Madapa-dapa at halos makaladkad na sa lupa si David dahil sa mariing paghila sa kanya ni Bertrant nang makalabas sila ng law firm. Mahigpit ang hawak ni Bertrant sa kanang braso ni David at mabilis na naglalakad papunta sa nakaparadang kotse nito sa hindi kalayuan.
“Bertrant! Nasasaktan ako!” mariing daing na reklamo ni David at pilit na pumipigilas sa hawak ni Bertrant.
Kaagad na tiningnan ni Bertrant si David. Nanlilisik sa galit ang mga mata nito.
“Mas lalo kang masasaktan sa akin!” galit na galit na usal nito saka mas lalo pang dumiin ang hawak niya kay David at buong pwersang hininga pa ito.
Walang pakiealam si Bertrant sa mga taong nakakakita. Kailangan niyang maparusahan si David dahil sa kapangahasang ginawa nito. Nang makarating sa kotse ay marahas niya itong binitawan.
“Sakay!” malakas at puno ng otoridad na utos ni Bertrant.
Napatingin si David kay Bertrant. Nagmamakaawa ang tingin niya habang hawak ang nasaktang brasong ngayon ay namumula.
“Sakay!!!” malakas na sigaw ni Bertrant saka marahas na binuksan ng todo ang pintuan ng passenger seat.
Dala ng matinding takot na nararamdaman ay wala ng nagawa si David kundi ang mabilis na sumakay. Malakas na isinarado ni Bertrant ang pintuan na ikinatalon ni David habang nakaupo. Mabilis na pumunta si Bertrant sa driver’s seat at sumakay na rin doon. Malakas din ang pagsarado niya ng pinto sa parteng iyon.
“Ang lakas ng loob mo para pumunta ulit sa abogado!” hinihingal na singhal ni Bertrant. Tiningnan ng mga nanlilisik niyang mata si David. “Hindi ka pa ba nadala sa nangyari sayo noon? Annulment? Nagpapatawa ka talaga! Akala mo ba dahil doon ay tuluyan ka ng mawawalay sa akin? Nagkakamali ka!” madiin na sambit pa nito.
Tuluyang tumulo ang kanina pa pinipigilang luha ni David. Madiin niyang kinagat ang ibabang labi niya.
“Please Bertrant, pakawalan mo na ako,” pagmamakaawa ni David sa gitna ng pagluha. “Ayoko na-”
Napapikit ng mga mata si David dahil sa nakita niya ang biglang pagtaas ng kanang kamay ni Bertrant na ihahampas nito sa kanya.
Ilang segundo ang lumipas at dahan-dahang idinilat ni David ang kanan niyang mata. Nakita niyang nanatili lamang sa ere ang nanginginig na kamay nitong sasampal sana sa kanya. Kitang-kita niya ang matinding galit na nararamdaman ni Bertrant.
Dahan-dahang ibinaba ni Bertrant ang kamay. Hinawakan nang mahigpit ang magkabilang kamay sa manibela saka hinampas din iyon.
Nagpatuloy naman sa pagluha si David. Hindi niya maikakaila na sobra ang kaba at takot niya sa muling pagsubok na humingi ng tulong sa iba para maisalba siya sa kanyang sitwasyon ngunit nahuli siya sa akto ng asawa at alam na niya kung bakit... dahil ang bawat kilos niya ay bantay-sarado.
“Mapapagod ka lang sa ginagawa mo, David. Hangga’t nabubuhay ka sa mundong ito, nakatali ka sa akin at kailanman ay hindi ka na makakawala pa,” madiin na usal ni Bertrant. “Makapal na kadena ang nakatali sa leeg mo kaya hinding-hindi ka makakawala sa mga kamay ko.”
Mas lalo lamang napaluha si David. Bakit ba kalalaki niyang tao pero pagdating kay Bertrant ay nawawalan siya ng lakas para lumaban? Sobra na ba ang kaduwagan niya sa katawan kaya ganito na siya ngayon?
Marahas na napabuntong-hininga si Bertrant saka ini-start ang makina ng kotse. Matapos iyon ay mabilis niyang pinaharurot ito pauwi ng bahay.
