Tuwing Sabado at Linggo ay babad talaga si Brent sa pag-iinom kasama ang mga kaibigan niya. Lumipat na nga sila sa Keiraville, isang community para sa mga mayayaman ngunit ganun pa rin ang lalaki.
Kaya lang ay umasa ako na hindi na siya iinum sa linggo dahil nalasing na nga kahapon. Gusto ko sanang bisitahin ang aking kapatid na si Rejil dahil medyo matagal na noong huli kaming nakag-usap.
Alas singko ng umaga ay gising na ako at kaagad akong nagluto ng aming almusal. At dahil nag-crave ako ng champorado ay gumawa rin ako ng konti lang kasi ako lang naman ang kakain. Ayaw ng asawa ko ‘yon, at ganun din si Marian.
Bago mag-alas syete ng umaga ay nakahanda na ang lahat. Kailangan ko lang hintayin si Marian na makabalik dahil nag-walking pa ito kasama ang aking anak.
Si Brent? Sigurado ako na naghihilik pa ‘yon sa sobrang kalasingan. P’wede ko siyang gisingin ngunit wala ako sa mood na puntahan siya. Sobra kasi akong nadismaya na hindi man lang ito nag-effort na makipag-sweet sa kanya. Kahit yakap at halik man lang sana at ‘wag na ‘yong chukchakan, pero wala talaga, eh!
As in ZERO!
Minabuti kong kumain na lang muna ng champorado habang hinihintay si Marian dahil kumakalam na ang aking sikmura. Habang sarap na sarap na ako sa mainit na pandesal na isinawsaw ko sa sabaw ng champorado, biglang bumaba ang lalaki. May nakasungkit na tuwalya sa balikat nit, aba himala!
“Good morning, Mi.”
Yayy, may pa-good morning pa ang kumag eh alam naman niya na imbyerna ang beauty ko dahil sa kanyang pambabalewa. “Morning din sayo, walang hangover?”
“Wala,” maikling sagot nito.
“Ah mabuti naman kung ganun. Bisitahin naman natin ang kapatid ko,” sabi ko sa kanya ngunit kaagad siyang umiling. Kumunot ang aking noo ng bongga-bongga dahil sa pagtanggi niya.
“May lakad kami ng mga friends ko,” rason ni Brent.
Nang mga sandaling ‘yon, siguro kung may lahi lang akong aswang, baka nag-transform na ako sa sobrang galit at inis! “Nakakahiya naman sa mga friends mo,” puno ng sarcasm ang aking sinabi ngunit hindi niya ito pinansin o sadyang mahina lang talaga siya. Ewan ko ba!
“Kaya nga sasama ako sa kanila. Umuo na kasi ako kahapon kaya nakakahiya kung bigla akong aatras sa lakad namin,” dagdag pa ni Brent, na para bang ikinatuwa ko talaga ang makinig sa mga rason niyang pang bonak naman!
Binato ko siya ng kutsara at tumama ito sa puting tuwalya na dala niya. Tiningnan niya ako ng masama kaya hinintay ko na magalit siya. Putangina! Siya pa ba ang magagalit sa sitwasyon naming dalawa? “Wala ka bang sasabihin?” Tinanong ko siya kasi ang tagal niyang maka-react eh kanina pa ako naghintay.
“Sumusobra ka na, Kylie!”
Sa totoo lang ay natawa ako sa sinabi niya. “Ay talagang sumusobra na ang aking kabaitan, Brent. Kung umasta ka, parang wala kang asawa at anak. Hindi mo na ako nirerespeto bilang maybahay mo. Matagal ko ng tinanggap na wala ka ng ka-amor-amor sa akin, pero Brent naman, kahit respeto man lang!”
“Ano ba ang ipinagpuputok ng butsi mo? Nagbibigay naman ako ng panggastos dito sa bahay, ah!”
“Ganun ba? So, akala mo ay hanggang doon lang ang responsibilidad mo sa akin at sa anak natin, tama? My god, kung alam ko lang na ganyan ka pala ka-bonak, diyos ko naman, hindi ko sana sinayang ang oras ko sayo!”
Natigilan siya sa aking sinabi. Ayoko sanang saktan ang damdamin niya hangga’t kaya ko ngunit punong-puno na ako! Yumuko si Brent, at inakala ko naman na iiyak siya. Pinagpag lang pala ‘yong butil ng kanin sa champorado na dumikit sa kanyang towel.
“Pasensya ka na kung hindi ako ang ideal man,” pagkuwa’y sabi nito bago umalis.
Aba, aba, aba! Mukhang ako pa ang sinisi dahil sa standard ko, eh pinili ko na nga siya, di ba? Mahirap bang intindihin ‘yon na gusto ko rin siyang makapiling tuwing weekend. Babad na nga ako sa trabaho tuwing weekdays, pati ba naman sa weekend? Nakaka-hb na talaga si Brent.
Sinubukan ko siyang sundan sa itaas ngunit bago pa man ako makapasok sa aming silid ay isinara na niya ang pintuan sa mismong pagmumukha ko! Mabuti na lang at orig ang aking ilong, kasi kung pinagawa ko lang ‘to, naku, baka kailangan ko na namang gumastos pampaayos.
Pagbaba ko, nakita ko si Marian na tinanggalan ng sapatos ang aking anak. Pinilit kong ngumiti sa dalawa at sinenyasan ko si Marian na ako na muna ang bahala sa bata at pwede na siyang kumain.
“Sabay na lang tayo, saglit lang at ihanda ko ang mesa,” sagot ni Marian.
“Sige, ikaw ang bahala.”
Nasa-highchair ang bata at nag-eenjoy ito sa kanyang breakfast na scrambled eggs. She’s only two years old, pero trying hard na siya maging independeng lalo na pagdating sa pagkain. Hinayaan lang namin siya ni Marian pero under supervision pa rin syempre. Mahirap na.
“Nag-away ba kayo ni Brent?”
“Hindi naman,” nagsinungaling ako.
“Ah kaya pala may nagkalat na champorado sa sahig. Nasagi lang siguro ‘yon ng pusa,” nagparinig si Marian kaya aamin na lang po ako.
“Wala tayong pusa rito,” paalala ko sa kanya.
“Meron, at ikaw ‘yon kapag galit na galit ka na,” sagot ni Marian.
“Nakakainis kasi! Family day sana ngayon eh dahil linggo pero may lakad siya, imagine that? Nakakahiya raw sa friends niya eh sa akin nga hindi siya nahiya, anong klaseng pag-iisip meron si Brent ngayon?”
Napailing si Marian bago nagsalita, “Hindi ko rin alam pero baka may ibang babae na si Brent. I-check mo sa opisina niya,” suhestiyon ni Marian.
“I-chat ko ‘yong kaibigan niya mamaya.”
“Huwag mong patagalin baka ma-late ka,” sabi ni Marian.
“Hoy, wag ka ngang manakot diyan!”
“Natakot ka ba?”
“Medyo,” umamin ako.
Kahit na may misunderstanding kami ni Brent, hindi ko naman kayang isipin na may iba siyang babae. My god, makakapatay siguro ako!
Magpaka-martyr na lang ba ako habambuhay upang hindi niya ako iiwan? Hindi ko naman yata kaya ‘yon!
Tapos na kaming mag-almusal nang bumaba si Brent at nakabihis na ito. May dala na rin itong bag at naka-gel pa ang buhok! “Saan kayo pupunta?”
“Basta diyan lang sa tabi-tabi,” sumagot si Brent na hindi man lang tumingin sa akin at nakatuon lang ang mata sa screen ng kanyang phone.
Hindi ko alam kung bakit ako pa ang nahiya sa walang kwenta niyang sagot o napahiya ako kay Marian dahil halata na kasi si Brent na wala na talaga siyang pagtingin sa akin.
Ano’ng gagawin ko?