Chapter 1 - Ang Mga Mata Niya

1763 Words
Nakatunghay sa ganda ng kalangitan. Magtatakip-silim na kaya hindi na masakit ang liwanag nito. Nakahiga ako sa aming maliit na bangka, at kanina pa ako nangangarap ng gising. Itinaas ko ang kanang kamay ko na para bang inaabot ang langit. "Balang araw, magiging mayaman kami. Magpapatayo ako nang malaking bahay. Magtatapos ng pag-aaral sina Mercy, Diego at Lusinda. Hindi na kami kakain na asin lang ang ulam." Masyadong mataas ang pangarap ko at alam kong hindi ko iyon basta-basta maaabot. Kailangang magsumikap, magtiyaga, at maniwala. Maniwalang maaabot ang pangarap ko para kina Nanay, Tatay, at mga kapatid ko. Bumangon ako at sumalubong sa paningin ko ang lawak ng karagatan ng La Trinidad. Isa itong isla na nasa dulong parte ng La Union. Bente anyos na ako, pero hindi ko man lang naranasan ang makapunta sa syudad. Nakapagtapos ako ng grade ten. Apat na taon na akong hindi pumapasok sa paaralan, dahil na rin hindi kayang pagsabayin nina Tatay ang pag-aaral naming apat na magkakapatid. Kaya bilang panganay, nagsakripisyo ako at tumigil muna sa pag-aaral. Nasa grade ten na ngayon si Mercy. Grade eleven naman si Diego at grade six si Lusinda. Tumutulong ako kay Nanay sa pagtitinda niya ng mga nilulutong kakanin t'wing Lunes hanggang Huwebes. Tuwing Biyernes naman ay naglalabada ako kina Aling Roda— ang may ari ng isang bigasan sa may palengke. Ang sahod ko sa kan'ya ay binibigay ko kay Nanay. Tuwing Sabado, pinapatawag ako nang naging guro ko noon, para maglinis ng bahay nila at maglaba. Ang ibinibigay na sahod ni Ma'am Arimas ay binibigay ko sa mga kapatid ko para pangbaon nila, at pangbili ng mga project nila. Kahit papaano ay nakakapagtabi ako nang para sa akin. Nag-iipon ako para sa susunod na taon, p'wede na akong mag-enroll. Oo at dapat nasa kolehiyo na ako. Nakakahiya mang isipin, pero para sa pangarap, haharapin ko ang lahat. Kahit ang mga panlalait at pangmamata ay titiisin ko. Para sa pangarap. Tuwing Linggo naman, oras ng pangangarap ng gising— tulad na lang nang ginagawa ko ngayon. Baliw man tingnan, pero naglalaan ako ng oras para magmuni-muni. Nag-iisip kung ano pa ang p'wedeng pasukin na trabaho, para madagdagan ang kita ko. "Eva!" Napasimangot ako sa sigaw ni Inay. Hays! Sabi nang h'wag akong iistorbohin sa pangangarap. "Saglit lang po, Inay!" Kaagad akong bumaba sa bangka at halos madapa na ako sa pagmamadaling makapasok sa bahay namin. Binuksan ko ang pintong gawa sa kawayan at sumalubong sa akin ang abalang-abalang si Inay. "Ano, ho iyon, Inay?" nakakunot noo kong tanong sa kaniya. Sumasabay ang mga mata ko sa bawat galaw niya, "Abala yata kayo, Inay? Linggo naman, ha?" Kapag kasi Linggo, nagpapahinga lang kami ni Inay. Sabi niya pa, katawan lang ang puhunan, kaya dapat namin itong alagaan. Kahit na mahirap lang daw kami, kailangan din namin ng pahinga. Kasi, mas malaking problema kapag nagkasakit kami. Si Itay naman, nagbibilad ng mga isdang hindi naibenta kahapon, upang gawing tuyo. Wala ang mga kapatid ko at malamang nasa kina Aling Tering, nakikinood ng palabas sa telebisyon. "Nakaligtaan kong sabihin sa iyo kahapon na um-order ng isang bilaong biko at kutsinta si Manang Fe, kaarawan ng anak ng amo n'yang nakapasa ng doktor sa Manila." Napangiwi na lang ako sa sinabi ni Inay. Halatang excited. "Nakakatuwa lang, anak. Dahil matitikman ng mga taga-Manila ang luto ko!" Kitam? Kabisado ko na talaga si Inay. Kapag iyong mga kaibigan niya na nagtatrabaho sa mga mayayamang pamilya