---
Muntikan nang sumubsob ang mukha ni David sa sahig nang marahas siyang bitawan ni Bertrant. Nakarating na sila sa kwarto nilang mag-asawa dito sa bahay.
“Sa oras na umulit ka pa ay titiyakin ko sayo na wala ka ng mukhang maihaharap pa sa iba!” mariing pagbabanta ni Bertrant habang matalim ang titig kay David.
“Ahhhh!!!” mariing napadaing sa sakit si David nang malakas na sipain ni Bertrant ang tagiliran niya bago ito lumabas ng kwarto nila. Halos matanggal na ang pintuan dahil sa malakas na pagsara nito.
Wala na namang nagawa si David kundi ang humagulgol sa pag-iyak. Hawak ang tagiliran ay dahan-dahan siyang umayos sa pag-upo sa sahig. Awang-awa na siya sa kanyang sarili at hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya.
Napatingala si David, tumingin sa itaas ang mga luhaang mata niya.
“Tulungan niyo naman ho ako,” garalgal ang boses na pagmamakaawa ni David. “Kailangan na kailangan ko kayo,” nagmamakaawang sabi pa nito. “Kahit ngayon lang... kahit ngayon lang... maramdaman kong anak niyo ako,” madamdaming dugtong pa niya.
Madiin na napapikit ng mata si David. Hinayaang tumulo pa ang mas masaganang luha.
---
Maingat at dahan-dahan ang bawat kilos ni David habang isa-isa niyang inilalagay sa kanyang bagpack ang mga gamit niya. Ang pinakamahahalaga ang inuuna niya gaya ng mga dokumento at passport niya.
Patingin-tingin siya sa mahimbing na natutulog sa kama ngayon na si Bertrant. Sobra ang kaba niya sa ginagawang ito pero hindi dapat siya magpadaig sa nararamdaman niya. Kailangan niyang makatakas at makalabas ng bansa ng wala itong alam.
Walang ingay na isinarado ni David ang zipper ng kanyang bagpack nang masiguro niyang nailagay na niya ang mga kailangan niyang gamit. Tumayo siya ng dahan-dahan mula sa pagkakaupo sa sahig. Dahan-dahang naglakad papunta sa harapan ng salamin. Sinipat ang sarili. Suot niya ang itim na cap, puting plain t-shirt na pinatungan niya ng itim na jacket at itim rin na pants na hapit sa may kahabaan niyang legs. Tiningnan niya ang kulay puti na slip on na sapatos. Kailangan walang tali ang suot niya sa paa para kung kailangang tumakbo, walang sagabal.
Umalis sa harapan ng salamin si David. Muling tinapunan nang tingin ang asawa na si Bertrant.
“Kung kailangan kong paulit-ulit na tumakas gagawin ko hanggang sa magtagumpay ako,” bulong nito sa sarili. “Ayoko na... ayoko na sa impyernong buhay na ito,” dugtong pa niya. Maluha-luha ang mga mata niya.
Nakapagdesisyon na si David. Tatakas na siya at kung mahuli ulit siya, gagawin niya muli kaysa sa manatili pa siya ng matagal dito sa impyerno. Bahala na kung masaktan siya basta ang nasa isip niya ngayon, makatakas.
Dahan-dahang kinuha ni David ang bagpack at isinukbit sa mga balikat niya. Bahagyang binaba ang cap na suot. Walang ingay na naglakad papunta sa pintuan ng kwarto. Dahan-dahan na binuksan iyon.
Kadiliman ang sumalubong sa paglabas ni David ng kwarto. Napangiti siya dahil mas magiging madali lamang sa kanya ang pagtakas kung ganito dahil hindi kaagad siya makikita ng mga guard na nagbabantay.
Nakikita pa rin naman ni David ang paligid dahil na rin sa liwanag na galing sa sinag ng buwan sa labas. Walang ingay ang bawat hakbang niya.
‘Hindi dapat ako mahuli. Hindi dapat,’ paulit-ulit na wika ni David. Kabang-kaba pa rin siya.
Sa kusina siya pumunta kung saan may pinto doon papunta sa likod ng bahay. Sa totoo lang, matagal na niya itong plano ngunit ngayon lamang niya maisasakatuparan. Hindi kasi madalas pumunta sa parteng ito ang mga guard dahil ang alam nila ay madalas na sa main door sila lumalabas.
Napatingin-tingin nang mabilis si David sa paligid. Walang tao. Dahan-dahan pa siyang naglakad hanggang sa mapangiti siya dahil nakita na niya ang bakod.
Kaagad siyang pumunta doon. Patingin-tingin pa rin sa paligid at sinisigurong walang makakakita sa kanya. Hanggang sa sumandal siya sa isang malaking puno dahil parang may nakita siyang naglalakad na tao. Tiningnan niya iyon pero guni-guni lang pala niya.
Umalis sa pagkakasandal sa puno si David. Tiningnan niya ito. Napangiti siya dahil malapit na pala sa bakod ang puno.
Sanay umakyat ng puno si David dahil ginagawa niya rin itong exercise bukod sa pananatili sa gym ng bahay nila noon. Huminga nang malalim si David, tiningnan ulit ang paligid. Kailangan na maging mapagmatyag siya.
Hanggang sa simulan na ni David akyatin ang puno. Medyo nahihirapan pa siya dahil sa may dala siyang bagpack pero kailangan niyang kayanin dahil buhay na niya ang nakasalalay.
Nakarating sa bandang gitna ng katawan ng puno si David. Napangiti siya dahil nakikita na rin niya ang paligid sa labas dahil sa halos nakatapat na rin siya sa tuktok ng bakod.
Pilit na inaabot ng kaliwang kamay ni David ang tuktok ng bakod, next naman ang kanan hanggang sa kumapit na siya rito at maalis sa puno.
Buong lakas niyang binuhat ang sarili saka umangat hanggang sa makatuntong na siya sa tuktok ng bakod na gawa sa stainless steel. Mabuti na lang at hindi tusok-tusok ang dulo nito dahil tiyak na mas lalo siyang mahihirapan.
Napatingin siya sa ibaba. Nakaramdam siya nang pag-aalangan kung tatalon ba siya.
“Ang taas pala nito,” bulong ni David. Hindi niya alam kung kakayanin niyang talunin.
Napatingin si David sa paligid. Wala pa ring katao-tao at mukhang hindi pa rin nahahalata ang pagtakas niya.
Mahinnag nagbuga nang hininga si David. Muling tiningnan ang ibaba ng bakod na sementado. Nag-sign of the cross siya.
“Kayo na ho ang bahala sa akin.”
Muling napabuntong-hininga si David saka lakas-loob na siyang tumalon mula sa itaas.
“Ouch!” Napahawak si David sa kanyang sakong dahil sa sakit na naramdaman dahil sa impact nang pagtalon niya. Hinilot-hilot niya iyon. Napapangiwi siya sa sakit.
Napatingin si David sa itaas ng bakod. Nakagat din niya ang kanyang ibabang labi dahil sa masakit ang tinamo ng sakong niya.
Sinipat ni David nang tingin ang paa niya. Masakit pero hindi naman namamaga. Kaya niya pang maglakad.
Dahan-dahang tumayo si David, pinagpag ang sarili. Tiningnan ang bahay nila ni Bertrant.
“Paalam.”
Ibinaba ni David ang cap na suot saka dahan-dahang naglakad. Medyo umiika pa siya at iniinda ang sakit ng kanyang sakong.
---
Nakarating nang matiwasay si David sa airport. Kaagad siyang pumunta sa ticketing booth para mag-book ng flight. Ipinakita ang mga dokumento niya at nagbayad ng kaukulang halaga. Kahit saan na lang basta ba iyong makakaalis siya kaagad.
Sa Singapore papunta ang nakuha niyang ticket at sa economy class siya sasakay dahil sa iyon na lang ang available. May isang dalawang oras pa bago umalis ang eroplano kaya hindi pa nagpapapasok.
Malalim na huminga si David. Tinungo muna niya ang upuan na malapit at naupo doon. Tiningnan niya ang paligid. Kahit pala madaling araw na ay marami pa ring tao na umaalis at bumabalik sa bansa.
Sa bawat paglipas ng oras, may kabang nararamdaman si David. Sana makaalis na siya ng hindi nalalaman ni Bertrant. Iyon lang ang mariing hiling niya.
Dumaloy sa alaala ni David ang mga mabubuting ginawa sa kanya ni Bertrant, ewan ba niya kung bakit pa niya naaalala ang mga iyon.
Sa first month nila, maayos ang kanilang pagsasama. Si Bertrant ang masasabi niyang pinaka-sweet na tao sa lahat. Ibinibigay nito ang kung anong gusto niya at kahit na ang hindi. Mahilig rin ito sa mga surpresa na kanyang rin namang ikinatutuwa. Hindi man sila nagpakasal dahil sa pagmamahal pero ipinaramdam ni Bertrant sa kanya na sa kanya umiikot ang mundo nito at kaya siya nito pinakasalan ay dahil sa mahal siya nito. Kung nagpatuloy iyon, tiyak na maibabalik niya ang pagmamahal na nararamdaman nito para sa kanya.
Ngunit nagbago ang lahat dahil sa mga natuklasan ni David tungkol sa pagkatao nito lalo na sa totoong ugali nito. Wala naman siyang ginawang masama ngunit simula nang makita nito ang mga kaibigan niyang lalaki na kasama niya, matinding selos na ang laging nararamdaman nito. Mas naging mahigpit to the point na nasasakal na siya. Matindi rin kung maghinala kahit wala naman siyang ginagawang masama at higit sa lahat, naging mapanakit ito.
Natuklasan niya rin na sinadya nitong pabagsakin ang kumpanya ng daddy niya. Binili ang stocks saka hinayaang bumagsak ng hindi man lang iniisip na masasaktan siya at ang daddy niya. Doon nagsimulang maging masama lalo ang tingin niya kay Bertrant.
Pakiramdam ni David, nakakulong siya sa impyerno sa nakalipas na mga buwan. Walang takas, walang mahingan ng tulong, hawak siya ng mahigpit sa leeg.
Marahas na pinunasan ni David ang tumulong luha mula sa kanyang mga mata. Ngayon, masasabi niyang magiging malaya na siya. Sa pag-alis niya sa Pilipinas ay magbabago na ang buhay niya. Malalayo na siya kay Bertrant.
Naisip ni David ang kanyang daddy.
“Sorry Dad pero aalis na muna ako at magpapalakas. Babalik din ako at kukunin ka. Pangako ko, babalikan kita.”
Matuling lumipas ang dalawang oras at tinatawag na ang flight ni David. Tumayo na ito ng dahan-dahan mula sa pagkakaupo saka naglakad na papunta sa arrival area. May ngiting nakasilay sa labi niya dahil sa matinding pagkasabik na makalaya.
Malapit na sa arrival area si David ngunit nanlaki na lamang ang mga mata niya sa gulat dahil may biglang humawak sa braso niya at mabilis na hinarap siya saka niyakap siya ng mahigpit. Tumodo ang kabang nararamdaman niya.
“Aalis ka nang hindi nagsasabi sa akin.”
Nanlaki lalo ang mga mata ni David na tiningnan si Bertrant nang humiwalay siya sa yakap nito. Hindi siya makapaniwala na nasundan na siya nito kaagad.
“B-Bertrant,” hindi makapaniwalang sambit ni David sa pangalan ng asawa.
Hinawakan ni Bertrant ang kanang pisngi ni David. Marahang hinaplos iyon ng paulit-ulit. May mga nakakakita sa kanila pero baliwala ang mga iyon dahil sa mas nangingibabaw kay David ang kaba at takot at kay Bertrant naman ay nasa asawa lamang ang atensyon.
“Iiwan mo na ba ako?” mahinahong tanong ni Bertrant.
Nakatingin lamang si David kay Bertrant. Parang maamong tupa ang tingin niya rito ngayon.
“Mahal na mahal kita David,” malambing na sambit ni Bertrant. Nangingilid sa luha ang mga mata nito. “Ngunit hindi ka ganun sa akin dahil napakadali sayo na iwanan ako,” madamdaming litanya pa niya.
Nagdadrama ba si Bertrant?
“Please Bertrant! Palayain mo na ako, hayaan mo na ako-”
“Masama bang maging selfish ang pagmamahal at pagpapahalaga ko para sayo?” tanong ni Bertrant. Titig na titig ang mga mata nito sa mga mata ni David. “Masama bang mahalin ka ng sobra at iparamdam na sayo lang umiikot ang aking mundo?” pagtatanong pa niya.
Tumulo ang luha ni David mula sa mga mata niya.
“Please Bertrant, ayoko na,” nagmamakaawang wika niya na may kasama pang pag-iling.
Mariing napailing-iling si Bertrant.
“Ismael, Ryan,” pagtawag ni Bertrant sa mga body guard ni David na nasa likod lamang nila. “Iuwi niyo na ang Sir ninyo,” ma-otoridad na utos nito.
“Yes Sir,” magalang na sagot ng mga ito at lumapit na sa dalawa.
“Tara na Sir,” sabi ni Ismael kay David.
Napailing-iling nang mariin si David na patuloy sa pagluha.
“Sasama ka ba o kakaladkarin ka nila palabas ng paliparang ito?” bulong na tanong ni Bertrant. “O baka gusto mo magkasama tayong lumipad. Saan mo ba gusto?” nangingiting tanong pa niya.
Mas lalo na lamang napaluha si David. Pakiramdam niya, naubos ang pag-asang nararamdaman niya.
Napangisi si Bertrant.
“Akala mo tuluyan mo na akong matatakasan? Tsk!” wika nito sa sarili.
Hindi siya tulog kanina, pinapakiramdaman niya lang si David at tama nga siya ng hinala na gagawin nito ang binabalak.
---
Marahas na binitawan ni Bertrant si David sa kama. Nasubsob naman doon si David. Nasa loob ng guest room ang dalawa.
“Makukulong ka dito para magtanda ka.”
Kaagad namang umalis sa kama si David saka lumuhod sa harapan ni Bertrant.
“Please Bertrant! Huwag mong gawin sa akin ito!” puno nang pagmamakaawang wika ni David. Pinagpatong pa niya ang dalawang kamay niya na parang nagdarasal.
Napangisi ang labi ni Bertrant. Hinawakan niya nang mahigpit ang baba ni David at inangat para magtapat ang mukha nila.
“‘Yan ang napapala ng mga tarantadong katulad mo,” nakangising sambit ni Bertrant habang matalim ang tingin niya saka marahas niyang binitawan ang baba ni David.
Mas lalong naluha si David. Puno nang pagmamakaawa ang mukha niya.
“Sana magtanda ka na,” madiin na asik ni Bertrant saka naglakad na ito palabas ng kwarto.
Wala nang tigil ang pagluha ni David. Napaupo na lamang siya sa sahig at niyakap ang tuhod. Mas lalo siyang nawalan ng pag-asa nang marinig niya ang pag-lock ng pintuan.
Sa labas naman ng pintuan, hindi nawawala ang ngisi sa labi ni Bertrant.
“Gustong-gusto mo talaga na nasasaktan David,” madiin na saad niya. Marahas siyang nagbuga nang hininga. Pinunasan ang nakawalang luha mula sa kanyang mga mata.
“Hahayaan na lang ba natin na makaalis si Sir David?” tanong ni Ismael kay Bertrant. Nasa hindi lamang sila kalayuan at nagkukubli. Sinusundan nila nang tingin ang bawat kilos at galaw ni David.
“Oo,” malamig na wika ni Bertrant. Nakasilay ang ngisi sa labi niya.
“Pero Sir-”
“Sundan niyo siya. Itawag niyo sa akin kung saan siya pupunta,” mabilis na sambit ni Bertrant.
Tumango-tango na lamang si Ryan at Ismael.
“Masusunod, Sir. Ipapahanda ko na rin ho ang kotse na sasakyan ninyo,” saad naman ni Ryan.
Tumango-tango ang ulo ni Bertrant.
---
Nakatayo sa tapat ng bintana si David. Nakatingin ang mga malulungkot nitong mata sa labas. Nakakaramdam ng inggit sa mga ibong malayang lumilipad sa himpapawid.
Narinig ni David ang pagbukas ng pintuan ng guest room kung nasaan siya ngayon pero hindi niya iyon binigyang pansin at tinapunan nang tingin.
Dahan-dahang pumasok si Bertrant. Napatingin siya kay David na nasa tapat ng bintana at tuwid na nakatayo roon. Sinara niya ng walang ingay ang pintuan at tuluyang naglakad papasok.
“David,” pagtawag ni Bertrant sa asawa.
“Ayokong kumain,” walang emosyong saad ni David.
Malalim na bumuntong-hininga si Bertrant. Hinagis sa ibabaw ng kama ang dala niyang twalya at damit ni David. Matapos iyon ay dahan-dahan siyang naglakad palapit sa asawa.
Naramdaman na lamang ni David na nasa likod na niya si Bertrant. Hinaplos pa nito ang kanyang magkabilang braso hanggang sa mapakagat-labi na lamang siya nang humigpit ang paghawak nito sa bandang gitna.
“Maligo ka at magbihis at may pupuntahan tayo,” bulong ni Bertrant sa tenga ni David. Kinagat pa niya iyon na nagpapiksi kay David.
“S-Saan tayo pupunta?” kinakabahang tanong ni David. Nararamdaman niya ang paghalik ni Betrant sa gilid ng leeg niya.
“Basta.”
Tumigil rin si Bertrant sa ginagawa kay David at lumayo na rito. Napangisi ito.
“Bilisan mo at hihintayin kita sa baba.”
Walang nakuhang sagot si Bertrant mula kay David. Nag-smirk na lamang muli ito saka naglakad palabas ng kwarto.
Nang marinig ni David ang pagsarado ng pinto ay napalingon siya rito. Napabuntong-hininga. Tiningnan ang ibabaw ng kama, nakita niyang may twalya at mga damit niya na nakatiklop doon.
Muling napabuntong-hininga nang malalim si David habang nakatitig sa kama.
---
Nanlalaki ang mga mata ni David sa gulat sa pinagdalhan sa kanya ni Bertrant. Kaagad siyang napatingin rito pagkatapos niyang tingnan ang nakaratay na ama sa kama.
“A-Anong ibig sabihin nito? Bakit nasa ibang ospital na ang daddy ko?” gulat na gulat at hindi makapaniwalang tanong ni David.
Nakakalokong tumawa si Bertrant. Pinamulsa niya ang mga kamay.
“Mas maganda sa ospital na ito dahil bukod sa maganda ang ambiance, kumpleto pa sa kagamitan at magagaling ang mga doktor. Kaagad siyang gagaling kung dito siya ia-admit pero madali rin siyang magiging bangkay kung gagawa ka pa ng katarantaduhan habang nakatalikod ako,” nangingiting wika ni Bertrant. “Nasa kamay mo ang magiging kapalaran sa buhay ng daddy mo kaya umayos ka,” dagdag pa niya na may halong pagbabanta.
Hindi makapaniwala si David sa narinig. Nangilid sa luha ang mga mata niya.
“A-Anong sinabi mo?” garalgal na tanong niya.
Dahan-dahang nilapitan ni Bertrant si David. Napa-atras naman si David na kinakabahan.
Lapit
Atras
Lapit
Atras
Lapit
Atras...
Malamig na pader na ang pumigil kay David sa pag-atras. Nanlalaki ang mga mata niya na nakatingin kay Bertrant na mas lalo lamang napangisi. Tuluyan itong lumapit sa harapan niya, pinatong sa magkabilang gilid ng pader ang dalawang palad nito kaya naharangan ng mga braso nito ang magkabilang gilid niya.
Nagkatitigan ang dalawa, ang mga mata ni David ay puno ng takot habang matalim naman ang ipinupukol ng kay Bertrant.
“Sa muli mong pagsuway sa akin ay buhay ng ama mo ang magiging kabayaran,” mariing pagbabanta ni Bertrant.
Bigla na lamang tumulo ang luha ni David. Ang kaba niya ay nahaluan na ng takot.
“Akala mo ba hindi ko kaya iyon? Ang ayoko sa lahat ay iyong traydor at iyong ayaw sa akin,” madiin na usal ni Bertrant habang nakatitig sa mga mata ni David.
Nakaramdam nang pagkasuklam si David kay Bertrant.
“Napakasama mo.”
“Dahil sayo.”
Napailing-iling nang mariin si David.
“Ang gusto ko lang naman ay pakawalan mo na ako. Gusto kong maging malaya. Gusto kong makahinga,” umiiyak na sabi niya. “Mahirap bang ibigay iyon sa akin? Pagod na pagod na ako... ayoko na-”
“Pero gusto kita. Mahal na mahal kita kaya ang pakawalan ka ay ang pinakamahirap para sa akin dahil ikaw ang buhay ko at ikaw ang mundo ko.” Nanggigigil na sabi kaagad ni Bertrant.
Mariing napailing-iling ulit si David.
“Hindi na pagmamahal ang ginagawa mong ‘yan Bertrant... Hindi-”
Napatigil sa pagsasalita si David nang pwersahan siyang hinalikan ni Bertrant sa labi. Madiin, masakit.
Pumipiglas si David ngunit napatigil siya dahil bigla siyang hinawakan ni Bertrant sa magkabilang braso ng sobrang diin.
Todo pa rin ang pagpiglas ni David. Iniiwas niyang pilit ang kanyang labing nagdurugo kagaya ng kanyang puso. Nakakagat na kasi ni Bertrant ng madiin ang labi niya.
Hanggang sa tumigil rin si Bertrant. Namumula rin ang labi nito dahil sa magkahalong dugo ni David mula sa labi nito at sa dugo na lumalabas sa sugat na meron din sa labi niya dahil nakagat din ni David ang kanya.
“Habang buhay kang akin at kung ipagpipilitan mo pang kumawala sa akin, titiyakin ko sayong hindi mo na mapapakinabangan ang buhay mo at wala ng makikinabang pa sayo.”
Naramdaman ni David na binitawan ni Bertrant ang kanan niyang braso. Doon niya naramdaman ang sakit. Sinundan niya nang tingin ang kamay nito, nakita niyang may tila hinugot ito mula sa likod.
Hanggang sa manlaki lalo ang mga mata ni David sa gulat at mas napaluha sa nakitang inilabas ni Bertrant at ipinakita sa kanya. Isang kalibre kwarenta’y-singkong baril.
“Alam mo bang may limang bala ito at lahat ito alay sayo,” nakakalokong saad ni Bertrant. Napangisi ito habang nakatingin kay David na patuloy lamang sa pagluha. “Hindi lang tatay mo ang mamamatay sa oras na ipagpilitan mo pa ang gusto mo kundi pati na rin ikaw o baka mas gusto mo na nga talagang magkasama-sama na kayo ng mga magulang mo sa hukay kaya ka nagkakaganyan.”
Hindi na nakapagsalita pa si David. Sa loob ng hospital room na iyon, doon niya naranasan ang sobrang kaba at takot. Pakiramdam niya may time bomb ang buhay niya ngayon dahil kay Bertrant na kapag ginusto nitong pasabugin, tiyak na mamatay siya.
Mas lalo pang nanginig sa takot si David nang ihaplos ni Bertrant ang dulo ng baril na hawak nito sa kanyang mukha.
“Kaya ikaw matuto kang sumunod at maging mabait sa akin. Titiyakin ko sayong walang magiging problema sa pagitan nating dalawa at walang buhay na mawawala,” nangingiting wika ni Bertrant.
‘Baliw na siya.’ Nasabi na lamang ni David sa isipan habang patuloy na lumuluha at nanginginig sa takot.
Ngumiti nang nakakaloko si Bertrant. Dahan-dahan niyang inilayo ang baril sa kanang pisngi ni David at lumayo na rin siya dito. Tinago ang baril sa likod niya.
“Huwag kang mag-alala at akong bahala sa gastusin ng daddy mo dito sa ospital. Kahit magkano pa ‘yan, kaya kong bayaran,” ani ni Bertrant. “Kausapin mo na siya pagkatapos uuwi na tayo. Hintayin kita sa labas,” dugtong pa nito saka naglakad palabas ng hospital room.
Nanghina ang tuhod ni David kaya napaupo siya sa sahig. Humagulgol siya sa pag-iyak. Hindi na niya naisip na nasa kwarto lang ding iyon ang ama na sa mga oras na iyon, wala mang malay ang katawan pero ang mga mata ay naglalabas ng luha.
“A-Anong gagawin ko? Anong gagawin ko?” paulit-ulit na sambit ni David sa gitna nang paghagulgol niya. Pakiramdam ni David, mababaliw na siya dahil sa mga hindi magandang nangyayari sa buhay niya na hindi niya mabigyan ng solusyon kung paano niya tatakasan.