Chapter 65
Ayesha's POV
Wala naman na akong nakikita pa na ibang dahilan para hindi pagdudahan ang sinasabi ni Javadd dahil sa takot pa lang na nakita ko sa mukha ng matandang tagasilbi nang banggitin ni Javadd ang tungkol sa pagpasok sa kanyag balkonahe ay mukha nga na grabe ang pagbabawal niya na pumasok doon. Sinabi ko kay Javadd na sabihin sa matanda na wala itong dapat na ipag-alala dahil natanong niya lang naman ang lahat ng iyon.
Ang plano yata niya ay umalis na lang basta-basta matapos ang kumpirmasyon na iyon. Mabuti na lamang at nakinig siya sa akin at sinabihan ang matanda na huwag nang pakaisipin pa ang tungkol doon. Kahit na halata sa matanda ang pagtatakha sa biglaan na pagtatanong ni Javadd ay nagpasalamat na lang din ito na hindi siya nadawit sa ano mang gulo o pambibintang.
Bago pa man muling makapagtanong si Javadd sa matandang tagasilbi ay minabuti ko na yayain na siyang umalis dahil grabe na rin ang abalang naibigay namin sa matanda. Kung hindi sana namin siya nilapitan, kinausap at tinanong ng kung anu-ano, siguro ay tapos na siya sa paglilinis sa bahaging ito ng palasyo. Ngunit bukod sa napabagal na namin ang gawain niya ay nag-iwan pa si Javadd ng tanong sa matanda na sigurado akong iisipin niya na maaaring magpabagal sa kilos niya.
Muli akong pinapasok ni Javadd sa kanyang sa silid at agad kaming bumalik sa balkonahe. Nang marating namin ito ay saka ko siya muling hinarap.
"Nahihibang ka na ba, Javadd? Nang-istorbo ka ng tagasilbi para lamang doon?" inis kong tanong ngunit natawa siya. Tila ba pinagmamalaki pa niya ang kanyang ginawa at hindi inintindi ang mga pagalit ko sa kanya.
"Kasalanan mo iyon, Ayesha. Kung sana ay naniwala ka na agad sa akin ay hindi na sana tayo humantong pa sa ganoon." Nakuha pa niya ako na pabirong sisihin kaya hinampas ko siya sa braso. Napabuntong hininga na lamang ako dahil alam ko naman sa aking sarili na hindi ko magagawa na tuluyang magalit sa kanya dahil nga sa napagaan din naman ng ginawa niya ang pakiramdam ko.
Napangiti naman si Javadd nang makita ang kapanatagan sa mukha ko at nawala na ang mapang-asar niyang mga ngisi.
"Siguro naman ay naniniwala ka na sa akin, Ayesha?" Kinalabit pa niya ang baba ko kaya napangiti ako. Tumango ako at hindi ko alam kung gaano kalaki na ba ang mga ngiti. Pakiramdam ko ay literal na abot hanggang tainga.
"Oo, Javadd. Naniniwala na ako." Lalo rin namang napalapad ang mga ngiti ni Javadd nang marinig ang mga salitang iyon sa akin mismo.
"Mabuti naman kung ganoon, Ayesha."
"Ngunit bakit, Javadd?" tanong ko na kinakunot ng noo niya.
"Ano bakit, Ayesha?" tanong naman niya.
"Bakit mo ako pinapasok dito?" tanong ko dahil wala akong ideya. Oo nga at may nararamdaman siya sa akin ngunit sa tingin ko ay hindi naman iyon sapat na dahilan para papasukin niya ako sa isang pinagbabawal na lugar na ayaw niyang magpapasok. Kahit ang mahal na reyna ay pinagbabawalan niya. Tapos ako na isang dayo at nagmula pa mismo sa kalaban nilang lahi ay binigyan niya ng pagkakataon na makita ang buong Algenia.
"Ewan ko rin, Ayesha. Basta ang alam ko lang ay nais kong ibahagi sa iyo ang isang pambihirang tanawin na ito ng aming kaharian," sabi ni Javadd at napangiti ako. Siya nga lamang ang may pagkakataon na makita ito dahil ayon na rin sa kanya ay ito lang ang nag-iisang silid na nakaharap sa harapan ng palasyo.
"Ngunit isa akong Vittorian, Javadd," sabi ko dahil pakiramdam ko ay mas may karapatan ang mga Algenian na makita ang ganitong tanawin kaysa sa akin.
"Hindi mo naman ako masisisi, Ayesha. Tulad na rin ng sinabi ko ay nais kong ibahagi ito sa iyo." Kahit na parehas naming hindi alam kung bakit ay napangiti na rin ako. "Ngunit wala namang kaso sa akin kung isa kang Vittorian. Para sa akin ay parehas pa rin tayong Lavitran na nagkaiba lamang ng lahi. Sa tuwing kasama kita ay hindi ko nararamdaman na isa kang Vittorian habang ako naman ay isang Algenian," sabi niya. Masabi pa kaya iyon ni Javadd oras na malaman niya na isa akong prinsesa kung saan ang lahat sa amin ay hindi matatawag na pangkaraniwan dahil kami ang nakatakda na magharap.
"Ngunit hindi mo dapat alisin ang katotohanan na iyon, Javadd. Ayokong dumating tayo sa punto na mahihirapan na tayong magdesisyon dahil maiipit na tayo at malilito," sabi ko at sa tingin ko naman ay nakuha niya ang nais kong sabihin. Ayokong dumating kami sa punto kung saan mahirap nang pigilan ang nararamdaman namin para sa isa't isa at mahihirapan na kaming mamili kung kami ba o ang aming mga kaharian. Nakakatakot kung dumating man nga ang pagkakataon na iyon.
"Bakit, Ayesha? Sa mga oras na ito ba ay malinaw pa rin sa iyo kung ano at sino ang uunahin mo?" tanong ni Javadd na tila ba sinusubukan ako. Para sa akin ay malinaw pa rin ang pipiliin at prayoridad ko ngunit hindi ko alam kung bakit bigla na lamang akong natahimik.
At alam ko na may mga gusto pang sabihin si Javadd na lalong mas makakapagpagulo sa isip ko. At ayoko nang marinig pa ang mga sunod niyang sasabihin. Dahil ayokong maging makasarili. Ayokong maging mahina kapag may mga narinig ako kay Javadd na hindi ko dapat marinig. Hindi ko kailanman papatulan ang panghahamon niya sa akin.
Walang makakapagbago ng prayoridad at responsibilidad na mayroon ako. Dapat ay tanging ang pamumuno lang sa Vittoria ang itatak ko sa aking isip. Na kung magiging makasarili kami ni Javadd at mas piliin na makasama ang isa't isa ay hindi ko na matutupad ang mamuno.
Sa mga tingin pa lang sa akin ni Javadd ay alam ko na agad ang maaari niyang sabihin. At ayokong marinig ng ano mang salit mula sa kanya na makakapagbago ng aking isip dahil alam ko na marami akong mabibigo.
"Huwag na natin itong simulan, Javadd," sabi ko. Nakita ko pa ang pagkibot ng kanyang mga labi ngunit mabuti na lamang at hindi na siya nagmatigas pa. Mabuti na lamang at nakinig sa akin si Javadd. Siguro ay napag-isip niya na hindi nga mabuting pag-usapan namin ang bagay na iyon. Mas makakabuti para sa dalawang kaharian kung parehas kaming mananahimik.
"Hindi nga lang pala ang buong kaharian ng Algenia ang nais kong ipakita sa iyo, Ayesha," mayamaya lamang ay sabi pa ni Javadd kaya napakunot ang noo ko. Hindi pa pala siya tapos. Ano na naman kaya ang ipapakita niya sa akin? Sa tingin ko ay dapat kong ihanda ang aking sarili lalo pa at alam ko na lahat ng pinapakita sa akin ni Javadd ay nagpapahanga at sumusorpresa sa akin.
"Bakit Javadd? Ano pa ba ang ipapakita mo sa akin?" tanong ko. Ngumiti siya at muling naglakad papunta sa likuran ko. Tulad kanina ay pinatong niya ulit ang magkabila niyang kamay sa magkabila kong balikat nang hindi alam kung ano na naman ang plano niya. Ngunit kanina ay kaharap namin ang buong balkonahe niya, ngayon naman ay nasa railing kami at tanaw ang kabuuan ng kaharian ng Algenia.
Wala naman na akong iba pang bagong nakikita na siyang maaaring ipapakita raw sa akin ni Javadd.
"Subukan mong tumingala, Ayesha," sabi ni Javadd na agad ko namang sinunod. Ang buong akala ko ay may kung ano akong makikita sa aking pagtingala nguniy wala naman akong ibang nakita kundi ang madilim na itaas ng Lavitre. Kahit na nagtatakha sa pinagawa sa akin ni Javadd at nanatili akong nakatingala at hindi agad nagtanong. Sinubukan kong maghanap ng kakaiba sa itaas ngunit wala talaga akong makita. Kaya imbis na pagurin ang mga mata ko sa paghahanap ng isang bagay na hindi ko alam ay hinintay ko na lang na muling magsalita si Javadd.
Hindi ko alam kung hanggang kailan akong plano na patingalain ni Javadd ngunit wala pa rin siyang sinasabi. Sa tingin ko ay may hinihintay siya na kung ano. Ayoko namang magmukhang mainipin kaya pinagpatuloy ko na lang ang pagtingala. Ngunit sa tingin ko ay hindi ko na kailangan pa na hintayin ang muli niyang pagsasalita dahil mayamaya lang ay may nakita ako na tila may kumislap sa itaas.
Umasa ako na muli nang magsasalita si Javadd ngunit nanatili siyang walang imik. Nararamdaman ko pa rin naman pagtingala niya sa itaas kaya alam ko na may susunod pang makikita. Mayamaya lang ay muli akong may nakita na kung anong kumislap sa itaas.
Ang paisa-isang kislap ay unti-unting dumami. Wala pa akong nakitang ganoon sa buong buhay ko kaya sa tingin ko ay makikita lang iyon kung nasa isang mataas kang pwesto at sa tingin ko rin ay nasa ganitong anggulo lang iyon masisilayan. At itong balkonahe ni Javadd ang perpektong pwesto para makita iyon.
At hindi ko maiwasan ang mamangha sa mga nagkikislapang kung ano sa itaas. Parang nanggagaling pa iyon sa ibang mundo dahil bago sa paningin ko.
"Ano sa tingin mo, Ayesha?" tanong ni Javadd kaya iniikot ko ang aking leeg para lang malingon ko siya sa aking likuran.
"Sobrang ganda, Javadd." Binalik ko ang mga mata ko sa mga nagkikislapan sa itaas at hindi maalis ang paghanga sa aking mga mata. "Hindi ko akalain na mayroon palang ganito rito sa La Vitre," sabi ko pa kahit na hindi ko alam kung sa buong La Vitre ba iyan o sa kaharian ng Algenia lamang matatagpuan.
"Iyon ay kung sa La Vitre nga iyan, Ayesha," sabi ni Javadd. Kahit na gaano ko pa kagusto na manatili ang mga mata ko sa itaas ay hinarap ko si Javadd dahil sa labis na pagtatakha sa sinabi niya.
"Anong ibig mong sabihin, Javadd?" tanong ko at nagkibit balikat siya dahil hindi niya rin sigurado ang naiisip niya ngayon.
"Sa tingin ko kasi Ayesha ay sa mundong ibabaw iyon nagmumula," sabi niya na kinatunghay ko sa kanya. Mundong ibabaw? Naniniwala si Javadd sa mundong ibabaw?