#TheSecondHusband
CHAPTER 1
“WOOHOOOO!!! ISA NA AKONG CERTIFIED PUBLIC ACCOUNTANT!!!” halos magtatalon ako sa tuwa habang sumisigaw kasabay ng mga estudyanteng nakapasa rin sa board exam. Katulad nila, sobrang saya ko dahil sa wakas, nagbunga na ang ilang taong paghihirap ko sa kolehiyo. Napakasarap sa pakiramdam na mabasa ko ang pangalan ko sa bulletin board na isa ako sa mga nakapasa.
Napatingin ako kay Mama na katabi ko lamang at sinama ko para malaman ang resulta, nakita ko siyang maluha-luha. Kaagad ko siyang niyakap ng sobrang higpit.
“Ma... Nagbunga na din ang lahat nang paghihirap nating dalawa.” Sabi ko. Malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil sa walang tigil niyang suporta sa akin.
“Oo nga anak... Maraming salamat sayo kasi tinupad mo ang pangarap namin para sayo ng Papa mo.” Sabi niya.
Bumitaw ako sa yakap. Hinarap ko siya.
“Ako nga dapat ang magpasalamat sa inyo ni Papa dahil kung hindi dahil sa inyo, hindi matutupad ang mga pangarap ko. Kayo ang aking inspirasyon sa lahat ng ito.” Maluha-luha kong sabi. Alam kong kulang pa ang pasasalamat lang sa kanila para matumbasan ko ang mga sinakripisyo at suporta nila para sa akin kaya ngayong natupad ko na ang mga pangarap namin, gagawin ko ang lahat para maibalik sa kanila ang lahat.
“Kung nandito lang sana ang Papa mo... I’m sure na sobrang matutuwa siya sa nakamit mo... Alam mo naman na isa siya sa pinaka-supportive pagdating sa pag-aaral mo.” Sabi ni Mama. Bahagya akong nalungkot. Hindi namin kasama si Papa sa masayang sandaling ito. Doble ang biyayang natatanggap ko, naka-graduate ako sa isang prestihiyosong unibersidad at nakapasa pa ako ng board, triple pa sana ang saya kung nandito lamang si Papa pero sa kasamaang palad, wala na siya sa mundong ito.
Sa edad kong kinse anyos, kinitil ng isang aksidente sa daan si Papa. Malungkot at nakakapanghina ang mga panahong iyon pero dahil magkasama kami ni Mama, nakayanan namin ang lahat. Mabuti na nga lamang at maykaya kaming pamilya kaya naitaguyod pa rin ang pamilya. Isa kasing public school teacher si Papa habang si Mama naman ay isang housewife at the same time, isa ring online seller kaya ang perang meron kami, ginamit namin para sa pang araw-araw at pati na rin sa pag-aaral ko.
Ako nga pala si Eris Altajeros, 22 anyos sa kasalukuyan. Sabi ng iba, gwapo daw ako. Moreno ang aking makinis na balat, may katangkaran din naman at may hubog ang aking katawan. Ang aking ina naman ay si Elizabeth Altajeros, Nasa mid forties na. Masasabi kong hindi halata sa itsura ang edad niya dahil baby face siya kung saan namana ko sa kanya iyon dahil hindi rin naman aakalain na 22 anyos na ako, sabi nga ng iba, mukha lang daw akong 18 years old. Maganda si Mama at siyempre, gwapo rin si Papa na si Emilio Altajeros, sa kanya ko naman namana ang kulay ko. Sa kanila ko namana ang kung ano ang itsura ko, syempre, sila ang magulang ko.
Pagkatapos naming namnamin ang tagumpay ay nagkaroon ng maliit na salo-salo sa bahay. Tanging mga kapitbahay at mga kaibigan ko ang naging bisita kung saan kami ay nagsaya at walang humpay na nagkwentuhan.
Mabilis na lumipas ang panahon... Dumaan ang ilang birthdays at holidays... Nakapagtrabaho ako sa isang kilalang bangko, malaki ang sweldo kaya naman nakapag-ipon kaya nakabili ng isang may kalakihang apartment type na bahay sa loob ng isang kilalang subdivision sa syudad. Hindi na rin kami kinakapos sa pera dahil na rin sa maganda kong trabaho pero si Mama, hindi pa rin tumigil sa kanyang ginagawang online selling kahit na pinapatigil ko na siya. Ang kanyang katwiran, masaya siya sa kanyang ginagawa at kahit papaano ay hindi siya nabobore lalo na at lagi siyang mag-isa sa bahay at gabi naman na ako kung makauwi. Hinayaan ko na lamang siya.
Ang mga pangarap ko at ni Mama ay natupad na... sa totoo lang, wala na akong mahihiling pa para sa aming dalawa.
- - - - - - - - - - - - - -
Nasa sementeryo kaming dalawa ngayon ni Mama. Tinitingnan naming dalawa ang puntod ni Papa. Linggo-linggo, dumadalaw kami sa kanya para sariwain ang mga masasayang alaala na kasama namin siya.
“Natupad na ng anak mo ang mga pangarap lang natin noon... Ang galing niya noh?” sabi ni Mama na ikinatingin ko sa kanya. Tipid akong napangiti. Alam kong hanggang ngayon, kahit na nakalipas na ang maraming taon ay nangungulila pa rin siya kay Papa. “Kung nandito ka lang sana... Sabay nating nilalasap ang sarap ng tagumpay niya sa buhay.” Sabi niya pa.
Inakbayan ko si Mama. Umihip ang may kalakasang malamig na hangin. Wala ng araw nung mga panahong iyon dahil pagabi na pero maliwanag pa rin naman.
“Kung nasaan ka man ngayon... Alam kong nakikita mo kaming dalawa... Masaya ka sa nakikita mo di ba? Kasi ako... sobrang saya.” Sabi pa ni Mama.
Gusto ko sana na kausapin si Papa pero hinayaan ko na lamang si Mama ang magsalita ng magsalita. Alam ko naman sa sa aming dalawa, si Mama ang mas nakakamiss kay Papa. Miss ko rin naman si Papa pero mas miss siya ni Mama.
Bigla kong naalala ang isa sa mga alaalang meron kami ni Papa... hindi ko ito makakalimutan dahil ang alaalang ito ang pinakatumatak para sa akin dahil bahagi ito ng kung ano ako ngayon.
Alam naman natin na sa lipunang ating ginagalawan, hindi pa lubos ang pagtanggap ng mga tao sa ikatlong kasarian. Laganap pa rin ang diskriminasyon at hindi makatarungang pang-aalipusta.
Pero pinatunayan sa akin nila Mama at Papa na hindi sila kabilang sa mga taong nasa lipunang sinasabi ko. Sila ang unang tumanggap sa akin. Sila ang unang yumakap at nagmahal sa kung sino talaga ako.
Oo... isa akong bisexual. Nagkakagusto sa babae at lalaki. Narealize ko sa aking sarili na kakaiba ako nung ako’y high school pa lamang, trese anyos dahil hindi naman normal sa isang lalaki ang humanga sa isang lalaki rin. Ewan ko nga noon kung bakit nangyayari sa akin ‘yun hanggang sa nagkaroon ako ng identity crisis at hindi naglaon, narealize ko kung ano ang nangyayari nga sa akin.
Umamin ako sa aking mga magulang, sobra ang aking takot noon pero napalitan rin iyon ng saya dahil hindi panunumbat at pangungutya ang aking natanggap mula sa kanila kundi isang mahigpit na yakap, senyales na kahit ano pa ako, tanggap at mahal nila ako.
Masarap sa pakiramdam na tanggap ako ng mga magulang ko, hindi man ako tanggap ng ibang tao pero ok lang dahil ang pinakamahalaga namang dapat tumanggap sa akin ay ang mga magulang ko dahil sila ang pinakamahalagang tao sa buhay ko.
Malaki ang pasasalamat ko na sila ang mga magulang ko. Hindi lamang nila ako pinalaki at inalagaan kundi minahal at tinaggap pa nila ako. Kung mamamatay man ako at bibigyan ako muli ng pagkakataon na mabuhay at pumili ng magiging magulang ko, walang pagdadalawang-isip na sila ang pipiliin ko.
Ilang sandali pa ang aming inilagi sa sementeryo bago kami nagpasyang magpaalam na kay Papa at umalis.
Sakay ng aking kotse na bunga ng aking walang tigil na pagtatrabaho ng mabuti, binaybay namin ang daan papunta sa mall para mamasyal at kumain na rin. Araw rin namin ito ni Mama kaya dapat naming lubusin at pasayahin.
#TheSecondHusband
CHAPTER 2
“Posturang-postura kaya yata Ma... Masyado mo namang pinaghandaan ang bonding nating dalawa.” Sabi ko kay Mama nang makita ko siya. Ang ganda kasi ng suot na damit at naka-make up pa. Parang nagdadalaga lang ang Mama ko.
Matamis naman ang naging ngiti niya sa akin.
“Kailangan e... Oo nga pala... Pasensya ka na pero hindi muna tayo makakapag-bonding ngayong day off mo... May meet up kasi ako sa mga umorder sa akin.” Sabi niya na ikinawala ng ngiti ko.
“Ma naman... Minsan na nga lang tayo makapag-bonding, ica-cancel mo pa. Akala ko naman ay talagang naghanda ka para sa ating dalawa pero iba pala ang pinaghandaan mo.” Malungkot na sabi ko.
“Pasensya na Anak... Urgent din kasi itong order sa akin na kailangan kong maibigay.” Sabi niya.
“E kung makikipag-meet up ka lang pala... E bakit ganyan ka kaganda Ma? Parang dati naman simpleng damit lamang ang suot mo at wala ka namang make up kapag nakikipag meet up pero ngayon... nag-iba ang ihip ng hangin.” Sabi ko. Nakakapagtaka nga e.
Umiwas siya nang tingin sa akin. Inayos ang mga dadalhin niya.
“Narealize ko kasi Anak na kailangan pala ay maganda din ako dahil alam mo naman na may mga beauty products din akong ibinebenta.” Sabi niya.
“Ganun.” Sabi ko. Napatingin siya sa akin. Tumango saka ngumiti.
“Hayaan mo next time... magbobonding tayo pero sa ngayon, ibigay mo muna sa akin ang araw na ito ok.” Sabi niya.
Napatango na lamang ako. Napabuntong-hininga.
Lumapit sa akin si Mama saka niyakap at hinalikan ako sa pisngi. Ang bango pa niya, para talagang naghanda siya para sa isang bagay. Nakakapagtaka.
“Magpahinga ka na lamang muna dito sa bahay ok.” Sabi niya. Napatango ako. “O paano, aalis na ako.” Sabi pa niya.
“Ingat Ma.” Sabi ko. Napatango siya saka ngumiti.
Lumabas na siya ng bahay bitbit ang mga dalahin niyang nakalagay sa tatlong paper bag.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko lang talaga maiwasang hindi magtaka.
Nitong mga nakaraang araw, may napapansin akong kakaiba kay Mama na dinagdagan pa ngayon.
Lagi siyang masaya, animo’y kinikilig. Ganado na laging umalis e makikipag-meet up lang naman siya sa mga customer niya sa online.
Muli na lamang akong napabuntong-hininga. Kung ano-anong napapansin ko kay Mama, siguro wala lang ito.
- - - - - - - - - - - - - - - - - -
“Saan galing ‘yang chocolates at bulaklak? Binili mo?” tanong ko kay Mama ng makauwi ako galing trabaho. Nakita ko kasing nakapatong sa may mesa ang mga bagay na binanggit ko.
Sandaling napatigil sa pagluluto si Mama at napatingin sa akin. Ngumiti lang siya saka binalik ang sarili sa ginagawa. Nasa kusina kami.
Ayokong mag-isip ng kung ano pero nabubuo talaga ang paghihinala sa akin.
“Ma... Magtapat ka nga... May manliligaw ka ba?” tanong ko sa kanya na ikinatigil niyang muli sa pagluluto. Hindi siya tumingin sa akin sa pagkakataong ito.
Napabuntong-hininga ako. Hindi kasi siya sumagot.
“Ma... Tinatanong kita.” Sabi ko.
Nakita kong pinatay niya ang apoy sa kalan at hinarap ako. Bakas sa mukha niya ang pagkabahala at pag-aalangan.
“May manliligaw ka ba? Kung meron, bakit mo hinahayaang ientertain iyon?” tanong ko.
“Kung meron ba anak... matatanggap mo ba?” tanong niya. Sa wakas nagsalita na siya pero hindi ko iyon nagustuhan.
“Ma... Patay na si Papa... ayokong may kapalit siya.” May diin kong sabi sa kanya. Nakita ko siyang nalungkot sa sinabi ko.
So kumpirmado, meron nga.
Tinalikuran ko si Mama. Tinatawag pa niya ako para kumain daw kami pero hindi ko na lamang pinansin. Napabuntong-hininga ako habang naglalakad papunta sa kwarto ko.
Hindi ko alam kung matatanggap ko ang mga ginagawa niya.
Sa pagdaan pa ng mga araw, napansin ko ang palagiang pag-alis ni Mama. Lagi niyang sinasabi sa akin na may meet up siya sa customer niya sa online pero iba na ang hinala ko. Hindi ko naman siya mapigilan dahil sa tuwing magpapaalam siya sa akin, papasok na ako sa trabaho at huli na para pigilan ko pa siya. Pinapakita ko naman sa kanya ang pagtanggi ko sa mga ginagawa niya pero mistulang wala lang sa kanya at nagpapatuloy pa rin siya.
Sa puntong ito... alam kong may mga magbabago... lalo na sa relasyon namin ni Mama.