rito, magkakaroon ng party, wala talagang pinapalagpas si Inay. Ganoon siya kababaw. Pero ganoon ko siya kamahal. Mahal na mahal ko ang pamilya ko. "Okay po, Inay. Ihahatid ko na po," nakangiti kong sabi sa kanya. Tinulungan niya akong ipatong sa ulo ko ang bilao ng biko. Binitbit ko naman ang lalagyan ng kutsinta, "Bayad na ang mga iyan, anak. Kaya h'wag na h'wag mong babawasan." Napahagikhik na lang ako. Minsan kasi, nahuli ako ni Inay. Nakangiti si Inay habang tinitingnan ako, "Ang ganda talaga ng panganay ko. Kahit anong ayos mo, anak, litaw pa rin ang gandang namana mo sa akin." "Ayan tayo, Inay, eh." Napatawa na si Inay sa sinabi ko. "Alis na ako, Inay, baka mawala iyong ganda ko, mahirap na," pagbibiro ko kay Inay. "Oh, siya... mag-iingat ka, ganda lang ang meron tayo," dagdag ni Inay sa biro ko. Kahit na mahirap lang kami, masaya kami. Ang mahalaga wala kaming sakit at kahit minsan asin o toyo lang ang ulam namin, nakakakain pa rin naman kami. Pero... Hindi naman masama kung mangarap ako nang mataas. Pangarap, hindi para sa sarili ko. Kung hindi para sa pamilya ko. Lumabas na ako ng bahay namin at tinahak na ang daan papunta sa mansyon ng mga Vermil, na pinagtatrabahuan ni Manang Fe. Naalala ko pa na inalok ako niya ako na mamasukan bilang katulong sa pamilya Vermil. Kaso ayaw ni Itay. Dahil pawang mga lalake ang anak nila. "Oh, Eva! Tulungan na kita!" Malayo pa lang ay dinig na dinig ko na ang sigaw ni Jose. Anak ni Manang Fe. Matalik kong kaibigan ang pinsan niyang si Tinay. Sigurado akong nandoon na rin iyon sa mansyon ng mga Vermil. Kasama ni Jose ang mga kaibigan niya na nakatambay sa tindahan ni Aling Iday. T'wing Linggo talaga sila tumatambay rito, dahil walang pasok. Nang nasa tapat na nila ako, ngumisi lang ako sa kaniya, "Tapos, ano? Ipagkakalat mong syota mo ako?" "Ito naman, biro lang naman iyon!" Kakamot-kamot si Jose sa ulo n'ya habang tinutukso na siya ng mga kaibigan niya. "Salamat na lang, ha?" Inirapan ko siya at nilagpasan na sila. Kahit lagi ko suyang tinatarayan, eh magkaibigan talaga kami. Lalo pa at pinsan siya ng matalik kong kaibigan. Kaklase ko siya noong elementary hanggang sa nag-high school kami. Maliit lang naman kasi ang pampublikong paaralan dito, kaya halos kami-kami lang din ang laging nagiging magkaklase. Medyo may kalayuan pa ang mansyon ng mga Vermil. Kaya baka pawisan na ako kapag nakarating na ako roin. At least maganda. Natatawa na lang ako habang naglalakad. Nasa high way lang kasi ang mansyon nila kaya mabibilad talaga ako sa araw. Kukutusan ko talaga si Tinay kapag nakita ko siya roon. Namamasada kasi ang tatay niya, kaya malamang hinatid siya noon. Samantalang ako, ito at parang iniihaw na sa ilalim ng sikat ng araw. Nang makaramdam ng pagod ay sumilong muna ako saglit sa ilalim ng puno na nasa gilid lang ng kalsada. Inilagay ko sa damuhan ang lalagyan ng kutsinta at pinatong ko roon ang bilao ng biko. Ginawa kong pamaypay ang mga kamay, dahil nagsisimula nang mamawis ang mukha ko. "Grabe ang hot ko talaga... kahit ang araw mahihiya sa init na dala ko." Kung may nakakarinig lang siguro sa akin ngayon, baka kanina pa ako nasigawan. "Pasensya naman, maliban kay Inay ako na lang pumupuri sa sarili kong ganda." Hindi kasi ako naniniwala kapag ibang tao ang nagsabi, lalo na galing sa mga lalake. Pinahid ko ang pawis sa noo ko gamit ang likod ng palad ko, "Lord, bigyan po Ninyo ako ng hangin." Nagulat na lang ako, dahil may isang kotse na tumigil mismo sa harap ko at bumusina. Mga sampung metro siguro ang layo ng puno galing mismo sa kalsada. H'wag mong pansinin Eva. Baka hindi ikaw, masabihan ka pang assuming. Base sa direksyon ba dinaanan nila, mukhang galing silang bayan. O baka naman galing pang Maynila. Nagpatay-malisya akong hindi nakikita ang kotse at nagpatuloy sa pagpaypay sa sarili. Bigla na lang akong napatayo nang matuwid, dahil bumusina ulit ang kotse. Una sa lahat, don't talk to strangers ang peg ko. Pangalawa, baka hindi ako ang binubusinahan nila. Pangatlo, aba! Sila itong may kailangan, sila ang lumapit! Pang-apat— "Hey, Miss!" At parang biglang tumigil sa pag-ikot ang mundo... Akala ko sa mga pocketbook ko lang nababasa ang ganitong pakiramdam. Para bang nag-slow motion ang galaw ng mga nasa paligid. Siguro pati paghinga ko naka-time freeze. Parang may isang anghel na nahulog mula sa langit— "Bingi ka ba, Miss? Kanina pa kami bumubusina!" Binabawi ko na pala ang sinabi ko. Para suyang demonyo galing sa impyerno. Kasinggaspang ng rough road ang ugali. Taas-kilay ko siyang tiningnan, "Eh, kung sana kanina pa kayo nagsalita at hindi puro busina lang ang ginawa ninyo. Pipi ba kayo? Umaasa sa busina ng sasakyan." Narinig ko ang pagtawa ng lalakeng nasa tapat ng manibela nakaupo, "Hindi kasi ganiyan makipagsalita, bro!" Bumaba ang lalakeng nasa driver's seat at naglakad papunta sa akin. Parang model na rumarampa lang sa stage. Ay shet na malagket! Amoy pawis ako! Gwapo pa naman sana! Pero... Mas gwapo iyong kamag-anak ng rough road ang ugali! Umiwas ako ng tingin nang nasa harapan ko na ang lalakeng bumaba galing sa driver's seat. Mas lalo ko pang isinandig ang likod ko sa puno. Unang beses itong may kumakausap sa akin na lalakeng taga-Maynila. Napansin kong bumaba na rin ang lalakeng antipatiko at mas lalo akong nataranta nang papunta na rin siya rito. "Ahm, Miss," panimula ng lalakeng nasa harapan ko, "Alam mo ba ang bahay ng mga Vermil?" Ang liit ng mundo, ano? Mabuti pa ang isang ito, tao kung makipag-usap, "Diretso lang, unang daan na papasok sa kaliwa, entrada na iyon papunta sa mansyon ng mga Vermil." Mabilisan kong sinipat ang lalakeng antipatiko na ngayon ay nakatingin na rin sa akin. Parang sinusunog ang kaluluwa ko sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Mas lalo yatang uminit ang panahon. Bigla akong nahiya, dahil sa ayos ko. Bakit kasi hindi ko man lang naisipang magbihis ng blouse at pantalon. Naka-daster lang ako na pambahay! Shete, ocho, nueve, dyes! "Oh, thank you. Mukhang may pupuntahan ka. P'wede ka naming ihatid," alok ng lalakeng malaanghel ang ugali. Ang sarap namang tanggapin, pero... Tiningnan ko ulit ang lalakeng rough road. Hindi niya pa rin inaalis ang tingin sa akin. "Hindi, ayos lang. Sa... sa ibang kalsada ako dadaan," pagsisinungaling ko. Sana lang hindi kami magkita sa mansyon ng mga Vermil. Mga bisita siguro sila noong anak ng amo ni Manang Fe. "Hmm... sige. Mauna na kami." Tipid lang akong ngumiti at tumango. Tumalikod na siya at nanatiling nakatayo sa harap ko ang lalakeng rough road. Matapang kong sinalubong ang mga tingin niya sa akin, pero nagsisi lang ako. Kaagad kong iniwas ang tingin ko sa kanya. Pakiramdam ko, napapaso ako sa sobrang init niya kung makatingin. "Hey, bro, let's go!" tawag sa kanya ng kasama niya. Tiningnan ko siya ulit at para bang may gusto siyang sabihin. Pero pinili niya na lang ang tumalikod at iwan akong naguguluhan. Kahit nakakapaso ang mga tingin mo, bakit gustong-gusto ko ang mga mata mo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD