CHAPTER 5 AND 6

2107 Words
#TheSecondHusband CHAPTER 5     Simula nang ipakilala sa akin ni Mama ang kanyang bagong nobyo ay hindi na naging maganda ang relasyon naming dalawa. Hindi ko na siya pinapansin at nilagyan ko talaga ng pader ang pagitan naming dalawa.     Nagtatangka siyang kausapin ako pero ako itong umiiwas at tila naging hangin na lamang siya para sa akin. Nasa iisang bahay lang kami at ina ko pa man siya pero hindi na ganun ang naging trato ko sa kanya.     Ayaw ko mang tratuhin ng ganun si Mama pero kasi, ‘yung lambot ng puso ko para sa kanya ay napalitan ng galit at tampo. Bukod sa tuluyan na nga niyang kinalimutan si Papa dahil sa ginagawa niya, pakiramdam ko, hindi na ako mahalaga para sa kanya.     Simula rin nun ay naging madalas naman ang pagdalaw nung Greco dito sa bahay para kay Mama... Katulad na lamang ngayon, palabas na sana ako ng bahay para pumasok ay napahinto muna ako sa pintuan at nagtago dahil naririnig ko ang pag-uusap nila dahil nasa labas at tabi lamang sila ng pintuan.     “Intindihin mo na muna siya... Naging biglaan sa kanya ang lahat at mahirap tanggapin kaagad ang mga bagay na bigla lamang niya nalaman... Bigyan muna natin siya ng panahon para mag-isip... Pasasaan ba at matatanggap rin niya tayo.” Sabi nung Greco.    “Hon... Namimiss ko kasi ‘yung anak ko... ‘Yung dati naming turingan, ‘yung dati naming kwentuhan... ‘yung dating siya. Ang sakit lang para sa akin na bigla siyang nagbago.” Nanginginig ang boses na sabi ni Mama. Mukhang iiyak na naman. Napabuntong-hininga ako.     “Habaan mo pa sana ang pag-intindi sa kanya dahil mahirap ang pinagdadaanan niya ngayon at mahirap sa kanya ang pagtanggap... Ako, naiintindihan ko siya kasi napagdaanan ko ‘yan dati nung nag-asawang muli ang Papa ko. Alam ko na naging masama ako sa kanya at sa babaeng mahal niya pero hindi nila ako sinukuan kaya dumating din ‘yung panahon na natanggap ko rin ang lahat. Ganun din ang gawin natin, huwag natin siyang susukuan.” Sabi ni Greco. E kung sabihin na lang kaya niya na maghiwalay na sila para tapos na ang problema? Siya lang naman kasi ang puno’t dulo ng lahat.    Hindi ko na narinig na nagsalita si Mama. Napabuntong-hininga ako bago nagpasyang lumabas ng pinto.     Napatingin silang dalawa sa akin nang lumabas ako pero ako, kaagad na umiwas nang tingin at tuloy-tuloy lamang na lumabas hanggang sa makaalis ako. Hindi ko man lamang nilingon si Mama nang tawagin pa niya akong anak.       Sa trabaho ay naging balisa ako. Aminado akong hindi ko nagagawa ng maayos ang mga dapat gawin. Napapansin ako ng mga katrabaho ko pero hindi sila nangahas na magtanong at hinayaan muna ako, kahit ang girlfriend ko na si Rina ay tingin lamang nang tingin sa akin pero hindi niya ako nilapitan para tanungin.     Ngunit hindi siya nakatiis kaya naman nung breaktime, kinausap niya ako. Nasa pantry kaming dalawa ngayon.    “Hindi ba maganda ang araw mo? May problema ba?” tanong niya sa akin sa tono nang pag-aalala.     Napabuntong-hininga ako. Umiwas ako nang tingin sa kanya.     “Nakilala ko na siya.” Sabi ko.     “Sino?” pagtatakang tanong ni Rina.     Napatingin ako sa kanya. Muling napahinga ng malalim.     “ ‘Yung nobyo ni Mama.” Sagot ko sa tanong niya.     Napatango siya sa sinabi ko.     “So... Anong first impression mo sa kanya? Mukha bang mabait? Mabuti pa siyang tao...”    “Wala akong pakiealam kung siya pa ang anghel sa lupa... Ang pakiealam ko ngayon ay dapat mapaalis siya sa buhay naming dalawa ni Mama.” Sabi ko kaagad na may halong inis.     “By... Di ba sinabihan na kita? Mahal siya ng Mama mo... Alam ko na mahirap para sayo na tanggapin ang lahat pero kung lalawakan mo lamang ang pag-unawa at pag-intindi mo sa sitwasyon, matatanggap mo rin ang lahat.” Sabi niya sa akin.    Napailing-iling ako.     “Huwag ka naman sanang maging hadlang sa kaligayahan ng Mama mo.”     Nagpanting ang tenga ko sa sinabi niya kaya sumama ang tingin ko sa kanya.     “Ako pa talaga ang hadlang? Hindi ba pwedeng pinoprotektahan ko lang ang sarili kong ina?” magkasunod na tanong ko.     “Nandoon na tayo pero pwede mo pa rin naman protektahan si Tita ng hindi pinipigilan ang kung anong kaligayahan niya. Pwede ka pa rin namang maging anak habang nagmamahal ka sa kanya...”     “Hindi mo ako naiintindihan!” hindi ko sinasadya pero napasigaw ako. “Dapat hangga’t maaga pa, inilalayo ko na si Mama sa mga posibleng magpahamak sa kanya...”    “E di sige... gawin mo... pero sigurado ako na kapag ginawa mo ‘yan, tiyak na malulungkot siya.” Sabi ni Rina. Napabuntong-hininga. “Alam mo, huwag na muna tayong mag-usap ngayon dahil sa totoo lang, mahirap kausapin ang isang tao na ang utak ay kasing kitid ng eskinita.” Sabi pa niya. Magsasalita pa sana ako pero nilayasan na niya ako.     Napabuntong-hininga ako.       Sa pag-uwi ng bahay, eto na naman... balik ako sa dati.     Kaagad akong nilapitan ni Mama ng makapasok ako.     “Anak... Handa na ang hapunan, sabay na tayong kumain...”     “Busog pa ako, gusto ko nang magpahinga.” Sabi ko kaagad na kasing lamig ng yelo. Naglakad na ako at nilagpasan siya.     “Hanggang kailan ka ba magiging ganyan pagdating sa akin?” tanong ni Mama. Narinig ko siyang napabuntong-hininga. Napahinto ako sa paglalakad. “Sabihin mo para maihanda ko ang sarili ko sa matagalang sakit na dulot nang ginagawa mo kasi sa totoo lang, hindi kita susukuan.” Sabi pa niya. Bakas ang lungkot sa boses.   Nanatili akong nakatalikod sa kanya.     “Mabuti na rin na ganito tayo... tutal hindi naman na ako mahalaga sayo.” Sabi ko sa kanya.     “Hindi ‘yan totoo Anak... Sa lahat ng meron ako, ikaw ang pinakamahalaga para sa akin na kailanman, hindi ko gugustuhing mawala...”    “Kung ayaw mo akong mawala...” sabi ko at tiningnan siya. “Hiwalayan mo ang lalaki mo.” May diin na sabi ko.     Natulala siya nang sabihin ko ‘yon. Napabuntong-hininga ako saka muli na siyang tinalikuran at nagpatuloy na sa pagpunta ko sa kwarto.     Alam kong masakit sa kanya ang mga ginagawa ko, masakit rin naman ito para sa akin e pero kailangan kong maging matigas para hindi mangyari ang mga gusto niya.     Di bale ng maging masama akong anak basta ba hindi lamang mangyari ang kagustuhan niyang palitan si Papa.   #TheSecondHusband CHAPTER 6     Napahinto ako sa paglalakad papunta sa kwarto ko nang tawagin ako ni Mama. Hindi ko na sana siya papansinin pero hindi ko napigilan ang sarili ko dahil sa totoo lang, gusto ko na siyang pansinin, kausapin at yakapin dahil miss ko na siya.     