na lamang niya ito makikita dahil sa totoo lang… hindi na ito naalis sa isipan niya.     Bumalik naman si Lhourd sa katinuan.     “A… A… Ikaw…”     “Yes I am… Hendrix Hale Saavedra, Vice President of this company and your boss.” Sagot nito kaagad.     Hindi makapaniwala si Lhourd, talaga bang magiging boss niya ang lalaking ito na kagabi pa hindi maalis sa isipan niya dahil sa gwapo nitong mukha?     Hindi niya tuloy alam kung dapat ba siyang matuwa o dapat siyang mabahala.   -------------------------------------------       Napapangiti na parang tanga si Lhourd habang nakahiga sa papag at nakatitig sa kisame ng bahay niyang gawa sa kahoy.     Hanggang ngayon kasi ay naiisip niya si Hendrix, ang boss niya. Ang gwapo nitong mukha at ang matikas at matipuno nitong pangangatawan.     Pero ang hindi talaga rin maaalis sa isipan niya ay kung paano ito tumingin at ngumiti sa kanya. Napakaganda kasi ng mga mata nito at ang ngiti, aminado siyang natatamaan sa mga ngiting binibigay nito sa kanya.     Sa totoo lang… hindi naman siya manhid, ramdam niyang may kakaiba rin sa pagkatao ng boss niya at ewan niya kung dapat niya ba iyong ikatuwa o ikabahala. Ikatuwa dahil maaaring maging sila pagdating ng panahon dahil hindi rin namang malayo na magkagustuhan sila, o mabahala dahil oras na mahulog na ito sa kanya at mahulog na rin siya rito ay magiging kumplikado na ang buhay niya dahil ang buhay niya na alam nito ay isang malaking kasinungalingan lamang.     Napabuntong-hininga si Lhourd. Hindi na lamang muna niya iisipin ang mga iyon dahil ang mahalaga sa kanya ay ang mga nangyayari ngayon.     Maganda ang naging unang araw niya sa trabaho, magaan naman ang naging trabaho niya at sa totoo lang, hindi naman siya masyadong inuutusan ng boss niya. Sulat, type at kung ano-ano lang naman ang ginawa niya. Mabuti na nga lamang at may alam siya pagdating sa pagiging secretary at kung anong ginagawa nito dahil nandyan naman si Google, lahat masasagot nun. Kahit nga ang paraan kung paano umibig at magmove on, masasagot na yata ni Google.     Muling napangiti si Lhourd.   - - - - - - - - - - - - - - - -     “May meeting po kayo ng 4pm with the shareholders… tapos po… by 5:30 pm…” tuloy-tuloy na sabi ni Lhourd habang binabasa ang nakasulat sa notebook nito. Nakatayo ito sa harapan ng mesa ni Hendrix habang nakikinig naman sa kanya ang huli na pangiti-ngiti habang nakatingin sa gwapo niyang mukha.     Nakaramdam naman si Lhourd kaya naman napatingin rin siya kay Hendrix at tama nga siya, kanina pa ito nakatingin sa kanya.     “Sir? May problema ho ba?” tanong ni Lhourd na napahinto sa pagbabasa.     Napailing naman si Hendrix. “Wala naman… Sige, ituloy mo lang ang pagbabasa sa magiging schedule ko ngayong araw.” Sabi nito.     Napatango at ngiti naman si Lhourd. Magpapatuloy na sana ito sa pagbabasa pero biglang nagsalita si Hendrix.     “May girlfriend ka na ba?” tanong ng boss niya na bahagya niyang ikinagulat.     “Sir…”     “I said… may girlfriend ka na ba?” tanong muli ni Hendrix.     Napailing si Lhourd. “Wala ho…”     “E boyfriend?” tanong kaagad nito na ikinagulat na naman muli ni Lhourd.     “Sir…”     “Alam ko na katulad rin kita… Amoy kaya kita kaya alam kong paminta ka gaya ko.” sabi nito kaagad na ikinagulat ni Lhourd.     Napaiwas nang tingin si Lhourd. Nakaramdam siya nang hiya.     “It’s ok Adrian… Alam ko naman na perahas lang tayo ng pinagdaraanan. Nagtatago sa mga damit, kilos at pananalita na lalaking-lalaki pero ang damdamin… ibang-iba sa nakikita ng mga mata ng karamihan sa atin.” Sabi nito.     “Sir…”     “Sige na… Ituloy mo na ang pagbabasa mo…” sabi nito.     Muling napatingin si Lhourd kay Hendrix at napatango.     Nagpatuloy ito sa pagbabasa.   - - - - - - - - - - - -  - - - -     “Yes! Meron pa!” masayang wika ni Lhourd ng makita mula sa refrigerator ng convenience store na pinasukan niya ang paborito niyang inumin. Nag-iisa na lamang iyon kaya tuwang-tuwa siya na may naabutan pa siya.     Kasalukuyang breaktime niya ngayon at naisip niya na imbes sa cafeteria ng kumpanya siya kumain ay dito siya sa kalapit na convenience store nangpunta.     Lalapitan na sana niya ang ref para kunin ang paborito niyang inumin ng bigla na lamang may bumunggo sa kanya at naunang lumapit sa ref na pupuntahan niya. Nanlaki ang mga mata niya ng kinuha nito mula roon ang sanay kukunin at bibilhin niyang paborito niyang inumin na chocolate milk drink na nasa lata.     “Oy! Akin ‘yan!” sigaw niya.     Napatingin sa kanya ang lalaki. Oo lalaki at bahagyang natulala si Lhourd nang makita ang itsura nito.     Gwapo ang mukha. May pagkasingkit na bilugan ang mga mata na binagayan ng makapal at itim na itim na kilay sa itaas na pormang patusok kaya naman napakaangas tumingin ng mga mata nito. Matangos ang ilong, manipis ang natural na mapulang labi. Wala itong bigote at balbas at mukhang hindi rin ito mabalbon. Clean-cut ang gupit ng may kulay brown na buhok. Hubog na hubog sa suot nitong longsleeve polo na kulay plain blue ang magandang pangangatawan. Matangkad rin ito pero mas matangkad siya ng konti at mukhang bata pa sa kanya. Makinis ang may pagkamorenong balat.     “Ang bagal mo kasi kaya ako ang nauna.” Nakakalokong sabi nito sabay ngiti pa nang nakakaloko. Nang-aasar.     Bumalik sa katinuan si Lhourd.     “Pero… ako ang unang nakakita niyan…”     “Hindi porket ikaw ang unang nakakita… sayo na.” makahulugang sabi nito.     “Pero…”     “Sige na… alis na ako.” Sabi nito at naglakad na papunta sa cashier. Sinundan naman siya ni Lhourd.     “Teka lang… akin talaga iyan… lalapitan ko na nga sana iyan para kunin e…”     “Pero naunahan kita…” sabi kaagad nito nang nakatingin na kay Lhourd. “Ikaw naman kasi… sa susunod… huwag kang babagal-bagal, kapag nakita mo na… kunin mo na kaagad para hindi na makuha ng iba. ‘Yan tuloy, nakuha ko.” nangingiting sabi nito. Binayaran na nito ang binili.     Nakaramdam naman nang inis si Lhourd.     “E kung hindi ka lang kasi biglang sumingit at kinuha ‘yan e di sana… akin ‘yan.” Naiinis na wika nito.     Napangiti na lamang sa kanya ang lalaki.     “Pero sorry… madiskarte kasi ako at mabilis pa kaya ako na ang nakakuha.” Nangingiti nitong sabi. “Sige na… Bye!” sabi nito sabay taas pa ng nabili nito at iniinggit at inaasar si Lhourd.     Inis na inis namang nakasunod ang tingin ni Lhourd sa lalaki.     “Bwisit!” inis na sabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD