#MrAdrianLee
CHAPTER 3
“Uuwi ka na ba?” tanong ni Hendrix kay Lhourd na napatingin naman sa kanya. Kasalukuyang nasa loob pa rin sila ngayon ng opisina ng una at naghahanda para sa pag-uwi.
“Ah… Oho Sir. Bakit ho? May ipapagawa pa ba kayo?” tanong ni Lhourd.
Napailing naman si Hendrix at tipid na napangiti. “Marunong ka bang magdrive ng kotse?” tanong nito.
Napatango naman si Lhourd. “Marunong ho.” Sagot nito.
“Good…” sabi nito.
“Bakit Sir?” tanong ni Lhourd.
“Medyo nananakit na kasi ang ulo ko at mukhang hindi ko na kayang magdrive mag-isa… Kung pwede lang sana ay magpahatid ako sa iyo hanggang sa bahay.” Sabi nito.
“Pwede Sir… Ang kaso, hindi ko naman ho alam kung saan ang bahay ninyo.” Sabi ni Lhourd.
“Don’t worry Adrian… Ituturo ko naman sayo ang daan.” Sabi nito saka napangiti.
Napatango at ngiti na lamang si Lhourd.
“So… Halika na at umuwi na tayo.” Sabi ni Hendrix na muling ikinatango ni Lhourd.
- - - - - - - - - - - - - -
“Wow!” namamanghang sabi ni Lhourd nang makababa na sila ng kotse ni Hendrix na ipinarada nila sa may garahe ng bahay. Namamangha kasi siya sa ganda ng bakuran ng bahay ni Hendrix dahil para itong paraiso dahil sa dami ng halaman at mga bulaklak.
Napangiti naman si Hendrix sa nakitang reaksyon ni Lhourd. Halata kasi na gustong-gusto nito ang nakikita sa bakuran niya.
“Ang galing ng hardinero ko at nagawa niyang ganyan kaganda ang bakuran ko.” sabi ni Hendrix na ikinatingin naman sa kanya ni Lhourd.
“Oo nga ho e…” sagot nito saka muling tumingin-tingin sa paligid. Malawak ang bakuran pero hindi mo naman masasabing kasing lawak ng isang hacienda, kumbaga masasabi mong mas malawak lang ito kung titingnan mo ang iba pang bakuran ng ibang bahay dito sa subdivision kung saan nakatayo ang bahay ni Hendrix.
“Halika na at pumasok na muna tayo sa loob.” Pag-aaya ni Hendrix na ikinatango naman ni Lhourd.
Pagkapasok nila ng bahay ay namangha na naman si Lhourd sa nakita sa loob. Kung sa labas, maganda na nga ang makikita mo, lalo na rito sa loob. It’s a three storey house, may kalakihan at kumpleto sa gamit. Black and white ang namamayaning kulay, bagay na bagay sa lalaking-lalaking aura ni Hendrix.
“Grabe Sir… Ang ganda ng bahay ninyo.” Sabi ni Lhourd na ikinangiti naman ni Hendrix. “Pero pansin ko lang Sir… Bakit ang tahimik masyado? May kasama ho ba kayo dito?” tanong ni Lhourd.
Tipid na napangiti si Hendrix.
“Wala akong kasama rito.” Sabi nito.
“Wala ho? Bakit? Nasaan ang mga magulang ninyo? May kapatid ho ba kayo?” tanong ni Lhourd. Pamaya-maya ay bigla niyang naisip na parang nakakahiya ang mga naging tanong niya. “Sorry ho Sir kung natanong ko kayo… Nagtataka lang po kasi talaga ako.” Sabi pa nito.
“No it’s ok.” Sabi nito. Napabuntong-hininga. “Wala akong kapatid… nag-iisa lamang akong anak nila Mommy at Daddy na sa kasamaang palad e… Wala na rito sa mundo ngayon. Nasangkot kasi sila sa isang aksidente sa Paris nung magbakasyon silang dalawa dun para sa 13th wedding anniversary nila. Ako, naiwan rito nun with my yaya kaya hindi ako nadamay kaso iyon nga lang… hindi nga ako nadamay sa pagkawala nila… para na rin akong nawala at namatay dahil sa sobrang kalungkutan. At the age of 11… naulila na ako at naranasan ang pinakamalungkot na sandali sa tanang-buhay ko. Mabuti na nga lamang at nandyan nun si Yaya Rosing para pasayahin at ibsan ang lungkot ko but sadly again… pati siya ay nawala nung 14 years old ako dahil nagkasakit siya. Siya na nga lang ang tumutulong sa akin nun kahit na wala na akong naibabayad sa kanyang serbisyo dahil sa nag-aaral pa ako nun at hindi naman sapat iyong perang naiwan ng mga magulang ko para panggastos at pangsweldo sa yaya, nandyan pa rin siya at hindi niya ako iniwan, iyon nga lang, kamatayan na niya ang naging dahilan para tuluyan niya akong iwanan.” May himig ng lungkot na sabi ni Hendrix.
Nakaramdam rin ng lungkot si Lhourd.
“Hindi rin ho pala biro ang mga pinagdaanan ninyo.” Sabi ni Lhourd. Napabuntong-hininga ito. “Sorry ho kung natanong ko pa kayo.” Sabi pa nito.
Tipid na napangiti si Hendrix. “It’s ok… Gusto ko rin namang magkwento dahil alam mo ba… Sa kabila man ng hirap na mga pinagdaanan ko noon… iyon ring mga pinagdaanan ko ang siyang masasabi kong dapat kong ipagpasalamat na nangyari sa akin dahil doon, natuto ako, naging matatag, at naging malakas ang kumpyansa at paninidigan ko na marating ang mga pangarap ko sa buhay… Kaya ngayon… ito, nandito na ako ngayon sa kinalalagyan ko. Kahit na ako’y nag-iisa, Dahil sa sariling pagsisikap at hindi pagiging palaasa at panggagamit ng ibang tao… narating ko kung anong kinalalagyan ko ngayon.” Sabi nito.
Napaiwas nang tingin si Lhourd kay Hendrix at kunwari ay tumingin-tingin na lamang sa paligid. Paano kasi, natamaan siya sa mga huling sinabi nito.
Siya kasi… para marating niya ang gusto niya sa buhay at matupad ang mga pangarap niya… kailangan niyang magpanggap, umasa at gumamit ng ibang tao.
Namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa.
“Oo nga pala… Baka nagugutom ka… Ipaghahanda kita ng makakain.” Sabi ni Hendrix.
Napatingin naman si Lhourd kay Hendrix.
“Huwag na Sir… Nakakahiya naman ho saka isa pa… Kailangan ko na rin naman hong umuwi.” Sabi nito.
Napatango si Hendrix.
“By the way… Kapag nasa labas tayo ng opisina at dalawa lamang tayong magkasama… pwede bang Hendrix na lang ang itawag mo sa akin at… ituring natin ang isa’t-isa na magkaibigan?” tanong nito na bahagyang ikinagulat ni Lhourd.
“Pero…”
“Please? Nakakailang kasi kapag tinatawag mo akong Sir gayong wala naman na tayo sa opisina.” Sabi kaagad ni Hendrix.
“Pero… Boss ko kayo…”
“Sa loob ng kumpanya at opisina… pero sa labas… pantay lang tayo.” Sabi kaagad ni Hendrix. Napabuntong-hininga ito. “Sa totoo lang kasi… magaan ang loob ko sayo. Pwede kitang maging kaibigan dahil wala rin naman akong masyadong kaibigan.” Sabi nito.
Napatango si Lhourd at tipid na napangiti.
“Sige ho… Kayong bahala…”
“And one more thing… Huwag kang masyadong pormal makipag-usap sa akin kapag nasa labas tayo… Ang lakas mong makatanda e gayong mukhang magkasing-edad lang naman tayo.” Sabi nito kaagad na ikinangiti ni Lhourd.
“Sige.” Sagot nito. “Uwi na ho ako.” Sabi pa nito.
Napatango si Hendrix. “Sige… Mag-ingat ka. Pasensya ka na kung nagpahatid pa ako rito sa bahay.” Sabi nito.
“Ok lang ho… a… Ok lang. Trabaho ko rin naman ito.” Sagot ni Lhourd na ikinatango ni Hendrix.
- - - - - - - - - - - -
Tulala habang nakaupo sa kaliwang upuan ng pandalawahang mesa si Lhourd. Nasa loob siya ngayon ng isang convenience store na lagi rin naman niyang pinupuntahan dahil malapit lang ito sa pinagtatrabahuhan niya.
Hindi niya napansin na sa kanang upuan na katapat niya ay may naupong isang lalaki. Nakangiti itong nakatingin sa kanya at bahagya ring natatawa dahil sa pagkakatulala ni Lhourd. Hindi nito maalala na nung isang araw lang e nagkita at nag-away pa nga sila.
“Pa-share ng table ha” sabi ng lalaki. Nilagay nito sa mesa ang mga biniling pagkain. Hindi pa rin siya napansin o narinig man lang ni Lhourd.
Pamaya-maya ay bumalik sa katinuan si Lhourd. Napatingin siya sa harapan at nakita niyang may nakaupo na sa kanang upuan na nasa harapan niya. Hindi man lang niya napansin na naupo na ito kaagad.
Napatingin naman sa kanya ang lalaki at halos manlaki ang mga mata ni Lhourd ng makilala niya ang mukha nito.
“Ikaw iyong mang-aagaw!” halos pasigaw na sabi ni Lhourd kaya naman napatingin sa kanilang pwesto ang ibang mga taong naroon sa loob ng store.
Kaagad namang tinakpan ng lalaki ang bibig ni Lhourd.
“Huwag ka ngang maingay.” Sabi nito. Amoy na amoy ni Lhourd ang mabangong kamay ng lalaki.
Tinanggal rin kaagad ng lalaki ang kamay niya sa bibig ni Lhourd.
“Saka kung makapagsabi ka diyan ng mang-aagaw, akala mo may inagaw talaga ako sayo…”
“Meron naman talaga a.” sabi kaagad ni Lhourd.
Napatitig naman sa kanya ang lalaki.
“At ano namang inagaw ko sayo? Syota mo?” tanong nito.
“Hindi… Ikaw lang naman ang umagaw ng chocolate milk drink na sana kukunin ko pero inagaw mo.” Sabi ni Lhourd.
Nag-isip naman ang lalaki. Pamaya-maya ay natawa ito.
“Ikaw ba iyon? Iyong inis na inis sa akin dahil kinuha ko iyong tinitingnan mo lang?” tanong niya.
“Oo… ako nga iyong taong inagawan mo…”
“Sorry ha… Pero wala akong inaagaw sayo… Sabi ko naman sayo di ba… Hindi porket ikaw ang unang nakakita… sayo na.” sabi nito.
Nakaramdam naman ulit ng inis si Lhourd sa lalaking ito.
“Teka nga… Bakit ka ba diyan nakaupo? Hindi ka man lang nagpaalam…”
“Nagpaalam ako… pero dahil tulala ka… Hindi mo yata narinig at napansin. Saka kung naalala ko lang ‘yung nangyari nung isang araw sa pagitan nating dalawa at meron lang ibang mauupuan… bakit naman ako uupo rito gayong dito ka nakaupo?” sabi kaagad ng lalaki.
Napatingin naman si Lhourd sa loob ng convenience store. Tama nga ang lalaki, wala ng bakanteng upuan. Hay! Tulala kasi siya kanina dahil sa iniisip niya iyong naging pagsasama nila ni Hendrix kagabi.
Biglang tumayo si Lhourd mula sa kinauupuan niya na ikinagulat naman ng lalaki.
“O? Bakit ka tumayo?” pagtatakang tanong nito.
“Aalis na ako…” sabi ni Lhourd.
“Pero… Hindi mo pa ubos ang mga pagkain mo.” Sabi ng lalaki sabay turo sa mga pagkaing binili ni Lhourd na hindi niya naubos.
“Nawalan na ako ng gana kasi bigla kang naupo sa tapat ko.” sabi ni Lhourd.
“Hanggang ngayon ba… Hindi ka pa rin nakakamove-on sa chocolate-milk-drink incident? E halos makalimutan ko na nga ‘yon kung hindi mo lang pinaalala e…”
“Kung sayo, madali lang makalimutan iyon.. Sa akin hindi. Alam mo ba na halos isang araw lang sa isang linggo nagkakaroon nun dito sa convenience store kasi pagkalagay na pagkalagay pa lang ng staff nila sa ref e halos pakyawin na ng mga taong bumibili rin nun ang paborito kong inumin? Akala ko nga maswerte na ako ng araw na iyon dahil may natira pang isa kaso iyon nga… may isang mang-aagaw na kumuha.” Sarcastic na sabi ni Lhourd.
Natawa naman ang lalaki.
“Hayaan mo… Kapag nagkaroon sila ulit nun… Bibilhin ko lahat at ibibigay ko sayo para hindi ka na magalit…”
“No need… may pera akong pambili… Saka pwede ba, huwag mo akong suhulan para hindi na magalit sayo dahil kailanman, hindi ko na makakalimutan ang araw na iyon… na may isang tao ako na nakatagpo na isang mang-aagaw.” Sabi kaagad ni Lhourd saka naglakad na ito palabas ng convenience store. Inis na inis talaga siya rito.
Naiwan naman ang lalaki na nakaupo pa rin at nakasunod ang tingin kay Lhourd. Natatawa.
“Grabe namang magalit iyon… Parang chocolate drink lang e…” natatawang sabi nito sa sarili at ipinagpatuloy ang pagkain.
---------------------------------
“I like you Adrian… and I want you to be mine.”
Gulat ang rumehistro sa mukha ni Lhourd nang marinig niya ang mga salitang iyon mula kay Hendrix. Nasa loob sila ngayon ng opisina ng huli at magkatapat na nakatayo sa bandang gitna.
“Sir… Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Baka ho…”
“Siguradong-sigurado ako Adrian… sigurado ako sa nararamdaman ko para sayo. Gusto kita. Gustong-gusto kita.” Sabi kaagad nito. “From the first time I laid my eyes on you… I know… I like you…” sabi pa nito.
Napatitig ang mga mata ni Lhourd kay Hendrix. Sa totoo lang, masaya siya na malamang gusto siya nito pero… nakakaramdam rin siya nang pangamba dahil… hindi naman talaga siya nito lubusang kilala. Kung anuman ang nalalaman nito tungkol sa kanya ay isang malaking kasinungalingang likha niya.
“Pero Sir…”
“Alam kong gusto mo rin ako… Ramdam ko iyon.” Sabi kaagad ni Hendrix.
Napaiwas nang tingin si Lhourd. Hindi naman nag-aassume si Hendrix, tunay ngang may gusto rin siya rito pero pinipigilan niya dahil ayaw niyang maihalo ang puso at nararamdaman niya sa mga plano niya. Sa totoo lang kasi, plano niyang gamitin si Hendrix para sa pag-unlad niya. Iyon ang pagkagusto niya kay Hendrix at hindi katulad ng pagkagusto nito sa kanya.
“Di ba? Gusto mo rin ako?” tanong ni Hendrix.
Muling napatingin si Lhourd kay Hendrix. Napatango ito.
Napangiti naman si Hendrix.
“Sabi ko na nga ba… Hindi nagkamali ang pakiramdam ko…”
“Pero Sir… Hindi naman po sapat na gusto lang natin ang isa’t-isa… Kailangan rin nating isipin na boss ko kayo at secretary niyo ako… Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao Sir kapag…”
Napatigil sa pagsasalita si Lhourd ng bigla siyang sunggaban ng halik ni Hendrix sa labi. Ramdam na ramdam niya ang lambot at init ng labi nito na humahalik sa kanyang labi.
“Wala naman akong pakielam sa sasabihin ng iba e… Basta maging tayo… Kung ikaw… iniisip mo ang sasabihin nila… sige, ililihim natin kung gusto mo.” Sabi ni Hendrix pagkatapos ng halikan nila. Magkalapit pa rin ang kanilang mga mukha at magkadikit ang mga noo.
“Wala lang rin naman ho sa akin ang sasabihin nila… Ang inaalala ko lang po kasi ay iyong posisyon niyo rito sa kumpanya… iyong imahe ninyo… Alam ko rin naman ho na kagaya ko… itinatago niyo rin ang totoong kayo. Kung sa akin, wala namang mawawala e dahil di hamak na secretary niyo lamang ako e kayo? Mataas na ang posisyon niyo rito kaya hindi naman ho pwedeng masira iyon dahil lamang sa gusto niyo ako at gusto ko kayo.” Sabi ni Lhourd.
Napabuntong-hininga si Hendrix. Humiwalay ito kay Lhourd.
“Sa tingin ko tama ka…” sabi nito. “Pero gusto ko pa rin na maging tayo kahit na tayo lamang ang nakaalam… iyon ay kung papayag ka… May pag-asa ba na maging tayo?” sabi at tanong pa nito.
Tipid na napangiti si Lhourd.
“Tingnan ho natin Sir.”
Kaagad na niyakap ni Hendrix si Lhourd.
“Sisiguraduhin kong makikita mo… na magiging tayo rin.” Sabi nito. “Thank you… hindi mo lang alam na napasaya mo ako.” Sabi pa nito.
Pamaya-maya ay humiwalay nang yakap si Hendrix kay Lhourd. Tinitigan niya ito sa mga mata.
“You know what Adrian… sa’yo ko unang naramdaman iyong lahat ng pakiramdam ng isang taong nagkakagusto sa isang tao.” Sabi ni Hendrix na bahagyang ikinagulat ni Lhourd.
“Talaga? Seryoso ka? Ibig sabihin…”
“Oo… ikaw ang una… at marahil ay ikaw na rin ang huli.” Sagot kaagad ni Hendrix.
Tipid na napangiti si Lhourd.
“Ikaw ba? Ako ba ang una mo? I mean… sa akin mo ba unang naramdaman iyong lahat ng pakiramdam ng pagkagusto sa isang tao?” tanong nito.
Napatango si Lhourd. Kahit na ang totoo… hindi. Dahil gusto man niya si Hendrix pero hindi gustong-gusto na kagaya ng pagkagusto nito sa kanya.
Muling niyakap ni Hendrix si Lhourd. Gumanti na lang rin ng yakap ang huli.
- - - - - - - - - - - - - -
Nakatitig sa kisame si Lhourd habang nakahiga sa kanyang papag. Tulala siya dahil hanggang ngayon ay naiisip pa rin niya ang naging pagtatapat ni Hendrix sa kanya.
Sa totoo lang… gusto niyang magbunyi at magsaya. Nagawa niyang mapahulog sa kanya ang isang taong nasa mataas na posisyon. Magagamit niya ito para sa mga hangarin niyang gustong makamit. Pero hindi niya magawa dahil dumadalaw sa kanya ang konsensya.
Alam naman niya, masama ang gagawin niya. Masamang manggamit ng ibang tao para sa pansariling kapakanan. Pero anong magagawa niya? Para siyang isang baging na kailangan nang makakapitan para tumaas at magtagumpay at si Hendrix ang kakapitan niya. Ito ang gagamitin niya.
Ang isa pang iniisip niya ay ang damdamin nito. Alam at sigurado siyang masasaktan ito oras na malaman ang lahat ng totoo tungkol sa kanya. Napailing na lamang siya. Hindi na muna dapat niya iniisip ang damdamin nito dahil hindi pa naman nito kaagad malalaman ang lahat, hindi niya iyon hahayaan hangga’t wala pa ring nararating ang mga ginagawa niya. Nagsisimula pa lamang siya sa pag-abot sa tagumpay niya at nagsisimula pa lamang siya sa panggagamit kay Hendrix. Kailangan pa niyang galingan ang pag-arte at pagpapanggap.
- - - - - - - - - - - - -
“Grabe ka naman Lhourd… Talaga bang lilipat ka na ng bahay?” tanong ni Jack sa kaibigan. Nasa loob ito ngayon ng bahay ni Lhourd na kasalukuyan namang nilalagay ang mga dadalhing gamit sa maleta.
Napatango si Lhourd. “Kailangan e.” sabi nito.
“Kainis ka naman… Nagkaroon ka lang ng mas magandang trabaho na may malaking sweldo… Iiwan mo na ba talaga akong bestfriend mo?” tanong ni Jack.
“Iiwan? Siyempre, hindi… pupuntahan pa rin naman kita rito saka sinabi ko na rin naman sayo kung saan ang bago kong address di ba kaya pwede mo pa rin akong puntahan. Gusto ko lang kasing lumipat dahil gusto ko rin naman na kahit papaano, maging kumportable ang tirahan ko.” sabi ni Lhourd.
Tipid na napangiti si Jack.
“Hay! Asensado ka na talaga… Hindi ka na ma-reach.” Sabi ni Jack. Natawa naman si Lhourd. “Oo nga pala… Hinahanap ka rito nung isang araw nung boss mo sa bar… Hindi ka na raw pumapasok sa kanila… Akala ko ba nagpaalam ka na run e bakit ka hinahanap?” tanong pa ni Jack.
“Nagpaalam na talaga ako sa kanila… ayaw lang akong payagang umalis kaya hindi na lamang ako nagpapakita kay Boss or sa kung sino mang naging katrabaho ko dun.” Sabi ni Lhourd.
Napatango si Jack.
“Teka nga pala… Bago ko makalimutan… hindi mo pa nasasagot iyong tanong ko sayo nung nakaraan… Ano ba ang bago mong trabaho?” tanong nito.
“Secretary.” Sabi ni Lhourd.
“Secretary? E di ba dapat tapos ka run ng college or di kaya ay undergraduate ka? E high school nga lang hindi mo natapos, paano ka napasok run?” tanong ni Jack.
Napangiti si Lhourd.
“Basta… Nasa diskarte lang ‘yan.” Sabi nito. “Oo nga pala… ibigay mo kay Mang Berto iyong pera ha… ‘yan na iyong bayad ko sa utang ko sa kanya, iyong sobra, sayo na.” pag-iiba ng usapan ni Lhourd.
Napatango si Jack.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Nilibot ni Lhourd ang mga mata niya sa kabuuan ng apartment na bago niyang tirahan. Napangiti siya dahil maganda at may kalakihan naman ito kumpara sa dati niyang tinitiran. May dalawa itong palapag, dalawa ang kwarto sa itaas at sa ibaba naman ang living room, kusina at banyo. Wala pang masyadong gamit dahil bibilhan pa lamang niya. Mura lang naman ang upa niya rito kay sulit na rin para sa kanya.
“Bagong bahay… Bagong buhay… Bagong tagumpay na naghihintay.” Sabi ni Lhourd sa sarili. Napangiti. “Malapit na Lhourd… Malapit ka ng maging matagumpay sa buhay.” sabi pa nito sa sarili.