Chapter 6

2409 Words
JAXON Pakiramdam ko ay nadadaganan ako ng kung ano dahil sa hindi ko maigalaw ang katawan ko. Sinubukan kong magmulat ng mga mata at ilang ulit na kumurap hanggang sa unti-unting nagliwanag ang paningin ko at napagtanto ko na nasa isang silid pala ako. Puro puti ang paligid at hindi ako pamilyar sa lugar pero sigurado ako na nasa isang silid ako ng isang hospital. Kung paano ako na punta dito at sino ang nagdala sa akin ay wala akong ideya. Malinaw sa isipan ko ang nangyari pero naging magulo iyon matapos na maalala ko ang isa pang tagpo na gumulo sa isipan ko. Alam ko na totoo ang pananakit ng grupo ni Max sa akin pero malinaw din ang eksena na pumasok sa isipan ko. Para bang nawawalang alala ito na na-trigger lamang ng nangyari sa akin. Kunot noo na binalikan ko sa isip ko ang lahat pero isa lang ang sagot na nakuha ko. Posibleng epekto lamang ito ng ginawa ni Max at mga katrabaho ko kaya bigla na lamang akong nanaginip ng gano'n. Tama, isa lamang panaginip ang lahat dahil nangyari iyon habang tulog ako o walang malay. Posibleng naglakbay ang diwa ko gaya ng malimit na kwento sa akin ni Ed noon. "Mabuti at nagkamalay ka na," agad na sabi ni Kuya Jack ng pumasok ito dala ang isang plastik bag na hindi hindi ko alam kung ano ang laman. "Kuya, nasaan ako?" nanghihina na tanong ko. "Dito sa ospital, sa Jose Reyes. Mabuti at may nakakita sa'yo kaya na isugod ka dito agad," sabi nito sabay buntong-hininga. "Napag-initan ako ng mga kasamahan ko sa trabaho kuya. Inabangan nila ako habang pauwi hanggang sa sinaktan nila ako," malungkot at mahinang sagot ko na tila nagsusumbong sa nakatatandang kapatid. "Hayaan mo at ako ang bahala. Sabihin mo ang mga pangalan nila ng masampahan ng mga kaso at ipatanggal ko sa trabaho para mag-tanda silang lahat." Napatango na lang ako dahil hindi ko alam kung paano pasasalamatan si Kuya Jack. Sa kan'ya na ako nakasandal sa ngayon at alam ko na malaki ang bayarin ko dito sa hospital ngayong na confine ako dahil sa kagagawan ng grupo ni Max. Wala namang ibang sasagot sa bayarin ko kun'di siya dahil tanging si Kuya Jack lamang ang taong makakapitan ko sa ngayon. Baon na baon na ako sa utang na loob sa kan'ya at sa totoo lang ay nahihiya na talaga ako sa kanilang mag-asawa. "Kuya, pasensya na po kung pabigat ako sa inyo ni ate ngayon. Makakabawi rin po ako sa inyo oras na gumaling na ko." Totoo ang sinabi ko, lihim na sumusumpa ako sa sarili ko na gagawin ko ang lahat makabawi lamang sa kanilang mag-asawa. Sobra-sobra ang tulong na binibigay nila sa akin kahit pa pwede naman na niya akong pabayaan kung gugustuhin niya. "Wag kang mag-alala Jaxon ayos lang sa amin ng ate mo. Ang mahalaga ay gumaling ka at maging maayos ang kalagayan mo. Sa susunod ay sumama ka sa amin na magsimba sa Baclaran. Baka sakali gumanda ang swerte mo sa buhay," sabi ni Kuya Jack. Nakangiti kami pareho ng pumasok ang nurse na tumingin at lumapit sa kabilang kama kung saan may iba rin palang pasyente na ngayon ko lang napansin. Public hospital nga pala ito at hindi na bago sa akin na magkatabi ang mga higaan halos lahat ng mga naka-confine dito. "May duty pa ako. Babalikan kita dito pagkatapos ko. Hindi ka masasamahan ni ate mo ngayon dahil may mga customer siya na naka-schedule na gagawin," paliwanag ni Kuya Jack. Kahit hirap ay pinilit kong ngumiti at bumangon ng mag-paalam