Huminto sa paglalakad si David. Mahigpit na hawak-hawak ng kanang kamay niya ang bread knife na kinuha niya sa kusina. Nakatayo siya ng tuwid sa bukana ng dining area, nanlilisik ang mga mata na nakatingin kay Bertrant na kumakain ng almusal.
Wala na siyang kabang nararamdaman dahil pati ito ay natabunan na ng matinding galit at poot na pumupuno sa kanyang dibdib. Ngayong araw, tatapusin na niya ang dapat noon pa natapos.
Naramdaman ni Bertrant na may nakatingin sa kanya kaya naman napatingin siya sa kinaroonan ni David. Nangunot ang noo nito kasabay ang pagsasalubong ng mga kilay dahil sa pagtataka.
“Oh? Bakit ka pa nakatayo diyan? Tara at kumain ka na,” pag-aaya ni Bertrant.
Tila wala nang naririnig si David. Nanatili lamang nakatingin ang mga nanlilisik nitong mga mata kay Bertrant.
Mas lalo namang nagtaka si Bertrant sa tila kakaibang kilos ni David.
“David,” pagtawag ni Bertrant.
Tinaas ni David ang kamay niya na may hawak na bread knife. Napatingin doon si Bertrant. Nagulat ito at nakaramdam ng kaba.
“T-Teka... bakit ka may hawak niyan? Anong gagawin mo?” magkasunod na nauutal na tanong ni Bertrant.
Dahan-dahang naglakad si David palapit kay Bertrant. Naging slow-motion ang tagpo. Napa-atras naman sa kinauupuan niya si Bertrant. Ngayon niya napansin ang hindi magandang tingin ni David sa kanya na parang papatay ng tao.
“B-Bitawan mo ‘yan,” kinakabahang utos ni Bertrant saka itinuro ang hawak ni David.
Tuluyan nang nakalapit si David sa kinaroroonan ni Bertrant. Mas tinaas pa nito ang kamay na may hawak na bread knife.
“Napakasama mong tao kaya ang dapat sayo ay mawala na sa mundo!” galit na galit na singhal ni David.
Nanlalaki na ang mga mata ni Bertrant. Dumagundong sa kaba ang dibdib niya.
Hanggang sa....
“Huuuwwwaaaggg!!!”
Tumalsik ang dugo sa sunod-sunod na pagsaksak sa dibdib. Hindi pa nakuntento si David at pati ang mukha at leeg ni Bertrant ay paulit-ulit niyang hiniwa na puno nang panggigigil.
Napuno ng dugo ang katawan ni Bertrant. Nanghihina na siya dahil sa mga saksak at hiwang tinamo ng kanyang katawan dulot ng ginawa ni David. Tiningnan niya ang asawa. Tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata.
Napangisi si David sa nakitang panghihina ni Bertrant hanggang sa malaglag na ang katawan nito sa upuan at mapahiga sa sahig. Ang mga mata ay nananatiling dilat na nakatingin sa kanya.
Puno ng kaligayahan ang pakiramdam ni David sa nagawa, walang bahid ng pagsisisi ang kanyang mukha.
“Ano pang ginagawa mo diyan? Kumain ka na dito.”
Bumalik sa katinuan si David. Napatingin siya kay Bertrant na mababanaag sa mukha ang pagtataka. Umiwas siya ng tingin rito at tiningnan ang kamay niya. Wala siyang hawak na bread knife.
Marahas na nagbuga nang hininga si David.
‘Ano bang nangyayari sa akin?’ pagtatanong ni David sa isipan. ‘Naisip ko talagang pumatay?’ hindi makapaniwalang tanong pa niya sa sarili.
Sa kawalan ng pag-asa ni David dahil tila wala na siyang takas pa sa kanyang sitwasyon ay kung ano-ano na ang naiisip niya.
Pero ang pumatay ang isa sa mga kasalanang kailanman ay hindi niya gagawin kahit na kanino, kahit kay Bertrant na ubod ng sama sa kanya. Hindi niya kayang dungisan ang sariling kamay para sa kalayaan na gusto niyang makamtam.
Liban na lang kung bigla siyang mawala sa sarili.
Mabagal na napailing-iling na lamang si Bertrant sa kakaibang kilos ngayon ni David at muli na lamang itong kumain.
Muling tiningnan ni David si Bertrant. Napahinga siya ng malalim.
---
Ang wasak ng mundo ni David ay tuluyan pang gumuho dahil sa balitang nakarating sa kanya.
Mabilis na bumuhos at lumakbay sa buong mukha niya ang luha mula sa kanyang mga mata habang nakikinig sa sinasabi ng doktor mula sa kabilang linya ng tawag sa phone niyang nakatapat sa kanyang kanang tenga.
Hindi siya makapaniwala sa mga narinig. Tila libo-libong matatalim na kutsilyo ang tumusok sa kanya dahil sa sakit na nararaman.
“I’m sorry Mr Lopez pero ginawa na namin ang lahat ngunit tuluyan nang bumigay ang katawan ng inyong ama.”
Napahagulgol si David. Napapatingin naman sa kanya ang body guard s***h driver na si Ismael. Nakakaramdam ng awa para sa amo.
“D-Dad naman bakit hindi mo ako hinintay?!” Humahagulgol na sambit ni David. Papunta pa lang sila sa ospital para dalawin sana ito ngunit hindi pa man siya nakakarating ay isang nakakagimbal na balita na ang narinig niya.
Mabilis na pinaharurot ni Ismael ang kotse papunta sa ospital. Kaagad namang nakarating doon.
Sa morgue na inabutan ni David ang kanyang ama. Nasa tabi na niya si Bertrant.
Mas lalong napaluha si David sa nakita niyang ayos ng kanyang ama. Wala ng buhay na nakahiga sa kamang gawa sa stainless steel.
Dahan-dahan siyang lumapit rito. Patuloy ang masaganang pagluha.
Kaagad niyang niyakap ang katawan ng wala ng buhay na ama ng siya ay makalapit rito.
“Dad... Dad... Dad!!!” Wala ng iba pang masabi si David dahil sa matinding pagluha. Ngayon, totoong mag-isa na lamang siya sa mundo. “B-Bakit mo naman ako iniwang mag-isa?” pagtatanong pa niya.
Dahan-dahang nilapitan naman ni Bertrant si David. Marahang hinaplos niya ang likod ng asawa. Kita sa mukha niya ang awa na nararamdaman para sa asawa. Kahit siya ay hindi ito inaasahan, nu’ng tumawag nga sa kanya ang doktor para ipaalam ang mga nangyayari sa ama ni David, dali-dali siyang pumunta dito sa ospital.
Patuloy sa pagluha ni David habang mahigpit ang yakap sa katawan ng ama.
“Tama na,” mahinahong wika ni Bertrant. Hinihiwalay na niya si David sa katawan ng ama nito.
Mabilis na hinarap ni David si Bertrant. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit habang tinitingnan ang asawa.
“Kasalanan mo ito! Siguro dahil sa paglipat mo sa kanya kaya nagkaroon ng kumplikasyon! Okay na siya! Okay na siya, eh!” galit na galit na singhal ni David sabay hampas nang paulit-ulit sa dibdib ni Bertrant na hindi naman lumalaban sa kanya.
Hinayaan lamang ni Bertrant si David na hampasin siya kung ito ang makapapagpagaan sa nararamdaman ng asawa.
Pamaya-maya ay niyakap ni Bertrant si David nang mahigpit na nagpatigil sa huli at lumuha na lamang nang lumuha.
“I’m sorry,” sinserong paghingi ng dispensa ni Bertrant.
Wala na lamang nagawa si David kundi ang umiyak sa dibdib ni Bertrant. Sa panahong ito, ang asawa lamang niya ang kanyang makakapitan kahit na ayaw niyang kumapit dito.
---
Mabilis na lumipas ang isang linggo. Natapos ang burol at libing na puno ng kalungkutan at pighati.
Para kay David, ang mga panahong ito ang pinakamasakit sa kanya. May mga oras na naiisip niyang sumunod na lang kaya siya sa kanyang ama. Hindi man ito gaanong naging mabuti sa kanya lalo na nu’ng nagdesisyon itong ipakasal siya pero hindi niya pa rin nakakalimutan na ama niya ito. Ang kaisa-isang pamilya niya na sana ay kakapitan sa oras na ito’y magising ngunit tuluyan na rin siyang iniwan nito.
Muling tumulo ang mga luha sa mata ni David. Tulala lamang siyang nakaupo sa sofa na nasa living room ng bahay. Hindi pa nakakapagbihis dahil suot pa rin nito ang black suit na ginamit niya sa paghatid sa ama sa huli nitong hantungan.
Mula naman sa kusina ay lumabas si Bertrant na katulad ni David ay hindi pa rin nakakapagbihis ng damit. Malayo pa siya sa living room pero nakikita na niya si David, puno ng lungkot ang mukha nito at walang tigil sa pagluha ang mga mata.
Malalim na napabuntong-hininga si Bertrant. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating sa living room.
Nanatiling nakatayo si Bertrant sa tabi ng sofa na inuupuan ni David. Nakatingin siya dito. Pamaya-maya ay dahan-dahang tinabihan na rin niya ito sa pag-upo.
Hindi naman natinag si David sa pagkakatulala kahit na ramdam niyang nasa paligid na niya si Bertrant.
Muling napabuntong-hininga si Bertrant. Kinuha niya ang kanang kamay ni David at hinawakan iyon na may kasamang pagpisil.
Napatingin si David kay Bertrant.
“Malalagpasan din natin ang lahat ng mga nangyari ngayon,” sambit ni Bertrant bilang pagpapagaan sa loob ni David.
Mabagal na umiling-iling si David.
“Ikaw lang ang makakalagpas pero ako, mananatiling naka-stuck lang dito habang kasal ako sayo,” walang gana na usal nito. Nawala ang ekspresyon sa mukha ni Bertrant. “Hangga’t hindi ako malaya mula sayo ay patong-patong na kalungkutan lang ang mararanasan ko sa piling mo,” madiin na dugtong pa niya saka dahan-dahang hinila niya ang kamay mula kay Bertrant at iniwas ang tingin dito.
Nagbuga nang hangin si Bertrant. Kumuyom pabilog ang mga kamao. Kailangan niyang pigilang magalit ngayon pero sa totoo lang, may parte sa kanyang gusto niyang saktan ito dahil sa masakit na sinabi nito sa kanya.
---
“Ikaw na munang bahala sa office. Kung sakaling magkaroon ng problema ay tawagan mo ako, maliwanag ba?” seryosong litanya ni Bertrant sa assistant niya na si Louie na kausap niya ngayon sa phone.
“Okay, President,” sagot sa kanya nito.
“Huwag na huwag mong papabayaan ang trabaho mo habang wala ako,” bilin pa ni Bertrant. “Sa oras na matapos ako ay babalik ako kaagad.”
“Yes, President,” sagot muli sa kanya. “Pero sigurado bang kaya niyo ng mag-isa?” tanong pa ni Louie.
“Kaya ko,” paniniguro ni Bertrant. Mahina itong nagbuga nang hangin.
“Okay, President. Mag-ingat kayo,” sabi na lamang ni Louie.
“Sige.”
Ibinaba na ni Bertrant ang tawag. Tinago niya sa bulsa ng suot niyang pants ang kanyang phone. Napatingin siya kay David na kasama niya rin dito sa loob ng kwarto nilang mag-asawa. Nakaupo ito sa gilid ng kama.
Lumayo si Bertrant sa tapat ng bintana at dahan-dahang nilapitan si David. Napatingin naman si David sa kanya.
“Isang araw akong mawawala dahil sa business trip ko sa Cebu. Alam mo na ang dapat mong gawin,” may diin na saad ni Bertrant saka ngumisi ito. Hinaplos niya ang ulo ni David na bahagya namang napapiksi sa ginawa niya. “Huwag na huwag kang gagawa ng bagay na maglalagay sayo sa alanganin, maliwanag?” pagbabantang bilin pa niya.
Mabagal na tumango-tango na lamang si David.
“Huwag kang magiging pasaway sa mga bodyguard mo dahil sa oras na may gawin ka sa kanila ay hindi rin sila magdadalawang-isip na saktan ka,” pagpapaalala pa ni Bertrant.
Napatango na lamang ulit si David.
“Good boy,” nangingiting sabi ni Bertrant saka hinalikan ang tuktok ng ulo ni David.
Lumayo si Bertrant kay David matapos niya itong halikan.
“Aalis na ako.”
Tipid na ngumiti si David.
“Mag-ingat ka,” ang sabi lamang ni David.
Nakaramdam naman ng tuwa si Bertrant sa narinig. Napangiti ito.
“Wala ba akong goodbye kiss?” nangingiting tanong niya sa asawa.
Napangiti na lamang ulit ng tipid si David. Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama saka nilapitan ang asawa. Hinalikan niya ito sa kanang pisngi.
Lalayo na sana si David pero kaagad siyang kinabig ni Bertrant sa batok at hinalikan ang labi niya. Sa simula ay magkadikit lamang pero gumalaw ang labi ni Bertrant kaya naman napagalaw na rin ang kay David.
Bago pa lumalim ang halik ay si Bertrant na ang tumigil.
“Gusto ko pa sanang ituloy sa mas mainit na tagpo ang kaso, baka ma-late naman ako sa flight ko,” ani ni Bertrant sa gitna nang paghabol sa hininga.
Napangiti na lamang muli ng tipid si David.
“Sige, mag-ingat ka dito.”
“Okay.”
Ngumiti pa si Bertrant bago tinalikuran si David at lumabas na ng kwarto.
Marahang nagbuga nang hininga si David habang nakatingin sa pintuang nilabasan ni Bertrant.
---
Pabalik-balik nang lakad si David sa loob ng kwarto. Nakalagay sa baba nito ang hintuturong daliri at halata sa mukha ang pag-iisip.
“Kailangan kong kunin ang pagkakataong ito na wala siya para makatakas, pero paano?” pagtatanong ni David sa sarili.
Maraming guard na nakapaligid sa bahay bukod pa sa dalawang bodyguard na meron siya at mga katulong na naglilibot din sa buong paligid.
Mas nag-isip pang mabuti ng plano si David. Kailangan this time ay hindi na siya pumalpak pa.
Lumipas ang halos trenta minuto. Kaagad na huminto si David sa paglalakad. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi niya.
“Alam ko na!”
---
“Sir, saan ho kayo pupunta?” magalang na tanong ni Ismael nang lumabas si David ng kwarto. Bihis na bihis.
Napatingin si David kay Ismael na nasa kaliwang bahagi ng pinto. Sa kanan naman si Ryan na kaagad ring lumapit sa kanya. Tipid siyang ngumiti.
“Gusto kong pumunta ng mall.”
“Pero Sir-”
“May sinabi ba si Bertrant na bawal akong pumunta ng mall?” mabilis na tanong ni David na pumutol sa sinasabi ni Ismael.
“Wala Sir,” sagot ni Ismael sabay kamot sa ulo.
Nag-smirk si David.
“‘Yun naman pala, e. Gusto ko kasing mamili at mamasyal na rin.”
Napabuga na lamang ng hininga si Ismael.
“Okay Sir, samahan na lang namin kayo ni Ryan,” wika niya.