Hinarap ko siya. Wala akong ekspresyong ipinapakita at alam kong ramdam niya ang panlalamig na pakikitungo ko.     Tipid siyang napangiti habang nakatingin sa akin.     “Mabuti at sa wakas... binigyan mo na rin ako ng pansin.” Sabi niya.     “Anong kailangan mo?” mas malamig pa sa yelo ang boses ko nang tanungin ko siya.     Napabuntong-hininga siya bago muli magsalita.     “Nagpropose na sa akin ng kasal si Greco.” Sabi niya sabay taas ng kamay niya na kung saan, sa palasingsingan ay may nakasuot ng wedding ring na bago sa paningin ko. Alam ko kasi ang itsura ng wedding ring nila ni Papa at ngayon, hindi na niya iyon suot. “Pumayag ako sa kagustuhan niyang magpakasal kami at mangyayari iyon sa susunod na buwan. Simple lang naman...”    “Bakit mo pa sinasabi sa akin ‘yan?” tanong ko kaagad. Ipinapakita kong wala akong interes sa mga sinasabi niya. “Sa tingin mo ba, may pakiealam pa ako?” tanong ko pa. Alam kong mali ang mga salitang sinasabi ko sa aking ina pero sa sinabi niya at nakita ko, mas lalo akong nakaramdam ng galit.     Lumungkot ang kanyang mukha.     “Gusto ko kasi na sana... nandoon ka sa mismong araw na iyon...”    “Hindi ako pupunta.” Sabi ko kaagad. “Wala namang kwentang araw iyon at mas gusto ko pang ubusin ang oras ko sa mga mas walang kwentang bagay kaysa ang makita kang ikinakasal sa iba.” Sabi ko pa.     “Anak...”     “Hindi na lang talaga ako mahalaga sayo no? Kundi wala na rin akong kwenta... kasi kahit anong gawin at sabihin kong pagtutol, wala na lang sayo at itutuloy mo pa rin ang gusto mo kahit na ayoko.” Sabi ko kaagad.     “Mahal ko siya anak... Sana naman maintindihan mo...”     “Naiintindihan ko Ma... Sobra nga e... Mas mahal mo siya kaysa sa amin ni Papa.” Sabi ko kaagad. Napapakuyom ang magkabilang kamao. “Sana maintindihan mo rin kung bakit ako nagkakaganito... kung saan ako humuhugot.” Sabi ko pa.     Natahimik siya sa sinabi ko. Napabuntong-hininga ako.    “Sige... Ituloy mo na lang ang mga gusto mo... Wala na akong pakiealam pa basta huwag mo na lang sa akin ipapaalam pa at huwag mo na ring aasahan na sa mga gagawin mo, nasa likod mo ako.” Sabi ko. “Mabuti na rin siguro na ganito tayo, pinakikitunguhan ang isa’t-isa na parang hindi magkadugo at magkakilala lang, para na rin hindi tayo magkasakitan pa.” Sabi ko pa. Suko na ako sa pagtutol, bahala na siya.     “Anak naman...”    Kaagad ko siyang tinalikuran at muling naglakad papunta sa kwarto ko. Sa pagpasok at pagsara ko ng pinto, napasandal ako sa likod nun at napabuntong-hininga. Gusto kong maiyak pero hindi ko hinayaan na kahit isang luha ay makawala sa mga mata ko. Hindi dapat ako umiyak, oo masakit pero hindi ko hahayaan ang sarili ko na makita niyang masaktan at umiyak ng dahil sa mga ginagawa ni Mama.     Simula ngayon... hindi na ako ang anak na kilala niya.       Hindi lang iyon ang hindi magandang nangyayari sa buhay ko. Mas may malala pa.     “Hindi na tayo nagkakaintindihan kaya mas mabuti ng maghiwalay na tayo.” Sabi ni Rina sa akin habang magkatapat kaming nakatayo dito sa rooftop. Simula ng mag-away kami ni Mama, nag-umpisa na rin ang hindi namin pagkakaunawaan ni Rina dahil na rin sa pagbabago ng ugali ko.     “Ganun na lang ba kadali sayo na itapon ang lahat sa atin ha? Baka nakakalimutan mo, mahigit isang taon tayo...”     “Masakit sa akin na ginagawa ito ngayon... pero kung mas tatagal pa tayo, siguradong mas lalala ang sakit na dulot nito.” Sabi niya kaagad.     Ayokong pumayag sa kagustuhan niya pero sa totoo lang, may nag-uudyok sa akin at sinasabing tama na, sumuko ka na, tapusin mo na.     “Marami na tayong pagsubok na nalagpasan... problemang magkasabay na nilutas... pero itong huli, iyong palagian nating pag-aaway at hindi pagkakaunawaan, pakiramdam ko, ito na ang dahilan para matapos na ang sa ating dalawa dahil pareho na nating hindi na malutas.” Sabi ni Rina, umiiyak na siya. “Ang laki na ng pinagbago mo Eris... sa totoo lang, iniisip ko kung ikaw pa nga ba si Eris na nakilala ko noon o ibang tao ka na.” Sabi pa niya.     Hindi ako nakapagsalita. Nasasaktan ako sa totoo lang at wala akong ibang masisi kundi si Mama. Siya ang may kasalanan ng lahat ng ito kaya pati ang relasyon namin ni Rina, napunta sa pagwawakas.     “Kaya Eris... Tapusin na natin ito dahil sa tingin ko, ito ang makakabuti para sa ating dalawa. Kailangan mong hanapin ang sarili mo at ganun din ako. Kailangan natin ng katahimikan para mas makapag-isip at makapamuhay ng mapayapa.” Sabi niya.     “So iiwan mo ako kahit na alam mong nasa mabigat akong sitwasyon?” tanong ko.     “Ayokong iwan ka pero kailangan... Alam mo kung ilang beses kitang dinamayan, pinayuhan ngunit hindi ka nakinig. Mas mabuti na sigurong mapag-isa ka kaysa damayan ka dahil baka sa ganung paraan, magising ka.” Sabi niya.     Nakatitig na lamang ako sa kanya.     “Goodbye Eris... Sana sa muli nating pagkikita... Ikaw na muli ‘yung Eris na nakilala ko noon.” Sabi niya.     Lumapit siya sa akin, hinalikan niya ako sa labi sa huling pagkakataon na ninamnam ko naman. Ayoko siyang pakawalan pero naisip kong may punto siya, na tama siya.    Hiniwalay niya ang labi sa akin. Mulungkot siyang napangiti.     “Hanapin mo ang sarili mo... Hanapin mo sa puso mo ang pagtanggap at pagpapatawad dahil iyon lang ang sa tingin ko ang magpapabalik sa kung sino ka talaga.” Sabi niya.     “Rina... Mahal na mahal kita...”     “Mahal rin kita Eris... pero hindi sapat ang pagmamahal na iyon sa isa’t-isa para tayo’y manatili sa piling ng bawat isa... Kailangan nating maghiwalay hindi dahil wala na tayong damdamin para sa isa’t-isa kundi para hindi na lumala pa ang sakit na dulot natin sa bawat isa... Kung sakaling magkita tayo muli, mahal mo pa ako at mahal pa rin kita, kung malaya ka pa at gayundin ako at maayos na ang lahat sayo at sa akin, sige... ipagpatuloy natin.” Sabi niya kaagad.     Naluha ako sa sinabi niya. Niyakap ko siya nang mahigpit.       Iyon ang huli naming pagkikita at pag-uusap dahil pagkatapos nun, nag-resign siya sa pinagtatrabahuhan namin at nabalitaan ko na lamang na umalis siya ng bansa dahil kinuha siya ng kanyang Tita para magtrabaho. Malaking oportunidad ang dumating sa kanya ng mawala ako sa piling niya at masaya naman ako dahil doon.     Samantalang ako, ito... magulo pa rin ang buhay dahil kay Mama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD