#TheSecondHusband
CHAPTER 7
“I’m sorry Papa... pero hindi ko napigilan si Mama sa kagustuhan niyang gawin.” Malungkot kong sabi kay Papa na ngayon ay nakikita ko ang lapida. Nasa sementeryo ako ngayon kasama siya imbes na kasama ni Mama na ngayon ay kasalukuyang ikinakasal kay Greco sa city hall.
Napabuntong-hininga ako. Tinotoo ko ang sinabi kong hindi ako pupunta sa kasal nila, pagpapakita na hindi ko talaga tanggap ang naging desisyon ay ginawa niya.
Ako na ang humihingi ng tawad kay Papa para sa ginawa ni Mama, kung nasaan man siya ngayon, alam kong nakikita niya kami at nasasaktan siya. Lahat naman ay ginawa ko para mapigilan si Mama sa kagustuhan niya pero humantong na lamang ako sa pagsuko dahil narealize kong wala rin namang mangyayari.
“Hayaan niyo Papa... Ngayong ikinasal muli si Mama... kahit na masakit para sa akin ay tutuparin ko pa rin ang ipinangako ko sa inyo noon, na hanggang sa huli, kasama pa rin niya ako. Hindi ko man maipakita na aalagaan siya pero asahan niyong babantayan ko pa rin siya kahit na sa loob-loob ko, gusto ko ng bumukod para hindi na siya makita at makasama pa.” Sabi ko.
Masama man ang kalooban ko pero handa pa rin akong tuparin ang ipinangako ko noon kay Papa, hanggang sa huli... magiging anak pa rin ako para kay Mama at babantayan ko pa rin siya. Ayoko mang gawin pero kailangan.
Ilang oras pa akong nag-stay sa puntod ni Papa at kinausap siya bago ako nagpasyang umuwi.
Sa pagpasok ko sa loob ng bahay, ramdam ko ang pag-iisa, ang kalungkutan. Napabuntong-hininga ako. Kinuha ko ang cellphone ko sa loob ng bulsa ng suot kong pants. Nakita ko mula sa screen ang halos benteng mensahe na ipinadala ni Mama. Hindi na ako nag-abala pang basahin ang mga iyon at sa halip, binura ko na lamang lahat. Punong-puno ako ng kalungkutan habang siya, iyon nagsasaya kasama ng bagong lalaki niya.
Gabi na nang makauwi si Mama, kasama si Greco. Parehong nakadamit pangkasal. Hindi maikakailang ang ganda ni Mama lalo na at kitang-kita ko rin na sobrang saya nito. Aminado naman ako na gwapo ang napangasawa niya lalo na ngayon dahil nakaayos ito.
Nawala ang ngiti ni Mama nang makita niya ako. Alam kong walang ekspresyon ang mukha ko.
“Hindi ka man lamang nagpunta sa kasal kahit sandali lang... kahit sa reception, wala ka.” Sabi niya.
Tinalikuran ko si Mama.
“Mas may mahalaga pa akong dapat puntahan kaysa sa kasal mo.” Sabi ko.
Narinig kong napabuntong-hininga si Mama.
“Hanggang kailan ka ba magiging matigas pagdating sa akin? Ano bang dapat kong gawin para matanggap mo na sa sarili mo ang lahat?” magkasunod na tanong ni Mama.
Muli ko silang hinarap. Parehong wala ng ngiti sa mga labi ang dalawa.
Ngisi lang ang isinagot ko sa kanila.
Bumakas ang lungkot sa kanilang mga mukha.
“Oo nga pala... Bakit kayo umuwi pa dito? Di ba may honeymoon pa kayo? Hindi niyo pa nilubos ang paglalandian ninyong dalawa...”
“Eris.” Sabi kaagad ni Mama na medyo tumaas ang boses. “Ang tingin mo ba sa pagmamahalan namin ay landian lang?” tanong pa nito.
Mas lalo akong napangisi.
“Oo... Ginawa niyo nga lang legal dahil nagpakasal kayo.” Sabi ko.
“Huwag ka namang magsalita ng ganyan... Mahal namin ng Mama mo ang isa’t-isa...”
“Huwag kang sumabat... Hindi ka kasali sa usapan.” Sabi ko kaagad na pumutol sa sasabihin ng Greco na ito.
“Eris... Asawa ko na at step father mo na ang kausap mo... Kahit man lang respeto, ibigay mo.” Sabi ni Mama.
Napailing ako.
“Kung ako nga hindi niyo nirespeto... lalo na si Papa... Nararapat bang bigyan din kayo ng respeto?” tanong ko.
Nakatingin lamang sila sa akin. Ipinapakita kong matigas ako, na matapang ako, na kaya ko silang dalawa pero sa loob-loob ko... hinang-hina at lambot na lambot ako lalo na at nakikita ko silang dalawang natupad na ang kagustuhan nila.
“Kung wala na kayong sasabihin, aalis na ako at matutulog.” Sabi ko.
Tinalikuran ko na silang dalawa at umakyat na.
Pagpasok at pagkasara ko ng pintuan ng kwarto ko ay napasandal ako sa likod nun. Malalim na napahinga.
Sa totoo lang, hindi ko na alam kung anong mga susunod na mangyayari pagkatapos nito pero alam ko, malaking pagbabago ang magaganap sa mga buhay namin, mga pagbabagong hindi ko alam kung matatanggap ko pa.
#TheSecondHusband
CHAPTER 8
Kakauwi ko lamang galing trabaho, pagkapasok ko ng bahay ay kaagad na akong sinalubong ng aking ina na ngiting-ngiti habang nakatingin sa akin.
“Anak... Naghanda ako ng hapunan... Tara at sabayan mo na kaming kumain.” Sabi nito. Nakita ko naman na lumabas mula sa kusina ang bago niyang asawa na si Greco. Kung makisig na ito sa pormal o kaswal na kasuotan, mas makisig naman ito kapag nakapambahay lamang. Sando at jersey short kasi ang suot nito kaya naman kita ko ang hubog ng maganda nitong biceps at triceps. Mas lalo ko ring nakita ang maumbok nitong dibdib at ang magkabila nitong u***g na humubog at bumakat sa suot nitong sando at sa edad niya, may abs pa talaga. Kahit may edad na, mukhang alaga pa ang katawan nito.
Bumalik ang tingin ko kay Mama. Baka mamaya kung ano pang sabihin kung bakit ako tila napatunganga sa nakita ko sa asawa niya.
“Busog pa ako Ma... Kayo na lamang kumain.” Sabi ko at tatalikuran ko na sana siya ng bigla muli siyang magsalita.
“Please?” sabi ni Mama. “Kahit ngayon lang.” Sabi pa nito na tila nagpapaawa.
Napahinto ako. Napabuntong-hininga. Muling tiningnan si Mama.
Wala na lamang akong nagawa kundi ang pagbigyan si Mama. Nauna akong maglakad papunta sa kusina kung saan nandoon din ang hapag-kainan.
Nakita kong napangiti si Greco. Hindi sa akin kundi kay Mama dahil nakatingin siya rito. Hindi ko maiwasang umikot ang mata ko.
Ngayon ay nasa hapag-kainan na kaming tatlo. Mag-isa lamang akong nakaupo sa kaliwa habang magkatabi naman silang nakaupo sa kanang bahagi ng mesa. Nakahanda ang iba’t-ibang putahe ng pagkain at kanin. Ang dami nga nito para sa aming tatlo.
“Di ba dapat nagtitipid ka? Malaki ang nagastos niyo sa kasal pero kung makapagluto ka ng simpleng hapunan, daig mo pa ang naghanda sa fiesta.” Sabi ko.
Napangiti si Mama.
“Ayos lang ‘yan Anak... Gusto ko rin kasing magluto ng marami ngayon para bilang post celebration na rin ng magkakasama tayo... Hindi ka kasi umattend ng reception kaya...”
“So kasalanan ko pa pala kung bakit ka nagsasayang ng pera.” Sabi ko kaagad. Alam kong masungit ako pero ano naman?
Tipid na lamang na napangiti si Mama sa sinabi ko at hindi na ipinagpatuloy pa ang iba pang sasabihin.
“Kumain ka lang ng kumain... Masasarap ang niluto ng Mama mo.” Sabi ni Greco. Tiningnan ko siya.
“Alam ko... Matagal ko ng alam.” Pinagdiinan ko sa kanya ang sinabi ko.
Napangiti siya sa sinabi ko. Pucha! Nakuha niya pang ngumiti a, alam naman niyang sarcastic ang sinabi ko. Pero sa totoo lang, mas gwapo siya kapag nakangiti. Hay! Bakit ko ba pinupuri ang lalaking ito? Tsk!
“Kaya nga ako nainlove sa Mama mo dahil isa ito sa mga dahilan, ang galing at sarap ng mga niluluto niya.” Sabi nito.
Umiwas na lamang ako nang tingin.
Nagsimula na kaming kumain. Tahimik at tanging mga kubyertos lamang ang nag-iingay dahil tumatama ang mga iyon sa babasaging mga plato.
“Oo nga pala Anak... Napag-usapan namin ng Daddy mo...”
“Hindi ko siya Daddy...” sabi ko kaagad at tiningnan si Mama.
Napabuntong-hininga naman si Mama. Si Greco, ayun natameme sa sinabi ko. Bakit? Totoo naman ang sinabi ko a, hindi porket asawa na siya ni Mama e ama ko na rin siya.
“Napag-usapan namin ng Tito Greco mo na sa susunod na linggo, doon na tayo titira sa bahay niya.” Sabi ni Mama na ikinalaki ng mga mata ko sa gulat. Ha? Seryoso ba siya?
“Anong ibig mong sabihin? Iiwan natin itong bahay na pinangarap at magkasama nating ipinundar?” may tono ng inis na sabi ko.
“Naisip ko lang kasi Eris na dapat ako ang nagproprovide ng tirahan dahil ako ang padre de pamilya. Nakakahiya naman kung ako ang titira dito sa sarili niyong bahay...”
“So ngayon pa lang, pinapakita mo na sa amin ngayon na mataas ang pride mo ganun ba?” tanong ko kay Greco. Ang sama nang tingin ko sa kanya. “Hindi mo ba alam na dugo’t pawis ang binuhos namin ni Mama para sa bahay na ito? Pangarap namin itong dalawa tapos sa isang iglap, dahil lang sa kagustuhan mo, sasabihin mo sa aming iwan na lang ang bahay na ito at sumama na lang sayo?” sabi ko pa, hindi ko maitago ang inis at galit.
“Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin... ang sa akin lang, dapat ako ang nagbibigay sa inyo ng sariling bahay at hindi kayo.” Sabi niya.
Napailing-iling ako.
“Anak... Ok rin naman iyong bahay na sinasabi niya... Malaki at kumportable...”
“Kung gusto niyo... kayo na lang ang tumira doon basta ako, dito lang ako.” Sabi ko kaagad at tumayo na mula sa inuupuan. Hindi ko tinapos ang kinakain ko.
“Anak...”
Hindi ko na pinakinggan si Mama na tinatawag ako. Tuloy-tuloy lamang akong naglakad at umalis, iniwan sila doon.
Hindi lamang iyon ang ikinainis ko sa kanila lalo na sa bagong asawa ni Mama, mas lalo akong nainis dahil sinabihan rin ako ni Mama na gusto ng Greco na iyon na dalhin ko ang apelyido niyang Manlangit. Balak niya akong ampunin at maging legal na anak. Pati ba naman ang apelyido ko, pakikielaman niya? Bwisit! Kay bago-bago nilang mag-asawa pero mukhang sunod-sunuran si Mama sa Greco na iyon.
Pwes kung akala nila ay mapipilit nila ako sa kagustuhan nila, nagkakamali sila. Ako si Eris Altajeros... ‘yun lang ang pangalan at apelyido ko at hindi ako aalis sa bahay na ito.