Napatango-tango na lamang si David. Wala rin naman siyang magagawa. Sa lahat ng guard dito, si Ismael at Ryan ang masasabing may itsura at makisig ang mga pangangatawan. Mabuti nga at hindi pinagseselosan ni Bertrant ang mga ito. Ibig sabihin, malaki ang tiwala ng asawa niya sa mga taong binabayaran niya.
---
Namili sa department store si David. Iba’t-ibang klase at style ng damit na sa tingin niya ay bagay sa kanya. Si Ismael at Ryan naman na nakasunod sa kanya ang may dala ng mga basket kung saan doon niya nilalagay ang mga pinamimili niya. Hindi na niya kailangang sukatin pa ang mga ito dahil alam naman niya ang kanyang size. Tinitingnan lamang niya ay ang designs at kulay ng mga ito. Hindi na rin niya tinitingnan kung magkano ang price dahil sa dami ng pera ng asawa niya na si Bertrant, kayang-kaya niyang bilhin ang buong mall na ito.
Matapos makapamili ay saka na binayaran ni David ang mga iyon. Lumabas na ng department store ng makapagbayad na. Si David naman ngayon ang may hawak ng mga paper bags na naglalaman ng mga pinamili niya.
Hinarap ni David ang dalawa niyang bodyguard.
“Sabihin niyo lang kung nagugutom na kayo. Pwede ko naman kayong ilibre,” wika ni David saka ngumiti.
“Naku Sir huwag na ho. Saka busog pa po kami.” pagtanggi ni Ismael na may kasama pang pag-iling.
Napangiti lang si Ryan sa alok ni David.
Napangiti na lamang muli si David.
“Okay. Pupunta lang ako sa restroom,” pagpapaalam na lamang ni David.
Napatango naman ang dalawang body guard kay David. Pumunta sila sa pinakamalapit na restroom na panlalaki.
“Huwag na kayong sumunod sa akin sa loob,” saad ni David sa mga guard niya nang makarating sila sa tapat ng restroom.
“Sige, Sir. Akin na ho ang mga paper bags ng pinamili ninyo,” pagprisinta ni Ismael.
“No need. Kaya ko na.”
“Pero Sir-”
“Kailangan wala kayong dala kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan tama ba?” tanong kaagad ni David. “Paano niyo mahahawakan kaagad ang mga baril na dala ninyo kung sakali?” pagtatanong pa niya saka ngumiti nang maliit.
“Pero Sir-”
“Ako ng bahala,” mabilis na wika ni David na pumutol sa sinasabi ni Ismael.
“Okay, Sir.”
Ningitian na lamang ni David si Ismael at Ryan bago niya ito dahan-dahang talikuran at pumasok na sa restroom.
May mga ibang tao rin sa loob ng restroom pero hindi na iyon binigyang pansin pa ni David. Kaagad na siyang naghanap ng cubicle na pwedeng pasukan. Sa ikalimang pinto ay bakante kaya kaagad siyang pumasok doon at ini-lock iyon.
Mabilis na inilapag ni David ang mga paper bags sa tiled na sahig. Kaagad na siyang naghubad ng t-shirt at pantalon at ang tinira lamang niya ang mga undergarments niya.
Nagmamadaling naghalungkat siya ng masusuot sa paper bags. Hanggang sa makakita siya ng polo na kulay navy blue at itim na pantalong semi-fit.
“Siguro naman hindi nila nakabisado ang mga pinamili ko,” mahinang sambit ni David sa sarili. Sa totoo lang kinakabahan siya sa ginagawa niyang ito pero kailangan niyang daigin iyon kung gusto na niyang makatakas. Kung magkakamali pa siya sa pagkakataong ito, marahil ay ito na rin ang katapusan niya.
Nagmamadali nang nagbihis si David. Inayos ang pagkakasuot ng mga damit sa kanya. Muli pa siyang naghalungkat sa paper bags hanggang sa makuha niya ang kulay itim na cap at isang shade na kulay itim. Sinuot na rin niya ang mga iyon.
Niligpit niya isa-isa ang mga kalat niya at inilagay sa paper bags. Kinuha ang wallet, cellphone at card holder niya saka inilagay sa bulsa ng suot niyang pants ang mga iyon pagkatapos ay nilagay niya sa tabi ng basurahan ang tatlong paper bags.
Mahinang huminga nang malalim si David. Nag-sign of the cross pa siya.
“Kayo na pong bahala sa akin.” Nakatingalang panalangin ni David.
Paulit-ulit na huminga at nagbuga nang hangin si David. Kinalma niya ang sarili saka dahan-dahang lumabas ng cubicle. Dalawang lalaki ang nakita niyang nakaharap sa salamin. Pumagitna siya sa mga ito at sinipat ang sariling repleksyon. Muli siyang napabuntong-hininga. Inayos ang pagkakasuot ng shade saka ibinaba ng kaunti ang cap na suot.
Dahan-dahang umalis si David sa harapan ng salamin na hindi napapansin ang pagtatakang tingin ng dalawang lalaki sa kanya. Naglakad si David ng normal papunta sa pintuan at palabas ng restroom.
Nasa magkabilang gilid ng daanan sa restroom ang dalawa niyang bodyguard. Slow-motion na nilagpasan niya ang mga iyon. Hindi siya namukhaan dahil na rin sa nagbago ang mga suot niya at medyo nakatago pa ang mukha niya.
Napangiti si David nang malagpasan na niya ang tila isang malaking pader na nakaharang sa kanya. Nagtagumpay siya at nang masigurado na niyang nakalayo na siya ay kaagad na siyang tumakbo palabas ng mall.
Nang makalabas ng mall ay kaagad siyang pumunta sa terminal ng jeep at sumakay ng papuntang terminal naman ng bus.
“Salamat Lord,” pabulong na wika ni David. Naiiyak siya sa tuwa at mabuti na lang ay nakasuot siya ng shades kaya hindi mahahalata ng mga pasaherong kasama niya dito sa loob na nangingilid sa luha ang mga mata niya.
Samantala...
Napatingin sa suot na wrist watch niya si Ismael.
“Ang tagal naman ni Sir sa loob,” naiinip na sambit ni Ryan.
Tiningnan ni Ismael si Ryan.
“Oo nga,” naiinip din na wika nito. “Teka lang at pasukin ko na kaya.”
“Sige Pre,” pagsang-ayon ni Ryan na may kasama pang pag-tango-tango ng ulo.
Mabilis na pumasok si Ismael sa loob ng restroom. Naabutan niya ang dalawang lalaking nasa harapan ng salamin na tumingin sa kanya pero hindi niya pinansin.
Nilibot ni Ismael ang tingin sa loob ng restroom pero wala si David kaya tsinek niya isa-isa ang mga cubicle.
Unang pinto – walang tao
Pangalawang pinto – wala ring tao
Pangatlong pinto – wala na ring tao
Pang-apat – wala rin.
Ang panglima na lamang ang hindi na-tse-tsek ni Ismael. Nakasarado ang pintuan nito kaya dahan-dahan niyang itinulak at nalaman niyang bukas. Binuksan niya iyon at nanlaki ang kanyang mga mata. Nakita niya sa tabi ng basurahan ang mga paper bags na dala ni David.
Mabilis na lumabas si Ismael ng restroom. Namumutla ang mukha niya at napansin iyon ni Ryan.
“O, Pare-”
“Patay tayo! Nakatakasan tayo ni Sir David!” mabilis na wika ni Ismael na ikinalaki na rin ng mga mata ni Ryan sa gulat.
“Tara at hanapin natin!” natatarantang singhal ni Ryan na sinang-ayunan naman ni Ismael.
“Siguradong hindi pa nakakalayo ‘yun,” saad ni Ismael. Nagkamali sila na nakampante at hindi na inisip na pwedeng takasan nga sila ng amo. Nadala sila sa kabaitan nito.
Nagsimulang hanapin ng dalawa si David sa loob at labas ng mall.