ito. Naiintindihan ko na wala akong kahit na sinong pwedeng makasama dito dahil wala naman akong ibang kapamilya na pwedeng lapitan at tawagan. Siguro kung wala si Kuya Jack ay baka tuluyan na rin akong namaalam sa mundo lalo na at hindi ko alam na may ibang tao pa na gaya niya ang bukas palad na tulungan ako sa kasalukuyan na sitwasyon ko. Bigla ay nagkaroon ako ngayon ng liwanag sa buhay. Gusto kong umasa na magbabago ang takbo ng swerte ko gaya ng sinabi ni Kuya Jack kaya lihim na nanalangin ako. Sa pagpikit ko ay bigla na namang sumakit ang ulo ko. Hindi ko alam kung dulot ba ito ng tama at pananakit sa akin ng grupo ni Max dahil mayroon na naman akong nakita na mga malabong eksena na bigla na lang sumusulpot sa isipan ko. Naguguluhan ako, malabo pero tila pamilyar ako. Alam ko na imposibleng mangyari na naranasan at nangyari sa akin ang sumagi sa gunita ko dahil memoryado ko ang bawat bahagi ng nakaraan ko maliban noong bata pa ako na iniwan ako ng mga magulang ko sa bahay ampunan sa dahilan na ako mismo ay hindi ko alam. Minsan naiisip ko kung may pag-asa ba na makita ko sila. Paano kung nasa paligid ko lang pala sila at hindi ko kilala? Iniisip ko rin kung may mga kapatid din ba ako o may mga lolo at lola na nakakaalam ng tungkol sa pagkatao ko. Napailing ako, hindi ito ang tamang oras para mag-self pity ako. Dapat nga ay sanay na ako lalo pa at lumaki akong mag-isa sa mundo. "Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ng doktor na lumapit pala sa akin pero hindi ko agad namalayan dahil malayo ang takbo ng isipan ko. "Masakit po ang pakiramdam ko sa buong katawan ko pero mukhang okay na naman po ako dok," sagot ko. Gusto kong ipakita sa kan'ya na maayos na ako para payagan na niya akong lumabas at hindi na magtagal pa dito. Alam ko na malaki ang bayarin sa bill dito at hindi kakasya ang kakarampot na halagang sinahod ko. "Maswerte ka at walang na bali na mga buto sa katawan mo dahil kung nagkataon ay matagalan ang recovery mo. Sa ngayon magpahinga ka muna dahil bago pa ang mga nalamog na muscle mo kaya nakakaranas ka ng matinding pananakit ng kalamnan at katawan," mahabang paliwanag ng doktor sa tabi ko. "Sa ngayon bibigyan kita ng painkiller at iba pang gamot na kailangan mo." Tumango ako dahil wala naman akong ibang pwedeng gawin at sabihin. Sa kan'ya nakasalalay ngayon ang desisyon kung makakauwi na ba ako o mananatili pa ng ilang araw. "Dok, gaano katagal po akong mananatili dito?" lakas loob na sagot ko. "Kapag bukas maayos na ang pakiramdam mo at may lakas ka na para tumayo ay makakauwi ka na." Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Hindi na ako makapaghintay na makalabas ng ospital na ito. Oo nga at may maayos na higaan dito pero malaki rin ang kapalit na halaga kaya hangga't maaari ay ayaw kong magtagal dito. Kinabukasan ay dumaan si Kuya Jack bago pumasok sa trabaho. Ilang oras din siyang kasama ko dito kagabi ng muling binisita ako bago umuwi sa kanila. "Pwede ka ng lumabas mamayang hapon," balita nito sa akin. "Sige po kuya. Sa tingin ko naman po ay ayos na talaga ako. May nai-tabi po ako sa ilalim ng higaan ko na pwede mong idagdag na pang-bayad dito," nahihiya na sabi ko dahil alam ko na isa na naman ito sa dagdag gastusin nila. Alam ko kung paano silang mag-asawa nagsisikap na magkaroon ng sapat na pera para mabuhay ng maayos. Panay ang home service ni Ate Janet para maglinis ng kuko sa mga kapitbahay sa tuwing wala kami ni kuya Jack at naiiwan siyang mag-isa. Pareho silang masipag at sobrang nahihiya ako na naging pabigat pa lalo ako sa kanila. "Sige ako na ang bahala doon." Saglit pa ay nagpaalam na itong papasok at tulad ng dati ay naiwan akong mag-isa dito sa ward habang umiikot ang mga mata ko sa paligid at tinitingnan ang mga taong labas masok din sa lugar kung nasaan ako. Gaya ng inaasahan ko ay nakalabas ako, mabilis din na lumipas ang araw at heto ay magaling na ako. Bumalik ako sa trabaho ko pero dahil nagreklamo ako sa management ay natanggal sa trabaho ang grupo ni Max na sangkot sa pananakit sa akin. "Jaxon, tara sumama ka na sa amin kahit minsan lang mamaya," aya sa akin ng kasamahan ko. "Naku, kayo na lang," nakangiti na sagot ko. Nag-aalangan kasi akong sumama sa kanila lalo na at hindi ako sanay gumala gaya ng nakagawian nila. "Sige na Kuya Jaxon, matagal ka na naming niyaya pero hindi mo kami pinagbibigyan. Birthday ko kaya kahit ngayon lang sumama ka na sa amin, please," pamimilit ni Abby ang isa sa babaeng kasama namin. "Uy, ikaw kaya ang birthday wish ni Abby, kaya sumama ka na." Malakas ang naging tuksuhan sa locker room matapos na sabihin iyon ng baklang si Tommy. Natatawa na lang ako sa mga hirit nila dahil kahit noon ay ganito na talaga sila. Panay ang buyo nila sa amin ni Abby bagay na napapansin ko pero ipinag-kibit balikat ko na lang. Wala akong balak pumasok sa isang relasyon dahil hindi ko alam kung paano ko ito dadalhin. Sabihin na nila na wala akong pakikisama pero hindi lang talaga ako komportable na lumabas at magsayang ng pera para sa ganitong bagay. "Pasensya na kayo pero nakapangako na kasi ako sa kaibigan ko na pupuntahan at dadalawin ko siya," kumakamot sa batok na paliwanag ko. Kita ko kung paano disappointed na tumango si Abby matapos na marinig ang sagot ko. Hindi naman sa ayaw ko sa kan'ya dahil maganda naman ito, nagkataon nga lang na hindi ako ang lalaking alam kong para sa kan'ya. Paano nga naman ako titingin sa babae at mangarap na bumubuo ng pamilya kung ako mismo ay malaki ang kakulangan sa sarili at hindi buo? Ayaw ko na matulad sa akin ang magiging mga anak ko kapag dumating ang araw na kailangan nilang tumira sa kalsada dahil sa kawalan ko ng maayos na trabaho at ni walang sariling bahay na matutuluyan. Matapos ang shift ko ay agad na nagpaalam ako. Tulad ng nakagawian ay pumunta ako sa tagpuan namin nina Ed at iba pang pulubing kasamahan ko dati na naghihintay sa akin para sa rasyon ng pagkain na dala ko. "Malaki na ang nagbago sa'yo pero hindi ka pa rin nakakalimot sa amin Jaxon," sabi ni Mang Kanor na matagal na ring pulubi sa lugar na ito. "Oo nga Jaxon, maswerte ka at wala ka na dito sa kalsada pero higit na maswerte kami dahil libre ang pagkain namin gabi-gabi." Nagkatawan kami ng mga kaibigan kong pulubi. Masaya silang kasama sa kabila ng kakulangan nila sa buhay. Noon, sila ang tinitingnan kong inspirasyon sa tuwing nawawalan ako ng pag-asa. Sinabi ko sa sarili ko noon na sana ay katulad nila rin ako na may kakayahan na maging masaya sa kabila ng estado ng buhay ko dito sa lansangan. "S'ya, malalim na ang gabi. Uuwi na ako at baka nag-aalala na si Kuya Jack," paalam ko. Kilala naman na nila si kuya dahil gaya ko ay may ilan na rin sa kanila ang nakakasalumaha ito sa kalsada sa araw-araw na trabaho nito. Naglalakad ako sa makipot na daan kung saan sa dulo ay pansamantalang nagpapalipas ng gabi ang mga kaibigan ko ng may nasalubong akong humahangos na tumatakbong babae. "Hey, takbo!" sigaw nito na papunta sa direksyon ko. Maang na tiningnan ko ito pero nasagot ang katanungan sa isip ko ng makita ko ang ilang kalalakihan na hinahabol dito. Mabilis ang naging reflex ng katawan ko at hinawakan ko ang braso nito habang sabay na mabilis na tumatakbo. Sumunod lamang ito sa lugar kung saan ko siya hinatak dahil pamilyar ako sa lugar na ito at alam ko ang pasikot-sikot dito. May maliit na lagusan kasi dito na ang labas ay sa establesyemento na tinutuluyan namin noon ni Ed kapag gabi. Kami ni Ed ang may gawa ng siwang na lagusan dahil may pagkakataon na ibang gwarda ang na-assign noon kaya pasimple kaming pumupuslit dito. Humihingal na bumaling ako sa babaeng mahigpit pa rin ang hawak ko sa pulsuhan na tulad ko ay naghahabol din ng hininga sa tabi ko. "Ligtas ka na," tanging nasabi ko ng humarap dito. Hindi ko inaasahan ang makikita kong magandang mukha nito lalo na ang mga mata na tila may ibig sabihin ng titigan ako. "Salamat," tipid na sagot nito sabay hatak ng kamay niyang hawak ko. "Saan ang labasan dito?" walang paligoy-ligoy na tanong nito. Sa itsura pa lang ay alam ko na mayaman siya. Halata ito sa kung paano siya magsalita at umasta na puno ng kumpyansa at mukhang sanay na nasusunod siya. "D'yan sa kabila. Sasamahan na kita para makalayo ka na dito," nahihiya na sagot ko. May pinindot siyang device na nakakabit sa kaliwang pulsuhan na a-akalain kong isang simpleng relo na tumunog saka nagsalita sa wikang English na hindi ko maunawaan. "Salamat sa tulong mo pero next time, 'wag kang mag-pagala-gala sa lugar na ito na akala mo ay pag-aari ng tatay mo." Natigilan ako sa sinabi niya dahil wala naman akong intensyon na gano'n lalo pa at sanay naman ako sa lugar na ito pero ngayon lang ako naka-engkwentro ng ganitong senaryo. "Ah, miss ayos lang sanay naman ako sa lugar na ito. Dito talaga ako nakatira," kumakamot sa ulo na katwiran ko pero natigil ito ng matalim ang mga mata na ipinukol nito sa direksyon ko. "Iyang kadaldalan mo ang magpapahamak sa'yo, so better shut your mouth," irritable na sagot nito. Napailing ako, iba-iba rin talaga ang mga tao ngayon dahil imbes na magpasalamat sa akin ay ininsulto pa ako. "Sige na miss, mukhang okay ka naman na. Iwan na kita dito, d'yan ang daan palabas," turo ko sa isang maliit na butas na ginawa namin ni Ed na natatakpan lamang ng plywood para hindi halata sa mga kawatan na nagkalat sa labas. Tumango ito at agad na tinungo ang bahagi na itinuro ko. "Teka miss, anong pangalan mo pala?" bigla ay tanong ko na maging ako ay hindi ko rin naman inaasahan na sasabihin ko iyon. "Mas mabuti na hindi mo malaman at wala kang alam." Pagkatapos sabihin iyon habang blangko ang mukha na bumaling sa dereksyon ko, sumuot na ito sa butas at agad na namawa pa paningin ko. Napailing na lang ako, masyado naman yata siyang seryoso at hindi man lamang marunong ngumiti. Sayang maganda pa naman sana siya pero para siyang amasona. Kibit-balikat na bumaling ako sa ibang direksyon para lumabas sa gate kung saan naroon nagbabantay ang gwardya na naging kaibigan na rin namin ni Ed noong mga panahon na dito pa ako natutulog sa gabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD